K To 12 Sipat-Kurikulum

You might also like

Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 9

1

Pedagohiyang Mapagpalaya sa Konteksto ng K to 12: Sipat-Kurikulum at Mungkahing Implementasyon ng Ilang Aspekto ng Bagong General Education Curriculum (GEC)1

John Kelvin R. Briones at David Michael M. San Juan De La Salle University (DLSU)-Manila

Ang edukasyon ay di pagpupuno ng timba kundi pagsisindi ng siga. - William Butler Yeats Sistemang K to 12: Rekado sa Permanenteng Neokolonyalismo sa Pilipinas Ang mantrang anti-edukasyong tersyarya ng K to 12 ay malinaw na akma sa pangangailangan ng mga malalaking korporasyong kapitalista sa mga manggagawa at/o propesyunal na edukado ngunit handang tumanggap ng baratilyong pasahod. Rekisito ito sa pagsasalba ng kapitalismo sa pamamagitan ng muling pagpapalobo ng tubo ng mga korporasyon mula sa natipid nilang pera sa baratilyong pasahod. Upang matiyak na ang mga Pilipinoy wala nang ibang mapamimilian kundi maging mga alipin ng mga korporasyon, sagad-sagarin ding isinusulong ng mga imperyalista, kapitalista, at neokolonyalista, ang pagpapanatili ng Mining Act of 1995 at ang panukalang Charter Change na lalong magpapalakas sa kapangyarihan ng mga dayuhang korporasyon na kontrolin, ariin, at ubusin o simutin ang mga natitira pang likas na yaman ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng pagsimot sa ating likas na yaman, mawawalan na ng kakayahan ang mga Pilipino na gawing maunlad at industriyalisado ang Pilipinas. Wala na itong mapamimilian kapag nagkataon, kundi ang maging tagasuplay ng baratilyong lakas-paggawa o supercheap labor. Upang tiyakin na hindi na rin magiging feasible ang paglinang ng agrikultura sa Pilipinas, isinusulong ng mga imperyalista ang dependensya ng mga magsasakang Pilipino sa mga fertilizer na ginawa ng mga korporasyong transnasyunal. Ang mga fertilizer na itoy sadyang nakapagpapababa sa natural na taba o fertility ng lupa sa pangmatagalan. Kasabay nito, nagsimula na rin ang pagpipilit ng mga korporasyong transnasyunal na ipagamit sa mga magsasakang Pilipino ang mga genetically modified na binhi na sa kanila lamang mabibili sapagkat patented. Sa pamamagitan naman ng pagtatambak ng mga
1

Papel na binasa sa Pambansang Komperensiya sa Pagpapaigting ng Kadalubhasaan sa Wika, Panitikan, at Pananaliksik (HASAAN 4) na may temang Silip, Sipat, Sikap: Ang Guro sa Pagharap at Pagtugon sa Mga Hamon ng Pagtuturo at Pananaliksik na isinagawa sa AMV College of Accountancy Multipurpose Hall sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST), Maynila noong Oktubre 16-18, 2013. DOWNLOADABLE SA: http://www.scribd.com/doc/176838169/K-to-12-Sipat-Kurikulum

