Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 19

Unibersidad ng Pilipinas Diliman

Ugnayan ng Paggamit ng Social Network sa Pamumuhay ng mga Pilipino

Ipinasa nina: Sarah Peafrancia L. Coralde Micaella Aliza C. Empleo Christian Dave Gutierrez Angela Marie D. Jimenez Shejay G. Mandaing

Ipinasa kay: Prop. Jimmuel C. Naval Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas Kolehiyo ng Arte at Literatura

Marso 2013

ABSTRAK Ayon sa ibinigay na kahulugan ng online website na Oxford dictionary, ang online social networking ay ang paggamit ng isang website upang makipag-ugnayan at magkaroon ng interaksyon o maaaring personal na relasyon sa ibang mga miyembro ng mga site na ito upang magbahagi ng mga impormasyon at ideya sa pamamagitan ng paggawa ng post o mga mensahe, larawan, at iba pang uri ng media. Ang papel na ito ay isinulat upang unawain kung paano gumagana ang social network, kung bakit ito nauuso, at upang suriin at isa-isahin ang mga gamit at epekto ng mga ito sa nagbabagong kultura at pamumuhay ng mga Pilipino. Pinagtuunan ng pansin ang dalawang pinakalaganap na social network sa kasalukuyan, ang Facebook at Twitter. Mula sa mga nakalap na datos, isinama rin sa pagsusuri ang distribusyon at bilang ng mga Pilipinong gumagamit sa mga social networking sites, sa anumang gulang. Inihambing din ang mga datos na ito sa mga datos ng mga gumagamit ng social network sa ibang bansa. Sa dahilang ang paksa ng papel na ito ay umiikot sa mga online networks, panay online din lamang ang pinanggalingan ng mga datos na kinalap sa pagsusuri. Pinagtibay ng mga sinuring datos na ang katangian ng mga Pilipino na likas na pagiging mausisa at nakikiuso ang dahilan ng kanilang matinding pakikilahok sa paggamit ng mga social network. Dagdag pa rito, napagtibay na sa kabila ng mga negatibong epektong dulot ng paggamit ng social network, dahil sa napakaraming pakinabang naman na dulot nito, ay itinuturing na ito bilang isang pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw at hindi na maiiwasan ang pakikilahok ng halos lahat dito.

UGNAYAN NG PAGGAMIT NG SOCIAL NETWORK SA PAMUMUHAY NG MGA PILIPINO Kasaysayan ng Social Network Ang kasaysayan ng social network ay nag-uugat mula pa noong unang natuto ang mga taong makipag-ugnayan sa isat-isa. Ang lahat ng aktibidad kung saan ang tao ay nakikipagtalastasan ng mga kwento o mga opinyon ay maaaring tawaging social networking, samantalang ang kanilang pamamaraan ng ugnayan, maging salita, kasulatan, o guhit, ay halimbawa ng social media. Sa madaling sabi, hindi lamang nalilimitahan ang social networking sa virtual reality, ito rin ay isang bahagi ng pamumuhay natin sa araw-araw (Nicholson, 2011). Subalit ngayon, ang madalas maiisip ng mga tao tuwing naririnig nila ang mga salitang Social Network o Social Media ay ang mga websites gaya ng Facebook, Twitter, Tumblr, at iba pa. Ito ay ang mga online o digital social media at networking sites, na isang anyo lamang ng mas makabagong paraan ng pakikihalubilo ng mga tao sa pamamagitan ng Internet. Ito ay nagsimula nang mapagtanto ng mga tao ang potensyal ng mga kompyuter sa pagpapabuti ng komunikasyon. Mula sa unang electronic mail o mas kilala sa tawag na email, na pinadala noong 1971 hanggang sa paglaganap ng Facebook at Twitter sa kasalukuyan, marami nang napagdaanan ang ebolusyon ng mga online social networking sites. Ang pinakaunang mga halimabawa nito, o kung ano man ang pinakamalapit na mayroon noon, ay binubuo ng Usenet at mga online bulletin boards. Itinatag ang mga ito ng mga komunidad na may magkakatulad na interes upang makapag-usap sila tungkol sa mga paksang hilig nila. Isang bahagi ng ibat ibang websites na ito ay ang mga chatrooms kung saan nakakapagpadala ng mga mensahe ang mga users sa isat isa nang walang delay o pag-antala. Ang mga unang internet users ay kadalasang

