Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 2

"Hari bersus Siga" isang rebyu sa Utos ng Hari ni Jun Cruz Reyes

Ang lagalag at dinamikong katangian ng mga maikling kwento ni Jun Cruz Reyes ay
nagsisilbing potensyal na babala sa mga utos ng hari o ang mga istruktura ng awtoridad na
pansamantalang naisasaisip at naisasabuhay. Absoluto man ang dating ng titulong Utos ng Hari, ang
paggamit nito bilang titulo ng koleksyon ay isang paraan upang baklasin ito mismo sa pamamagitan ng
pagtatampok sa mga karanasan at kamalayan ng mga tauhang dehado sa kanikanilang posisyon sa
buhay. Ito, at ang siga-sigang lenggwahe ng awtor sa paglalahad ng mga kwento ay maituturing na
taktika ng pagtutol.
Pilit kakaladkarin ng Utos ng Hari at Iba pang Kwento ni Jun Cruz Reyes ang haraya ng
mambabasa sa ibat-ibang baryo, madidilim na eskinita at espasyong tulad ng talyer, bus, sinehan,
klasrum, barung-barong at iba pa. Sa mga kwentong ito, naipamalas ni Jun Cruz Reyes ang
kumplikadong papel ng manunulat hindi lamang bilang manlilikha kundi isa ring matalas na
tagapagmasid ng praktika ng pamumuhay ng mga taong may kanya-kanyang kwentong-buhay.
Ang mga karakter sa mga kwentong ito ay alanganing pamilyar at di-pamilyar. Sila ang mga
pangkaraniwang tao na lulan ng mga espasyong pinagkaitan ng kapangyarihan. Tulad nina Nana
Tesang at Ato sa kwentong Araw ng mga Buldoser at Linda sa Mga Kuwentong Kapos ay mga tauhang
makikilala ngunit malabo nang muling makita pa. Sila ang mga itinitiwalag ng lipunang iilan lang ang
pinagsisilbihan. Sa Isang Lumang Kwento at sa Kwento ni Rey, matutunghayan ang komplikadong
relasyon ng mga magulang sa anak at kung paano natutunan ang kalakaran ng kahirapan sa loob mismo
ng tahanan. Sa kwentong ito, pati na sa Mula Kay Tandang Iskong Bayan at si Nelson sa Mga
Kwentong Kapos, ipinapatampok ang mga naglahong pangarap dahil sa kawalan ng panustos sa pagaaral. Samantala sa Utos ng Hari kakatuwa at malupit ang hagupit ni Reyes sa awtoritaryang kultura
hindi lamang sa loob ng klasrum kundi sa lahat ng relasyon ng dominasyon. Mula naman sa Sulat Mula
sa Kanto at Kwento ni Rey, ipinakilalani Jun Cruz Reyes ang mambabasa sa mga pangkaraniwang
taong priming naririyan ngunit hindi pinag-uusapan.
Sila ang madalas makaligtaan ng mga kwentong nahuhumaling sa pagbibigay ng ginituang aral
at sa labanan ng bida at kontra-bida. Dahil sa malalim na paggagap ng awtor sa kapangyarihang
humuhubog sa relasyon ng tao sa tao, hindinkakikitaan ng bidang magtatagumpay sa pagtatapos ng
kwento. Bagkus, maingat na inilahad sa bawat kwento ang mga detalye ng buhay upang makabuo ng
isang malikhaing akda hinggil sa praktika ng buhay. Tulad nina Aling Syosa na tagasagap ng balita sa
looban ng Sulat Mula sa Kanto at Bolet na susi sa kasaysayan sa looban,gagap ni Jun Cruz Reyes ang
antropolohiya ng pangkaraniwan at ang mga anomalya nito. Masusi ang pagpapaliwanag sa mga
samut saring kwentong buhay: kung nakit mabisyo ang mga tambay tulad nina Betsoy at Mang Inkong
ay dahil wala na silang ibang magawa pa, kung bakit ang bisyo ay nagiging masama lang kapag
mahirap na tao ang nalululong dito. Ang pait, hirap at kawaln ng kasiguruhan ng karamihan sa mga
tauhan ay tumutumbok sa unti-unting pagkawala ng lehitimong paghahari ng sinumang namamayani sa
tunggalian ng mga uri.
Upang ipakita na ang mga kwentong ito ay interbensyon mismo ng manunulat sa proseso ng
paggiit ng realidad, nagbukod ng espasyo si Jun Cruz Reyes para sa ilang mga tala na naglalarawan sa
mga kondisyon ng pagsusulat at kanyang disposisyon bilang manunulat. Sa pamamagitan ng mga
talang ito, binubuhay sa kamalayan ng manbabasa ang piligroso at interesanteng proseso ng pagsulat.
Dito naipamalas ni Jun Cruz Reyes, na siya mang manlilikha ng mga kwento ay dumadaan din sa
proseso ng paglalagalag, pakikitunggali, pagnanasa, pagmamadali, pagkahapo, pagkainis, pakikibuno

sa salita, ideya at buhay, walang pinag-iba sa kanyang mga tauhan.

You might also like