Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Mapanganib ang pluma ni Faustino Aguilar dahil niyayanig niya ang pundasyon ng

simbahan at pamahalaan, at nagbubunyag ng mga kakatwang kaugalian, sa


pamamagitan ng kaniyang mga nobela. Isa sa mga makapangyarihang nobela niya
ang Sa Ngalan ng Diyos (1911) na tumutuligsa sa ordeng Heswita, na kinabibilangan
ng mga paring bumibilog ng isip at lumulumpo sa kalooban ng babaeng maykaya,
upang maangkin ang salapi, puri, at katawan niya.

SIMBAHAN, kuha ni Bobby Aonuevo


Napakagandang isapelikula ang nasabing nobela. Masinop na huhubugin ni Aguilar ang
mga pangunahing tauhang gaya nina Carmen, Padre Villamil, at Eladio, at susuhayan
ng mga tauhang gaya ng Mr. Roland, Dolores, Ventura Rodriguez, Padre Superyor, at
Dure. Bubuksan ang tagpo sa pag-uusap nina Padre Villamil at Padre Superyor, isang
gabing masungit ang panahon, at ipapahiwatig ang balak nilang akitin papaloob ng
kumbento si Carmen na tagapagmana ng ekta-ektaryang lupain at limpak na
kayamanan. Ang maitim na balak ng dalawang pari ay tila sumasalamin din sa maiitim
nilang sutana, at kaugnay ng pagnanasang isalba sa kahirapan ang Kompanya ni
Hesus at matustusan ang materyal na pangangailangan ng mga pari.
Si Dolores, kasintahan ng Amerikanong si Roland, ay makikipaghiwalay sa kaniyang
minamahal dahil sa di-matanggap na tsismis na nagmumula rin sa mga pari. Sa labis
na lungkot, lalapit si Dolores kay Padre Villamil, at ang konsultasyon at pangungumpisal
ay maghuhunos na makamandag na usapang hahatak kay Dolores para talikdan ang
daigdig at pumasok na madre sa kumbento. Si Eladio, na utusan ni Dolores, ang
makapapansin sa masasamang balak ng mga pari sa nasabing dalaga, at
ipaghihimagsik ng loob ang gayong pakana. Ngunit kailangan niyang sumandig kay
Dolores upang buhayin ang kaniyang asawang si Dure, at kailangan niya si Padre
Villamil upang maging tulay kay Dolores at gawin siya nitong katiwala sa mga bukirin o
ari-arian.
Ang kagandahan at kayamanan ni Dolores ang pagnanasahan nina Padre Villamil at
Eladio. Higit na malupit lamang si Padre Villamil, dahil yamang batid nito ang
pagkamuslak (i.e., naivete) ni Dolores, ay gagamitin ang katusuhan upang magahasa
ang dalaga at maangkin pa ang mga lupain nito. Samantala, malilibugan din si Eladio
kay Dolores, at pagnanasahan nito ang katawan ng dalaga, subalit gagawin ito upang
unahan si Padre Villamil, uyamin ang nasabing pari sa labis na kalibugan, at yugyugin
ang katauhan ni Dolores para magising sa matagal nang katangahan. Si Roland
lamang ay masasabing umiibig nang tapat kay Dolores, ngunit mahina rin si Roland
bilang banyaga na hindi kayang amuin ang ilahas na loob ni Dolores. Ang

pagkakalarawan kay Roland ay tila Tagalog imbes na Amerikano, gayunman ay hindi


na mahalaga yamang ang ibig lamang itampok sa nobela ay ang pananaghili o
panibugho ni Dolores sa kaniyang kasintahang nawala nang matagal.
Ipagpapalit ni Dolores ang lahat ng kaniyang kayamanan makamit lamang ang
pinaniniwalaang langit na ipinangangako ng simbahan. Samantala, si Padre Villamil
naman at ang kaniyang mga kasamang pari sa Kompanya ni Hesus ay naniniwalang
kailangang matamo rin ang materyal na yaman sa lupa bukod sa pinaniniwalaang
yaman ng kalangitan. Si Eladio ang animoy anarkista na handang lumikha ng
panununog, pagpatay, at panggagahasa kung ang buhay sa daigdig ay walang nang
maidudulot na pag-asa. Ang naturang mga tagpo ay waring pabaligtad na paglalarawan
ng mga aral ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, na nagsasabing
hindi dapat sumandig sa ipinangangakong langit na hindi naman alam kung
magaganap, bagkus magsikap na matagpuan ang langit dito sa lupa.
Pambihira ang nobela ni Aguilar dahil ipinakikita nito kung paano ang relihiyon ay
nagiging lunsaran ng diyabolikong indoktrinasyon, gaya sa politika, at ng
komodipikasyon ng kaligtasan at pananampalataya, na ang sukdulan ay ang
pagkatiwalag sa sarili ng tao. Si Carmen ang ultimong halimbawa na maglalaho ang
identidad nang pumasok sa kumbento, at malulugso ang puri, bukod sa mawawalan ng
kayamanan. Makakamit nga ni Padre Villamil ang yaman, katawan, at kaluluwa ni
Dolores ngunit mabubunyag naman sa madla ang kaniyang kabuhungan. Ang
pagdiriwang kung gayon sa bandang dulo ng nobela ng gaya nina Padre Villamil at
Padre Superyor ay pabalintuna ang epekto, dahil magngingitngit ang bumabasa sa
gayong tagpo at isusumpa marahil ang sinumang Heswita na kanilang kilala noon.
Ipinahihiwatig din sa nobela ang makatwiran at hinog sa panahong pag-aaklas, na
dapat sanang ginawa ni Eladio, ngunit si Eladio ay hindi handa at tanging sarili lamang
ang iniintindi.
Mabuting mabasa ng bagong henerasyon ng mga estudyante ang mga nobela ni
Faustino Aguilar. Si Aguilar ay hindi karaniwang manunulat, bagkus linyadong
manunulat na alam ang bituka ng Katipunan dahil isa siyang Katipunero. Ngunit taliwas
sa dapat asahan, ang mga aral ng Katipunan ay pabaligtad niyang itinatampok sa
kaniyang mga akda, kaya ang dating mga aral ng Katipunismo ay naipipihit sa kahangahanggang anggulo, at sumisilang na sariwa, matibay, at mabulas.

You might also like