mga computer programmers, kaya naman computer science at teknolohiya ang mga usapan sa mga bulletin. Dahil dito, hindi gaanong nagkainteres ang publiko sa mga ito (Nicholson, 2011). Ngunit ang kahulugan ng social networking sites ay nagsimulang lumawak mula noong 1990s. Sa pagpasok ng taong 2000 ay sumabay din ang pagdami ng ibat ibang mga social networking sites tulad ng Friendster at Myspace. Sumikat ang Friendster sa Pilipinas at sa mga karatig-bansa sa Asya, samantalang ang Myspace naman ay sa mga bansa sa kanluran (Nicholson, 2011). Malayo na nga ang narating ng internet sa mga panahong ito. Ayon sa Internet World Stats, noong Marso ng taong 2012 ay mayroong 2.3 bilyong katao ang gumagamit sa Internet sa buong mundo. 33.6 milyon dito ay galing sa Pilipinas at inaasahan pang lalong darami ito sa pag-asenso ng kaalaman natin sa teknolohiya (Deymos, 2013). Mga Kilalang Social Networks Ngayon, hindi maikakailang ang Facebook ang hari ng lahat ng social networks, hindi lamang sa iilang bansa, ngunit masasabing halos sa buong mundo. Ang Facebook, ayon kay Zuckerberg (2009), ay isang website na nagbibigay-daan sa pagpapahayag ng mga saloobin at impormasyon ng mga taong kasali rito. Kasama na rin dito ang pagpapanatili ng privacy sapagkat maaaring kontrolin o limitahan ang mga taong makakakita ng mga posts sa Facebook. Si Mark Zuckerberg ang siyang nagtatag ng Facebook noong 2003. Noon, isa lamang itong university wide project sa Harvard, subalit nang binuksan ito sa publiko noong 2006, nagkaroon kaagad ng mahigit 600 milyong kataong gumagamit nito (Zeevi, 2013). Hanggang ngayon, patuloy ang paghikayat nito sa mga tao. Sa katunayan, ang Pilipinas ang pangwalong bansang may pinakamaraming Facebook users na umaabot sa mahigit 30 milyon. Ang pinakamalaking age group dito ay ang mga may gulang na 18 hanggang 24, na mahigit 11 milyon ang bilang (Socialbakers, n.d.). Tila pumapangalawa naman sa Facebook ngayon ay ang Twitter. Noong una

itong ilabas noong 2006, ang Twitter ay nagsimula sa halos may 190 milyong kataong nagsignup (Nicholson, 2011). Nagyon, mayroon na itong halos 500 milyong katao na nagpapadala ng 190 milyong tweets bawat araw (Statistic Brain, 2012). Ayon mismo sa kanilang website, ang Twitter ay isang network kung saan maaaring gumawa ng mga text posts na naglalaman ng hindi hihigit sa 140 na karakter. Ito ay tinatawag na tweet. Sa pamamagitan ng mga tweets na ito ay maaaring subaybayan ang kung anumang nasa isipan ng mga tao. Maaari rin daw itong gamitin ng mga negosyante at maging ng mga non-profit organizations sapagkat napakadaling magpakilala ng mga produkto at mga adhikain sa simpleng mga tweets lamang. At higit sa lahat, nagagawa nilang makipag-ugnayan sa mga mamimili o sa komunidad gamit ang Twitter. Mga Gamit ng Social Networking Sites Ayon sa pagsasaliksik nina Brandtzg at Heim (2009), mas maraming tao ang naghahanap ng mga bagong relasyon at mga bagong kaibigan sa internet. 31 bahgdan ng mga users ay naghahanp ng mga oportunidad upang makakilala ng mga bagong tao, at 21 bahagdan naman ang nagsabing nais nila magkaroon ng madaling paraan upang masubaybayan at makausap ang kanilang mga malalapit na kaibigan. Samantalang 10 bahagdan lamang ng mga users ang gumagamit ng social networking sites upang makalakap ng impormasyon tungkol sa kani-kanilang mga interes tulad ng musika, literatura, politika, at iba pa. Ayon sa impormasyong ito, masasabing ang social networking sites ay naging daan sa mga mahiyaing tao at sa mga naghahanap ng kausap. Bakit nga ba sumasali tayong mga Pilipino sa mga social networking sites? Unang una na riyan ay marahil nabalitaan na ng napakaraming tao, hindi lamang sa Pilipinas, ngunit pati rin sa buong mundo, ang may mga accounts sa mga sites na ito. Ang ilan ay sumasali upang malaman kung bakit nga naging sikat ang mga ito at makita kung bakit napakaraming tao ang