2
basurang lason (toxic wastes) sa Pilipinas ay tinitiyak din ng mga imperyalista na ang katubigan ng bansa, gayundin ang groundwater supply nito ay hindi na gaanong mapakikinabangan ng mga Pilipino. Samakatwid, ang K to 12 ay isa lamang sangkap sa enggrandeng plano ng mga imperyalista na gawing permanente ang pangingibabaw nila sa Pilipinas, kaya hindi maaaring ihiwalay sa kontekstong sosyo-ekonomiko at politikal ng bansa at daigdig ang pagtalakay sa K to 12. Kumpara sa ibang sangkap, napakahalaga ng K to 12 sa mga imperyalista sapagkat ito ang naglalatag ng sikolohikal at ideolohikal na batayan ng kanilang pangkalahatang pangingibabaw sa Pilipinas. Ang paghubog sa kamalayan at kaisipan ng sambayanan sa pamamagitan ng sistemang pang-edukasyon ang pinakamabisang paraan ng hindi direktang pagpapanatili ng imperyalismo at neokolonyalismo sa Pilipinas, batay na rin sa mga kaisipan ni Renato Constantino. Sa kabila ng katuwiran ng panawagang pagbabasura ng K to 12, kailangang harapin ng mga progresibong edukador ang katotohanan na naisabatas at ipinatutupad na ang K to 12, kaya kung hindi man ito maibabasura ay dapat tangkaing gawing mapagpalaya ang implementasyon nito, kahit man lamang sa ilang asignatura upang matiyak na hindi magtatagumpay ang mga imperyalista at mga lokal nilang kasabwat sa pagpapanatili ng gahum o pangingibabaw ng mga dayuhan sa ekonomya at politika ng Pilipinas. Pagsipat sa Bagong General Education Curriculum (GEC) sa Kolehiyo Noong Hunyo 28, inilabas ng Commission on Higher Education (CHED) ang CHED Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013 na hinggil sa General Education Curriculum: Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies. Sa panimula ng CMO No. 20 ay paimbabaw na binalikan ang ilang konstitusyunal na probisyon tungkol sa pagbubuo ng sistemang edukasyon sa Pilipinas. Halimbawa, sinipi nito ang nilalaman ng Artikulo XIV, Section 2 ng Konstitusyon na nag-aatas sa gobyerno na bumuo ng sistemang pang-edukasyon na relevant to the needs of the people and society. Sa kabila ng pagbanggit sa nasabing probisyon, ang halos buong CMO ay nasa wikang Ingles, isang wikang banyaga at hindi ginagamit ng nakararaming mamamayan sa pang-araw-araw na komunikasyon. Sa simula pa lamang ay kitang-kita na ang malawak na agwat ng mga tagabalangkas ng patakarang pang-edukasyon na Ingles ang wikang gamit, at ng mga mamamayang Pilipino na wikang pambansa at/o mga wikang rehiyunal ang gamit. Alinsunod sa CMO No. 20, ang lumang General Education Curriculum (GEC) na may 51 (para sa mga kursong saklaw ng Humanities, Social Sciences at Communication o HUSOCOM) o 63 (para sa mga kursong di saklaw ng HUSOCOM) minimum na yunit ay pinawawalang-bisa na at pinapalitan ng bagong GEC na mayroon na lamang minimum na 36 na yunit na akma sa iskemang K to 12 ng gobyerno. Binubuo ng 24 na yunit ng core courses, 9 na yunit ng electives at 3 yunit sa Buhay at Mga Sinulat ni Rizal (isang mandated na asignatura alinsunod sa isang batas) ang bagong GEC. Ayon sa CMO No. 20, ang bagong GEC ay may 8 core courses (Understanding the Self/Pag-unawa sa Sarili; Readings in Philippine History/Mga Babasahin hinggil sa Kasaysayan ng Pilipinas; The Contemporary World/Ang

