Thesis Proposal Draft

You might also like

Download as odt, pdf, or txt
Download as odt, pdf, or txt
You are on page 1of 39

Ramidette G.

Bernal
2010-08555
AP 200| Draft
Prop. Will Ortiz

Paggagap sa Kamusmusan:
Pag-aaral Sa Paraan ng Paglilibang ng mga Batang Mangangalakal sa Unibersidad ng
Pilipinas, Diliman

INTRODUKSIYON
Ang Simula ng Paglalaro
Bilang panimula sa pag-aaral na ito, nais kong alalahanin ninyo ang mga sumikat na
palabas gaya ng Batang Yagit, Goin' Bulilit, Ang TV at mga sumikat na artista gaya nina Zaijan
Jaranilla mula sa Santino at Xyriel Manabat mula sa Agua Bendita. Ang pinagkapareho ng mga
palabas na ito ay ang pagsentro ng mga tema at kwento sa mga bata. Marami pang pwedeng
mabanggit na mga titulo ng palabas mula noong kapanahunan pa ni Nino Mulach na tinagurian
pang Boy Wonder dahil sa husay niya magkabisado ng mga linya hanggang sa panahon ng
pagkabata nina Camille Pratts, Angelica Panganiban, atbp. sa Ang TV. Ang sinasabi ko lang
naman ay marami nang mga palabas ang napagbidahan ng mga bata sa paglipas ng panahon at
nanatili ang mga ganitong tema dahil na rin may sariling kurot sa puso at galak na naibibigay ang
pagbibida ng mga bata sa isang palabas. Ibig sabihin, kaya maraming nagawang palabas na
pinagbibidahan ng mga bata ay dahil na rin kinakagat ito ng masang manonood. Ngunit ang mga
kwentong naipapakita ng mga palabas ay may sariling pokus at madalas ay nakasentro ito sa
partikular na danas ng bidang bata o hindi naman kaya ay sa arte niya sa harap ng kamera. May
kurot sa damdamin ang paksa ngunit sa bandang huli ay lagi kong tinatanong kung anong nais
patunguhan ng mga ganitong palabas at ano ang gusto niyang itugon ng mga manonood.

1 | Bernal

Ngayon ay itabi naman natin ang mga palabas na nabanggit sa itaas sa mga
dokyumentaryo gaya ng Minsan Lang Sila Bata ni Ditsi Carolino, Langit, Lupa, at Impyerno
ng Tondo ni Marlon Nombrado at iba pang mga dokyumentaryong ipinapalabas sa mga News
and Current Affairs segment sa telebisyon. Labis na magkaiba ang mga batang tampok. Hindi
sila naka-make up at sadyang madungis. Wala silang linya na kinakabisado tanging sa totoong
buhay nakabase ang kanilang mga sinasabi sa mga tanong na ibinabato sa kanila. Hindi sila
inuutusang umarte para kumita dahil ang nagkukusa silang gawin ito para mabuhay. Sila ay mga
batang mangangalakal na sa maagang edad ay kailangan nang magtrabaho upang kumita dahil sa
hirap ng buhay.
Sa madaling sabi, nais kong makita sa pag-aaral na ito ang mukha ng mga batang hindi
madalas tinatampok sa telebisyon at pelikula. Nais kong sa pagkakataong ito, ang tunay nilang
kwento ang maitampok at hindi ang mga mukha ng magagandang batang artista. Gusto kong
maikwento ang kanilang danas dahil madalas silang hindi nabibigyan ng boses sa isang lipunan
na sinasabing ang kabataan ang tinuturing na pag-asa. Nairerepresenta sila ng kapwa bata ngunit
hanggang sa pisikal na representasyon lamang ito, sa aking palagay. Sa kabuuan ng pag-aaral na
ito ay susubuking kong ipakita ang mundo at kultural na espasyo ng paglalaro ng mga bata at
kung paano nila nakikita ang mundo sa kanilang sariling perspektiba.
Ang Bata sa Batang Manggagawa (Kaso ng Chid Labor sa Pilipinas)
Sa pinakabagong serbey ng National Statistics Office (NSO), tinataya nilang nasa limang
milyong bata edad 5 hanggang 17 sa buong Pilipinas ngayon ang nakasadlak sa child labor.
(NSO, 2011) Binigyang kahulugan ang child labor sa serbey na iyon bilang isang malupit na
sistema ng pagpapatrabaho sa mga bata. Ibig sabihin, hindi isinaalang-alang kung mahabang oras
man o maikli ang paggawa ng bata dahil ang tinignan ay ang esensya ng pagpapatrabaho sa isang
bata.
2 | Bernal