naeengganyo rito. Marahil ay dahil rin sa pagiging uso ng mga social networking sites, ang iba ay napipilitan lamang sumali sa mga ito sa kagustuhang makisabay sa uso. Maliban dito, mayroon ding mga Pilipinong gumagamit ng mga social networking sites upang maglibang. Maaaring pagkatapos o sa kalagitnaan ng nakakapagod na araw, ginagawang libangan ang mga website gaya na lamang ng Facebook dahil bukod sa maaari nang makipagusap sa mga kaibigan, mayroon din itong mga games at apps. Maganda itong libangan dahil hindi pisikal na nakakapagod, halos libre (maliban na lamang sa bayad sa kuryente at internet connection) at hindi nakayayamot dulot ng walang tigil na paglitaw ng mga bagong posts o tweets. Bukod dito, ang mga social networking sites ay isa ding paraan upang makatakas at pansamantalang umiwas sa mga tungkuling kailangang gampanan, sapagkat aminin man o hindi, likas na sa karamihan ang pagiging tamad o ang pag-iwas sa mga trabahong dapat unahing asikasuhin. Ang mga social networking sites, gaya ng ipinahihiwatig ng katawagang ito, ay nagiging daan din upang makahanap ng mga kakilala at kaibigan. Sa Pilipinas mismo, may mga taong nakatira man malayo sa isat isa ang nagkakakilala sa Facebook at pagkatapos ay nagkikita at nagtatagpo sa tunay na buhay. Sa tulong ng mga sites na ito, kung saan napakalaking bahagi na ng populasyon ang kabilang, bagamat hindi lumalabas ng bahay ay nagiging madali na ang paghahanap ng mga taong galing sa ibat ibang bahagi ng mundo. Maliban sa paghahanap ng mga bagong kakilala, maaari ring gamitin ang mga ito upang makipag-usap at makibalita sa mga kaibigan at kamag-anak na nagmula pa sa malayo. Dahil laganap na sa mga henerasyon ngayon ang walang tigil na pagkukuwentuhan ng mga magkakaibigan, napakalaki ng papel ng mga social networking sites, kung saan maaaring mabilisang magpadala at makatanggap ng mga mensahe sa pamamagitan ng instant messaging o simpleng pagpapalitan ng tweets. Gayundin,

malaki ang pakinabang nito sa mga malalaking angkan o magkakalayong magkakamag-anak na bibihira lamang nagkakaroon ng pagkakataong magkasama. Samakatuwid, pinananatili ng mga social networking sites ang pakikipag-ugnayan ng isang indibidwal sa mga mahal nito sa buhay. Hindi maikakaila na ang social networking sites ay nagagamit din ng tao para sa sariling kapakinabangan. Patok na patok ngayon, lalung-lalo na sa mga kabataan, ang palihim na pagsubaybay o stalk sa kani-kanilang mga crush o hinahangaan, mapa-artista o man ito o hindi. Halos lahat na rin ng mga artista ngayon ay may Twitter account kung saan minu-minuto nilang ibinabahagi ang kanilang mga ginagawa sa kanilang mga tagasunod. Kadalasan, ang kanilang mga tagasuporta ay nakatutok nang mabuti sa mga website na ito at nag-aabang ng kung anumang update ng kanilang idolo. Sa profiles ng bawat account, may mga nakalahad o display na basic na impormasyon tungkol sa user na maaring magamit upang malaman ang kanyang pagkatao. Depende na rin sa piniling settings, maaari ring makita ng mga larawan ng nagmamay-ari ng profile. Malayang nagagawa ang mga ito sa Facebook at Twitter dahil maaaring siyasatin ang profile ng isang tao nang hindi niya ito nalalaman. Marami ring mga iba-ibang institusyon, pang-akademiko man, panrelihiyon, at lalo na ang mga sangay ng pamahalaan ngayon, gaya ng MMDA, Department of Education, PAG-ASA, at iba pa ang gumagamit sa mga nasabing site na ito upang magbigay ng mga pahayag o anunsyo upang maipaabot ang kanilang mensahe sa mga mamamayan. Mayroon silang kani-kaniyang mga opisyal na page, kadalasan sa facebook at twitter, na sinusubaybayan ng mga tao upang makakalap ng impormasyon o di kayay kumonsulta o magtanong hinggil sa iba-ibang issue o concern nila. Higit na napadadali ng mga social network ang trabaho para sa mga sangay na

ito at natitipid ang oras at enerhiya na ginugugol upang maisakatuparan ang kanilang mga gawain. Bukod sa mga pangmalawakang institusyon, mayroon ding mga malilit na grupo o like pages na nabubuo na may kani-kaniyang layuning isinusulong o di kayay pinagbubuklod ng iisang may hangarin o interes. Napakalaking bahagi ng mga gumagamit ng social network ang kabataan. Binubuo nila ang mga grupong ito upang makakuha ng updates at makipag-ugnayan sa isat isa. Sa mga grupong ito sila gumagawa ng post tungkol sa mga bagong kaganapan o anunsyo at concerns na bawat isa. Kabilang sa mga halimbawa ng mga grupong ito ang USC UP Diliman na nagsisilbing opisyal na grupo ng University Student Council ng Unibersidad ng Pilipinas. Mayroon din namang mga sobrang minor lamang na grupong pang-akademiko na pang maliit na klase o kayay mga grupong pang-aktibidad. Isa rin sa mga gamit ng social networking ay ang pagbebenta ng mga produkto ng mga online shops. Dito ay parehong nakikinabang ang nagbebenta at ang mamimili. Higit na mura ang pagbili sa online stores dahil mas mababa ang presyo nito kumpara sa mga mall. Ito ay dahil mula mismo sa mga manufacturer ang mga produktong ibinebenta at hindi na dumadaan pa sa mga iba-ibang transaksyong may katumbas na karagdagang bayad. Dagdag pa riyan, hindi na kinakailangan pang lumabas ng bahay at pumunta sa mall na siya namang magdudulot pa ng karagdagang gastos gaya ng pambayad sa pangkain, pamasahe, at iba pa. Para naman sa mga nagbebenta, mas mainam ang pagtatag ng online shop kung indibidwal lamang o maliit na grupo at hindi isang kompanya ang nagpapatakbo nito dahil bilang home-based, natatanggal ang mga bayaring dulot ng kuryente, pagrerenta ng puwesto, atbp. Napakadali lang din mag-advertise sapagkat isang post lamang ng litrato at kaunting paglalarawan ng produkto, marami na ang makakakita nito. Kaya sa kabuuan, nauuso ang online shopping dahil sa mabilisang transaksyon

