Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Kevin Cedrick R.

Castro Propesor Ferdinand Llanes Kasaysayan 1 9 Marso 2011

Sa Pagbagtas sa mga Ilog ng Lalawigan ng Cavite Pag-aaral ng kultural, heopisikal, at makasaysayang pangyayari sa mga ilog ng Naic at Maragondon

Malaki ang naging ambag ng mga ilog sa pag-unlad ng isang bayan o pueblo. Isa ang Ilog Pasig sa nagdulot ng malaking pagbabago sa kulturang Pilipino.

Labis-labis ang aking pagkamangha nang aking masilayan, sa unang pagkakataon, ang kilalangkilalang Ilog Pasig. Alam kong hindi ito ang tunay na dahilan kung bakit kami pumunta sa makasaysayang Fort Santiago, subalit hindi ko mapigilan ang aking sariling mapukaw ng isa sa mga pinakatanyag na ilog sa Pilipinas. Hindi maipinta ang kagalakang nananalaytay sa akin habang aking pinagmamasdan ang bantog na ilog. Habang aking sinasalubong ang sariwat preskong hanging kipkip ng nasabing ilog, napaisip ako: ang akin bang nakikita ngayon ang siya ring napagmasdan ng mga sinaunang Pilipinong minsay nanirahan sa tabi nito?

Sa pagpapatuloy ng aming lakbay, napuntahan namin ang Parokya ng Immaculate Conception sa Naic. Bukod sa makasaysayang simbahang nakatirik sa nasabing bayan, nakita rin namin ang kabuuan ng Naic, ang Manila Bay, at ang isla ng Corregidor nang aming matunton ang kampanaryo nito. Sa ikalawang pagkakataon, muling nakuha ng isang ilog ang aking atensyon. Mula sa kampanaryo, isang ilog (na sa aking palagay ay ang Ilog ng Naic), ang aking nasulyapan. Tumatakbo sa aking isipan ang mga tila lumang larawan ng mga taong naninirahan sa tabi ng ilog na iyon, ang bahay-pawid na kanilang itinayo sa bahaging iyon ng ilog, at ang mga kalalakihang nangingisda habang nakasakay sa bangka. Aking nawari ang pisikal na katangian ng pamayanang itinatag sa tabi ng ilog na ito. Noong kami naman ay napunta sa bayan ng Maragondon, nabanggit ng aming propesor sa Kasaysayan na mayroong ilog na bumabagtas sa nasabing bayan. Sa pagkakataong ito, aking napagtanto ang kahalagahan ng mga ilog sa buhay ng mga sinaunang Pilipino, lalo na sa mga Caviteo. Karugtong na ng buhay ng mga sinaunang Caviteo ang mga ilog na bumabaybay sa buong lalawigan ng Cavite. Malaki ang naging gampanin ng mga ilog na ito sa kabuhayan, paniniwala at kultura ng mga taong nanirahan sa lalawigang ito bago pa man dumating ang mga banyaga. Kadikit ng pag-agos ng tubig sa bawat ilog, unti-unti namang umunlad ang mga nayong kalapit nito. Subalit sa ilang pagkakataon, ito rin ang nagdulot ng peligro sa buhay ng mga taong umaasa sa biyayang kipkip ng nasabing anyong-tubig. Hindi maitatangging karamihan sa mga nayon, sitio at barangay sa Pilipinas ay naitatag malapit sa o hindi kayay katabi ng isang ilog. Isa sa mga patunay nito ang lalawigan ng Cavite. Pinaniniwalaang ang mga pamayanang ito ay sumibol sa pampang ng mga ilog bago pa man masakop ng Espanya ang lalawigan ng Cavite at mapasailalim ang arkipelago ng Pilipinas. Noong taong 1565, kung kailan tuluyan nang nanatili ang mga Espanyol sa Pilipinas, kanilang napag-alamang kalat-kalat ang mga naninirahan sa Cavite. Kadalasang pinipili ng mga sinaunang Caviteo ang manahan sa mga pampang o tabi ng ilog sa padrong ilaya (pasalungat sa agos) o ibaba (paayon sa agos). Nang nasaksihan ng mga Espanyol ang kaayusang ito, ginawa nila ang lahat upang matipon ang mga Caviteo sa isang reduccion bajo el son de la campana (sa ilalim ng tunog ng