Child labor in this survey refers to the working children who reported to have worked in the
hazardous environment regardless of the number of hours they spent at work (Hazardous Child
Labor), or those who have worked for long hours (more than 20 hours a week for children 5-14
years old and more than 40 hours a week for children 15 to 17 years old) or Other Child Labor.
The rest of the working children are classified under Not Child Labor category. (National
Statistics Office, 2011)
Sa teorya ni Abraham Maslow (23-27), mayroong ranggo ang pangangailangan ng tao
upang umunlad at lumaki. Sinasabi niyang mayroong limang bahagdan ng pangangailangan ang
isang indibidwal para masabing siya ay buo, masaya at maging produktibo ang pamumuhay. Sa
kanyang teorya, nakasaad din na bago makatawid ang isang indibidwal sa mas mataas na
bahagdan, kailangan niya munang makamit ang lahat ng kaniyang pangangailangan.
Sa unang bahagdan matatagpuan ang mga pangangailangan para sa pisyolohikal na
estado gaya ng pagkain, hangin, tubig, at pahinga. Ito ang nasa pinakamababang bahagdan dahil
kinakailangan natin ang karamihan ng mga ito para mabuhay sa pang-araw-araw. Kung ang bata
ay nagugutom, iiyak siya upang humingi ng pagkain. Kapag nabusog na siya, saka mo pa lamang
siya kayang utusan na mag-aral o gumawa ng mas produktibong gawain. Samakatuwid, tunay
ngang hindi tayo makaaakyat sa isa pang bahagdan kung sa unang lebel pa lamang ay
kinukulang na tayo.
Sa pag-aaral na ito, aalamin ko base sa mga kwento ng mga bata kung may direktang
epekto ba ang kakulangan na pisyolohikal sa kanilang pagkabuo bilang indibidwal. Bukod sa
unang baitang pa lamang ang para sa pisikal na pag-unlad, mas mahahalaga pa ang mga
pangangailangang nasa mas mataas na lebel hanggang sa umabot nga sa panglima. Kabilang sa
mga pangangailangan na nasa mas mataas na baitang ay ang seguridad ng bata, edukasyon at ang
pagmamahal na ibinibigay ng pamilya.
3 | Bernal

Sinasabi naman ng isa pang psychologist na si Mena (21), na ang pagkabuo ng isang
indibidwal ay hindi lamang nakabatay sa kanyang sarili kung hindi sa kanyang komunidad na
kinabibilangan. Kung ang komunidad ay maayos at ligtas, mas mataas ang tsansa na maging
produktibo ang isang indibidwal. Gagamitin ang pagtingin na ito sa mismong suri sa mga kwento
ng mga bata upang mas mabigyan ng tuon ang kanilang pangangailangan sa rekomendasyon sa
bandang huli ng pag-aaral.
Ang Paglalaro Bilang Parte ng Paglaki
Isa sa mga pangangailangan ng isang bata na mahalaga sa kanyang paglaki ay ang
paglalaro. Marami nang mga pag-aaral at debate ang ginawa ng mga psychologist upang alamin
kung ano ba ang naitutulong ng paglalaro sa paglaki ng isang bata. Sa pag-aaral ni Jean Piaget,
sinabi niya na ang laro ay nakakatulong upang mas madaling matuto at ipagpatuloy ang
pagkatuto habang lumalaki. Nakita niya ang mga batang nag-aaral at sagana sa laro ay mas
madaling matuto at mas bukas ang isip sa mga kaalaman. Marami nang mga teorya ang
nagsasabing ang paglilibang o paglalaro ay may malaking ambag sa lumalaking bata. Ayon sa
psychoanalytic theory ni A. Freud (1968) na binanggit sa libro ni Hughes (22), to reduce
anxiety by giving a child a sense of control over the world and an acceptable way to express
forbidden impulses.
Samakatuwid, ang kawalan ng oras ng isang bata na maglaro ay kakulangan niya sa
paglaki at may malaking epekto sa kanyang pagkilos sa kalaunan. Nais alamin ng pag-aaral na
ito ang mga paraan ng paglalaro na nakapokus sa mga batang mangangalakal upang maipakilala
ang bata sa bawat batang nakakasalamuha natin sa loob ng campus. Nais din alamin ng pagaaral na ito kung paano naglilibang ang batang mangangalakal sa UP Diliman upang tignan kung
may direkta nga bang epekto ang kanilang paggawa at pagbabanat ng buto sa maagang edad sa
kanilang pag-uugali at pakikisalamuha sa iba.
4 | Bernal

Ano ba ang Laro?