nang walang pagod ang naaaksaya sapagkat nakaupo na nga lang sa harap ng kompyuter ang mga taong nagkakalakalan. Dito ngayon pumapasok ang silbi ng social networking sites, na siyang ginagamit upang makipag-areglo ang nagbebenta at ang mamimili o minsan pay bilang website mismo ng online shops, gaya ng ilang online page sa Facebook. Malaki rin ang naitutulong ng social networking sites sa mga ahensya ng gobyerno at sa mga indibidwal na pulitiko sapagkat sa pamamagitan ng mga ito, nagagawa nilang makipagugnayan sa mamamayan. Mas madali na para sa taumbayan ang pagpapaabot ng kani-kanilang mga isyu at hinaing sa ating pamahalaan. Sa ganitong paraan, maaari ring mas mapabilis ang pag-aksyon hinggil sa mga ito. Bilang karagdagan, napakalaking tulong ng social networking sa mga kandidatong tumatakbo sa ibat ibang posisyon sa napapalapit na eleksyon sa Pilipinas. Dahil nga sa napakarami nang Pilipino ang nasa sites na ito, partikular na sa Facebook at Twitter, napapadali ang pangangampanya ng mga kandidato. Yaman din lamang na hindi kayang libutin ng isang kandidato ang bawat sulok ng bansa, maaari siyang maglaan ng ilan sa mga tauhan niya upang patakbuhin ang kaniyang Facebook o Twitter account. Gamit ito, mas maririnig niya ang mga komento at katanungan ng mga mamboboto para sa kanya, at magagamit pa niya ang mga ito upang lalong pagbutihin ang kanyang pangangampanya. Maaari rin siyang gumawa ng mga posts o tweets ukol sa mga pagbabago at pagpapabuti sa kanyang mga plataporma, mga anunsyo tungkol sa mga magaganap na pangyayaring dadaluhan niya, atbp. Magagawa pa niya ang mga ito kahit saan at sa kahit anong oras. Ngunit higit sa lahat, mahalaga ang pagkakaroon ng public image ng mga kandidato online sapagkat sa mga social networking sites nagtitipon-tipon ang kabataan na bumubuo ng higit sa kalahati ng kabuuang bahagdan ng mga botante (Bonoan, Cantada, & Go, 2000).

Kasabay ng paglaganap ng social network ay ang unti-unting pagkawala ng gamit ng USB at CD, at pati na rin ng electronic mail. Kabilang sa mga dahilan ng paggamit ng social networking sites ay ang kakayahan nitong magpadala ng ibat ibang klase ng files sa kapwa gumagamit nito. Gamit ang ilang click sa mga salitang Send at Download, maaari nang magpalitan ng files sa pagitan ng dalawang tao. Mas mainam ang paraang ito dahil mas kaunting oras ang nagagamit, hindi kailangang lumipat sa ibang device at maaaring itong gawin kahit malayo sa isat isa ang dalawang nagbabahagian. Dahil na rin mas binibisita ng mga tao ang Facebook kumpara sa electronic mail sites, mas nakasisiguro ang nagpapadala na agad na matatanggap ang ipinadalang dokumento. Mga Isyu sa Paggamit ng Social Networking Sites Isa sa mga layunin ng mga nagtayo ng social networking sites ay ang malayang

