Download as rtf, pdf, or txt
Download as rtf, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Ang Pasko Ni Dodong

Bebot T. Daquita, Jr

PAKIRAMDAM ni Dodong ay nalulula siya Napakatulin ng kanyang sinasakyan. Tila lumilipad. Ito pala ang sinasabi nilang kotse, naisaisip niya. Umuugong lang. Ang ugong ay inaagaw ng isang ingay na hindi mawari ni Dodong kung ano. Parang tunog ng pito ng kaklase niyang boy scout sa kanilang paaralan. Kaya lamang ay parang matinis at parang hindi nauubusan ng hangin ang imiihip. Sinubukan ni Dodong na dumungaw sa bintana. Pero may naramdaman siyang kirot. Napakasakit ng kanyang ulo. Lokong mangmang 'to, a. Ngumiti siya at medyo kinatok ang ulo sa naamin sa sarili. Ganun talaga pag ngayon lang nakasakay sa kotse, dagdag niyang kantiyaw sa sarili. Narinig ni Dodong na lalong lumakas ang ugong. Tila hindi na humihinto. Napansin pa niya sa kisame ng kanyang sinasakyan ang sari-saring kulay ng liwanag na tumutagos mula sa bintana ng kotse. Malapit na 'ata kami sa lungsod, naisip ni Dodong. Maganda pala talaga ang lungsod. Daming kulay ang ilaw, naidagdag niya. Muli siyang kumilos para makadungaw sa bintana. Muli niyang naramdaman ang kirot. Ngayon ay may kakambal na itong hapdi. Langya, nausal niya. P'ano ba 'to? Sinubukan niyang isikad ang mga paa para maitulak ang katawan at maiangat ang ulo sa bintana. Pero pakiramdam ni Dodong ay tila hindi gumalaw ang kanyang mga paa. Napasutsot siya. Ano nga pala ang kuwenta ng pamamasyal niyang ito kung hindi rin lang niya makita ang mga magagandang tanawin sa kanilang dinadaanan? Nakaramdam ng panlulumo si Dodong. Napangiwi siya. At mariin na lamang na ipinikit ang mga mata. May naramdaman si Dodong na marahang haplos sa kanyang noo. Kaysarap damhin ang init mula sa kamay na yaon. Idinilat niya ang kanyang mga mata. Ang itay pala

niya. Nginitian niya ito. Pero tango lamang ang iginanti ng ama. Hindi ngumiti. At nakita pa nga ni Dodong na tila kinagat ng ama ang mga bibig. Siguro nahihiya si Itay dahil di niya ako pinadungaw sa bintana kaya wala akong nakita sa aming dinadaanan, naisip ni Dodong. 'Alang kaso, 'Tay, a, sabi niya sa ama. Sinundan pa niya ito ng ngiti. Pero parang hindi siya narinig ng kanyang ama at tila lalo pa itong nalungkot. Nilakasan ni Dodong ang pagsalita. Pero parang wala pa ring narinig ang ama. Nagtaka na si Dodong. Napa'no si Itay? TALAGANG matagal ng pangarap ni Dodong na makapunta sa lungsod. Nais niyang makasakay ng kotse at makakita ng mga tanawing hindi makikita sa kanilang maliit na baranggay. Ang pangarap na ito ang madalas niyang iungot sa ama. "Hayaan mo, Anak. Sikapin mo lang na tumaas ang grado mo at ipapasyal kita sa lungsod sa pasko," pangako noon ng kanyang ama. Hindi na noon sumagot si Dodong. Subali't ang kasiyahang naramdaman ay hindi niya naitago. Niyakap niya ang ama at tahimik na nangako sa sarili. Mag-aaral siyang mabuti. Ipakikita niya sa ama na kaya niyang magbigay ng katuparan sa hinihintay nito. Maliban sa marubdob na pag-aaral ay lalo pang nagsipag si Dodong. Basta't may makita siyang anumang gawain sa loob ng kanilang bahay ay hindi na siya nagpapautos. Ang lahat niyang ikinilos ay ipinagtaka ng ina. Pero ngumingiti lamang ang kanyang ama. At madalas ay nagkikindatan silang dalawa. Nag-aapiran pa kung minsan. Mahirap lamang sina Dodong. Kinakapos ang kita ng kanyang ama sa trabaho nitong pagkakargador lamang sa palengke. Hindi magkakasya sa pang-araw-araw nilang pangangailangan kung hindi maagdungan ng pinagpaguran ng kanyang ina. Ito ay sa kabila ng pagiging solong anak si Dodong at hindi naman pihikan sa pagkain. Kaya lang ay hindi rin minsan maiwasan ni Dodong na magbanggit ng mga bagay na nagustuhan at hindi maibigay sa kanya ng ama. "Ang lahat na gusto mo ay nais kong ibigay, Anak," sabi noon ng ama sa pautal-utal na pananalita. Dala marahil ng naninikip na dibdib. "Pero pagsikapan ko man ay tila lalo pa tayong nababaon sa kahirapan." Hindi na kumibo si Dodong. Natulala na lamang siya. Naramdaman niyang nanghina siya. Pero naunawaan niya kung bakit nasabi iyon ng kanyang ama. E, ano kung hindi ako makapapasyal sa lungsod? Ito na lamang ang pagbabawi niya sa nalambungang pangarap. "Pero ang pangako kong ipasyal ka sa lungsod," patuloy ng ama na hindi inaasahan ni Dodong, "ay talagang gagawan ko ng paraan." At pinisil pa nito ang balikat ng anak. Naramdaman ni Dodong ang init ng pisil na iyon. Nagbibigay ng pag-asa sa kanya na

