Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 7

Wikang Pambansa

(Excerpts from: Manuel Quezon on the National Language)



Hindi ko nais na Kastila o Ingles ang maging wika ng Pamahalaan. Kailangan
magkaroon ng sariling wika ang Pilipinas, isang wikang nakabatay sa isa sa
mga katutubong wika.

Nagmula ang karamihan ng mga suliranin o pagkukulang na kasalukuyang
nararanasan dito sa kawalan ng ating sariling wikang pambansa. Ang pagnanais
gayahin ang lahat ng kilos banyaga kahit hindi alam kung ito'y mabuti o
masama ay dahil sa isang kahinaanang kakulangan ng isang tunay na
pambansang kamalayan. Hindi maaring magkaroon ng pambansang kamalayan
kung saan walang wikang ginagamit ng lahat.

Naunawaan ko lamang kung gaano kahirap ang kakulangan ng wikang
pambansa noong naging Pangulo ako. Ako ang Pangulo ng Pilipinas; ako ang
kumakatawan sa bayang Pilipinas at sa mga Pilipino. Ngunit kapag ako'y
naglalakbay sa mga lalawigan at kinakausap ang aking mga kapwa
mamamayan, kailangan ko ng tagapagsalin. Nakakahiya, hindi ba?

Sang-ayon ako sa patuloy na pagtuturo sa Ingles sa mga paaralan at itataguyod
ko rin ang pagpapatuloy ng Kastila. Subalit dumating na ang panahon upang
magkaroon tayo ng isang wikang pambansa. Ang suliranin ay gusto ng mga
Ilokano na Ilokano ang wikang pambansa; ang mga Tagalog, Tagalog; ang mga
Bisaya, Bisaya.

Ako ay Tagalog. Kung sasabihin ng mga dalubhasa sa iba't-ibang wikang
Pilipino na Mangyan ang katutubong wikang pinakamainam gamitin, Mangyan
ang tatangkilikin ko higit sa ibang wika. Tagalog ang ginagamit namin sa
pamilya. Pero handa akong mag-aral ng Ilokano, Bisaya o anupamang ibang
katutubong wika para lamang magkaroon tayo ng wikang ginagamit ng lahat.
TALUMPATI NI MANUEL L. QUEZON
MENSAHE SA AKING MGA KABABAYAN:
(This was written in English and Spanish. The English version was from Manuel L.
Quezon's article in PDI in 2004)

Mga kababayan: Mayroon akong isipan na nais kong lagi ninyong alalahanin. Ito ay:
Na kayo ay mga Filipino. Na ang Pilipinas ay inyong bayan, nag-iisang ibinigay ng
Diyos sainyo. Na kailangang alagaan ninyo ito para sainyong sarili, para sainyong
anak at mga anak ng inyong mga anak, hanggang sa katapusan ng daigdig. Ag
inyong buhay ay dapat para sa bayan at kung hinihingi ng pagkakataon na ibuwis ito
ay humandang mamatay para sa sariling bayan.

Ang inyong bayan ay dakila. Dakila ang nakaraan nito at may naghihintay na
magandang kinabukasan. Ang Pilipinas nang mga nakaraang taon ay dinilig ng dugo
at pag-aalay ng buhay ng mga bayani, mga martir at mga sundalo.

Ang Pilipinas ngayon ay pinararangalan ng mga pinunong mataos na nagmamahal,
nagsisilbi ng hindi makasarili at may tapang ng loob.

Ang Pilipinas kinabukasan ay magiging bayan ng kasaganaan, kaligayahan at ng
kalayaan. Isang bansa na nakataas ang noo sa Kanlurang Pasipiko, hawak ang
sariling kapalaran, sa kaniyang kamay ay tangan ang ilaw ng kalayaan at ng
demokrasya. Isang republika ng mga mararangal na mamamayan na may
paninindigan at sama-samang magsisikap na paunlarin ang daigdig natin ngayon.





PANITIKAN (TALUMPATI)
Paninindigan
Ni Manuel L. Quezon
(Itoy bahagi lamang ng talumpating binigkas ng yumaong Quezon sa Ingles noong ika
19 ng Pebrero, 1938. Itoy hinalaw at tinagalog ng mga patnugot ng Surian ng
Wikang Pambansa.)