pagpapahayag ng bawat tao ng kani-kaniyang saloobin. Naging tulay ang mga website na ito upang marinig ang panig ng sambayanan ukol sa mga isyung nagaganap sa kapaligiran. Isa itong paraan upang lalong mapalawig ang karapatan ng mga tao sa freedom of expression (Amnesty International, 2012). Ngunit tila naaabuso na ng ilang users ang kalayaang ito at nalilimutang maging responsable sa mga katagang binibitawan. May mga pagkakataon kung saan nakapaglalagay ang mga tao ng masasamang pahayag sa kani-kaniyang accounts, dala na rin marahil ng bigat ng nararamdaman. Dahil maraming tao ang nasa internet magdamag at araw-araw, marami ang nakababasa ng mga ito at dali-dali itong kung kumalat. Ang ilan pa rito, lalo na ang mga biktima ng mga masasakit na pahayag ay hindi magpapaawat at gumagantii, na nagsisimula ng parinigan aat bangayan. Ang simpleng pagsulat lamang ng mga pahayag na ito dala ng

kawalan ng responsibilidad ay pinagmumulan ng napakaraming kaguluhan at umaabot pa sa punto kung saan nagkakademandahan ang magkasalungat na kampo. Ang paglitaw ng social networking sites ay nagpalakas sa kawalan ng responsibilidad at respeto ng mga Pilipino sa mga aksyong ginagawa. Marahil akala ng karamihan ay dahil account niya iyon, malaya na siyang makapagpapahayag ng kahit anong nais niyong sabihin, kahit itoy nakasasakit na nang iba. Dahil sa mga pagkakataong kagaya nito, naaapektuhan ang pagsasama ng ilang dating magkakasundo, kahit ang dalawang taong hindi magkakilala. Ika nga, Think before you tweet na ang makabagong bersyon ng Think before you speak. Ipinakikita nito ang ugali ng mga ilang Pilipinong na pagiging prangka kung magsalita, at ang hindi magandang pakikitungo sa ibang mga tao. Ang ilan namang users ay kabaliktaran ng mga nabanggit. Ilang porsyento rin ng mga gumagamit ng social networking sites ang pinipiling manahimik na lamang tungkol sa mga isyu dahil sa takot na hindi sila maintindihan ng mga kapwa users. Ang mga users na ito ay maaaring humantong sa pagkawalan ng pakialam sa mga nagaganap sa kanyang paligid. Nakalulungkot isipin na habang tumatagal ay maaaring dumami ang mga taong wala nang ni isang mang malasakit sa mga pangyayari sa paligid nila, at sa sarili nilang bansa. Kabilang rin sa mga isyung iniuugnay sa pang-aabuso sa karapatang freedom of speech ang nakaaalarmang pagdami ng ibat ibang kaso ng cyberbullying. Ang cyberbullying ay isang akto ng pananakit ng kapwa sa ibat ibang paraan sa pamamagitan ng internet at ng iba pang teknolohiya. Ilang halimbawa nito ay ang pagsubaybay sa mga tao nang palihim, pagbabanta, pananakot, pagpapahiya, seksuwal na panghaharas, at iba pa (Carty, n.d.). Sa pagsikat ng paggamit ng social networking sites ay dumarami rin ang mga nabibiktima ng cyberbullying. Karamihan sa mga ito ay ang mga kababaihan. Nagsagawa ng

survey ang cyberbullying.ph ukol sa mga Pilipinong nakaranas na ng cyberbullying. 53 porsyento ng mga lumahok ay edad 18 pataas, at 47 porsyento naman ay menor de edad. Mas marami ring babaeng nakaranas ng cyberbullying, na nakakuha ng 57 porsyento ng mga sumagot, kaysa sa mga lalaki, na nagsasaklaw lamang ng 43 porsyento (Cyberbullying and Bullying Prevention PH, 2013). Ang mga karaniwang anyo ng "cyberbullying" na naranasan ng mga sumagot ay ang paninira sa kanilang reputasyon, pagpintas sa kanilang pisikal na anyo, at paghamak sa kanilang mga opinyon. Ang karamihan ng mga cyber bullies ay walang pinipiling tao para apihin. Pinakamadalas makita ang mga bullies sa Facebook, at sa mga cellular phones, kung saan madaling makakuha at magkalat ng impormasyon. Ginagamit nila ang mga pribadong video o larawan ng mga tao upang maipanakot, o di kaya naman, binabastos nila ang mga larawan ng ibang tao upang gaiwng katatawanan (Cyberbullying and Bullying Prevention PH, 2013). Ang ilang halimbawa ng cyberbullying ay ang panghuhusga sa kumalat na video ni Paula Jamie Salvosa, o mas kilala bilang si Amalayer Girl, at ang pagkalat ng hindi-makatotohanang larawan ng di-umanoy may HIV na si Raymond Lopez sa Facebook. Ngunit hindi lamang ang mga karaniwang tao ang nabibiktima ng cyberbullying. Kahit ang mga sikat na personalidad ay hindi nakakatakas dito. Isang halimbawa ay ang pagkalat ng sex video ni Katrina Halili at ni Dr. Hayden Kho noong 2009. Dahil sa nakaaalarmang paglala ng mga kasong ito at bilang sagot sa pag-abuso ng mga tao sa kalayaang magpahayag sa internet, nagtatag ang gobyerno ng batas laban dito. Kamakailan lamang nang magkaroon ng aktuwal na batas tungkol sa cyberbullying at iba pang pang-aabuso sa internet. Noong ika-12 ng Setyembre, 2012, nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Cybercrime Prevention Act of 2012 o Ang Republic Act 10175. Ang Cybercrime Act ay nagbabawal sa anumang paninirang-puri sa internet, cybersex, child