3
Kasalukuyang Daigdig; Mathematics in the Modern World /Matematika sa Makabagong Daigdig; Purposive Communication/Malayuning Komunikasyon; Art Appreciation/Pagpapahalaga sa Sining; Science, Technology and Society/Agham, Teknolohiya at Lipunan; at Ethics/Etika) at 12 halimbawang asignaturang electives (Environmental Science, People and The Earths Ecosystems, Human Reproduction, at Living in the IT Era para sa larangan ng Mathematics, Science and Technology; Religions, Religious Experiences and Spirituality, Philippine Indigenous Communities, Gender and Society, at The Entrepreneurial Mind para sa larangan ng Social Sciences and Philosophy; at Great Books, Philippine Popular Culture, Indigenous Creative Crafts , at Reading Visual Art para sa larangan ng Arts and Humanities). Bunsod ng pag-iingay ng mga guro sa Filipino hinggil sa pagbura sa Filipino bilang asignatura sa antas tersiyarya, napilitan ang CHED na payagan ang pagtuturo ng mga asignatura sa bagong GEC sa Ingles o sa Filipino, alinsunod sa CMO No. 20. Problematiko na kaagad ang sistematikong pagbura sa Filipino bilang asignatura sa antas tersiyarya sa kabila ng pa- consuelo de bobong pagtataguyod ng CHED sa Filipino bilang wikang panturo. Dapat na igiit pa rin ang pagkakaroon ng bukod na asignaturang Filipino, bukod pa sa Purposive Communication na maaaring palitan nga ng Malayuning Komunikasyon (asignaturang Filipino) ngunit tiyak namang daraan sa butas ng karayom sapagkat maggigiit din ang mga guro ng Ingles (na mas marami) na Purposive Communication ang ituro sa antas tersiyarya. Bukod dito, mahalagang suriin ang mga detalyadong deskripsyon ng kurso na naglalantad sa konserbatibo at neoliberal na tunguhin ng bagong GEC. Pansinin halimbawa ang detalye ng CMO No. 20 hinggil sa asignaturang The Contemporary World. Kapansin-pansin na ni hindi nito binanggit ang mas direktang negatibong impact ng globalisasyon sa mga mamamayan ng Third World gaya ng pagkawasak ng kalikasan at pagpapalayas sa mga katutubong mamamayan bunsod ng mapanirang pagmimina ng mga dayuhang transnasyunal na korporasyon, at pambabarat ng mga malalaking kapitalistang kumpanya sa sweldo ng mga manggagawa sa pamamagitan ng outsourcing, subcontracting at iba pang iskema. Pipi ang deskripsyon ng asignatura sa globalisasyong karerang sadsaran (race-to-the-bottom), at mas binigyang-pansin nito ang safe advocacies sapagkat di gaanong direktang naglalantad sa kabulukan ng globalisasyon. Malinaw kung gayon, na kailangang maging mapanuri at malikhain ang mga guro sa implementasyon ng CMO No. 20. Dapat nilang talunin ang tunguhing Kanluranin, konserbatibo at neoliberal ng bagong GEC sa pamamagitan ng pagtiyak na ang bawat asignaturang ituturo sa ilalim nito ay magagamit sa pagpapaunlad ng Pilipinas, at sa paglalantad ng mga di makatwirang patakarang sosyo-ekonomiko na ipinapataw sa bansa at sa buong Third World ng mga bansang mauunlad na hanggang ngayoy liyamado pa rin sa kabila ng bigwas ng pandaigdigang krisis dulot ng kapitalismo. Sa madaling sabi, bagamat malinaw na maka-Kanluran at neoliberal ang K to 12, nararapat pagsikhayan ng mga guro na gamitin ang mga asignatura sa bagong GEC upang malunasan ang tinagurian ni Renato Constantino na misedukasyon ng mga Pilipino, tungo sa edukasyong progresibo at mapagpalaya na

4
kinontekstwalisa naman ng mga edukador sa Third World gaya ni Paulo Freire.

Parehong Sangkap, Ibang Lutuin: Estilong Retorika vs. Realidad Sa kabila ng mga kapintasan ng bagong GEC, maaaring gamitin ang ilang asignatura sa ilalim nito gaya ng The Contemporary World/Ang Kasalukuyang Daigdig sa pagpapatupad ng mapagpalayang edukasyon. Ayon sa CMO No. 20, layunin nitong ipakilala sa mga estudyante ang kalagayan ng daigdig ngayon, at ang bagong sistemang pandaigdig na umiiral sa ilalim ng globalisasyon. Imperatibo ang pagbuo ng progresibong framework sa pagtuturo ng globalisasyon at iba pang isyung kaugnay nito sapagkat opisyal na itinataguyod ng gobyerno ng Pilipinas ang globalisasyon mula pa noong maging kasapi ng World Trade Organization (WTO) ang bansa noong 1995, sa kabila ng dokumentadong negatibong epekto nito sa mga mamamayan ng Third World at maging ng First World (Brecher at Costello, 1999; Scholte, 2005; Peet, 2009; Bello, 2013). Tumatagos hanggang sa akademya ang ganitong mantrang pro-globalisasyon ng gobyerno. Halimbawa, sa isang modyul na inihanda ng Bureau of Secondary Education sa ilalim ng Departamento ng Edukasyon para sa Project Effective and Alternative Secondary Education (EASE), positibo ang depenisyon ng globalisasyon (p.11): Ang globalisasyon ay bagong anyo ng malayang kalakalan, pagpapalitan ng produkto, impormasyon at tao dahil sa pag-unlad ng teknolohiya sa komunikasyon at transportasyon. Sa ganitong diwa, iminumungkahi ng mga mananaliksik ang paggamit ng progresibong framework na Retorika vs. Realidad na magbibigay sa mga guro ng malawak na perspektiba na gagabay sa kanila sa pagtuturo ng globalisasyon at ng mga isyung kaugnay nito. Sa paraang ito, maipaliliwanag ang katotohanan sa likod ng umiiral na kaisipan patungkol sa globalisasyon na ikinukubli sa mayamang retorika ng mga neoliberal sa akademya. Nasa ibaba ang mungkahing conceptual framework ng estilong Retorika vs. Realidad sa pagtalakay ng globalisasyon:

Puhunan (Public-Private Partnership; Business Processing Outsourcing; Foreign Direct Investment; Privatization; Tourism; Mining Act) Utang (Public-Private Partnership; Conditional Cash Transfer; K to 12) Makinarya (Export-oriented Economy; Mining Act)

MGA BANSANG MAYAMAN SA KAPITAL (U.S., CHINA at EU)

PILIPINAS
KULTURA

Skilled Workers/Professionals (Labor Export Policy; K to 12) Hilaw na Materyales (Mining Act; Export-oriented Economy) Semi-manupaktura (Export-oriented Economy) Tubo (Foreign Direct Investment, Mining Act, Export-oriented Economy)

6
Sa isang banda, ang globalisasyon ay nagtataguyod ng pagtanggap at respeto sa ibat ibang kultura sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga ito sa mga mag-aaral. Sa ilalim ng globalisasyon ay tila nagkakaroon ng bentahe ang pag-aaral ng kultura ng ibang bansa kaya naman mabungang palitan ng kultura ang pagpapakete o packaging ng globalisasyon, ayon sa mga sumusuporta rito. Ngunit sa kabilang banda, nailalagay rin nito sa negatibong sitwasyon ang kultura ng mga katutubong minorya sa pamamagitan ng komodipikasyon o pagkakalakal sa mga ito. Sa ganitong paraan, napapanatiling exotic ang mga nabibilang sa mga ganitong pangkat, sukdulang tila tinatanggap o kinukunsinte na ang pagkonsumo sa kanila ng mga dayuhan. Huwad na Malayang Kalakalan Bagamat isang mahalagang aspektong dapat pagtuunan ng pansin ang kultura, mas mahalagang suriin ang aspektong sosyo-ekonomiko ng globalisasyon sapagkat higit na nararamdaman ng mamamayan ang epekto sa larangang ito. May kontradiksyon din sa retorika at realidad sa aspektong sosyo-ekonomiko ng globalisasyon. Maraming Pilipinong akademista ang may positibong pananaw sa globalisasyon gaya ni Neri (2001) na nagsabing Globalization has profound implications for developing countries. It creates important opportunities wider markets for trade, an expanding array of tradables, larger private capital inflows, and improved access to technology. Bagamat may bahagyang katotohanan ang pananaw na ito, hindi nito naipapakita nang komprehensibo ang mukha ng globalisasyon na nagpapataw rin ng di makatwiran at kung gayoy huwad na malayang kalakalan. Sa ganitong umiiral na sistema, nalulugi ang katulad nating Third World country dahil nananatili tayong eksporter lamang ng murang lakas-paggawa, murang hilaw na materyales at semi-manupaktura, at importer ng mga produkto ng First World countries. Malinaw na malinaw ang kalugihan ng mga Third World country dahil di hamak na mas mahal ang inaangkat nating yaring produkto tulad ng makinarya, tsokolate, kompyuter, cellular phones, gulong at iba pa na pawang gawa sa mga materyales o semimanupaktura na galing sa Third World. Ang Bitag ng Gabundok na Utang Dahil sa di patas na kalakalan sa ilalim ng globalisasyon, madalas na kinakapos sa badyet para sa importasyon ang mga bansang gaya ng Pilipinas. Bunsod nito, nauuwi sila sa pangungutang sa mga pribadong bangko at mga multinasyunal na institusyong pinansyal gaya ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank na kontrolado ng mga mauunlad na bansa. Samakatwid, bahagi ng globalisasyon ang debt trap na nambibiktima sa mga bansang Third World. Sa ilalim ng ganitong sistema, hinihikayat ang mga bansang Third World na mangutang nang mangutang, sukdulang pati ang pambayad sa utang ay inuutang din. Halimbawa, 800 milyong piso lamang ang utang ng Pilipinas noong mga huling taon ng dekada 40, habang sa kasalukuyan, aabot na sa 5.8 trilyong piso ang utang ng bansa. Kaugnay nito, garapalang isinusulong ng gobyerno ng Pilipinas ang Labor Export Policy (LEP) upang mapagtakpan ang