Ibig kong sabihin sa inyo na kailangan natin ang isang wikang pambansa. Isang
propesor sa kasaysayan siyay dekano pa rin ang sumulat ng lathala na tumawag sa
bayan na magkakaroon ng isang wikang pambansa para sa mga Pilipino, at ididugtong
pang kakailanganin natin ang isang daang taon upang malinang ng isangn wikang
panlahat. Itulot ninyong sabihin ko, na walang wikang pambansa na naitatag sa loob ng
dalawamput apat na oras. Bawat wika sa Europa na nasa hanay ng isang wikang
pambansa ay nangangailangan ng daan daang taon upang mapaunlad. May isang
libong taon na ngayon, ang mga mamamayan ng Inglatera, halilmbawa, o ng Pransya,
Espanya, o Alemanya, ay hindi nagsasalita ng wikang panlahat, pagkat bawat purok sa
bawat bansa ay nagsasalita ng ibang wikain. Dahil ditoy matwid baga ang propesor, sa
pagsasabing hindi tayo dapat magtangkang magkaroon ng isang wikang panlahat
sapagkat kakailanganin ang tatlong daang taon upang makamtan iyon. Ano na ang isang
daang taon sa buhay ng isang bansa? Sa alinmang bayan ay wala nang napakamahalaga
na katulad ng pagkakilala nila sa kanilang kaisahan bilang isang bansa, at bilang isang
bayan ay hindi tayo dapat magkakaroon nng higit na pagkakilala sa bagay na ito
hanggat hindi tayo nagsasalita ng isang panlahat.

Ang palagay na upang matuto ng Tagalog ang isang Pilippino, o ang isang Ilokano, o
ang isanng Bisaya, ay kakailanganin ang isang panahong kasintagal ng kakailanganin
niya upang matutuhan ang Ingles ay katawa tawa. Noong mga nakaraang araw, ang
isang tagalalawigang napaparito sa Maynila upang mag aral ay natututo ng tagalong
makaraan ang isang taon. Ngunit hindi na ngayon, sapagkat ang mga kabataang itoy
nag uusap sa Ingles sa lahat ng oras.


Gaya ng alam ninyo, nakaharap ko ang Kanyang Kadakilaan, ang Emperador ng Hapon.
Ang Emperador ng Hapon ay nagsaslita ng Ingles, ngunit sa aking pakikipanayam sa
kanya ay hindi siya kailanman nagsalita sa akin ng Ingles;nagsalita siya sa kanyang
wika. Nagsalita ako sa Ingles at iyoy isinallin sa kanya sa wikang Hapon, bagaman
nauunawaan niya ang sinabi ko. Para sa kanyay isang bagay na dapat ipagmalaki ang
hindi makipag usap sa akin maliban sa kanyang sariling wikang pambansa. Tiyak na
sasang ayunan ko na gawing wikang pambansa ang Kastila o Ingles, o alinmang ibang
wika, kung matutuhan natin ito nang kasindalil ng pagkatuto natin ng isa sa mga
wikaing katutubo. Ang mahalaga ay hindi ang pagkakaroon ng wikang ito o ng wikang
iyon, kundi ang magkaroon ng isang wika. Madali para sa mga Pilippino ang
magkaroon ng isang wika sa paggamit ng isa sa ating mga wika o sa pag angkin sa
alinman sa Ingles o Kastila. Sa katunayan ay magiging madali pa sa mga Pilipino na
matutuhan ang Kastila kaysa Ingles at iyon ay gawing wikang panlahat, sapagkay ang
Kastila ay binabasa at binibigkas na gaya ng Tagalog, gaya ng Bisaya, o gaya ng
Ilokano. Hindi gayon ang Ingles.

Sang ayon naman ako na ipagpatuloy ang pagtuturo ng Ingles. Sa katunayan ay dapat
nating ipagpatuloy ang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan. Ang Ingles ay isang
wikang kapaki pakinabang na matutuhan. Ito ang wikang pandaigdig ngayon sa
kalakal. Ngunit huwag ninyong tangkain ang hindi maari, huwag tangkaing gawin itong
wikang pambansa ng Pilipinas sapagkat hindi maari kailanman. Walang kailangan sa
akin gaano man katagal ang abutin bago tayo magkaroon ng isang wikang pambansa.
Walng kailangan sa aking maghintay man tayo ng isang daan taon pa, gayon pa man,
ang Ingles ay hindi maari kailanman na maging wikang pambansa natin.

