Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

1

ANG IKAKLIT SA AMING HARDIN


Ni Bernadette Neri

Mayroon akong dalawang nanay; sina Nay Daisy at Nay Lilia.
Maliit ang bahay namin pero mayroon ditong munting halamanan na punung-puno ng mga bulaklak.
Mahilig kasing magtanim ang aking mga nanay. Pinaliligiran ito ng rosas, daisy, xenia, magnolia,
chrysanthemum, anthurium at iba pa. Napakabango ng halimuyak ng mga ito lalo na kapag humahangin. Kaya
parang Panagbenga palagi sa aming hardin!
Dito kami madalas tumatambay at nagkukuwentuhan. Hindi ako nagsasawang pakinggan ang istorya ng
pagkakakilala ng aking mga magulang. Sabi nila, nag-umpisa ang lahat dahil sa pagkakahilig nila sa mga
bulaklak at halaman.
Nakahiligan na akong ilibot ng aking mga magulang. Namamangka kami sa lawa ng Burnham Park
sakay ng bangkang pato o kayay kabayong-dagat. Kung minsan naman ay namimitas kami ng strawberry sa
Strawberry Farm. At dinadalaw din namin ang mga museo sa Baguio. Namamangha kami sa mga kalasag at
matutulis na sibat, mga hikaw at kuwintas na gawa sa mga butil ng kahoy o kaya naman ay bato, at lalung-lalo
na sa mga hinabing tela ng mga katutubo.
Kailangang alam natin ang ating pinagmulan, laging sabi ni Nay Lilia na tubong Bontoc.
Pero sa lahat ng aming pinupuntahan, pinakapaborito ko ang Botanical Garden. Dito kasi makikita ang
iba pang klase ng bulaklak na maaaring itanim sa aming munting halamanan. Hinding-hindi ko malilimutan
nang regaluhan ako nina nanay ng mga buto. Sabi nila ay binhi raw ito ng isang napakagandang bulaklak. Hindi
nila sinabi kung anong klase ito ng bulaklak sapagkat isa raw itong surpresa. Maaari na akong magtanim sa
aming hardin! Niyaya ko agad silang umuwi noon dahil sa kasabikang itanim ang kauna-unahan kong halaman.
Tinulungan nila ako sa paghukay ng maliliit na butas sa lupa. At dahil malamig daw ang aking mga
kamay, ako ang marahang nagpunla ng mga buto sa bawat uka. Dahan-dahan kong tinabunan ang mga ito at
mahinay na diniligan.
Maselan ang mga halaman lalo na ang mga bagong tanim, paalala ni Nay Daisy. Kaya dapat, araw-
araw mo itong didiligan.
Kailangan ding tanggalin ang mga damong tutubo sa paligid. Naaagaw kasi ng mga ito ang sustansya
ng lupa, payo naman ni Nay Lilia.
At higit sa lahat, kailangan ding nasisikatan ng araw ang mga ito, dagdag pa nila.
Parang mga sanggol?tanong ko.
Oo, anak, parang mga sanggol, sabi ni Nay Daisy. Kailangan ng mga ito ng sikat ng araw upang
lumaking malusog. Pero dapat ay katamtaman lang dahil matutuyo naman ang mga buto kung masosobrahan sa
init.
Ginawa ko ang lahat ng kanilang mga paalala. At totoo nga! Hindi nagtagal at nakita ko na ang pag-
usbong ng murang dahon ng aking mga tanim. Nakabaluktot ang mga supang sa simula pero ilang araw lang ay
unti-unti na itong nagsiunat hanggang sa maging maliliit na sangang may mga talbos na nakatiklop.
Isa, dalawa, tatlo,
tatlong mga buto;
apat, lima, anim,
sa hardin, itinanim;
pito, walo, siyam,
laging didiligan;
sampu, labing-isa,
tutubo na sila.
2

