Thy Womb Movie Review

You might also like

Download as odt, pdf, or txt
Download as odt, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Mica Mierra G.

Papna 2012-01503 Reaction Paper: Thy Womb Nabubuhay na Historya

Kas 1 THQ3 Dr. Ferdinand Llanes

Sa panahon ng kapaskuhan kung kailan idinaos ang paligsahan ng mga pelikulang itinampok ng iba't-ibang naglalakihang industriya sa larangan ng sineng Pilipino, mga pelikulang hindi na bago sa mga pilipinong likas na mahilig sa mga istorya ng pantasya, kababalaghan, pag-ibig, sampalan, at kakengkoyan, masasabing tunay na naiiba ang pelikulang Sinapupunan ng kinikilalang direktor na si Briliante Mendoza sa lahat ng mga obrang pinilahan sa takilya ng buong madla. Hindi tulad ng mga katunggali nitong pelikula, ito ay nakasentro sa buhay ng isang babaeng Muslim na gagawin ang lahat para mapaligaya ang kanyang asawa, sukdulang galugurin nya ang buong Tawi -tawi maihanap nya lamang ng ibang babae ang kanyang asawa na makapagbibigay dito ng anak. Hindi napapanahon ang ganitong eksena. Ang napapanahon ngayon ay ang kataga ni Jacq ng One More Try (na ginampanan ni Angelica Panganiban) na Ang pera natin di basta basta mauubos, pero ang pasensya ko konting konti na lang!, dahil inaaway nya ang kanyang asawa tungkol sa babaeng nakapagbigay dito ng anak. Kung ang eksena nito ay kabaliktaran ng mga eksena ngayon sa buhay ng mga Pilipino, bakit nga ba masasabing isang tunay na obra ang pelikulang Sinapupunan at nabigyan ng magagandang papuri ng mga batikang dayuhan?

Hindi lahat ng uso ay masasabi nating maganda. Merong mga bagay na hindi mo basta basta mapapansin, o hindi na talaga pinapansin, ngunit kapag iyong tunay na nasilayan at napagmasdan ay mapapahanga ka sa ganda nito, tulad na lamang ng isla ng Tawi-tawi at ang natatanging kultura ng mga taga roon. Ang kanilang pamumuhay, bagama't simple at salat sa yamang teknolohikal, ay sinasalamin ang naging pamumuhay ng mga sinaunang pilipino na napanatili nila sa loob ng mahabang panahon, ang mahabang panahon na kinukulapol ang Pilipinas ng mga mananakop. Kahit na kinalimutan na sila

ng mga nasa sibilisasyon na mga taga-Maynila at binansagan pang mga terorista, tindera ng mga peke o piniratang gamit, o kung anu ano pang bansag na para bang sila ay hindi natin mga kababayan at kalahi, masasabi kong sila ay tunay na dakila dahil hindi nila basta basta hinayaan ang mga impluwensya ng mga dayuhan na marungisan ang kanilang kultura at relihiyon. Ni ang sistema nga ng pagbibigay ng dowry para sa pamilya ng babaeng papakasalan, na matagal ng nawala sa sirkulasyon ng modernong pamumuhay at akala ko ay mababasa na lamang sa mga libro ng historya, ay nakaya pa pala nilang isalba at ipatupad hanggang ngayon. At nakakapagtaka nga naman na ang kanilang mga awitin para sa mga pagdiriwang tulad ng Aring Dayang, (na ngayon ko lang nalaman na kanta pala ng Muslim sa mga kasalan) ay naririnig pa sa radyo hanggang ngayon(at kinakanta kanta ko pa tuwing linggo), samantalang ang mga awitin natin tulad ng Bahay kubo at Leron leron Sinta, na lagi pang tinuturo at pinapakanta sa mga paaralan ngayon, kahit mag-abang ka ng buong araw sa radyo, ni katiting wala kang maririnig.... Kung paanong ang kanilang kultura ay hindi nagiging isang bahagi na lamang ng historya, at ang kanilang historya ay nagiging kanila pa ring kultura, ay isang mahiwagang misteryo sa akin.

Ang pelikulang Sinapupunan ay hindi lamang tungkol sa mga martir na asawa, naiibang kababaihan at sa masidhing pananampalataya ng mga Muslim nakasentro, o maging sa kagandahan ng likas yaman ng Tawi-tawi. Sa aking palagay, layunin rin ng mga taong nasa likod ng pelikulang ito na ipakita na sa panahon ngayon ng mga iPhones at tablets, merong grupo ng tao na namumuhay sa pamamagitan ng bangka, sulo at mga panlangin, at bumubuo sa ating tunay na sibilisasyon, sibilisasyong ating kinagisnan ngunit mabilis ring kinalimutan ng dumating ang mga kolokoy na Easpanyol at mga alipores ni Uncle Sammy, na bagama't nasa dulo ng Pilipinas ay mas tunay pang Pilipino kaysa sa mga nasa pinaka-kabisera ng bansa. Isa itong pagpapa-alaala sa atin na nahaharap man tayo sa mga pagdiriwang at mga pagsubok, wag nating kalilimutan ang ating sariling kultura, indentidad, maging ang ating historya.

You might also like