Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

Ang Puswelong Kahoy Isang payat na matandang lalaki ang nakapisan sa kanyang anak na lalaki, manugang, at apat-na-taong apo.

Nanginginig ang mga kamay ng matanda, ang kanyang paningin ay may kalabuan na, at ang kanyang hakbang ay madalas nang sumasablay. Sama-samang kumakain ang pamilya sa hapagkainan. Subalit ang nanginginig na kamay ng matandang Lolo at yang kanyang malabong paningin ay nagpapahirap sa kanyang pagkain. Nalalaglag ang ulam mula sa kanyang kutsara patungo sa sahig. At kapag hinawakan nya ang baso, lumiligwak ang gatas sa mantel ng mesa. Labis ang nairita na ang kanyang anak at manugang sa mga kalat na nilikha nito. Dapat na nating gawan ng aksyon si Tatay, sabi ng anak. Punungpuno na ko sa mga tumatapong gatas, maingay na pagnguya, at pagkaing nagkalat sa sahig. Kayat naglagay ang mag-asawa ng isang maliit na mesa sa sulok ng bahay. Doon, si Lolo ay hinayaang kumaing mag-isa habang ang ibang miyembro ng pamilya ay masayang na naghahapunan. At dahil si Lolo ay nakabasag na ng ilang kagamitan, ang kanyang pagkain ay inilagay na lamang sa isang puswelo (bowl) na gawa sa kahoy! Nung sulyapan ng pamilya ang lugar ni Lolo, napuna nila ang nangingilid na luha sa mga mata ng matanda habang nakaupo itong mag-isa. Ganunpaman, ang tanging mga salita na binigkas ng mag-asawa sa kanya ay matatalim na panunumbat kapag nabibitiwan ni Lolo ang tinidor o natatapon ang pagkain. Ang lahat ng ito ay tahimik lamang na pinagmasdan ng apat-na-taonggulang na bata. Isang gabi, bago maghapunan, napuna ng ama ang kanyang anak na naglalaro ng mga pinagtabasang kahoy sa sahig. Malambing niyang tinanong ang bata, Ano ang ginagawa mo dyan, anak? Masuyo ring tumugon ang paslit, "Ah Daddy, gumagawa po ako ng maliit na bowl para sa iyo at kay Mommy para may kakainan po kayo paglaki ko! Ngumiti lang ang musmos at nagpatuloy sa kanyang ginagawa. Labis na nagpayanig ang mga katagang iyon ng anak sa kanyang mga magulang kayat hindi nila nakuhang magsalita. Pagkatapos nito ay nagsimulang

dumaloy ang luha sa kanilang mga pisngi. Bagamat walang salitang namutawi sa kanilang mga labi, batid na nila kung ano ang susunod nilang gagawin. Noong gabi ring iyon, hinawakan ng anak ang kamay ng matandang ama at dahan-dahan niya itong inakay pabalik sa malaking hapag-kainan. Sa mga nalalabi pa niyang mga araw sa mundo, kasalo na niyang kumain ang pamilya ng kanyang anak. At simula noon, hindi na pinapansin pa ng sinuman sa mag-asawa kapag nahuhulog ang tinidor, tumatapon ang gatas, o narurumihan ang sapin sa mesa. --Alvin T. Claridades-From The Wooden Bowl isinalin sa Tagalog ngayong Enero 3, 2011

You might also like