Inaawit ko iyon sa aking mga halaman tuwing umaga. Turo ito ng dalawa kong nanay. Sabi nila,
makabubuting kausapin ko ang aking mga tanim upang lumaki ang mga ito nang mabuti.
Kayat tulad ng pag-aalaga sa akin ng mga nanay ko, inaruga ko ang aking mga halaman. Itinuring ko
ang mga ito na parang mga anak.
Hindi na ako halos makapaghintay para sa unang araw ko sa paaralan. Lagi kong isinusukat ang bago
kong uniporme at sapatos. Binibitbit ko rin ang kabibili kong bag. Pagkatapos ay naglalaro kami nina nanay ng
eskuwela-eskuwelahan. Nagkukunwaring guro si Nay Lilia habang si Nay Daisy naman ang makulit kong
kaklase.
At dumating na ang pinakaaabangan ko. Araw na ng pasukan!
Ganoon pala ang itsura ng aming paaralan. Puno ng makukulay na larawan ang mga dingding. May mga
nakapintang malalaking bulaklak at puno, at mga batang naglalaro. Mayroon pa ngang larawan ng isang bahay
na may nanay, tatay at isang batang mukhang masayang-masaya. Bakit kaya walang drowing ng bahay na
dalawang nanay naman ang nasa loob kasama ng kanilang masaya ring anak?
Isa-isa kaming pinatayo sa harap ng klase ng aming guro, at pinagkuwento tungkol sa aming naging
bakasyon. Ibinida ko ang iniregalong mga buto sa akin ng dalawa kong nanay. Sinabi ko sa aking mga kaklase
kung paano ko itinanim ang mga ito at kung paano sila nagsitubo.
Hinihintay ko na ngang mamulaklak ang mga ito, buong pagmamalaki kong sinabi sa kanila. Dahil
ibibigay ko ang magiging bulaklak sa dalawa kong nanay.
Nagulat ako nang magtanong ang aking mga kaklase.
Bakit dalawa ang nanay mo?
Di ba dapat isa lang ang nanay sa pamilya?
Wala ka bang tatay?
Wala akong naisagot. Ang totoo ay noon lang ako napaisip kung bakit dalawang nanay ang aking mga
magulang. Hindi ko rin alam kung bakit wala akong tatay. At lalong hindi ko alam kung kailangan ko pa bang
magkaroon nito.
Tinukso ako ng mga kaklase ko.
Siguro tomboy ang mga nanay mo!
Baka kaya wala kang tatay!
E di putok ka lang sa buho!
Sinuway sila ng aming guro pero hindi ko na napigilan ang mapaiyak.
Sinundo ako ng dalawa kong nanay. Dumaan muna kami sa palengke para bumili ng paborito
kong diket. Pero tahimik lang ako hanggang sa makauwi na kami sa aming bahay.
Inayos nina Nay Daisy at Nay Lilia ang mga upuan sa may hardin. Inihanda rin nila ang aming
meryenda. Doon kami kumain sa harap ng halamanan naming punung-puno ng mga bulaklak.
Nay, ayoko na pong pumasok sa eskuwela.
Bakit naman, anak? gulat na tanong ni Nay Lilia.
May umaway ba sa iyo sa klase? pag-aalala ni Nay Daisy.
Gusto ko sanang isumbong ang panloloko sa akin ng mga kaklase ko. Gusto kong sabihing umiyak ako
sa paaralan dahil sa mga panunukso nila. Gusto kong itanong kung ano ang tomboy at kung bakit ayaw ito ng
mga nanunutil kong kaklase. Gusto kong malaman kung bakit ayon sa kanila ay alangan ang pamilya ko dahil
hindi ito kumpleto.
Bakit po wala akong tatay?
Nagulat akong hindi sila nabigla sa tanong ko. Tumingin lang sila sa akin at hinawakan ang aking mga
kamay.
Anak, ang pamilya ay parang isang halamanan, malumanay na sabi ni Nay Lilia. Hindi mahalaga
kung sino ang nagtanim sa mga punla. At hindi rin mahalaga kung babae ba o lalaki ang nag-aalaga ng mga ito.
Ang importante ay kung paano ito inaarugang mabuti, paliwanag niya.
3