Ayon sa pag-aaral ng child psychologist na si Fergus Hughes (4-5), may limang
mahahalagang salik bago masabing ang isang gawain ay maituturing na laro. Unang-una, dapat
ang aktibidad ay ginagawa ng walang dahilan maliban sa maglibang. Pangalawa, dapat ay may
laya ang isang tao na piliin ang kanyang ginagawa. Ang pangatlong salik ay dapat masayang
gawin ang aktibidad na nilalahukan ng isang tao. Pang-apat, ang gawain ay isang laro kung
hiwalay ito sa katotohanan at nilalayo nito ang kalahok mula sa realidad ng buhay. At ang
panglima at pinakahuling salik na dapat isaalang-alang upang matawag na laro ang isang
aktibidad ay kinakailangang ang bata ay nakikilahok sa isang laro gamit ang buo niyang
kamalayan (pisikal, sikolohikal, mental, atbp.)
Sa bandang analisis ng mga kwento ng mga bata ay ikukumpara ko ang pamantayan nila
para masabing paglilibang na ang kanilang ginagawa sa pamantayan ng paglilibang ni Hughes.
Ito ay para mataya ko kung paano ang perspektiba ng mga bata sa paglalaro at paglilibang at
kung paano nila nasasabing ito ay paglilibang at hindi pagtatrabaho.
Ang Silip sa Palaruan
Iikot ang pag-aaral na ito sa campus ng UP Diliman na matatagpuan sa lungsod ng
Quezon. Sa kasalukuyan, ang lungsod ng Quezon ang nakatalang may pinakamalaking
populasyon sa buong bansa at tinatayang patuloy pang lumalago ang kanilang populasyon ng
2.92% bawat taon. (Quezon City Government, 2012) Dahil sa laki ng campus ay ilang distrito
ang naghahati-hati rito. Linid sa kaalaman ng marami, bahagi at pagmamay-ari ng UP campus
ang mga lupa ng mga barangay na nakapalibot dito gaya ng Brgy. UP Campus, Krus Na Ligas at
Brgy. Old Capitol Site. Maraming mga pamilya ang nakatira sa mga barangay na ito kaya naman
hindi maiiwasang hindi lamang mga estudyante ang makikita sa loob ng mismong campus kung
hindi pati ang mga taong nakatira sa mga kalapit na barangay. Alam nating hindi mahigpit ang
5 | Bernal

UP sa pagpupulis ng mga hindi estudyante kaya malayang nakakapunta rito ang mga joggers sa
Acad Oval, mga manlalaro sa Sunken Garden na gumagamit ng field at iba pang mga nais
lamang bumisita sa unibersidad. Ang Unibersidad ay tila isang malaking palaruan na bukas sa
lahat ng nais maglibang.
Bakit UP Diliman?
Ang Unibersidad ng Pilipinas ay bukas sa lahat ng uri ng tao na nais mag-aral, maglibang
at makakilala ng mga bago. Kasing bukas ng mga sulok ng unibersidad ang pagiging bukas ng
pag-iisp ng mga mag-aaral at mga guro dito sa mga ideya na dapat ay tunguhing palayain at
paigpawin ang bayan. Ang Unibersidad ng Pilipinas ay hindi lamang isang simpleng unibersidad
kung hindi nagsisilbi rin bilang daluyan ng kaalaman na sana ay makatulong sa kinabukasan ng
bansa.
Sa ganitong paraan ko tinignan ang UP at ito rin ang dahilan ko upang piliin ang lugar na
ito bilang pokus ng pag-aaral. Nakita ko ang ironya ng mga batang umiikot sa unibersidad upang
humanap ng ikabubuhay samantalang sila ay hindi na nakakapasok sa pag-aaral. Nakita ko ang
ironya na nasa unibersidad ang mga batang ito ngunit hindi nila kayang pumasok sa eskwelahan
dahil may ibang pangangailangan silang kailangang tugunan gaya ng sa pinansyan na
pangangailangan. Nakita ko ang ironya na ang UP ay bukas sa lahat ngunit hindi ito bukas sa
mga batang nakilala ko sa paglalakad ko sa loob ng campus. Maganda rin sigurong itanong kung
sino na nga ba ang pinagsisilbihan ng UP? Marahil napagsisilbihan ng UP ang mga batang ito
dahil binibigyan niya ng lugar ang mga bata upang maglaro at kumita ng kakarampot na barya
ngunit ito nga ba ang dapat tugunang pangangailangan ng pamantasan ng mga Pilipino? Sa
dumaraming kaso ng mga batang nangangalakal na nakikita mo sa campus, dapat lamang siguro
na alamin ang sanhi ng ganitong pagdami ng bilang at dapat ding kilalanin kung sino ba ang mga
batang ito.
6 | Bernal

