Noong araw, sa isang malayong nayon, nakatira ang mga mamamayan nito nang matiwasay. Simple lamang ang kanila ikinabubuhay ngunit Masaya ang mga ito. Tahimik ang nayon na iyon at walang kahit anong karahasan ang nangyayari. Ang mga mamamayan nito ay tila masayahin at matutulungin. Isang araw, isang malakas at takot na sigaw ang sumira sa katahimikang iyon ng nayon. Isa- isang nagsilabasan ang mga tao upang alamin ang dahilan ng pagsigaw na iyon. Isang balat ng aso ang sumalubong sa kanila. Patay na ito at wala nang lamang loob. Balat na lamang ang makikita rito. Hindi maipaliwanag kung ano ang may kagagawan nito. Lumipas pa ang mga araw at napagtanto nila na nangyayari ito matapos ang gabi kung saan kabilugan ng buwan. Di naman malaman ng mga tao kung ano ang dahilan ng pagkuha sa mga lamang loob na iyon ng mga hayop. Tama, mga hayop. Magmula kasi nang mabalitaan ang tungkol sa unang biktima ng kung anong halimaw na ito ay wala nang naglakas loob na lumabas pagpatak ng dilim. Lahat ay takot matulad sa mga kaawa-awang mga hayop. Nagpatuloy ang ganoong mga pangyayari. Ngayon, pati mga alagang hayop ay pinag-iingatan na ng mga taga-nayon. Ang dating maayos at matiwasay na nayon ay bigla na lamang nabalot ng takot at pag-aalala. Samantala, isang grupo ng mga kabataan ang naglakas-loob na nangakong huhulihin ang may sala. Kaya naman, sa paghahanda para sa sunod na kabilugan ng buwan, gumawa sila ng isang plano upang mahuli ang halimaw na ito. Ayon, sa mga obserbasyon nila, sa tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan, lalabas ang nasabing halimaw at naghahanap ng bibiktimahin. Ngunit, marami pa rin silang di nalalaman tungkol dito. Tulad na lamang nang kung saan nagmumula ito? Ano ang itsura nito? Paano ito naghahanap ng biktima? Kaya naman, naisip nila ang maghanda ng isang pain para dito. Lumipas ang mga araw at dumating na rin ang pinakahihintay nilang kabilugan ng buwan. Napapayag nila ang isang residente ng naturang nayon na gamitin nila ang isa sa mga alagang aso nito upang gawing pain. Di nagtagal, sumapit na ang dilim, ang mga kabataan ay nagtago sa isang bahay na makakasigurado ng kanilang kaligtasan at kung di man, handa naman silang labanan ang nasabing halimaw. Sa tapat na nasabing bahay, nakatali ang pain nilang aso. Sumapit ang kabilugan ng buwan at napansin nilang napatingin sa itaas ang aso. Mababakas ang takot sa mga mata nito. Sinundan nila ang tingin nito at natanaw nila ang isang karumal-dumal na halimaw na nagmula sa buwan. Ang lalong ikinagulat ng mga ito ay nang makita nilang nabiyak ang buwan sa dalawa na para bang doon nagtatago ang halimaw kapag hindi ito nambibiktima. Nakita nilang palusob na ang halimaw sa pain nila. Agad namang nagsikilos ang mga kabataan upang agad na mapaslang ang halimaw. Kanya-kanya silang kuha ng patalim at pinantayan din nila ang bilis na taglay ng halimaw. Di naglaon, nahuli nila ito gamit ang patalim. Hindi na pinalagpas ng ibang kasama nila ang pagkakataon at agad na tinapunan pa ito ng maraming patalim. Narinig nila ang malakas na alingawngaw nito. Nangyari naman ang di nila inaasahan. Ang halimaw ay bigla na lang nanigas na parang bato, unti-unting nadurog, at ang abo nito ay naglaho. Nagising naman ang mga taga- nayon dahil sa narinig na mga ingay. Noong una ay nag-aalinlangan pa ang mga tao dahil na rin sa takot ngunit napagdesisyunan din nila sa huli na lumabas at tingnan kung ano na ang nangyayari. Nakita nila ang mga kabataang nangakong huhulihin ang halimaw na kanilang kinatatakutan. Bakas sa mga mukha nila ang pagkabigla ngunit di naman malaman ng mga taga-nayon ang dahilan nito. Napansin nilang napatingin ang mga ito sa buwan na kasalukuyang sumasara. Pagtatanong ang mababakas sa mukha ng mga tao ngunit mas pinili na lamang nilang manahimik. Ang katahimikang naghari ay nabasag ng isa sa mga matatapang na kabataan, Sa tingin po namin, di na ulit tayo magagambala ng halimaw na iyon. Tila nakahinga ng maluwag ang mga residente at nagpugay sila. Mula noon, naibalik ang dating sigla at katahimikan sa nayon. Kung saan at kung anong nangyari sa halimaw, di na nila nalaman pa.