kampana). Sa pamumuno ni Padre Juan de Plasencia, naisakatuparan ang isang planong reduccion sa isang pueblo ng Cavite. (Medina 28-9) Taong 1627 ng matuklasan ng mga prayleng Heswita ang Maragondon. Noong mga panahong iyon, kabilang pa sa nasabing bayan ang kabuuan ng mga pook ng Naic, Ternate, at Magallanes. Taong 1758, itinatag ng mga Heswita ang isang pamayanan sa kanlurang bahagi ng isang ilog, ginawang sitio at nagtayo ng visita na sakop pa rin ng Maragondon. Sa ngayon, ang pamayanang ito ay ang Barangay Muzon sa munisipalidad ng Naic. Ang pagkakahiwalay ng sitio na ito at ang pagiging isang bayan nito ay naganap noong taong 1791. Nanatili sa bayang nabanggit ang poblacion na itinatag ng mga Heswitang prayle. Itoy pinangalanang Naic. (Munisipalidad ng Naic) Isa pang patunay nito ang kolonya ng Espanya na kung tawagin ay Mardicas, isang tribong Malayo sa arkipelago ng Moluccas. Pitong pamilya ng Mardicas, ang Nino Franco, De leon, Ramos, De la Cruz, Esteubar, Pereira, at Nigoza, ang nagkusang sumama sa puwersang Espanyol upang ipagtanggol ang Maynila mula sa mga piratang Tsinong pinamunuan ni Koxinga. Hindi natuloy ang bantang pananakop ng mga Tsino, bagamat ipinadala ang mga Mardicas sa Barra de Maragondon (o higit na kilala ngayon bilang Ternate) upang maprotektahan ito mula sa mga Moro. Nanirahan ang mga Mardicas sa may bukana ng Ilog ng Maragondon at nagkaroon ng ugnayan sa pagitan ng iba pang mga pamayanan kalapit nila. Ito ang nagpasimula sa unti-unting paglaki ng komunidad ng nasabing tribo. (Huerto) Hindi kataka-taka kung bakit napili ng mga unang nanahan sa Cavite ang mga tabing-ilog bilang pagtatatagan ng kanilang pamayanan. Gaya nga ng aking nabanggit sa mga unang talata, pinaunlad ng heopisikal na katangiang ito ang kabuhayan ng mga sinaunang Caviteo. Ang kanilang pamumuhay ay nakasalalay sa mga biyayang dulot ng mga ilog na ito. Pangingisda ang pangunahing pinagkukuhanan ng kabuhayan ng mga sinaunang Caviteo na namamalagi sa pampang ng mga ilog. Sa katunayan, nang unang dumating ang mga Espanyol sa lalawigan, ang kanilang unang nasilayan ay mga bangkerot mangingisda mula sa isang barangay ng Cavite Puerto, sa tungki ng isang tangway. Mayaman sa mga lamang-dagat ang katubigan ng Cavite

noong panahong iyon. Hitik sa sardinas, hito, hipon, alimango, bacocos, bicuda, tanguingue, plantanos, at tarakitos ang ilog at iba pang anyong tubig ng buong Cavite. (Medina 128) Hindi rin maaaring mawala ang pagtatanim bilang isa sa mga ikinabubuhay ng mga unang nanirahan sa mga pampang ng Cavite. Dahil sa ang mga lupang kinatitirikan ng mga pamayanan ay nasa tabing-ilog, mainam itong pagtaniman ng ibat ibang mga pananim, nangunguna na nga rito ang palay at ang tubo. Sa mga pook ng Maragondon at Naic, pati na rin ang ibang bayan sa kabuuan ng Cavite, kanilang iniluluwas ang mga pananim na ito patungo sa Maynila sa pamamagitan ng paglalayag sa mga ilog na bumabaybay sa Manila Bay. Ang mga nagmula sa Maragondon ay ipinagbabayad ng 1 reales fuertes para sa bawat sako ng palay at tubong idadaong sa Maynila, habang ang mga nagmula sa Naic ay ipinagbabayad ng 2 reales fuertes para sa bawat sako. Ang mga palay sa Maragondon ay naibebenta sa halagang 1.25 piso sa Maynila, habang ang isang pico ng asukal ay nagkakahalagang 2.50 piso. Sa pamamagitan ng Ilog San Diego, o higit na kilala bilang Ilog ng Maragondon, naiaangkat ang asukal muscovado,at maning biloy o pili sa pamilihang bayan ng Divisoria. Kanilang gamit sa pamamangka ang parao, sampan, bate,l o bote. Naibebenta naman ng mga nagmula sa Naic ang bawat pico ng asukal sa halagang 2.25 o 2.50 piso, habang ang palay ay naglalaro alinman sa 1.37 4/8 o 1.50 piso bawat kaban (Francisco 41-6). Sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito, nananatili sa pakikipagsapalaran ang mga sinaunang Caviteo upang makaraos sa pang-araw-araw na pamumuhay.Gayunpaman, hindi maiaalis na maraming pangambat panganib na kipkip ang pagtira malapit sa ilog. Noong ika-17 dantaon, naitala sa mga salaysay ng mga Heswita ang pag-atake ng mga buwayang Estuarine, sa mga taong nasa o malapit sa ilog ng Maragondon. Taong 1630, isang mangingisda ang inatake ng buwayang Estuarine sa Ilog ng Maragondon. Pagkalipas ng dalawang araw, tuluyang namatay ang nasabing mangigisda. Baulit uli ang nasabing pangyayari sa pagitan ng mga taong 1659-1665 at 1687-1696. Dahil sa mga pangyayaring ito, binigyan ng pangalang Pasong Buaya ang isang baryong malapit sa nasabing ilog, tanda ng suliranin at takot na dulot ng mga buwayang Eustarine sa mga sinaunang Caviteo (Medina 6-7) Isa pa sa mga pinangangambahan ng mga sinaunang Caviteo na nananahan sa tabing-ilog ang pag-apaw ng tubig sa tuwing sasapit ang panahon ng tag-ulan o kaya namay sa pagdating ng isang bagyo. Sa ganitong