PAGLALATAG NG SULIRANIN
Bago pa mana umpisahan ang pag-aaral ay may mga tanong na agad akong naisip upang
makabuo ng isang sensitibong konklusyon. Naglalaro kaya ang mga batang mangangalakal?
Kung oo, sa paanong paraan sila naglilibang? May epekto kaya ang kanilang pagtatrabaho sa uri
ng libangan na kinahihiligan nila? Napipigil ba ng pagiging manggagawa nila sa murang edad
ang kanilang pagiging bata? Ilan lamang iyan sa mga tanong na nilalatag ng papel na ito at
tatangkaing sagutin sa bandang huli.
LAYUNIN
Pangunahing layunin ng pag-aaral na itong alamin ang paraan ng paglilibang ng mga
batang mangangalakal na nakapokus sa mga batang mangangakalal na matatagpuan sa UP
Diliman Campus. Nais din ng pag-aaral na mapalalim pa ang diskurso ng pagkabata ng mga
batang manggagawa sa pamamagitan ng pagsilip sa kanilang paglilibang at paraan ng kanilang
paglalaro.

Nilalayon din ng pag-aaral na ito na suriin kung paano nakalilimita ang pagiging
manggagawa ng mga bata sa kanilang paglalaro at paglilibang. Gusto ko ring sipatin sa
pamamagitan ng pag-aaral na ito kung ano bang nagiging epekto ng paggawa sa kaisipan at gawi
ng mga mga bata. At ang panghuli ngang layunin ng pag-aaral na ito ay ang makabuo ng script
upang maikwento ang danas ng mga batang mangangalakal sa UP Diliman sa pamamagitan ng
isang

maikling

pelikula.

KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL
Mahalaga ang pag-aaral na ito dahil nais nitong masuri at maikwento ang danas ng mga
batang mangangalakal sa pamamagitan ng pag-aaral sa kanilang libangan at kung paanong ang
7 | Bernal

libangang ito ay maaaring nakakaapekto sa pagbuo nila ng kanilang sarili sa kalaunan. Nais ding
mag-ambag ng pag-aaral na gagawin sa mga nasusulat ng literatura tungkol sa child labor at sa
kabuuan, tungkol sa mga bata. Bukod sa mga nabanggit, ang lubos na kahalagahan ng pag-aaral
ay ang maging empirikal na batayan ng isang maikling pelikula na kailangan kong maiprodyus
sa katapusan ng pag-aaral. Ang maikling pelikula ang magsisilbing pagtataya at kritik ko sa
aking

mga

napag-aralan

tungkol

sa

pangangalakal

ng

mga

bata

sa

campus.

METODOLOHIYA
Ang pag-aaral na ito ay bubunuin sa pamamagitan ng mga impormasyong makakalap
mula sa naunang mga nailathala ng tesis, aklat, artikulo, at pahayagan sa silid-aklatan at mga
web sources sa internet. Mahalagang impormasyon din ang naibibigay ng mga dokyumentaryong
naipalabas na sa telebisyon at nahiram sa media services ng aklatan para matulungan ako sa
klase

ng

lapit

na

gagawin

sa

mga

bata.

