Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 1

Ang Pamana

ni Jose Corazon de Jesus


Isang araw, nakita ko ang ina ko’y namamanglaw
naglilinis ng marumi’t mga lumang kasangkapan;
Sa pilak ng kanyang buhok na hibla ng katandaan
nakita ko ang maraming taon niyang kahirapan…
Sa guhit ng kanyang pisnging lumalalim araw-araw
Nakita ko an gang ina ko’y tila mandin namamanglaw,
At ang sabi: Itong piyano’y sa iyo ko ibibigay,
Ang kubyertos nating pilak ay kay Itang maiiwan,
Mga silya’t aparador sa kay Tikong ibibigay,
sa ganyan ko hinahati itong ating munting yaman.
Pinilit kong pasayahin ang lungkot ng aking mukha
Tinangka kong magpatawa upang siya ay matuwa,
Subali’t sa aking mata’y may namuong mga luha
na hindi ko mapigilan at hindi ko masansala;
Naisip ko ang ina ko, ang ina kong kaawa-awa.
Tila kami;y iiwan na’t may yari ng huling nasa.
At sa halip na magalak sa pamanang mapapala,
Sa puso ko’y dumalaw ang malungkot na gunita,
Napaiyak akong parang isang kaawa-awang bata’t
Niyakap ko ang ina ko, at sa kanya’y winika
“Ang ibig ko sana, Nanay, ikaw’y aking pasayahin
at huwag ko nang makita pang ikaw’y nalulungko’t mandin.
O ina ko! Ano ba ang naisipa’t iyong paghati-hatiin
itong munting kayamanang maiiwan mo sa amin?”
“Wala naman, yaong sagot, Baka ako ay tawagin
ni Bathala, ang mabuti’y malaman mo ang habilin:
Itong piyano, yaong silya ay alamin
Pamana ko na sa inyo, mga bunsong ginigiliw!”
“Nguni’t Inang, ang sagot ko, “Ang lahat ng kasangkapan.
Ang lahat ng yaman dito ay hindi ko kailangan;
Ang ibig ko’y ikaw, Inang mabuhay ka lamang,
Hihilingin ko sa Diyos na ang pamana ko ay ikaw;
Aanhin ko ang piyano kapag ikaw ay namatay,
Ni hindi ko matutugtog sa tabi ng iyong hukay;
Ang nais ko’y ikaw, Inang at mabuhay ka lamang
Ililimos ko na sa iba ang lahat ng ating yaman;
Ni hindi ka maaaring pantayan ng daigdigan,
Ng lahat ng ginto rito pagkat ikaw, O ina ko, ikaw wala pang kapantay...

You might also like