pornography, hacking, identity and password theft, unsolicited commercial communications, at anumang forgery (Jaromay Laurente Pamaos Law Offices, 2012). Subalit, marami ang nadismaya sa paglunsad ng batas na ito. Maraming sumasalungat sa Cybercrime Law dahil hindi naging malinaw ang ilan sa mga probisyon at bahagi nito. Makikita ang ingay sa mga social networking sites at media ukol dito. Hindi ang Cybercrime Law ang tinutututulan ng mga tao, kung hindi ang pagsama ng internet libel, o ang paninira sa kapwa sa internet. Nagkaroon ng malakas na pagtutol sa batas na ito dahil kapag ito ay napatupad, maaaring magsampa ng kaso ang kahit sinong masaktan sa kahit sino mang manakit sa kanya sa internet, at ang basehan ng pananakit ay depende sa taong nasaktan. Mawawala rin ang freedom of speech dahil kapag naipatupad ang batas at maaaring napakarami ang makasuhan dahil lamang sa isang like sa Facebook post, o sa isang komentong hindi naman sinasadyang makasakit (Romero, 2013). Dahil sa mga nakitang butas sa Cybercrime law, simula Oktubre nang nakaraang taon hanggang ngayon ay may temporary restraining order pa rin ito (Merueas & Tan, 2013). Isa pang isyu sa social networking sites ay ang identity theft. Ito ay ang paggamit ng isang tao sa personal na impormasyon, katulad ng mukha o pangalan ng ibang tao nang walang pahintulot. Ito ay madalas ginagawa upang manloko o mandaya. Talamak na ang paggamit ng mukha ng ibang mga tao bilang profile picture o hindi kayay ang paggawa ng pekeng account ng mga sikat na personalidad upang gamitin sa mga mapagsamantalang modus operandi. Ayon nga sa hatid na balita ni Julius Segovia sa "State of the Nation" ng GMA News noong 2011, sampung Pilipino ang nabibiktima ng identity theft araw-araw, lalo na sa National Capital Region. Isang halimbawa ng naging biktima ng identity theft ay ang modelong si Kryz Uy noong 2011. May gumawa ng pekeng Facebook account sa ilalim ng pangalan ng modelo, at nagsimulang magbenta ng mga damit. May ilang sumusunod sa account na iyon ang nanakawan

ng pera. Dahil dito, naakusahan tuloy si Kryz bilang magnanakaw. Nagsumbong na si Kryz sa awtoridad ng Facebook, at sinubukang humingi ng tulong sa pulis, ngunit hindi siya natulungan ng mga ito (Cupin, 2011). Maisasali rin sa usapan ang isyu ng plagiarism o paggamit ng mga pag-aari ng iba gaya ng post, picture o video at pagpopost nito bilang sariling pag-aari nang hindi nagbibigay ng nararapat na pagkilala sa tunay na may-akda. Maraming litratista, editor, o ordinaryong mga netizen, o mga internet citizens, na nagbabahagi ng kanilang mga talento sa internet ang nananakawan ng kanilang trabaho, o hindi nakukuha ang nararapat na karangalan para sa kanilang mga obra. Hindi naman ito maagapan, lalo na at internet ang pinag-uusapan dito. Hindi kontrolado ng mga netizens ang takbo ng pagkalat ng impormasyon, ideya, post, o kahit ano pa, sa mga social networking sites (Pindell, 2011). Epekto ng Social Networking Sites sa Pamumuhay ng mga Pilipino Dahil sa paglaganap ng paggamit ng social networking sites sa Pilipinas, naging bahagi na ang paggamit ng mga ito sa mga pamumuhay ng mga Pilipino. Dahil sa sobrang pagkahumaling ng mga Pinoy sa mga social networking sites, naging puwersadong pangangailangan na ang paggamit ng mga social accounts nila. Madalas ay nagiging unang gawain na sa umaga ang pagtingin ng updates sa Facebook o Twitter accounts nila, lalo na ang mga bata. Isa pang dahilan kung bakit tila nagiging kailangan na ito sa pang-araw-araw na pamumuhay ay dahil halos lahat ng maaaring ilagay sa social networking sites ay naroon na. Mula sa pangunahing gamit nito na pakikihalubilo at paghahanap ng maraming kaibigan, hanggang sa pag-connect sa mga malalayong kamag-anak, file sharing at mga pangangailangan para sa paaralan, malaking tulong ang mga social network sa pang-araw-araw na mga gawain.

