Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 2

KAPITAN HUGAS

ni: M.K.D.S.

Ito ay isang kwento tungkol sa isang bata na hindi ugaling maghugas ng kamay.
Tunghayan kung ano ang nangyari sa kanya.

Si Popoy ay isang mabait na bata. Sumusunod siya sa lahat ng iniuutos ng mga


nakatatanda sa kanya. Siya rin ay magalang. Nagsasabi siya ng “po” at “opo” at
nagmamano sa mga nakatatanda. Masipag din siya mag-aral. Hindi na siya kailangan
pang sabihan na magbuklat ng libro at gumawa ng kanyang mga takdang-aralin, kusa
niya itong ginagawa. Kaya naman itinuturing siya na isang kawili-wiling bata.

Wari’y wala nang maipipintas pa kay Popoy. Ang hindi alam ng marami ay
mayroon siyang isang sekreto na siya lamang ang nakakaalam. Ayaw na ayaw niya ang
naghuhugas ng kamay! Hindi siya naghuhugas ng kamay bago kumain kahit na galing
siya sa kalsada matapos makipaglaro ng holen sa kanyang mga kababata. Hindi rin siya
naghuhugas ng kamay pagkatapos niyang gumamit ng banyo. Kahit na malagyan ng
dumi o lupa ang kanyang mga kamay, pinababayaan lamang niya ang mga ito.

Mula naman sa isang soap dish, pinagmamasdan ni Kapitan Hugas ang bawat
kilos ni Popoy. Nalulungkot siya dahil hindi naghuhugas ng kamay ang bata.
Nangangamba siya sa panganib na nakaabang sa kanya.

Isang araw, pagkagaling niya sa eskwela ay naabutan niya ang kanyang nanay
na nagluluto ng turon.

“Hm… ang sarap naman po Inay ng niluluto ninyong turon, pwede po bang
makahingi dahil po nagugutom na po ako?” wika ni Popoy.

“Oo naman anak,” sagot ng ina, “Niluto ko talaga ang mga iyan para saiyo.
Ngunit, huwag mong kalilimutan, maghugas ka muna ng kamay bago kainin ang mga
ito.”

“Naku, bakit kailangan pang maghugas, pwede namang hindi.” wika ni Popoy sa
sarili.

Hindi nakinig si Popoy sa sinabi ng ina. Habang abala ang ina sa pagluluto ng iba
pang turon, dali-dali siyang kumuha ng plato at nilagay ang mga turon doon. Hindi siya
naghugas ng kamay bago hawakan ang mga ito. Pagkatapos ay umakyat siya sa
kanyang kwarto.

Habang siya ay nasa kwarto at abalang abala sa pagkain ng napakasarap na


turon, biglang may tumambad na isang napakapangit na halimaw sa kanya!
“Huwahahahahahahaha! Ako si Mikrobyo! Dahil sa hindi mo paghuhugas ng
kamay ay nabuhay ako! Dahil sa iyo ay makapaghahasik na ako ng lagim!” sigaw ng
halimaw na mikrobyo.

Natakot si Popoy. Hindi niya alam ang kanyang gagawin. Patuloy na dumarami
ang mga kampon ni Mikrobyo at pinalilibutan siya! Subalit, laking gulat din ni Popoy
nang maya-maya ay biglang lumiwanag ang lalagyan ng sabon at biglang lumabas ang
isang higanteng superhero.

“Ako si Kapitan Hugas! Matagal na kitang kilala Popoy at nakita kong hindi ka
naghuhugas ng iyong mga kamay. Iyon ang dahilan kung bakit nabuhay si Mikrobyo at
ang kanyang mga kampon! Magkagayon man, huwag ka nang mabahala dahil nandito
na ako upang iligtas ka!” wika ni Kapitan Hugas.

Naglaban si Kapitan Hugas at ang mga kampon ni Mikrobyo. Natalo ang mga ito.

“Ako na ang tatapos saiyo!” sigaw ni Mikrobyo.

“Tignan na lang natin! Yah!” ang sagot ni Kapitan Hugas.

Gamit ang kanyang mahiwagang bula, natalo at naglaho si Mikrobyo. Nang


makita ni Popoy na natalo ni Kapitan Hugas ang kahindik-hindik na halimaw, lumapit
siya rito.

“Kapitan Hugas, maraming salamat po sa pagligtas ninyo sa akin. Simula po


ngayon, maghuhugas na po ako ng kamay palagi. Hindi na mauulit ang nangyari.” ang
sabi ni Popoy.

“Mabuti at naintindihan mo na ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay


Popoy. Nakatutulong ito para hindi dumami ang katulad ni Mikrobyo at upang malayo
ka sa anumang sakit. Ugaliin mong maghugas ng kamay gamit ang isang sabon at
malinis na tubig.” sagot ni Kapitan Hugas.

“Tatandaan kopo lagi iyon Kapitan Hugas! Maraming salamat po!” sabi ni
Popoy.

Mula noon ay palagi nang naghuhugas ng kamay si Popoy lalung-lalo na bago


kumain. Simula noon ay hindi na nagpakita ang halimaw at nakasisiguro na si Popoy na
ligtas siya sa kapahamakan.

You might also like