Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Talambuhay ni Teodoro Plata

Sa mapanganib na pakikisangkot niya sa pagtatayo ng


Katipunan hindi lamang ibiningit kung hindi inialay pa ni Teodoro
Plata ang kaniyang buhay alang-alang sa kalayaan.
Si Teodoro ay ipinanganak sa Tondo, Maynila noong 1866. Ama
niya si Numeriano Plata at ina niya si Juana de Jesus.
Tinapos niya ang mga unang pundasyon ng pag-aaral sa
Escuela Municipal at naitalang nag-aral din siya kahit di nagtapos ng
abugasya. Sa Binondo una siyang namasukan bilang oficial de mesa.
Kasama si Andres Bonifacio at si Ladislao Diwa, itinatag nila
ang Katipunan noong Hulyo 7, 1892. Totoong malaking suliranin para
kay Ladislao ang kawalang katarungang dinadanas ng mga Pilipino
sa mga pamamalakad ng mga Kastila.
Sa pakikipagtalakayan ng mga isyung pulitikal, lalong nag-iinit
ang makabayang damdamin ni Teodoro. Ito ang dahilan upang
makaisip siya ng kaparaanan upang mapagsama-sama ang mga
saloobin ng kaniyang mga kababayan. Ang nasabing lihim na
samahan ay naglalayong maglunsad ng isang armadong paglaban sa mga Kastila upang makamit ang
kalayaan.
Mula sa unang Triyanggulong Bonifacio, Diwa at Plata ay isinama ni Bonifacio sina Restituto Javier
at Vicente Molina sa ikalawang triyanggulo. Inimbitahan ni Diwa si Roman Basa at Teodoro Gonzales sa
ika-tatlo at inanyayahan naman ni Plata sina Valentin Diaz at Briccio Pantas para sa ika-apat. Ang mga
triyanggulo ay dumami nang dumami at ang mga kasapi ng Katipunan ay lumawak nang lumawak.
Nang unang buuin ang Supremong Konseho matapos itatag ang Katipunan, nahalal si Teodoro
bilang kalihim at si Deodato Arellano bilang pangulo. Noong 1893, nahalal namang tagapayo si Teodoro
at pangulo naman si Roman Basa.
Sapagkat maagang nabalo si Teodoro, ang malungkutin niyang puso ay naghanap ng maiibig.
Minahal niya at niligawan si Espiridiona Bonifacio na kapatid ng Supremo. Kahit walang kapag-a-pag-asa
sa panliligaw, naidaing nito sa Supremo ang kaniyang layunin sa kapatid. Bilang tulong, inilakad ng
Supremo ang kaibigan sa kapatid. Ipinaliwanag ng Supremo sa kapatid na higit na makabubuting kay
Teodoro na ito magpakasal alang-alang sa pagsulong ng itinatag nilang Katipunan. Matapos ang ilang
buwan ay pinakasalan ni Teodoro si Espiridiona.
Taong 1894 nang tanggapin ni Teodoro ang pagiging escribano sa Court of First Instance sa
Mindoro. Sa nasabing lalawigan marami rin siyang hinimok na sumapi sa Katipunan. Sa dahilang may
kalayuan ang Mindoro sa Maynila, hindi na sumama si Teodoro sa paghahalalan ng Konseho noong 1895.
Noong kalagitnaan ng taong 1896 ay ipinatawag ng Supremo ang bayaw niyang si Teodoro.
Nagkaroon noon ng reorganisasyon ang Katipunan. Sa nabanggit na pulong, tinalakay ang pag-aalsa ng
Katipunan laban sa mga Kastila. Nang makamit ng Supremo ang liderato ay hinirang niya si Teodoro
bilang kalihim ng digmaan.
Matapos madiskubre ang Katipunan ay lumipat ang pulungan ng mga rebolusyonaryo. Mula sa Tondo ay
nagtungo sila sa Kalookan. Sa isang mahalagang pulong sa Kalookan, pinagdiinan ng Supremong dapat
nang manindigang lumaban ang mga Katipunero.
Kahit na bayaw ni Teodoro ang Supremo at inatasan siya nitong maging Pangkalahatang Heneral
ng Rebolusyon, malalim siyang nag-isip. Para kay Teodoro, isang kabayanihan nga ang mag-alsa laban
sa mga Kastila subalit hindi siya naniniwalang kailangang umpisahan na ang pakikidigma sa lalong
madaling panahon.
Para kay Teodoro, kailangang maghintay-hintay pa nang kaunting panahon. Ayon sa kanya,
kailangan pang mangalap ng maraming salapi upang makabili ng sapat na sandatang pandigmaan. Ang
pananaw ni Teodoro ay natalo ng mga pumanig sa Supremo.
Sa dahilang ang tinig ng Supremo ay dapat na igalang, nagbalik si Teodoro sa Mindoro upang
ipagbili ang mga ari-arian upang may maidaragdag sa pakikidigma ng kanilang samahan. Sapagkat
nabunyag na nga ang Katipunan, pinaghahanap siya ng mga awtoridad at nang mahuli ay ipinakulong
sa Fort Santiago. May nagsasabing binaril siya sa Bagumbayan noong Disyembre 31, 1896.
Maaaring hindi napasama sa mga pisikal na pakikipagdigmaan sa mga Kastila si Teodoro subalit
ang paglalagay niya ng sarili sa bingit ng kamatayan maitindig lang at mapalawak ang Katipunan ay
kabayanihang matatawag. Ang pag-aalay niya ng buhay nang barilin siya sa Bagumbayan ay dangal na
hindi matatawaran.

