2013-79236 G. Kerby C. Alvarez Adarna Reflection Paper Ibat iba ang mga imahe ng kabayanihan na ipinakita sa dulang Ibong Adarna kung saan si Don Juan ang pangunahing bayani. Ipinakita ang kabayanihang pampamilya sa dula, ito ay kung saan ang bunsong si Don Juan ay nakipagsapalaran upang hanapin ang tanging lunas sa sakit ng amang si Haring Fernando. Iniligtas din niya ang mga kapatid kahit na patuloy siyang pinapahamak ng mga ito. Isa pang imahe ng kabayanihan ay ang kabayanihan sa pag-ibig. Ito ay tatlong beses na ipinakita. Una ay ang pagtalo ni Don Juan sa Higante na siyang nagbabantay kay Prinsesa Juana upang makuha ang kamay nito, isa pa ang pagtalo ni Don Juan sa Serpyenteng may pitong ulo upang makuha ang loob ni Prinsesa Leonora at ang huli ay ang pagsunod sa pitong utos ng hari upang mapakasalan ang anak nito na si Prinsesa Maria Blanca. Isa pang kabayanihan ay ang kabayanihan sa pagtulong sa kapwa. Makikita ito nang binigay ni Don Juan ng tinapay ang isang ermitanyo kahit na nagiisang tinapay na lang ito sa loob ng ilang buwan pa niyang paglalakbay. Marami ang makikitang pagkakatulad ng konsepto ng kabayanihan sa dulang Ibong Adarna at sa mga epikong Pilipino. Makikita na ang bayani sa Ibong Adarna ay isang lalaki, si Don Juan. Siya ay hinahangaan at matipuno. Siya ang tagapagligtas ng hari mula sa sakit at siya rin ang tagapagligtas ng mga prinsesa mula sa higante at serpyenteng may pitong ulo. Si Don Juan din ang naging tagapagligtas ng Kaharian ng Berbanya nang maghiganti si Prinsesa Maria Blanca nang tinangka nitong lunurin ang mga mamamayan sa Berbanya. Si Don Juan ay nagtataglay ng pambihirang lakas at galing sa pakikipaglaban kahit na siya ang bunso sa magkakapatid. Si Don Juan din ang naging tagapagmana ng kaharian ng Berbanya gaya ng konsepto ng mga bayani sa epikong Pilipino na kung saan ang bayani ang tagapagmana ng kultura at tagapagpatuloy ng lahi. Nagpapakita ito ng mga karanasan sa pakikidigma at pagliligtas mula sa masasamang elemento. Ang halimbawa ng mga pakikidigma sa Ibong Adarna ay ang pakikidigma ni Don Juan sa higante at sa serpyenteng may pitong ulo. Ipinakita rin sa Ibong Adarna ang malakas na ugnayang pampamilya o magkakamag-anak. Ito ay lubos na makikita nang magkasakit si Haring Fernando at hinanap ng magkakapatid ang tanging lunas na Ibong Adarna at iginiit ni Don Juan ang mga kasalanan sa kanya ng kanyang mga kapatid. Mas pinili niya ang dugo at ipinagtanggol pa ang mga kapatid kesa sila ay maparusahan. Ipinakita din sa Ibong Adarna ang maigting na sistema ng ugnayang panlabas ng mga kaharian sa iba pang kaharian gaya ng katangian ng mga bayan sa epikong Pilipino. Makikita din na ang mga prinsesa ang naging kahinaan ng bayani na si Don Juan gaya ng sa epikong Pilipino na ang kababaihan ang nagbibigay kahinaan sa bayani. Ito ang naging dahilan upang malagay sa kapahamakan ang kaharian ng Berbania nang maghiganti si Prinsesa Maria Blanca. Ang mga kababaihan din ang nagdulot ng suliranin sa bayani na si Don Juan gaya ng paglaban nito sa Higante at Serpente na siyang nagbabantay sa mga prinsesa at sa pagsunod ni Don Juan kay Haring Salermo para makuha ang kamay ng anak nito. Sa epikong Pilipino, ang kababaihan ang dahilan sa pagpapakababa ng mga kalalakihan sa pagsuyo sa kamay ng babae upang magpakasal gaya nga ng ipinakita sa Ibong Adarna. Sa kabilang banda, may mga pagkakaiba rin ang mga konsepto ng kabayanihan sa dula at sa epikong Pilipino. Sa epikong Pilipino, ang mga bayani ay ipinapanganak sa hindi normal na sitwasyon ngunit sa Ibong Adarna ay hindi ito ipinakita. Sa Ibong Adarna ay hindi alam ni Don Juan ang kanyang magiging kapalaran at ang magbibigay ng mga solusyon sa mga suliraning kakaharapin niya. Kinailangan pa niya ng tulong ng ermitanyo sa ibang mga suliraning kanyang kinaharap gaya ng kaalaman sa paghuli sa Ibong Adarna at kinailangan din niya ang tulong ni Prinsesa Maria Blanca upang magawa ang mga imposibleng utos ng ama ng Prinsesa Maria Blanca dahil walang mahika si Don Juan, si Prinsesa Maria Blanca ang gumawa ng mga utos gamit ang kanyang mahika. Ang Ibong Adarna ay nagpapakita ng kalagayan ng lipunang Pilipino noong panahon ng Espanyol. Makikita na ang mga lugar sa kwento ng Ibong Adarna ay nahahati sa mga kaharian kung saan ang namumuno ay ang hari na ang lahat ng utos ay nasusunod. Makikita rin na parating may bakas ng simbahan ang kaharian ng Berbanya. Makikita ito ng lubos nang ikakasal sana si Don Juan at Prinsesa Juana sa harap ng isang arsobispo. May bakas din na makikita ng militar sa Ibong Adarna sa kaharian ng Delos Crystales nang ipinagutos ng Haring Salermo sa ikatlong utos nito kung saan ipinagawa niya na ang muog ng kastilyo na mula sa bundok ay tayuan ng gulod na pitong hanay na may mga kanyong paglalagyan ng anim na batirya at ang mga kawal ay dapat na nasa ayos pakikibaka at magsisiputukan na parang may digmaan. Ang mga ito ay maihahalintulad sa konspeto ng reduccion ng mga kastila. Ang mga kaharian ay maituturing na mga pueblo sa panahon ng Espanyol. Makikita na ang mga Kaharian sa Ibong Adarna ay nasa disenyo ng Iglesia-Ayuntamiento-Fuerza. Ang Iglesia sa pamamagitan ng arsobispo, ayuntamento sa hari at fuerza sa mga kawal at digmaan. Ang hari ay maihahalintulad bilang isang Gobernador-heneral na siyang namumuno sa pueblo o kaharian at siya ring namumuno sa sandatahan. Isa pang kalagayan ng lipunang Pilipino noong Panahon ng Espanyol ay ang politikal na Gawain kung saan ang pagpili ng mamumuno ay namamana sa tatay madalas sa pangaay na lalaki. Bagamat di panganay si Don Juan, sa kanya pa rin ipinamana ang tungkulin sa Kaharian ng Berbanya dahil sa pagkabigo at pagsuway ng panganay na anak ng Hari na si Don Pedro. Makikita din sa Ibong Adarna na ang kapareha ng prinsipe ay dapat prinsesa o isang mahalika. Hindi ipinakita sa Ibong Adarna na nagkaroon ng relasyon ang isang maharlika (Espanyol) at pangkaraniwang mamamayan (Pilipino). Ipinapakita dito ang purity of blood na konsepto ng mga Espanyol.