This is my country Philippines, my Philippines. I cannot make kurakot her. I cannot cheat her because I love my country Philippines.
Yoyoy Villame, awiting This is My Country Philippines
Para sa persona ng awiting Pinoy na This is My Country Philippines ng henyo ng lahing si Yoyoy Villame, madiin ang panaghoy na bansa niya ang Pilipinas. Bilang miyembro ng pambansang komunidad, lipos ang kanyang pag-ibig sa bayan. Sa gitna ng dagat ng katitikang ingles na papuri sa kariktan at yaman ng kapuluan, isang parikala (irony) na palutang-lutang ang kalunos-lunos na katagang kurakot (corruption) ng sariling wika. Sa kabutihang palad, turing niya ritoy basura sa takut (corral) na marapat lamang linisin.
Umabot sa 456 ang mga salita o representasyon ng kurakot sa Corruptionary: A Unique Dictionary of Corruption Words International Edition 2008 ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG). Kapansin-pansing panimula pa lamang ang pagtitipon ng mga kataga sapagkat napakaraming wala rito. Kataka-takang nakaligtaan mismo ang mahahalagang mga salitang kurakot at korapsyon. Ang huliy muling-pagbaybay at nasa oryentasyong ingles. Gayonpaman, ano kaya ang ibig sabihin ng pagkabuo ng Corruptionary sa pananaw ng wika? Ani Ferdinand de Saussure, ama ng linggwistika, sa librong Introduction to a Course in Linguistics, tinatanaw ng tao ang wika bilang malinaw na kasangkapan para pag-usapan ang reyalidad. Arbitraryo diumano ang pagbuo ng mga konsepto. Arbitraryo rin ang pagtakda ng mga tatak (tambalan ng tunog-letra) sa gayong mga konsepto. Senyas ang tawag sa pagbubuklod ng konseptot tatak. May saysay ang gayong mga senyas kung iuugnay sa iba pang mga senyas sa sistema ng wika. Kayat sa wika ng kurakot sa Pilipinas, mahirap ipaghiwalay ng mga nagsasalita ng Tagalog/Filipino ang tatak at konsepto. Para sa mga Pinoy, likas ito.
Bunga ng sinasabing napakalaking interes sa isyu ng kurakot ng mayorya ng mga Pinoy sa internet at napakataas na ranggo sa korapsyon ng Pinas sa Asya, napapanahon ang pag-imbento ng gayong pagtatambal/portmanteau. Ani Dr. Ronnie V. Amorado sa artikulong Corruption as Hermeneutic and Semiotic Reality, pagsasama ng corruption at dictionary ang corruptionary. Aniyang (t)inipon at pinahabambuhay nito ang samut-saring mga salita, teksto, tag, senyas at simbolo na ginagamit kaugnay ng korapsyon sa ibat ibang konteksto at aplikasyon. Sadya ngang itoy tanghalan, kumbaga, na nagpapamalas kung gaano kalawak at kalalim ang problema ng tiwaling pamamahala ani Pambansang Alagad ng Sining Dr. Bienvenido Lumbera.
Ebidensiya nga ba ang mga salita sa Corruptionary sa krisis ng korapsyon sa Pilipinas? Laganap ba ang kulturang wasak ng mga Pinoy ani James Fallows sa artikulong Damaged Culture? Pansinin ang paglalaro ng salita/pun na envelopmental journalism (pagsusulat o pagbobrodkas ng taga-media nang pabor sa nagbabayad ng tamang halaga), balbal/slang na tiba-tiba (malaking kita mula sa isang ilegal o tiwaling transaksyon o proyekto), pampabango/euphemism na grasya (pera o biyaya mula sa pangungurakot at masamang gawa), at legal na termino/jargon na tax evasion (hindi pagbabayad ng buwis, at kung nagbabayad man, ay hindi tama ang halagang binabayaran). Batay sa kinakatawan nitong mga domeyn ng midya, pulitika, korporasyon at karaniwang tao, tila malaki ngang suliranin.
Pati pala sa mga domeyn ng akademya at estado merong representasyon ng kurakot sa Corruptionary: A Unique Dictionary of Corruption Words. May aliterasyon na kwarto o kwatro (praktis ng ilang guro na kinatatampukan ng dalawang pamimilian ng mga estudyanteng bagsak ang grado kwatro o kwarto, na ibig sabihin ay pakikipag-sex sa loob ng silid ng titser kapalit ng pasang grado); at kahit paikli na trapo (maruming basahan; tumutukoy sa pulitikong bulok at kumikilos ayon sa mga datihang gawi ng katiwalian; pinaigsing katawagang traditional politician). Isama ang representasyon ng mga wikang rehiyonal, hal., pamalihog sa Sebuwano (pagkakaroon ng trabaho sa isang opisina sa pamamagitan ng pakiusap o koneksyon o kapit sa tiwaling opisyal). Marami pang maiaambag ang bawat komunidad pangwika.
Subalit, wala ni isang katagang tumukoy rito sa domeyn ng relihiyon. Andiyan ang panunudyong aba ginoong barya, napupuno ang iyong alkansiya (panghuhuthot ng prayle sa ibat ibang serbisyo sa simbahan), ayon sa librong Dasalan at Tocsohan ni Marcelo H. del Pilar na syasyavak (pagpapatawa) sa paghahari ng kabuktutan at kagahaman ng mga prayle.
Sa palihan ng programang Dapat Tapat sa National Study Conference on Corruptionary: An Innovative Tool for Good Governance, isinaad kong sa panahong Austronesyano ng kapuluan, tapat ang mga ninuno sa isat isa pati sa dayuhan lalot kalakalan. Nagbago mulang kulturang tapat sa yugto ng liwanag ng lipunang proto-Filipino tungong kulturang kurakot noong yugto ng dilim ng lipunang kolonyal, ani Jose P. Rizal sa librong Ethnic Dimensions ni Dr. Zeus A. Salazar. Kawalan ng kasarinlay nagbunsod ng kulturang pambubusabos noong nagsasariling Pilipinas, Dekada 50, ani Sen. Claro M. Recto sa The Philippines: The Continuing Past nina Renato Constantino. Ani Recto, hindi korapsyon ang saligang suliranin kundi ang kawalan ng nasyonalismo lalot nagsasariling ekonomiya. Mahihinuha sa dambuhalang paghahating pangkalinangan ayon kina Z. Salazar sa librong Pantayong Pananaw na mas namamayani ang kulturang wasak sa mga edukado/kanluraning elit sa halip na madlang bayan, banwat ili. Idiniin ni Dr. Virgilio G. Enriquez (Filipino Values: Towards a New Interpretation) na proaktibo ang halagahan (values) at identidad ng Pinoy na sinasalamin ng wika. Makatwirang tambalan ang Corruptionary ng Tapatsyonaryo, ang diksiyunaryo ng mga salitang tapat. Sa bansa.