7
kalugihan ng Pilipinas sa huwad na malayang kalakalan sa ilalim ng globalisasyon, bukod pa sa pagtatangkang lutasin ang mataas na lebel ng kawalan ng trabaho at underemployment sa Pilipinas. Manggagawa Bilang Pangunahing Eksport Sa kasalukuyan, bukod sa kopra, saging at microchip, tao mga manggagawa/propesyunal ang pangunahing eksport ng Pilipinas. Dahil sa pangangailangan ng First World at dahil sa kakulangan ng trabaho at baba ng sweldo sa kanilang mga pinagmulang bansa, parami nang parami ang migrante mula Third World na sumusugal sa ibayong dagat. Bagamat may positibong epekto ang ganitong penomenon (i.e. remittances ng mga OFW), may kaakibat din itong trahedya gaya ng lumalalang pagsasamantala at pag-abuso sa kanilang karapatang-pantao. Ilan sa mga pang-aabusong ito ay ang mga sumusunod: mababang pasweldo kumpara sa istandardisadong pasahod sa mga mamamayan ng First World, sapilitang pagpapahaba ng oras ng trabaho, peligrosong kondisyon ng trabaho, pangaabusong sekswal, pisikal at sikolohikal, at lantad na rasismo. Dokumentado ang maraming kagimbalgimbal na kaso ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga migrante tulad ng pag-iral ng mga tent city para sa mga Pilipinong naghihintay ng exit visa sa Saudi Arabia, mahabang oras ng trabaho at di pagpapakain sa mga Nepalese na nagtatayo ng mga istruktura para sa 2020 World Cup sa Qatar, at baratilyong pasahod o kayay di pagpapasahod sa mga migranteng manggagawa sa Estados Unidos, at marami pang iba. Kung gayon, hindi magandang solusyon sa kawalan ng trabaho sa Pilipinas ang panukala ng mga maka-globalisasyon gaya ni Neri (2001) na sanayin ang ating mga manggagawa upang matugunan ang international labor standards na isa sa mga deklaradong layunin ng gobyerno sa pagpapatupad ng K to 12 dahil ang labor export policy ay may mga kaakibat na social at economic cost (pagkawasak ng pamilya, brain drain at de-skilling, at iba pa), bukod pa sa mga malalalang problema na nabanggit sa itaas. Hindi lang Third World countries ang biktima ng ganitong sistema sa ilalim ng globalisasyon. Ramdam na rin ng mga mamamayan sa First World countries ang mga negatibong epekto ng globalisasyon gaya ng pagkawala ng kanilang trabaho at pagbaba ng pasahod bunsod ng outsourcing at subcontracting. Sa sistemang outsourcing at subcontracting, mas pinipili ng mga kapitalista ang bansang makapag-aalok ng mas baratilyong sahod gaya ng Pilipinas, China, Indonesia, Brazil at India. Samakatuwid, mga malalaking kapitalista lamang ang nakikinabang sa ganitong umiiral na kalakaran, bagay na dokumentado rin sa lumalawak na agwat ng mayayaman at mahihirap sa maraming bansa sa Kanluran man o sa Silangan.