Tiningnan ko ang aming hardin. Matitingkad ang mga kulay na taglay ng ibat ibang bulaklak at
mayayabong ang mga dahon nito. Malulusog sila at buhay na buhay. Napansin ko ang ilang piraso ng damong
tumutubo sa gilid ng aking mga tanim. Agad akong tumayo upang bunutin ang mga ito. Pinagmasdan ko ang
aking mga halaman. Malalaki na ang mga ito, pero nagtaka ako dahil may maliliit at namimintog na usbong ang
dulo ng kanilang mga sanga.
Nay, tingnan nyo po!
Agad na lumapit ang dalawa kong nanay.
Bulaklak ang mga iyan, anak, nakangiting sabi ni Nay Daisy. Ilang araw na lang at mamumukadkad
na ang mga ito. Magaling at matiyaga ka kasi sa pag-aalaga.
Pumasok pa rin ako sa eskuwela ng sumunod na araw, at ng mga sumunod pa. Inaral kong mabuti ang
aming mga aralin. At kapag may hindi ako naiintindihan ay nagpapaturo ako sa aking mga nanay. Kaya laging
matataas ang nakukuha kong marka. Gustung-gusto ko kasing nakikita ang malalaki nilang ngiti sa tuwing
pasasalubungan ko sila ng star na nakamarka sa aking palad.
Hindi pa rin huminto sa panunukso ang iba kong mga kaklase. Pero hindi na nila ako napapaiyak
sapagkat hindi ako naniniwala sa mga sinasabi nila.
Kung mahal kayo ng nanay at tatay ninyo, mahal din ako ng dalawa kong nanay, sagot ko.
Ipinagmalaki ko sa kanilang ipinagluluto ako ng aking mga magulang, kinukwentuhan bago matulog, tinuturuan
sa mga aralin, at nililibot sa ibat ibang lugar. Kaya kahit wala akong tatay, alam kong buo ang pamilya ko
dahil sa dalawa kong nanay, sabi ko.
Hindi nagtagal at nalaman kong hindi lang pala ako ang sentro ng panunukso sa aming paaralan. Putok
din daw sa buho si Mikoy dahil may mga kapatid siya sa hindi niya nanay. Ganon din ang biro kay Tintin dahil
hindi daw siya tunay na anak. Si Sheryl naman, laging niloloko dahil di niya kilala ang kanyang mga
magulang. At pareho pala kami ni Pati na walang tatay. Pero tulad ko, masaya rin siya sa piling ng kanyang ina
kahit pa mag-isa lang ito.
Lahat kami, tinutukso. Pero ang hindi nila alam, masaya at kontento kami sa aming mga pamilya. Dahil
tulad ng mga magagaling na maghahalaman, mayroon kaming mga mahuhusay na magulang na nagpunla sa
amin ng pagmamahal.
At tulad ng pag-aalaga ko sa mga supang ng aking mga tanim, buong pag-iingat kaming inaaruga ng
aming mga magulang. Higit sa lahat, alam kong alam din nina Tintin, Mikoy, Sheryl at Pati na magtitiyaga ang
aming mga maghahalaman sa pagdidilig at pag-awit hanggang sa mamukadkad kami bilang malulusog na mga
bulaklak.
Isinama ko sina Tintin, Mikoy, Sheryl at Pati sa amin para magmeryenda kasama ng dalawa kong nanay.
Doon kami kumain sa harap ng aming halamanan. Ipinakita ko sa kanila ang aking mga tanim. Laking gulat ko
nang may mga kulay dilaw na bulaklak na ang mga ito. Ito ang surpresa sa akin nina nanay! Kay gaganda ng
mga bulaklak! Para itong mga araw sa gitna ng aming hardin!
Ano ang tawag diyan, Ikaklit? tanong ng mga kaklase ko.
Hindi ko rin alam ang sagot kayat tiningnan ko ang dalawa kong nanay.
Nay, ano po ang pangalan ng mga tanim ko?
Ngumiti sila. Ikaklit, sagot nina Nay Lilia at Nay Daisy. Tulad ng pangalan mo, anak.

TALAHULUGANAN
Bontoc isa sa pitong tribo ng mga katutubo na matatagpuan sa Cordillera
Diket isang uri ng kakanin o puto ng mga taga-Cordillera
Ikaklit salitang Bontoc para sa sunflower
Panagbenga taunang pista ng mga bulaklak sa Baguio City na idinaraos tuwing buwan ng Pebrero
Putok sa buho idyoma para sa anak sa labas

You might also like