matutupad ang pangako ng ama. Sa murang isipan ni Dodong ay alam niyang mahihirapan ang ama sa pagtupad ng pangako nito. Halos tiyak niyang titipirin ng ama ang pagkain habang nagtatrabaho para lamang makaipon ng perang gagastusin nila sa pamamasyal. At ayaw ni Dodong na makitang nahihirapan ng todo ang ama. Kailangang tumulong siya kahit paano. AT kanina habang papauwi siya mula sa paaralan ay nadaanan ni Dodong ang ilang puno ng niyog malapit sa kanilang bahay. Nakita niyang marami pala ang bunga at marami na rin ang puwedeng anihin. Marahil may tig-aapat na kumpol ang bawa't puno. At may naisip siya. Minsan nagkopra ang kanyang ama. Kasama pa nga siya ng magbenta ng kopra ang kanyang ama. Nakita niyang malaki ang nabenta ng kanilang kopra kahit hindi niya nabilang. Marami kasi ang napamili noon ng kanyang ama. May pumasok na ideya sa isipan ni Dodong. Nagmamadali siyang pumanhik sa kanilang bahay at nagbihis. Pagkatapos ay kinuha ang karit. Nagmamadaling bumaba. Binalikan ang niyugan. Tiningala ang pinakamatayog na puno na namumutiktik sa dami ang mga bunga. "Magugulat nito mamaya sina Itay," nangingiting usal ni Dodong. Hinimas-himas ang puno ng niyog at sinubukang ihakbang ang paa. Ngunit hindi niya maabot ang unang papha. Hindi rin niya mayakap ang puno ng niyog. Sinbubukan niyang muli. Hindi pa rin umabot ang kanyang paa sa papha. Napagod siya. Saglit na nagpahinga si Dodong. Nang panumbalikan ng lakas ay ipinursiging makaakyat sa puno. Pero ginamit na niya ang kanyang utak. Sa mababang puno siya lumapit. Mas maliit ang puno nito pero marami din ang bunga. "Unti-untiin kita," may hamon pa sa kanyang isipan. Apat na maliliit na puno ang naakyat na ni Dodong. Sa unang puno ay tila nalula siya dahil hindi naman siya sanay umakyat ng niyog. Pero nang makarating na sa tuktok at makaputol ng isang kumpol ay ginanahan siya. Madali lang pala dahil karit ang ginagamit. Ilang sandali lang pero sa tantiya niya ay nakakuha na siya ng mahigit sa dalawandaang niyog. Iyan ay kung tigsasampung piraso bawat kumpol at apat hanggang limang kumpol naman ang bawat puno. Magtatakipsilim na nang inaakyat ni Dodong ang pinakamataas at pinakamalaking puno ng niyog. Bagaman at nahirapan siya pero nang makarating siya sa kalagitnaan ay nawala ang kanyang pagod. Tumingala siya. Waw, andami-daming bunga, hiyaw ng kanyang isipan. Tumingin siya sa ibaba. Nakita niya ang tumpok-tumpok na niyog na nakuha na niya. Ang sarap pagmasdan. Unti-unti itong kumikinang sa kanyang paningin. Nagkikislapan. Sari-sari ang kulay. A, parang mga tanawin sa lungsod na

nakita niya sa mga babasahin. Ang ganda. Tila gusto ni Dodong na tumalun-talon sa gitna ng mga nagkikislapan sa ibaba. LALONG lumakas ang ugong ng sinasakyan. Nagkakawag na siya para makaupo ng maayos. Kailangang makasilip man lang siya sa bintana ng sasakyan para makita ng mabuti ang mga kumikinang-kinang. Pero tila napagod siya. Nawalan ng lakas. At pakiramdam niya ay parang dumilim. "Dodong! Dodong...!" tila sigaw ang narinig ni Dodong. Pero hindi malakas ang rehistro sa kanyang pandinig. Tama lang na nakilala niya ang may-ari ng boses. Ang kanyang ina. At ang naramdaman niya kaninang mahinang haplos, ngayon ay lumakas. Naging yugyog. "Doktor! Dalia ninyo!" boses lalaki. Tila bulong lamang pero kilala ni Dodong. Ang kanyang ama. Napangiti si Dodong. Talagang tinupad ng ama ang pangako. Papunta na nga sila sa lungsod. Pero bakit tila nawala ang matining na ingay? At nawala ang mga kislap sa labas? Idinilat ni Dodong ang mga mata. Wala na pala siya sa sasakyan. Wala na ang mga kislap. Pero tila napakaliwanag ng paligid. At tila lumilipad siya. Nagpalinga-linga si Dodong. Napakasarap ng kanyang pakiramdam. Tumingin siya sa ibaba. May nakita siyang anyo. Ang sinakyan pala niya kanina. Ngayon lang niya napuna. Ang kumikislap-kislap palang liwanag ay mula sa bubong ng sasakyan, umiikutiukot na tila ilawan. May asul, pula at marami pang ibang kulay. Pero hindi na ito ni Dodong binigyan ng ibayong pansin. Basta masarap ang kanyang pakiramdam. Napakagaan ng kanyang katawan. At nakalilipad siya. Lilipad siya doon sa pinakarurok pa. -- B. T. DAQUITA, JR.

You might also like