Mapapansin na halos sa internet na lamang umiikot ang buhay ng mag kabataan sa panahon ngayon (Clemente, 2011). Ang pagkakaroon ng Facebook, Twitter, o anumang social networking account sa murang edad ay maaaring makaapekto sa mga bata lalo na paglaki nito. Dahil sa maagang pagkakamulat ng kabataan sa mga bagay gaya ng alkohol, illegal na droga, sex, love life, at iba pa, tatatak sa isipan nila na ang mga bagay na ito ay normal na gawain ng mundo, at nagiging tama dahil ang mga ito ang nakikita nya mula sa mga nakatatanda at sa mga sites sa internet. Dahil dito, maraming kabataan ang nalululong sa kung anu-anong bisyo (Kincheloe, Weed, & Lack, 2010). Ang mga social networking at iba pang sites, tulad ng gaming sites, ay ang mga nagiging libangan ng kabataan, o kahit matatanda, ngayon. Dahil maghapon na silang nakaupo sa harapan ng computer, nababawasan ang quality time ng pamilya, nagiging hindi maganda ang kalusugan ng mga nalululong sa internet, at nagiging mas malayo sa isat isa t ang mga tao. Dahil sa makabagong teknolohiya ay paunti nang paunti ang mga aktibidad kung saan nagtitipon-tipon talaga ang mga tao para mag-usap at magkamustahan. Ika nga ni Albert Einstein, It has become appallingly obvious that our technology has exceeded our humanity.. Nakalulungkot isipin na habang tumatagal ay paunti na nang paunti ang interaksyonang mga tao, dahil lahat ay nakatutok at nakaasa na lamang sa Facebook, Twitter, cell phones, at iba pang teknolohiya. Madali na ring makausap ang mga matagal nang hindi nakikitang mga kaibigan o kamaganak, sa pamamagitan ng Skype, Oovoo, o Yahoo Messenger. Ang mga kabataan ngayon ay maghapon nang nakaupo sa harap ng computer, at naglalaro na lamang o nagbabasa ng updates sa mga social networking accounts nila. Maaaring mukhang malapit sa isat isa ang mga taong nag-uusap sa internet ngunit kapag silay nagkita nang personal ay hindi sila nagiging

komportable sa isat isa, maliban na lamang kung matagal na talagang magkakilala. Dahil sa pagkukunwaring pagkakaibigan na ito, bumababa ang socializing skill ng mga Pilipino, at nagiging palaasa na lamang sa virtual na mundo ng internet. Konklusyon Bilang pagtatapos, ipinagpalagay ng mga sumuri ng papel na ang mga salik na umaambag sa kagustuhan ng mga Pilipino na gumamit ng social network ay nag-uugat sa kanilang pagiging mausisa at hangaring makiuso sa mga bagay na napapanahon. Bukod sa pagkakaroon ng mas maraming mga bagong kakilala at kaibigan, at mas malawak na ugnayan sa iba, lalo na sa mga kamag-anak na malayo sa kanila, napakalaki ng naitututulong ng paggamit ng social network sa mga pang-araw-araw na mga gawain: mula sa pagkakabatid at pakikialam sa mga nagaganap sa paligid sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga opisyal na online page o pagiging miyembro ng iba-ibang mga online na grupo, pagpapalawak ng pangkabuhayan, pakikilahok sa online eleksyon, at maging hanggang sa simpleng pamamahagi ng file. Sa modernong panahon, lalung-lalo na para sa mga kabataan, ang buhay ay halos umiikot na lamang sa internet at social networking at sadyang hindi naiiwasang nakapagdudulot ito ng ibatibang epekto sa pamumuhay ng mga Pilipino, mabuti o hindi. Ilan sa mga hindi mabuting epekto ng paggamit ng social network, ay ang pag-ubos nito sa oras na dapat ay inilalaan sa pagganap sa mga tungkuling mas dapat na unahin o gawin, ang lalong pang paglala at pagdami ng mga di mabilang na kaso ng cyber bullying at paglabag sa mga property rights, kabilang na ang panunulad at pag-angkin sa pag-aari ng iba (plagiarism) at pagnanakaw ng pagkakakilanlan (identity theft). Tumitindi rin ang mga suliranin ukol sa paninirang-puri at pagkalat ng iba pang malalaswang kasangkapan dahil na rin sa madaling paraan ng pag-access sa mga social networking sites. Naiimpluwensuyahan din ng paggamit ng social network ang kinabukasan ng

mga gumagamit nito, sa dahilang hindi naman nakapribado ang ibang mga site na ni hindi naaayong magisnan ng mga wala pa sa wastong gulang. Malaking din ang posibilidad ng pagkakasangkot sa kapahamakan dahil napakaraming mga masasamang loob at