Kung walang Bonifacio, Diwa at Plata. hindi nangyaring maitatatag ang Katipunan. Ang unang
triyanggulong nagpasimula sa samahang pandigmaan ay kalakip na ng kasaysayan.
Si Teodoro Plata ay dapat lang saluduhin at tawaging pundasyon ng kalayaan!

Talambuhay ni Teodora Alonzo


May kasabihang ina ang tuwirang humuhubog sa kaugalian
ng isang anak. Kung ang anak ay mapagmahal sa bayan, asahan
mong ang ina ay mapagmahal din sa lupang tinubuan.
Si Teodora Alonzo na ina ni Jose Rizal ay ipinanganak sa
Maynila noong Nobyembre 9, 1827. Siya ay isa sa limang anak
nina Lorenzo Alonzo at Brigida de Guintos na kapwa mayaman at
may mataas na pinag-aralan.
Si Orang ay nag-aral sa Colegio de Santa Rosa. Gustunggusto niyang matutuhan ang lahat na may kinalaman sa sining at
syensiya, literatura at matematika.
Beinte anyos si Teodora nang sagutin ang iniluluhog na pagibig ni Francisco Mercado. Matapos makasal ay napagkasunduan
ng dalawang manirahan sila sa Calamba, Laguna. Ang magasawa ay biniyayaan ng labing-isang anak. Si Jose na pampito,
ang tanging nagpahirap sa pagdadalangtao ni Teodora.
Sinasabing malaki ang ulo ng Pambansang Bayani.
Bilang asawa, masikap na kabiyak ng puso ang dakilang ina. Lagi siyang tumutulong sa
pagpapalago ng kanilang kabuhayan. Bukod sa masikap na paghawak ng mga gastusing pangaraw-araw, siya rin ang direktang namamahala ng kanilang pataniman ng mais, palay at tubo.
Upang hindi masayang ang bakanteng oras, nagbukas din siya ng tindahan sa silong ng kanilang
bahay.
Kahit marami-rami rin namang gawaing pangkabuhayan, hindi kinakalimutan ni Teodora ang
mga obligasyong kalakip ng pagiging ina niya. Sinikap ni Orang na maging modelong gabay sa
maraming anak niya. Sapagkat labis na mausisa si Jose nang kabataan niya, lagi at laging may
laang sagot si Teodora.
Maraming sakripisyong isinabalikat ang ina ni Jose. Una rito ang pagpapalakad sa kaniyang
nakayapak mula Calamba hanggang Sta. Cruz. Pinagbintangan siya ng mga Dominiko na kinamkam
daw niya ang sariling lupa. Ikalawa rito ang di makatarungang pagpapakulong sa kaniya ng alkalde
ng Binan na naniwala sa sabi-sabing pakikialam niya sa suliraning pampamilya ng isang malapit na
kamag-anak. Pangatlo rito na sakripisyo ng mga sakripisyo ay nang barilin sa Bagumbayan ang
anak niyang si Jose sa bintang na rebelyon at pag-oorganisa ng mga ipinagbabawal na samahan.
Matapos ang digmaan at makamit ng Pilipinas ang kapayapaan ay nagtangkang maghandog
ang ating pamahalaan ng pensiyong pinansiyal kay Teodora. Tinanggihan ito ng "Dakilang Ina" na
nagpahayag na hindi raw mababayaran ng materyal na bagay ang sakripisyo nilang mag-ina na
kapwa nagmahal sa bayan. Si Jose na nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan at si Teodora na
humugis sa kadakilaan ng isang pambansang bayani ng sangkapuluan.
Namatay si Teodora Alonzo noong Agosto 16, 1911.
Ang dignidad na kalakip ng pagiging Ina ni Teodora ay ipinagmamalaki ng lahat ng inang
Pilipina na nagmamahal din sa mga anak nila.