pagkakataon, nasisira ang kanilang mga tirahang kadalasay gawa sa nipa at pawid. Kalaunay madadamay rin ang kanilang mga pananim. Dahil sa ganitong mga kaganapan, mula sa baryo ng Capantayan, kung saan kadalasang umaapaw ang tubig sa Ilog ng Kay Albaran, ay nailipat ang Maragondon sa kasalukuyang posisyon nito. Malaking kapahamakan rin ang dulot ng tulisan sa buhay ng mga taong bumabagtas sa Ilog ng Parian sa Goyong-goyong, Maragondon. Sa ilog na ito kadalasang nagsasagawa ng mga biglaang atake ang mga tulisan. Ang mga ilog naman ng Maragondon at Batas ang nagbibigay-daan upang magkaroon ng komunikasyon sa pagitan ng mga tulisang nakakalat sa buong Cavite. (Medina 92) Ang ilang pangalan ng mga bayan sa Cavite ay may kinalaman rin sa mga ilog o sa tubig. Isa sa mga pinakatanyag na halimbawa ay ang Maragondon. Sinasabing nagmula ang pangalan ng bayang ito sa salitang madagundong o maugong na ang ibig sabihin ay maingay. Pinaniniwalaang ang ingay na binabanggit ng pangalan ay nagmula sa Ilog ng Kay Albaran na matatagpuan sa Baryo ng Capantayan, ang lugar kung saan unang matatagpuan ang bayan ng Maragondon (Munisipalidad ng Maragondon). Ang bayan naman ng Kawit ay nagmula sa salitang tagalog na kawit o fish hook sa ingles. (Medina 1) Higit pa sa mga isdat iba pang yamang tubig ang matatagpuan sa mga ilog ng Naic, Maragondon at iba pang bayan sa buong Pilipinas. Sinasalamin ng anyong-tubig na ito ang kasaysayan ng bayang binabagtasan nito. Ang mga ilog ay nagsisilbing kayamanan ng bansang Pilipinas. Nakatago sa gitna ng ilog ang kasaysayat kulturang nabuo at ipinamana ng ating mga ninuno. Sa malinaw na tagimpan na nabubuo sa mga ilog matatagpuan ang itinagong kasaysayan ng mga taong naunang manirahan sa bansang Pilipinas.

SANGGUNIAN Mga Aklat

Francisco, Michael. Cavite en Siglo 19: Translation of Selected 19th Century Documents. [Cavite]: Cavite Historical Society, Inc., 2002. Medina, Isagani. Cavite Before the Revolution. [Cavite]: Cavite Historical Society, Inc., 2002.

Internet Sites

Brief History. Naic, Cavite. Munisipalidad ng Naic. 6 Mar. 2011 <http://www.naic.cavite.gov.ph/index.php?option=com_content&view=article&id=55&Itemid=5 8>. Huerto, Andy. History of Ternate. Ternate Cavite Website. 26 Mayo 2010. Munisipalidad ng Ternate. 6 Mar. 2011 <http://ternate-cavite.tripod.com/id15.html>. History of Maragondon, Cavite. The Official Website of the Municipality of Maragondon, Cavite. Munisipalidad ng Maragondon. 6 Mar. 2011

<http://www.maragondon.gov.ph/index.php?option=com_content&view=article&id=50&Itemid= 27>.

You might also like