Ang mahalaga ay magkaunawaan nang tuwiran ang ating mga mamamayan sa
pamamagitan ng iisang wika. Mangyari pa, kakailanganin ang mahabang panahon, bago
tayo magkaroon ng wikang sarili natin, ngunit mabuti na iyon kahit na kailanganin sa
pagsasagawa ng isang daang taon, at sa pagkakaroon ng wikang panlahat ay hindi tayo
dapat mahiya sa pangyayaring nagdagdag tayo ng ilang salitang Ingles o Kastila. Ito ay
tumpak. Ang bawat wika ay nangangailangan ng maraming taon bago magkaroon ng
kaanyuan, at bawat wika ay nabuo sa panghihiram sa ibang wika. Bakit natin tututulan
iyan?
Talumpati ng Kagalang-galang Manuel L. Quezon, Pangulo ng Pilipinas,
Sa paglikha ng Pambansang Wika (Binigkas sa radyo sa Presidential Study, Palasyo
ng Malacaang, noong ika-30 ng Disyembre 1937)
Si Rizal Hinggil sa Isang Wikang Pilipino
Mga Kababayan:
Nagdudulot sa akin ng di matingkalang kasiyahan na maipahayag ko sa inyo na
ngayong ika-41 anibersaryo ng pagmamartir ng nagtatag at pinakadakilang
tagapamansag ng nasyonalismong Pilipino, ay naging karangalan kong ilagda, bilang
pag-alinsunod sa utos ng Konstitusyon at ng umiiral na batas, ang isang Kautusang
Tagapagpaganap na nagtatalaga sa isa sa mga katutubong wika na maging batayan
ng wikang pambansa ng bayang Pilipino. Ang Kautusang Tagapagpaganap ay gaya
ng sumusunod:
(Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, na nagpapahayag na ang Tagalog ay siyang
magiging batayan ng wikang pambansang Pilipino.)
Sa kanyang makabayang pagsisikap na maitaguyod ang nasyonalismong Pilipino ay
inilagay ni Rizal sa bibig ni Simon, sa pakikipag-usap kay Basilio, ang sumusunod
na kataga, Ang Kastila ay hindi kailan man magiging wikang pangkalahatan ng
bansa; ang bayay hindi kailan man magsasalita nito. Bawat bayan ay may sariling
wika gaya ng pagkakaroon niya ng sariling pag-iisip. Pinagpipilitan ninyong mabuti
na hubdan ang sarili ng angking katauhan bilang isang bayan; nalilimutan ninyo na
habang pinangangalagaan ng isang bayan ang kanyang wika ay taglay niya ang isang
tanda ng kanyang kalayaan, gaya rin ng pagtataglay ng kalayaan ng isang tao habang
pinangangalagaan niya ang kanyang sariling laya ng pag-iisip. Ang wika ay siyang
nagpapahayag ng mga kaisipan at mithiin ng isang bayan.
Kaya, sa pagpapasiyang mapagtibay ng isang wikang pambansa na pinili sa ibat
ibang wikang sinasalita sa Pilipinas at lalo na sa Tagalog na hindi lamang siyang
katutubong. wika ni Rizal kundi siya ring pinakamaunlad sa lahat ng wikang umiiral
sa bansa, ay isinasakatuparan lamang natin ang isa sa mga mithiin ng ating bayani
bilang paraan ng pagbuo at pagpapalakas sa ating pagkakaisa.
Sa loob ng mahigit na tatlong daang taon ng kapangyarihan ng Espanya sa Pilipinas,
ang Kastila ay siyang wikang opisyal, gayon man, nang mapasakamay at pamahalaan
ng Estados Unidos ang Kapuluang ito, ang Kastila ay hindi naging wikang panlahat
sa ating bayan. Sa pagkakatatag ng pamamahalang Amerikano, ang Ingles ay siyang
naging wikang opisyal dito sa atin; ngunit sa kabila ng pangyayaring ang Ingles ay
itinuturo na sa lahat ng paaralang bayan natin sa loob ng mahigpit na isang
henerasyon, itoy hindi naging wika ng ating bayan. Sa kasalukuyay walang isang
wika na sinasalita at nauunawaan ng lahat ng Pilipino, ni ng nakararami sa kanila,
bagay na nagpapatunay lamang na samantalang ang pagtuturo ng isang wikang
dayuhay maaaring ipag-utos sa isang bayan, hindi naman maaari kailan man na
mapalitan ng wikang iyan ang katutubong wika bilang kasangkapan ng bansa sa