mapanamantalang maaaring makikilala sa internet dahil nga ito ay bukas sa para sa publiko. Hindi na rin napapamahalaan nang mabuti ng iba ang kanilang mga saloobin at hindi na nila napipigil ang lantarang pagpapahayag ng mga ito na maaaring magdulot ng masamang epekto sa iba. Dagdag pa sa lahat ng mga ito, mapapasing ang mga aktibong gumagamit ng social networks ay hindi na gaanong nakikilahok sa mga kaganapan sa labas ng cyber world at wala nang pisikal na bigkis sa iba. Lahat ng mga pakinabang na napupulot mula sa paggamit ng social network ay humahantong sa pagturing dito bilang isang pangangailangan hindi na napipilitan nang pasukan ng mga Pilpino, sa lalo pang lumalago at umuunlad na kalagayan ng teknolohiya ngayon. Kaya naman, sa kabila ng iba-ibang negatibong epekto na dulot nito, hindi na mapipigilang na halos lahat ay makilahok rito at ito ay naging isang phenomenon napakahirap nang sugpuin.

SANGGUNIAN Amnesty International. (2012, October 4). Philippines: Cybercrime law threatens free speech and must be reviewed. Retrieved from http://www.amnesty.org/en/news/philippinescybercrime-law-threatens-freedom-expression-and-must-be-reviewed-2012-10-04 Bonoan, J., Cantada, C. (Executive Producers), & Go, J. (Producer). (2000). Eleksyong Pinoy: Mga bida, kontra, atbp. [Video documentary]. Quezon City: Jesuit Communications Foundation. Brandtzg, P.B., & Heim, J. (2009). Why people use social networking sites. Proceedings of the HCI International. In A.A. Ozok and P. Zaphiris (Eds.): Online Communities, LNCS (pp. 143152). Springer-Verlag Berlin, Heidelberg, San Diego, CA, USA. Carty, S.L. (n.d.). Social networking abuse. Retrieved from http://socialnetworking.lovetoknow.com/Social_Networking_Abuse Clemente, D. (2011, December 31). The good, bad of PH as world social networking capital. Retrieved from http://opinion.inquirer.net/20225/the-good-bad-of-ph-as-world-socialnetworking-capital Cupin, B. (2011, April 15). Pinay model raises alarm on identity theft. Retrieved from http://www.gmanetwork.com/news/story/217831/scitech/pinay-model-raises-alarm-onidentity-theft Cyberbullying and Bullying Prevention PH. (2013, January 17). Cyberbullying statistics. Retrieved from http://cyberbullying.ph/2013/01/17/cyberbullying-statistics/ Deymos, A. (2013, February 4). Online elections campaign for 2013 Philippine polls. Retrieved from http://www.digitalmoz.com/seo-in-the-philippines/online-elections-campaign-for2013-philippine-polls/ Jaromay Laurente Pamaos Law Offices. (2012, September 18). Cybercrimes under the Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175) [Web log]. Retrieved from http://jlplaw.com/blog/cybercrimes-under-the-cybercrime-prevention-act-of-2012-ra-10175/ Kincheloe, M.T., Weed, D., & Lack, C.W. (2010). Facebook and psychology: Use and misuse of social networks. In P. Anninos, M. Rossi, T.D. Pham, C. Falugi, A. Bussing, & M. Koukkou (Eds.): Recent Advances in Clinical Medicine (pp. 80-83). Instanbul, Turkey: WSEAS Press. Merueas, M., & Tan, K.J. (2013, February 5). Supreme Court extends TRO on cybercrime law. Retrieved from http://www.gmanetwork.com/news/story/293478/news/nation/supremecourt-extends-tro-on-cybercrime-law

Nicholson, S. (2011, April 27). InfoGraphic: The history of online social networking. Retrieved from http://socialmediatoday.com/socmedsean/286629/infographic-history-online-socialnetworking Pindell, A. (2011, August). Internet plagiarism. Retrieved from http://www.studymode.com/essays/Internet-Plagiarism-760065.html Romero, P.S. (2013, January 28). In the Philippines, be careful of what you retweet. Retrieved from http://freespeechdebate.com/en/discuss/in-the-philippines-be-careful-of-what-youretweet/ Socialbakers. (n.d.). Philippines Facebook statistics. Retrieved from http://www.socialbakers.com/facebook-statistics/philippines Statistic Brain. (2012, September 5). Twitter statistics. Retrieved from http://www.statisticbrain.com/twitter-statistics/ Zeevi, D. (2013, February 21). The ultimate history of Facebook [Infographic]. Retrieved from http://socialmediatoday.com/daniel-zeevi/1251026/ultimate-history-facebook-infographic Zuckerberg, M. (2009, December 2). An open letter from Facebook founder Mark Zuckerberg [Web log]. Retrieved from https://blog.facebook.com/blog.php?post=190423927130

You might also like