Napakong Pangako ng Dayuhang Puhunan

8
Napananatili ang hegemonya ng mga kapitalista sa globalisasyon dahil sa pangkalahatan, isinusulong ng mga gobyerno sa Third World, gaya ng sa Pilipinas, ang pag-akit sa dayuhang mamumuhunan na karaniwang kasosyo (o kayay shadow financier) ng mga malalaking lokal na kapitalista. Ayon sa mga maka-globalisasyon, layunin ng foreign investment na matulungan ang mga bansang Third World na lumikha ng trabaho at bumuo ng mga industriya. Sa kasamaang-palad, ang mga bansang First World lamang ang mas nakikinabang sa kanilang puhunan dahil sa kawalan ng kontrol sa profit repatriation. Sa kasalukuyang sistema, pinapayagan at hindi nililimitahan ng mga bansang gaya ng Pilipinas ang pag-eeksport ng tubo ng mga foreign investor sa kani-kanilang mga mother unit sa ibayongdagat. Bukod dito, malaking bahagi ng foreign investment sa Pilipinas ang nakalaan sa services sector (gaya ng bangko at call centers), sa halip na sa industriyalisasyon. Samakatwid, hindi rin natutupad ang pangako ng globalisasyon kaugnay ng foreign investment. Dapat ding tandaan na napatunayan nang hindi mapanghahawakan ang mga foreign investment na maaaring maglahong parang bula anumang oras, lalo na sa panahon ng krisis (gaya nang nangyari noong dekada 90 sa Asya). Mapagpalayang Edukasyon: Paglalantad sa Katotohanan Tungo sa Pagbabagong Panlipunan Sa konteksto ng framework na inilahad, malinaw na may discrepancy sa pagitan ng magandang mukha ng globalisasyon na sinasalamin ng madayang retorika ng mga neoliberal sa isang banda, at ng masamang realidad na ibinubunga ng globalisasyon sa mga bansang Third World, at maging sa mga mamamayan ng First World sa isa pang banda. Malinaw kung gayon na may pangangailangang bigyangdiin ng mga progresibong guro ang negatibong aspekto ng globalisasyon upang makapag-ambag sa pangkalahatang panawagan ng panlipunang pagbabago, lagpas pa sa kasalukuyang realidad ng globalisasyon. Sa framework na inilahad, hindi lamang inilalantad ang kahungkagan o emptiness ng bulag na pagpapatupad ng globalisasyon, at inilalarawan ang mga realidad na ramdam ng mga ordinaryong mamamayang biktima ng globalisasyon, kundi hinihikayat din ang mga guro at estudyante na tumulong sa pagluluwal ng mas makatwiran at mas makatarungang sistemang panlipunan. Harinawang magsilbing titis o spark ang pagtalakay sa papel na ito tungo sa pagliliyab ng malawak na larangan ng mapagpalaya at progresibong implementasyon ng asignaturang The Contemporary World/Ang Kasalukuyang Daigdig sa Pilipinas. Mga Sanggunian: Bello, Walden. Capitalisms Last Stand? Deglobalization in The Age of Austerity. New York: Nakalimbag. Bureau of Secondary Education (BSE) of the Departament of Education. Project Effective and Alternative Secondary Education (EASE) Araling Panlipunan I Module 19. BSE Online. Web. 16 Oktubre 2013. http://www.bse.ph/download/EASE%20MODULES/Araling%20Panlipunan/AP%20I/M ODYUL %2019%20ANG%20PILIPINAS%20SA%20PANAHON%20NG%20PAGPAP ATATAG.pdf. Brecher, Jeremy at Tim Costello. Global Village or Global Pillage (Second Edition): Economic From the Bottom Up. South End Press, 1999. Nakalimbag. Reconstruction Zed Books, 2013.

9
Commission on Higher Education (CHED). CHED Memorandum Order No. 20, Series of 2013. CHED Online. 28 Hunyo 2013. Web. 16 Oktubre 2013. http://www.ched.gov.ph/chedwww/index.php/eng/content/download/3906/19270/file/CMO %2520No.20%2520s2013.pdf. Constantino, Renato. The Miseducation of the Filipino. NonLinearHistoryNut Online. Web. 31 Hulyo 2013. http://nonlinearhistorynut.files.wordpress.com/2010/02/miseducation-of-a-filipino.pdf. Department of Education (DepEd). Discussion Paper on The Enhanced K+12 Basic Education Program. DepEd Online. 05 Oktubre 2010. Web. 31 Hulyo 2013. http://www.deped.gov.ph/cpanel/uploads/issuanceImg/K12new.pdf. Freire, Paulo. The Politics of Education: Culture, Power and Liberation. Donaldo Macedo (trans.). Bergin & Garvey Publishers, 1985. Nakalimbag. Freire, Paulo at Ira Shor. A Pedagogy for Liberation: Dialogues on Transforming Education. Nakalimbag. Neri, Romulo. Economics & Public Policy. Makati City : Asian Institute of Management, 2001. Nakalimbag. Peet, Richard. Unholy Trinity: The IMF, World Bank and WTO. Zed Books, 2009. Nakalimbag. Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO). The K to 12 BASIC EDUCATION PROGRAM. Official Gazette ng Republika ng Pilipinas. 30 Oktubre 2012. Web. 31 Hulyo 2013. http://pcdspo.gov.ph/downloads/2012/11/K-to-12-october-30.pdf. Philippine House of Representatives. Congressional Record Volume 1, Number 24. 17 October 2012. Web. 31 Hulyo 2013. http://www.congress.gov.ph/download/congrec/15th/3rd/15C_3RS-24-101712.pdf. Scholte, Jan Aart. Globalization: A Critical Introduction (Second Edition). New York: Palgrave Macmillan, 2005. Nakalimbag. Southeast Asian Ministers of Education Organization Regional Center for Educational Innovation and Technology (SEAMEO-INNOTECH). K TO 12 TOOLKIT: Reference Guide for Teacher Educators, School Administrators, and Teachers (2012). Web. 31 Hulyo 2013. http://pcdspo.gov.ph/downloads/2012/11/K-to-12-october-30.pdf. Praeger, 1986.

You might also like