Talambuhay ni Miguel Malvar


Pinakahuling heneral na sumuko sa mga Amerikano si Miguel
Malvar.
Ang matapang na bayani ay ipinanganak noong Septiyembre
27, 1865. Sina Maximo Malvar at Tiburcia Carpio ang mga
magulang niya.
Si Miguel ay unang nag-aral sa pribadong eskwelahan ni
Padre Valerio Malabanan. Sapagkat maagang nahiligan ang
pagnenegosyo, ang malawak niyang lupaing malapit sa Bundok
Makiling ay ginawa niyang manukan at babuyan. Naging
inspirasyon niya ang kaniyang asawang si Paula Maloles na anak
ng isang capitan municipal.
Iginagalang na lider si Miguel kaya nahalal siyang
gobernadorcillo noong 1892.
Sa sobrang pang-aapi ng mga Kastila ay nagdesisyong
sumapi si Miguel sa Katipunan. Pinamunuan niya ang
pakikipaglaban sa Talisay, Batangas. Nang kulungin ang matandang Malvar sa isang walang
basehang krimen ay pilit itong pinakawalan ng anak na Katipunero. Nang maulinigang
pinaghahanap ng mga Kastila, napilitang lumikas sa Cavite si Miguel. Sa nasabing lalawigan
isinabak ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Batangueno upang mamuno sa mga tunggalian sa
Zapote, Indang, Bailen, Magallanes at Alfonso. Sa bawat labanan, napansin ng lahat ang kagitingan
ni Miguel. Sa husay niyang humawak ng mga tauhan at sumunod sa mga ipinag-uutos ni Pangulong
Aguinaldo, naging Commanding General siya ng Batangas, Mindoro at Tayabas.
Nang nagsimula ang Digmaang Filipino-Amerikano, nahirang siyang Brigadier General. Kung
gaano siya katapang na lumaban sa mga Kastila ay ganoon din siya kagiting na nakitunggali sa
mga Amerikano. Pinatunayan niya ito sa pamumuno niya sa mga labanan sa Muntinglupa, San
Pedro, Tunasan, Calamba at Cabuyao.
Matapos madakip ng mga Amerikano si Aguinaldo sa Palanan, Pangasinan noong Marso 23,
1901, si Miguel Malvar ang naging Commander-in-Chief ng mga militar na Pilipino.
Nanawagan si Heneral Aguinaldo na isuko na ng mga heneral ang kani-kanilang tauhan
bilang pagtanggap sa kapayapaang inihaharap ng mga Amerikano. Sa panawagan, sumuko si
Heneral Tinio ng Nueva Ecija noong Mayo 8, 1901; si Heneral Tomas Mascardo ng Cavite noong
Mayo 15, 1901; si Heneral Cailles ng Laguna noong Hunyo, 1901.
Sa sobrang hirap na dinanas ng kaniyang pamilya at ng mga tauhan niya ay inihinto ni
Miguel ang pakikidigma at sumuko kay Heneral Franklin Bell noong Abril, 1902.
Bilang paghanga sa katapangan niya, hindi ipinakulong o ipinatapon si Miguel. Binigyan siya
ng pagkakataong magbalik sa asawa niya at mga anak. Ibinigay sa kaniya ang panungkulan bilang
Gobernador ng Batangas pero hindi niya ito tinanggap.
Kwarenta'y sais lamang nang mamatay si Miguel sa Maynila noong Oktubre 13, 1911.
Nagkaroon siya ng komplikasyon sa atay. Isang libing na may parangal militar ang inihandog sa labi
ng magiting na heneral.
Ipinanganak sa maliit na bayan ng San Miguel sa Santo Tomas, Batangas si Heneral Miguel
Malvar. Dito rin siya inihatid ng mga kababayan sa huli niyang hantungan.