Ang tinuturing ko namang pinakakatawan at laman ng pag-aaral na ito ay aking


makakalap sa pamamagitan ng obserbasyon at mga panayam sa mga bata mismo. Ito ang
magsisilbing susi upang makatayo at maging mas matatag ang pag-aaral na ito. Sa pamamagitan
ng mga panayam sa mga bata, mas magiging matibay ang datos na magiging batayan ng
konklusyon

ko

sa

huli.

Kwalitatibo ang gagamiting lapit at paraan sa pananaliksik. Inaasahan ang palagiang


pagbisita sa mga tinatambayan ng mga bata upang malaman kung paano sila dapat lapitan. Sa
ganitong

paraan

din,

mas

mapapabilis

ang

pagkuha

ng

mga

impormasyon.

Kung palaring hindi mahirapang makapag-usap sa mga bata, gagawin ko ang pag-aaral sa
pamamagitan ng pagmamasid muna sa umpisa sa mga gawi ng mga bata upang malaman ko
kung paano ko sila lalapitan. Unti-unti ay sasali na ako sa kanilang ginagawa at susubukang
8 | Bernal

makipag-usap sa kanila. Gagawa rin ako ng mga gabay sa talakayan upang mas mabilis ang
pagkuha ko ng datos at ideya.

Kasangkap na layunin ng pag-aaral na ito ay ang mga makabuo ng maikling pelikula na


tatayong konklusyon ng pag-aaral. Sa paggawa ng pelikula, ipagpapaalam ko ang mga bata sa
kanilang pamilya kung maaaring ilabas ang kanilang pagkatao sa harap ng kamera. Kung hindi
man pumayag ang pamilya, gagawa ng paraan ang mananaliksik para itago ang kanilang mukha
at identidad.

POKUS, SAKLAW AT DELIMITASYON

Gaya ng nauna nang nabanggit, ang pag-aaral na ito ay iikot sa paraan ng paglilibang ng
mga batang mangangalakal sa UP Diliman Campus, lungsod ng Quezon. Ang pag-aaral ay hindi
lamang sisilip sa simpleng paglalaro ng mga bata kung hindi nakakawing din sa pagiging
manggagawa nila sa batang edad.
Sinadyang piliin ang lugar ng Unibersidad ng Pilipinas dahil kapansin-pansin ang
pagdami ng mga batang nagkalat sa campus maya't maya. Ang pagdami ng batang nangangalakal
ay sa campus ay hindi dapat ipagwalang bahala dahil maaaring repleksyon lamang ito ng lipunan
na ginagalawan natin (gaya na lamang ng paglobo ng kaso ng mga batang nagtatrabaho sa
murang edad sa bansa). Pinili kong pokus ang UP Diliman dahil alam kong mas marami akong
kwentong makakalap dahil sa dami ng bata na maaaring makasalamuha. Dahil naman sa salik ng
oras, lilimitahan ang pag-aaral sa sampung bata na kikilalanin at kikilatisin kong maigi. Maaari
pa ring mabawasan o madagdagan ang bilang ng batang kakapanayamin depende sa pagiging
bukas ng mga bata upang magbahagi ng kanilang kwento.
9 | Bernal

