Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Loob

Heto ako nakatayot nakikipagsiksikan sa loob ng MRT. Alas-singko ng hapon. Buendia station.
Nasa ulunan ko ang aircon. Giniginaw ako. Nakakapit ang kanang kamay sa malamig na
hawakang bakal. Tangan ko sa kaliwang kamay ang librong Uncollected Poems ni Rilke.
Nakaipit ang hintuturo sa pahina 87. Ugali ko nang magbasa habang niyuyugyog ng tren. Mas
nakapag-iisip kasi ako ng maisusulat. Parang inaalog ang mga ideya sa utak ko at mas
madaling nailalabas.
Nitong bakasyon ko lang naman inumpisahan ang pagsusulat. Pagkatapos akong bastedin ni Y,
nagsulat ako ng tula at ibinigay ko sa kanya. Maikli lang, kulang sa isang pahina. Puro
kasentihan pero pawang katotohanan. Alam kong hindi pa ganoon kaganda iyon pero masaya
ako na nakatapos ako ng tula. Maliban kasi sa mga tulang may tugmat sukat na binola ko lang
noong hayskul, wala na akong ibang naisulat. Ito ang una kong totoong tula.
Sa tulang iyon, kinakausap ko siya at inihahambing sa kung ano-ano: sa sinag ng buwan sa
aking balikat, sa talulot ng rosas sa aking pasamano, sa payapang lawa, sa panaginip. Basta
pinatindi ko lahat ng imahen. Iningatan ko ang wika, hanggang sa masabi ko sa huli kung paano
ako mawawasak kung mawawala siya nang tuluyan. Ewan ko ba, umaasa kasi akong kayang
sagipin ng tula ang pag-ibig.
Kaya asar na asar ako nang hindi man lang niya binasa. Nag-pm siya sakin sa fb kinagabihan
matapos kong ibigay yong tula: Uy Gino, salamat sa sulat, pero hindi talaga puwedeng maging
tayo. Sabay block sa akin. Nalungkot ako noon, pero mas nabad-trip ako. Ang nasa isip ko lang
noon: anong sulat? Tula yon Y! Tula! At pinaghirapan kong isulat iyon!
Pero naisip ko, baka hindi talaga iyon ganoon kaganda para masabi ni Y na tula iyong tula ko at
hindi sulat. O baka alam niyang tula iyon pero binasa niya bilang sulat. O baka alam niyang
sulat talaga iyon na nagbabalat-kayong tula. Ewan. Tamad magbasa si Y. Kaya malamang na

hindi lang talaga niya iyon nabasa. Basta ang alam ko lang, pagkatapos noon, nahilig na ako at
hindi tumigil sa pagbabasa at pagsusulat ng tula.
Ayala station. Babaan ang mga tao. Marami pang natira pero may ilan nang bakanteng upuan.
Umupo ako malapit sa pinto, inilagay ang backpack sa ibabaw ng mga hita. Gaya ng dati,
inilabas ko ang notebook at bolpen mula sa backpack. Binuksan ko ang notebook.
Pero wala akong maisulat. Nakatitig ako sa babae sa mismong tapat ko na nagbabasa ng libro.
Veinte poemas de amor ni Neruda. Limbaon ang pabalat. Nasa ibabaw ng backpack niyang
nakapatong sa naka-de-kuwatro niyang mga hita. Para akong nakatitig sa salamin. Mukhang
bago ang libro, o baka maingat lang siya pero matagal na niya itong binabasa. Baka nagsusulat
din siya ng tula, o baka, mahilig lang siyang magbasa, o baka binabasa niya lang para sa klase
nila sa English o Lit. Ewan. Dumudulas ang bolpen sa palad kong pinagpapawisan.
Wala akong maisulat. Gusto ko siyang gawan ng tula. Gusto kong iabot sa kanya bago siya
bumaba. Gusto ko siyang makausap, makilala. Sinubok kong mag-isip, magsulat, pero wala.
Taft Avenue station. Nagtayuan ang mga nakaupo bitbit ang mga bag, handang
makipagbalyahan. Nagkukumahog ako sa pagsusulat. May ilan nang linya pero mas dumarami
ang nabubura. Walang maganda. Hindi bumubukas ang pinto ng tren. Panay ang tsk at ano
ba yan ng mga pasahero. Walang abiso ang drayber. May ilang nagmumura at tumitingin sa
orasan. Marusing na ang aking papel sa pinaghalong pawis at tinta.
Bumukas ang pinto sa wakas. Tumayo siya. Nilamukos ko ang papel.
Huli akong lumabas ng tren. Naghahanap ako ng basurahan pero wala akong makita.
Ayun siyat nakapila malapit sa makina . Nakatalikod. Nakabuka ang kanyang backpack. Tulad
ng pawisan kong palad.

Si Eugene Soyosa ay nagtapos ng BA sa Ateneo de Manila University at kasalukuyang


kumukuha ng MA sa parehong pamantasan habang nagtatrabaho bilang researcher. Maaaring
mabasa ang iba pa niyang akda sa eugenesoyosa.blogspot.com

You might also like