Talambuhay ni Melchora Aquino


Bata ka man o matanda, makatutulong ka rin sa iyong
bansa."
Iyan ang paniniwala ni Melchora Aquino-Ramos o Tandang
Sora na sa gulang na 84 ay buong pusong tumulong at naging
inspirasyon ng mga katipunero sa pakikidigma sa mga Kastila.
Si Tandang Sora ay ipinanganak sa Banlat, Caloocan sa
National Capital Region. Si Juan Aquino ang ama niya at si
Valentina de Aquino naman ang kaniyang ina.
Ang angking kagandahan ni Melchora ay hinahangaan ng
kabinataan noong kanyang kabataan. Lagi at laging napipiling
mag-Reyna Elena si Sora sa mga Santacrusan.
Relihiyoso rin at mahusay makisalamuha si Sora sa
mahihirap man o mayayaman. Sa mga pabasa kung mahal na
araw, nangunguna siya sa mga kaibigan sa pag-awit ng pasyon
sa mga bahay-bahay.
Nang nasa wastong gulang na upang mag-asawa, napakasal siya sa masigasig niyang
manliligaw na si Fulgencio Ramos. Ang pagiging ina ni Sora ay naging mabunga. Anim ang naging
anak nila. Kabilang dito sina Juan, Simon, Estefania, Saturnino, Romualdo at Juana. Sapagkat naging
tunay na inspirasyon sa tahanan, naganyak ni Sorang pasukin ng asawa ang serbisyo publiko. Dahil
dito, tinanghal na "cabesa de barangay" si Ginoong Ramos.
Bagama't masaya ang itinindig na pamilya, nabahiran ito ng lungkot nang pumanaw si
Fulgencio. Ang hirap na maging ama at ina ay binalikat ni Sora. Sapagkat may pansariling tapang
na harapin ang anumang problema, ang maliit na kabuhayang naiwan ng asawa ay pinagsikapan
niyang palakihin sa tulung-tulong na pagsisikap ng kaniyang mga anak.
May katandaan na si Melchora Aquino-Ramos nang itindig ang Katipunan upang lumaban sa
mga Kastila na matagal nang umaalipin sa mga Pilipino. Walumpu't apat na taong gulang na siya
noon at kilala ng lahat sa tawag na Tandang Sora.
Sa nakikitang kawalan ng katarungan sa lipunan kung saan maraming Pilipino ang
napaparusahan gayong wala namang kasalanan, nagtanim ng galit si Tandang Sora sa mga Kastila.
Upang maipaghiganti ang mga kababayan, lihim siyang nakipagtulungan sa Katipunan.
Kapag napapagawi sa Banlat ang mga hinahabol na katipunero, itinatago sila ni Tandang
Sora sa malaking tindahan ng kaniyang anak na si Juan.
Kapag nauubusan na ng pagkain ang mga katipunero ay saku-sakong bigas ang ipinadadala
ni Tandang Sora kay Andres Bonifacio. Upang di gaanong mahalata ang pagtulong, ipinadala ni
Tandang Sora ang mga kalabaw niyang pansaka upang may maipang-araro ang mga kaanak ng
mga sundalong Pilipino.