Ang Sunken Garden, Shopping Center, Acad Oval, track oval at Main Library ang naging
tambayan ko nitong mga nakaraang linggo dahil ito ang tinuturing na tambayan ng mga batang
aking kinapanayam. Ito na rin ang magiging setting mga kwentong makikita nila sa mga susunod
na panahon.
REBYU NG MGA KAUGNAY NA LITERATURA
A. Pagkabata
Hughes, Fergus P. Children, Play, and Development. 4th ed. Boston: Allyn and Bacon, 2009.
Print.
Isa ito sa mga paborito kong talasanggunian dahil malinis na nakalatag ang kanyang mga ideya.
Sinimulan ng may-akda ang libro sa mga depinisyon ng susing termino at nagpalawig sa
pundasyon na mga teorya na may kinalaman sa laro at pagkabata. Mahalaga ring laman ng pagaaral ang historikal na ebolusyon ng pagtingin sa laro at sa kahalagahan nito sa paglaki ng bata.
Mena, Janet, and Janet Mena. Child, Family, and Community: Family-centered Early Care and
Education. 5th ed. Upper Saddle River, N.J.: Merrill Pearson, 2009. Print.
Ang aklat na ito ay nakapokus sa mahalagang papel na ginagampanan ng bata sa komunidad at
kung paanong ang pamilyang pinagmulan ng bata ay may malaki ring responsibilidad sa pagbuo
ng halagana ito ng bata. Sinasabi rin ng pag-aaral ng may-akda na dahil ang pamilya ang unang
kinakihan ng bata, sila ang may labis na epekto sa paglaki nito. Tuluyan pang pinalalim ang
diskurso sa pamamahitan ng pagtataya ng relasyon ng bata sa pamilya at sa paraan ng
pagpapalaki ng magulang dito.
Campbell, Anne. The Social Child. Hove, East Sussex, UK: Psychology, 1998. Print.
Sinasabi lamang ng pag-aaral na ito na ang bata ay produkto ng mga taong nakapalibot sa kanya.
Siya ay salamin lamang ng kanyang pamilya at nabubuo ang pagkatao niya ng unti-unti dahil sa
dami ng nakakasalamuha niya.
B. Child Labor
Comprehensive Study on Child Labor in the Philippines. Manila, Philippines: Institute for Labor
Studies, 1994. Print.
Ang pag-aaral ay isang malawakang pagtataya sa estado ng child labor sa Pilipinas. Malawig ang
pag-aaral dahil nakasama sa kwantatibong pag-aaral ang lahat ng sektor ng paggawa na
kinabibilangan ng isang bata.
Ballescas, Rosario. The Institutional Context of Filipino Child Labor, 1970-1985. Quezon City,
Philippines: Dept. of Sociology, U of the Philippines, 1987. Print.
10 | B e r n a l

Kahit pa may kalumaan ang pag-aaralna ito, nabigyan ako ng tuon ng pag-aaral dahil isa ito sa
mga pag-aaral na sinubukankong gayahin ang metodolohiya o paraan ng pananaliksik. Ang pagaaral ay nakapokus sa pagtataya ng mga kaso ng child labor sa mga informal sectors sa
pamamagitan ng kwantatibong pamamaraan at ang pagbuo ng mga bagong polisiya at batas para
labanan ang lumalalang kaso nito.

Wolfgang, Charles H. Child Guidance through Play: Teaching Positive Social Behaviors (ages
2-7). Boston: Pearson/A and B, 2004. Print.
Sa pag-aaral na ito, sinasabing ang paglalaro ay mahalaga lalo na sa unang limang taon ng
paglaki ng bata. Pinalawig pa ito ng may-akda sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga case study
na puro sa Estados Unidos nangyari.
Illo, Jeanne Frances. For Children Who Toil: A Report on Sustainable Action Against Child
Labor in the Philippines. Quezon City: Ateneo De Manila U, 1998. Print.
Ginawa ang pag-aaral upang magbigay ng malinaw na paglulugar sa estado ng child labor sa
Pilipinas at para kumalap ng matibay na sandigan sa paglaban dito. Nais ng pag-aaral na tayahin
kung sapat ba ang lakas ng mga kasalukuyang polisiya ng gobyerno laban sa child labor.

Hutcheon, Pat Duffy. Building Character and Culture. Westport, Conn.: Praeger, 1999. Print.
Nagsimula ang pag-aaral sa hypothesis na kultura ang nagpapahirap at nagdadala ng krisis sa tao
imbes na tao ang magdala ng kultura. Sinasabi lamang ng may-akda na ang mga danas ng mga
tao ay hindi nila lubusang kagustuhan kung hindi biktima lamang din sila ng kuktura ng mga
naghaharing uri at sa hindi sinasadyang pagkakataon ay maaapektuhan ang lahat.