pagpapahayag. Ang dahilan, wika nga ni Rizal, ay sapagkat ang pag-iisip ng bansa
ay nag-uugat sa isang wikang panlahat na umuunlad at sumisibol na kaalinsabay ng
pagkasulong ng bansa. Maaari nating hiramin sa loob ng isang panahon ang wika ng
ibang bayan, ngunit hindi tayo tunay na makapag-aangkin ng isang wikang
pambansa maliban sa pamamagitan ng pagpapatibay, pagpapaunlad at paggamit ng
isang wika na sariling atin.
Kalabisan na sa aking ilarawan pa kung gaano kahalaga sa ating bayan ang
pagkakaroon ng isang wika na magagamit ng lahat sa kanilang pag-uusap araw-araw.
Hindi maaaring Ingles o Kastila, maliban na lamang marahil, kung bagaman, kung
makaraan na ang maraming henerasyon at sa napakalaking gugol. Hindi tayo
makapaghihintay ng ganoon katagal. Dapat na sa lalong madaling panahon ay
makapag-usap tayo nang tuwiran sa pamamagitan ng iisang wika. Kailangan natin
ang kanyang lakas upang lubusang mabigkis tayo sa iisang pagka-bansa na malakas
at matibay. Makapagbibigay ito ng inspirasyon at sigla sa ating kilusang bayan at
magdudulot sa ating pagka-bansa ng isang bagong kahulugan na hindi natin kailan
man naipahayag nang sapat at lubusan. Bilang Pangulo ng Pilipinas, di miminsat
mamakalawang nadama ko ang malaking kahihiyan na magsalita sa mga tao sa
pamamagitan ng isang interprete doon sa mga lalawigan ng Kapuluan na ang wikang
ginagamit ay Ilokano, o kayay Bisaya, Kapampangan o Bikol.
Ang pagkakaroon natin ng sariling wikang pambansa ay hindi nangangahulugang
tatalikdan natin sa ating mga paaralan ang paggamit o pag-aaral ng wikang Kastila,
lalo na ng Ingles, na sa ilalim ng ating Saligang-batas, ay siyang batayan ng ng
pagtuturo sa paaralang primarya. Pangangalagaan ng wikang Kastila para sa atin ang
ating kalinangang Latin at siya nating magiging kasangkapan sa pakikipag-ugnayan
sa ating dating inang lunsod gayon din sa Amerika Latina; ang Ingles, dakilang wika
ng demokrasya, ay siyang mag-uugnay sa atin magpakailan man sa mga
mamamayan ng Estados Unidos at magdudulot sa atin ng mga karunungang
nakasulat at iniingatan sa wikang ito.
Nagkaroon ng panahon na tila hindi maaari sa mga Pilipino na pagkasunduan nilang
ang isa sa mga katutubong wika ay piliin na maging wikang pambansa, ngunit sa
wakas ay napakilala nating lahat na kung ang isang wikang dayuhan ay matatanggap
natin para maging wikang opisyal ng Pilipinas, lalong matuwid namang dapat nating
tanggapin ang isa sa mga wikang katutubo natin upang maging wikang pambansa
nitong ating bayan. Hindi sa pagbibigay ng lagpas na pagpapahalaga sa tungkuling
ginagampanan ng isang wikang panlahat sa buhay ng isang bayan, maaaring
banggitin natin ang katotohanan na sa Silangan ang kaisa-isang bansang nakagawa
ng pinaka-malaking pagkasulong at nakasapit sa isang mataas ng kala-gayan sa
angkan ng mga bansa, ay ang tanging bansang may isang wikang panlahatang
Hapon. At ang alin pa mang ibang bansa na nakapagtamo ng pagka-bansa at sa
kapang-yarihan, maging sa lupalop ng Amerika at sa Europa, at maging sa Aprika,
ay bansang may isang wika na pambansa at panlahat.
Ngayong araw na ito, sa pagpapatibay sa Tagalog bilang saligan ng wikang
pambansa ng Pilipinas, ay naisakatuparan natin ang isa sa pinakamimithing pangarap
ni Rizal.
Wala nang lalong mabuting paraan ng pagpaparangal natin sa banal niyang alaala sa
anibersaryong ito ng kanyang pag-papakasakit sa kapakanan ng ating malayang
pagkabansa.
Hinahangad ko para sa inyong lahat ang isang Maligayang Bagong Taon.

You might also like