Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Ang Kahulugan ay Tanong

Aug 21, '09 1:48 PM for everyone

Ang essentialismo ay gumagalaw sa mga konsepto na may pagkahiwalay sa meron; ang metapisika ng eksistensya na walang essensya ay humahantong sa absurdo; ang timbang ng metapisika ay gumagalaw sa kaigtigan ng essential at esse at gumagamit ng mga konsepto sa direksyonal na paraan Roque Ferriols, Natatanging Pilosopo at Guro Sa paggalaw sa abot tanaw ng pagmemetapisika, na kung saan ay may dalawang sandali na sa katotohanan ay isang akto lamang, namumulat sa kaalaman na ang obheto o iyong nasa ating harapan ay talagang nangyayari meron ito. Namumulat din tayo sa kaalaman na maging ang nasa paligid nito ay meron (being) din. Kaya nga isa lamang itong (iyong obheto) meron sa mundo ng sangkameronan. Pagbalik natin sa ating sarili dala natin ang kaalaman na meron din ako. Dahil ako ay may kalayaan na aminin ang katotohanan na talagang nagyayari ang nasa harapan ko. Natatauhan ako na meron din ako. (nakikiisa ako sa obheto). Kaya nagpapakita din ako at may kaugnayan din ako sa mundo ng sangkameronan. Pero meron ako sa pamamaraang iba sa pagmemeron ng obheto. Kaya nga ang obheto at ang suheto (subject) ay sabay parehas at magkaiba. ANONG MERON? Sa paggalaw ko sa abot tanaw ng meron, lumalantad sa akin ang dalawang tanong na tila magbibigay linaw kung bakit sabay parehas at magkaiba ang obheto at suheto. Ang dalawang tanong ay: meron ba? At, ano ba? Ang "meron ba?" ay tumutukoy sa eksistensya. Ito ay ang akto ng meron. Ang mismong pagkaeksistensya ng nag eeksistensya. Kaya nga sa kadahilanang ito lahat ng meron ay talagang nangyayari, o nageeksistensya, lahat ng meron ay magkapareha. Subalit, ang istilo ng pagmemeron ay natatangi sa bawat meron. Kung ang eksistensya ay galaw ng isip at damdamin na hindi nabibigkas, ang istilo ng pagmemeron o ang essential ay nabibigkasdahil ito ay konsepto. Ang essential ang dahilan kung bakit may pagkakaiba ang bawat meron, kung bakit may pagkakahiwalay sa bawat isa. Pero ano ang dapat bigyan diin sa pagmemetapisika? Ang essential ba o ang eksistensya? Kung ang bibigyan diin ay ang essential, gagalaw tayo sa konsepto. Dahil tulad ng nasabi, ang essential ay konsepto. Ano ba ang konsepto? ANG PROBLEMA SA KONSEPTO Ang konsepto ay may hangganan. Kaya nga ang konsepto ng PUNO ay para sa PUNO lamang. Iyong hindi puno ay hindi napapaloob sa konsepto ng puno. Kaya nga kung bubuo tayo ng isang sistema ng konsepto, mayroon mga bagay na hindi mapapaloob sa sistema ng particular na konsepto. Halimbawa sa physics ay napapaloob lamang ang mga pisikal na bagay hindi kasali ang ispiritwal. Ikalawa ang konsepto ay pangkalahatan o unibersal. Ang konsepto ng puno ay tumutukoy sa lahat ng uri ng puno, napapaloob o nabibilang sa iisang klase o uri. Subalit dapat din natin alalahanin na sa metapisika, nais nating malaman ang lahat lahat kahit na alam natin na hindi natin malalaman lahat lahat. At ito ay dahil sa ang meron ay ang lahat, at ang hindi meron ay wala. Kaya wala itong hangganan, dahil sakop nito ang lahat (pati ang hindi puno ay meron din, pati ang hindi pisikal ay meron din).

Samakatuwid, pati ang lampas sa "lamang" (iyong nariyan lamang) ay meron din. Pero isang kabalintunaan na ang bawat meron ay natatangi din. Iba ang pagmemeron ng puno ng mangga sa pagmemeron ng puno ng mansanas. Kaya hindi tayo maaring huminto sa konsepto. Ang konsepto ay sabay na may pagkaugnay at pagkahiwalay sa meron. Ito ay nagdudulot ng tunay na karunungan kaya mahalaga din ito, pero hindi sapat. Dahil hindi nakokosepto ang meron. Kung ang bibigyan diin naman natin ay ang eksistensya, hahantong tayo sa absurdo. Makikita ito sa pilosopiya ni Jean Paul Sartre. Para sa kanya, walang essential, dahil walang hanggan ang kalayaan ng tao, pati ang pagkaano ng mga bagay at ng sarili ay likha ng malay-tao. Pero sa huli, sa pagamin niya na may kalagayan ang tao, at ito ay ang pagkakaroon ng responsibilidad sa kapwa tao, lumantad ang essential. Kung susuriin natin, kapag walang essential walang kahulugan. Kaya nga kay Sartre, maging ang pag-ibig ay isang guni-guni. Isa itong likha ng mapaglarong isip na pilit ikinukubli ang makasariling nitong intension. ANG TANONG NA KAHULUGAN Kaya kung ating aalisin ang essential mawawasak ang meron. Bakit? Dahil likas sa tao ang mag-isip na gamit ang konsepto. Likas sa tao ang gumalaw sa mundo ng konsepto. Ang metapisika ay kaisipang pantao, kaya hindi natin maiiwasan ang gumamit ng konsepto. At kung tayo ay magkukunwari, mawawasak ang meron at hahantong sa wala. Samakatuwid, kailangan ang hangganan upang magkaroon ng kahulugan. Ang problema kay Sartre ay natakot siyang makulong sa kahulugan. Hindi niya nakita na ang kahulugan ay hindi kulungan, kung hindi daan. Kaya nga ang timbang ng metapisika ay gumagalaw sa kaigtigan ng essential at esse. Ang essential ang siyang nagbibigay ng hangganan at kahulugan sa esse. Ang esse naman ang nagbibigay dinamismo, ang nagpapagalaw, sa essential. Ang essential ay pag-amin at pag-unawa sa talagang nangyayari. Sa una ay sasabihin natin, "meron kuwan", pero kapag nalaman natin ang sagot sa tanong na "ano?" mas lumalalim ang ating pakikipagtagpo sa meron. Nagkakaroon ng kahulugan. Pero pagnatanto natin na hindi lamang siya ganito o ganoon, napagtatanto natin na lampas ang meron sa "lamang" (kung ano iyong nariyan lamang). Napagtatanto natin na mayroong hiwaga ang talagang nangyayari na hindi nasasaklaw ng kahulugan, na hindi napapaloob sa sagot sa tanong na "ano?". Kaya nga ANG KAHULUGAN AY NAGIGING TANONG. Ito ang kahulugan ng paggamit ng konsepto sa direksyonal na paraan. Ang konsepto ay hindi ang huling hantungan. Ang konsepto na siyang kahulugan ng talagang nangyayari ay gimigising sa kaalaman na marami pa akong hindi alam. Ang konsepto ang simula. Ang kahulugan na siyang tanong ay sabay pagtanggap sa talagang nangyayari, pagdanas ng talagang nangyayari, at pagnanasa na malaman pa ang hindi alamsabay pag-amin na may alam ako at hindi alam, at paghahangad malaman ang hindi alam.

You might also like