Ang pagtulong ni Tandang Sora sa mga katipunero ay walang hinihintay na kabayaran. Para
kay Tandang Sora, dapat na tumulong ang bata at matanda, mayaman at mahirap man sa ikalalaya
ng lipunan.
May mga Pilipinong doble kara, isang tapat at isang impostor. Sa inggit sa tintamasang
kaginhawan sa buhay, may nagbulong sa mga Kastila ng lihim na pagtulong ni Tandang Sora.
Upang makatakas, pinayuhan ni Bonifacio na dalhin kaagad ni Tandang Sora sa Novaliches
ang lahat ng kaanak niya. Sumunod si Tandang Sora pero higit na mabibilis ang mga Kastila na
nahuli sila sa daan.
Sunud-sunod na imbestigasyon ang naganap. Dinala siya ng mga Kastila sa Pasong Putik,
hinatak sa kumbento ng Novaliches at kinaladkad sa Cuartel de Espana. Pero kahit na piliting
magsalaysay ng katotohanan ay walang narinig na anuman kay Tandang Sora. Para sa matanda,
ang lihim na pagtulong sa mga katipunerong kababayan ay sagradong sikretong dapat
pangalagaan.
Sa sobrang galit ng mga Kastila, ipinatapon si Tandang Sora sa Guam sakay ng bapor na
Compania Maritima. Ininda ni Tandang Sora ang paglayo niya sa bansang minamahal pero
naniniwala siyang dapat lang harapin ang anumang bagay na dumarating sa ating buhay.
Matapos ang digmaan nakabalik si Tandang Sora sa kaniyang bansa sakay ng barkong S.S.
Uranus.
Bagama't wala na ang karangyaan ng buhay na dati'y tinatamasa, nagmistulang pulubi si
Tandang Sora sa pagbabalik niya sa Banlat. Kahit na mahirap, naniniwala pa rin siyang marangya at
maligaya siya kung kasama ang mga kaanak at kababayan sa bansang kaniyang sinilangan.
Namatay si Melchora Aquino-Ramos noong Marso 12, 1919. Inilibing siya sa Musoleo ng mga
Beterano ng Rebolusyong Pilipino sa Cementerio del Norte.

Talambuhay ni Marina Dizon-Santiago


Matapang lalo na sa oras ng kagipitan, iyan ang
pangunahing
katangiang
dapat
taglayin
ng
sinumang
Katipunerang gustong maglingkod sa bayan.
Iyan ang nagliliwanag na katangian sa katauhan ni Marina
Dizon-Santiago, Katipunera sa puso at kaluluwa.
Ipinanganak sa Trozo, Maynila si Marina o Maring noong
Hulyo 18, 1875. Si Jose Dizon ang tatay niya at si Roberta
Bartolome naman ang nanay niya.
Walong buwan lang si Marina nang maulila sa ina. Inalagaan
siya ni Josefa Dizon Jacinto na kaniyang tiyahin at ina ni Emilio
Jacinto.
Sa paaralang publiko nag-aral si Marina. Naging mahusay
siyang mambibigkas, mang-aawit, gitarista at biyolinista. Sa
kahusayan niya sa musika, naging miyembro siya ng Banda Trozo
Comparsa.
Una niyang pinangarap na maging maestra pero inayawan ito ng ama niya.
Sapagkat lihim na samahang rebolusyonaryo ang Katipunan kaya walang kababaihang
nakakakilala dito noong una. Sa paglipas ng buwan, lagi at laging nawawala sa mga bahay ang
kalalakihan upang dumalo sa mga lihim na pulong ng samahan. Nang mapansin ng kababaihang
nababawasan ang iniintregang suweldo ng mga ama, asawa at kapatid ay nagmanman sila. Isa si
Marina sa mga nag-imbestiga. Napag-alaman niyang Katipunero pala ang tatay niya na nagbibigay
abuloy sa samahan upang makabili ng mga sandatang pandigma. Marami ang natakot. Naging
inspirasyon ng Katipunan si Marina sapagkat lubos nitong naunawaan ang mga layunin ng lihim na
samahan. Sapagkat matapang, una siya sa mga kababaihang nagpatala noong Hulyo, 1893 bilang
Katipunerang handang tumulong sa pakikidigma. Ang pagpapatala na ginanap sa bahay ni
Restituto Javier sa Kalye Oroquieta ay tumanggap din sa pagsapi nina Gregoria de Jesus, Josefa
Rizal, Trinidad Rizal, Angelica Lopez at Delfina Herbosa.
Isa sa mga naging pinakaaktibong Katipunera si Marina. Nanguna siya sa pamamahala sa
mga proyektong pinansiyal na tumutustos sa maraming gawain ng sikretong samahan. Tumulong