Maslow, Abraham H., Robert Frager, and James Fadiman. Motivation and Personality. 3rd ed.
New York: Harper & Row, 1987. Print.
Nakabatay ang buong pag-aaral sa teorya ni Abraham Maslow na may ranggo ng mga batayang
pangangailangan ng isang tao sa paglaki at upang umunlad. Ayon sa teorya ni Maslow, may
limang bahagdan ng paglago ang isang tao at sa panglimang bahagdan mo matatamasa ang
pagkabuo bilang tao. Sinabi rin niya sa akdang ito na dapat munang makamit ng isang tao ang
isang bahagdan bago makaakyat sa mga susunod pa.
Agtarap, Florina, and Raquel Imperio.Child Labor Force Participation in Taytay, Rizal. Quezon
City: U of the Philippines, 2012. Print.
Ang pag-aaral ay umiinog sa mga batang manggagawa sa Taytay, Rizal. Sa lugar na ito ay may
isang higanteng pabrika ng tela at ang may-ari ay kumukuha ng mga bata upang gawin ang mga
pinakamadaling gawain sa pabrika. Sa ganitong paraan, nakakatipid ang may-ari sa
pagpapasweldo dahil mas mura ang bayad sa paggawa ng isang bata. Mahalagang perspektiba
ang ibinibigay ng aklat na ito dahil tinalakay niya ang ekonomikong epekto ng child labor.
11 | B e r n a l

D. Dokyumentaryo
Minsan Lang Sila Bata. The Center, 1996. DVD.
Ang Minsan Lang Sila Bata ni Ditsi Carolino ay isang dokyumentaryo na tungkol sa mga batang
manggagawa sa iba't ibang sektor ng lipunan. Ang dokyumentaryo ay isang magadang pambukas
mata sa realidad na maraming kaso ng child labor sa bansa. Sa dokumentaryo ay ipinakita ang
mga mukha ng mga bata at sila mismo ang nagkukwento ng kanilang istorya.

TALASANGGUNIAN:
Aklat
Hughes, F. (2010). Children, Play and Development 4th ed. SAGE Publications: London, United
Kingdom.
Kitada, Yuko. Abolishing Child Labor in the Philippines: Political History and Prospects for the
Future. University of Hawaii, December 1998.
Maslow, Abraham H., Robert Frager, and James Fadiman. Motivation and Personality. 3rd ed.
New York: Harper & Row, 1987. Print.
Piaget, Jean, and Margaret Cook. The Origin of Intelligence in the Child. Harmondsworth:
Penguin, 1977. Print.
Journal
Torres, carmela, ed. Comprehensive Study on Child Labor in the Philippines. Monograph
Series, Novermber 1994.
Working Children in Our Midst. Labstat Update, Quezon City: Department of Labor and
Employment, 2006.
Internet Sources
"National Statistics Office." The Number of Working Children 5 to 17 Years Old Is Estimated at
5.5 Million (Preliminary Results of the 2011 Survey on Children). Web. 9 Dec. 2014.
<http://web0.psa.gov.ph/content/number-working-children-5-17-years-old-estimated-55-millionpreliminary-results-2011-survey>.
"National Statistics Office." Population of the City of Manila Climbed to 1.7 Million (Results
from the 2010 Census of Population and Housing). Web. 9 Dec. 2014.
<http://web0.psa.gov.ph/content/population-city-manila-climbed-17-million-results-2010census-population-and-housing>.
Towards a Third Cinema. DocumentaryIsNeverNeutral.com. 1969. Blog. Nov. 15, 2014.

KABANATA 2
12 | B e r n a l

METODO AT BALANGKAS

Tamang Lapit: Sikolohiyang Pilipino bilang Metodo


"Ang Pilipinas ay bahagi ng Ikatlong Daigdig na kung saan namamayani ang kahirapan at
kaapihan. Sa kadusta-dustang kalagayang ito, malaki ang maitutulong ng sikolohiya sa
pamamagitan ng malalimang pagsusuri ng mga suliraning panlipunan at pagkakaisa ng lahat
upang bigyang lunas ang mga suliraning ito. Malaki rin ang maitutulong nito sa pagkilala sa likas
na identidad ng Pilipino bilang isang bansa. Kaya't ang isang bansang umuunlad gaya ng
Pilipinas ay higit na nangangailangan ng mga pag-aaral na makabuluhan at nababatay sa
kanyang pangangailangan, wika at kultura." (Pe- Pua, 27)
Ito ang batayang ideya kung bakit pinili ko ang paksang ito. Nais kong magsiwalat ng
mga ilang katotohanan na sa buhay lamang ng mga batang mangangalakal lamang matatagpuan.
May partikular na kurot sa puso ang mga batang manggagawa sapagka't ang kanilang mga danas
ay mga danas ay mahalaga para matantya ang tunguhin ng lipunang gaya ng sa atin. Nasabi ko
ito dahil ang mga bata ang tinuturing nating pag-asa ng bayan ngunit sa pagkakataong ito ay
kailangan nilang masadlak sa malupit na ideya ng pagtatrabaho sa murang edad. Nais kong
tignan kung paano pa rin ng naglalaro ang mga bata gayong limitado na ang kanilang oras dahil
kailangan nila itong hatiin sa pagitan ng pag-aaral, paggawa at paglalaro. Nais ko ring alamin
kung ano ang mentalidad na dala nito sa kanilang paglaki.
Sa pag-aaral sa mga gawi ng mga bata, hindi sapat na ibase ang lahat ng kanilang
pagkilos ayon sa mga siyentipikong pag-aaral. Gayong tinatanggap ko namang malaki ang
tulong ng mga siyentipikong pag-aaral na nailathala na, higit pa ring dapat tuon ng pag-aaral na
ito ang natatanging danas ng mga batang manggagawa na nakaugat sa Pilipinas. Sa pag-aaral
kong ito, mas matimbang ang eksperimental na lapit sa mga bata at ang mismong pakikipag-usap
13 | B e r n a l

