SI RIZAL SA DALAWANG MUKHA (Suring papel tungkol sa mga artikulong Veneration Without Understanding ni Renato Constantino at Veneration With Understanding ni Armando J. Malay)
Dr. Jose Rizal, matagal nang pinagtatalunan ng mga tao hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo ang pag-kagawad sa kanya bilang isang pambansang bayani. Maraming naninira at kumekwestyon sa kanyang mga ginawa tulad ni Renato Constantino sa kanyang sinulat na artikulong Veneration Without Understanding kung saan sinabi niya na hindi karapat-dapat si Rizal sa titulong iyon dahil hindi naman siya nagtaguyod ng rebolusyon noong 1896 at hindi umano ay tinanggi pa ang pakikipaglaban para sa kalayaan ng bansa. Mayroon namang mga taong nagtatanggol sa integridad ni Dr. Jose Rizal bilang isang pambansang bayani. Isa na rito si Armando J. Malay na sinagot ang artikulo ni Constantino sa pamamagitan ng pagsulat ng Veneration With Understanding at binatikos ang mga unang sinabi ni Constantino tungkol kay Rizal. Kailangan nating tingnan si Rizal sa ibat ibang pananaw; parang isang piso na kailangang silipin pang mabuti ang isa pang kalahating mukha ng ating bayani.
SI RIZAL PARA KAY CONSTANTINO Isang ilustrado na itinalaga lamang ng mga Amerikano bilang isang pambansang bayani, ganyan ituring ni Constantino si Rizal. Para sa kanya, ang mga kahinaan ni Rizal ay naitago na dahil sa sobrang pagkakilala ng mga historyador sa kanyang mga nakamit sa buhay. Kailangan lang si Rizal noong panahon na iyon para sa pagbuo ng nasyonalismo habang nagaganap ang pangalawang pagsakop sa bansa. Ideyal na bayani para kay Constantino ang taong kayang baguhin ang mga nangyayaring kasamaan sa kanyang bansa, hindi takot sa isang rebolusyon at makamasa. Naniniwala siya na ang mga tao ngayon ay pwedeng maging bayani sa pamamagitan ng maayos na pagpupursigi ng kanilang mga pangarap. Nasa ibaba ang mga sinabi ni Constantino sa kanyang artikulo na aking nagustuhan tungkol sa pagpapasya kung si Rizal ba ay dapat maging isang pambansyang bayani.
1.) Ang maayos na pag-unawa sa ating kasaysayan ay napakahalaga sa ating mga Pilipino upang magsilbing tagapag-turo ng mga mali sa kasalukuyan na ginawa ng mga nalalaman sa nakaraan.
2.) Masyado nang matagal ang pagbibigay pansin sa importansya sa buhay at pagiging bayani ni Rizal. Hindi natin napapansin ang kanyang mga limitasyon at pagkukulang. Kung mauunawaan natin ito, tayo ay lubos na makakatulong sa pagbuo ng maayos na bayan.
3.) Hindi tayo dapat kumiling lagi kay Rizal. Tanggalin natin ang ating mga paniniwala na hindi natin kayang gumawa ng sariling bayani sa ating panahon.
Ngunit, nang ginawa ni Constantino ang kanyang artikulo, may isang taong nabasa ito at nakahanap ng mga mali at butas at kaagad ito ay nilabanan ng isa pang artikulo. Siya si Armado J. Malay. SI RIZAL PARA KAY MALAY Masidhing tinutulan ni Malay ang mga pananaw ng naunang may-akda sa kanyang artikulo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga halimbawa ng mga personalidad na sumasalungat sa ideyal na bayani ni Constantino. Binigyang pansin niya na mali ang argumentong ginawa lamang ng mga Amerikano si Rizal bilang isang pambansang bayani na kung saan sinabi niya na dalawang taon pagkatapos siya mamatay ay kaagad ginawad bilang pagkilala sa kanya ni Emilio Aguinaldo ang Disyembre 30, 1898 bilang araw ng pagluluksa. Noong 1892, naging pandangal na presidente si Rizal ng Katipunan na nagpapahiwatig din na mas naunang nakilala bilang isang bayani si Rizal ng kanyang mga kababayan bago ang mga dayuhan. Nagustuhan ko sa artikulo ni Malay ang kanyang pagiging organisado sa mga detalye upang ipagtanggol ang kanyang pananaw sa pananatili ng titulo ni Rizal bilang pambansang bayani ng Pilipinas. Para sa kanya, ang mga karakter ng dalawang nobela ni Rizal na sina Elias, Padre Florentino, Juli, Sisa at marami pang iba, ay nagpapakita kung ano ba ang mga ugali ng mga Pilipino sa lipunang sakop pa ng mga Espanyol. Pinatunayan niya din na si Rizal ay makamasa at nasa masa. Namatay siya para sa atin, hindi lang para sa mga nasa mataas na lipunan, wika niya nga. Naging madali para kay Malay na batikusin ang artikulo ni Constantino dahil nandyan na ang mga detalye at impormasyon para sa mga kritiko tulad niya. Sana ay nagdagdag siya ng kanyang mga bagong pananaw ukol sa pagkabayani ni Rizal.
ANG AKING PAGHATOL Ang dalawang artikulo na aking nabasa ay parehas na maayos at magaling na naisulat dahil din sa maayos na pagsasaliksik ng mga impormasyon tungkol sa buhay at pagkabayani ni Rizal. Kahit magkasalungat ang kanilang mga ideya, nakatulong sina Renato Constantino at Armando Malay sa pagbuo ng aking desisyon tungkol sa isyu na ito. Bukod pa, nakatulong sila sa pagdagdag ng kaalaman lalo ng nag-aaral ako ngayon tungkol kay Dr. Jose Rizal. Para sa akin, hindi na kailangan pa nating tawagin si Rizal bilang ating pambansang bayani. Hindi naman niya ito hiningi bago siya mamatay sa Bagumbayan. Naiiintidihan ko ang kahalagahan ng pagkilala sa mga bayaning Pilipino ngunit sumasang-ayon ako kay Constantino na kapag matagal pa tayong mag-alay ng atensyon sa mga namatay na bayani ng ating nakaraan, baka hindi natin kayang makapag-gawa ng mga bayani ng ating panahon. Sabi pa nga ni Malay, mabuti na lang na kaunting tao ang tumatalikod sa katotohanan na si Rizal at iba pang mga bayani ay dapat pahalagahan at tularan ng mga Pilipino. Ang mga bayani ay nagsisilbing modelo ng katapangan, kagitingan, katapatan at pagiging makabayan. Para sa akin, ginawa nila ang lahat kahit sila ay magkakaiba ng pinanggalingang pamilya, propesyon at istilo sa rebolusyon, para makawala ang ating bayan sa kamay ng mga dayuhan. Nariyan sila bilang tagapagtanda sa atin na kung wala sila, hindi natin natatamasa ngayon ang pinaglabang kalayaan.
References:
Constantino, R. (n.d.). Veneration without understanding. Malay, A. (1970) Veneration with understanding.