din siyang humimok sa maraming kababaihan upang lumahok bilang Katipunera. Sa maraming
sumasali, binibigyang diin ni Marina ang sagradong papel na kailangang gampanan ng mga bagong
miyembro. Maliwanag na itinuturo niya sa mga kasapi ang konstitusyon at mga simulaing dapat
matutunan ng bawat isa.
Marami ang nagpapatunay na malaki ang naiambag ni Marina sa rebolusyon.
Siya ang
laging nangunguna sa pag-awit at pagsasayaw upang iligaw ng pansin ang paikut-ikot na mga
patrol-Espanyol sa mga lihim na pulong ng Katipunan. Sa inilalarawang panlabas na katuwaan, nasa
loob ng lahat ang pangamba. Lagi at laging binibigyang-diin ni Marina sa mga lihim na pulong ng
mga Katipunera na kailangan ang tapang ng dibdib, ganda ng pag-awit, saya ng pagsayaw at
sinseridad ng paghalakhak upang maging makatotohanan ang lahat ng drama-dramahan alangalang sa Katipunan.
Bagamat naging abala sa pagsasabalikat ng mga gawaing pandigmaan, nagkaroon pa rin ng
puwang ang sakramento ng matrimonya sa buhay ng dalaga. Noong Septiyembre 16, 1894 ay
nagpakasal siya kay Jose Turiano Santiago sa Simbahan ng Binondo. Si Jose ay isa ring Katipunero
ng Trozo, Maynila. Sa kasamaang palad, nang mabunyag ang Katipunan noong Agosto, 1896 ay
ikinulong ang asawa at ipinapatay ng mga Kastila ang ama niya. Kahit na sobrang kalungkutan ang
dinanas ni Marina ay nagpakatatag pa rin siya. Nang palayain ng mga Espanyol ang asawa, heto
naman at pilit na kinokolonya ng mga Amerikano ang mga Pilipino.
Sa pagsakop ng mga Amerikano noong 1899, minarapat ni Marina at Joseng sa Bulacan
manirahan. Sa hirap ng buhay, napilitang mamalagi sa Tarlac si Marina kasama ang kanilang mga
anak. Si Jose naman na nagsilbi bilang accountant sa Maynila ay sinamang palad na mapatapon sa
Hongkong sa bintang na patuloy raw ito sa pagiging revolucionario.
Nagkita pa rin si Jose at Marina subalit kaagad nabalo ang Katipunera. Naniniwala si Marina
na sa anumang tagumpay ng isang lalaki ay may isang babaeng lagi nang nakaalalay.
Pinaglingkuran ni Marina nang buong puso ang bansa niya. Sa hirap at ginhawa ay buong kaluluwa
ring sumuporta siya sa asawa.
May kakulangan pa ba kay Marina kung pagmamahal sa bansa at pamilya ang hahanapin
natin sa kaniya? Sapat na sapat ang ibinigay niya. Kung tutuusin, hindi lang sapat kundi sobra pa
nga ang inihandog ni Marina sa ikatutuwa ng pamilya at ikalalaya ng bansang sinilangan niya.

You might also like