sa mga ito. Nais ko namang banggitin ang sipi na ito ni Rogelio Pe-Pua kay Virgilio Enriquez
upang suportahan ang aking sinabi tungkol sa kahalagahan ng paglapit sa mismong mga taong
pinag-aaralan.
Hindi sapat ang kaalamang teoretikal. Kinakailangang subukin sa obhektibong kalagayan ng
realidad ang resulta n gating eksperimento. Ang paksa ng pananaliksik ay dapat laging
matakdaan hindi lamang ng kontribusyon nito sa pangakalahatang kaalaman kundi maging sa
praktikal na kabutihang maidudulot nito sa lipunan. Ang ating kaalaman at pananaliksik ay
laging dapat na tungo sa paglilingkod sa kapawa.
Dapat nating tanggapin na higit ang pananagutang mapaunlad ang lipunan ng
sikolohistang nagtataglay ng di pangkaraniwang pagkasanay sa pananaliksik at dalubhasang
kaalaman. Samakatuwid, ang kaalamang natuklasan sa pananaliksik tungkol sa tao ay dapat
gamitin at ipamahagi upang makabuo ng mas mabuting daigdig para sa lahat.
Ayon sa pag-aaral ni Virgilio Enriquez, may dalawang uri ang pananaw na dapat gamitin
sa pag-aaral sa mga gawi ng mga tao. Ang una rito ay ang nomotetikong pananaw na tumutukoy
sa pagpapahalaga sa unibersal na katotohanan bilang layunin ng sikolohiya at ang
ideograpikong pananaw na nagbibigay halaga sa pag-aaral ng kaso. Sa ganitong paraan,
nakikita ng mga sikolohista na ang pag-aaral sa kilos ng mga tao ay nagmumula sa pansariling
layon ng mga tao at nakakaapekto rin sa pagkilos ng tao sa kanyang lipunan. Ang tungkulin ng
pag-aaral na ito ay makita ang esensya ng tao upang mapalalim ang pag-intindi sa kanya bilang
mahalagang salik sa pagbuo ng lipunan.
Ang pananaw at pagpapalalim na nais tunguhin ng pag-aaral kong ito ay mula sa mga
indibidwal na danas ng mga batang mangangalakal patungo sa mas unibersal na gamit ng pagaaral na ito na maaaring makaapekto sa paglaki at pagkilos ng mga bata sa lipunan natin. Ang
pag-aaral na ito ay ginawa upang paunlarin ang mga naisusulat nang datos patungkol sa bata at
nais magdagdag ambag sa literatura ng Pilipinas. Isa rin itong pagtatangka upang kilalanin ang
14 | B e r n a l

mga batang mangangalakal sa mas malalim na pagkatao nila higit pa sa nakikita nating
panghihingi ng bote at barya ng mga ito. Ang pagkilala ay hindi lamang superpisyal na pagkilala
gaya ng pangalan at edad ng mga ito kung hindi pagkilala sa kanilang mga kwento at ginagawa
sa araw-araw at kung paano sila mabuhay.
Upang umunlad ang Sikolohiyang Pilipino, hindi ito dapat kumiling sa pagka-partikular
o kayay pagkaunibersal. Sa halip, dapat pahalagahan nito kung ano ang unibersal at
magpahalaga din sa kung ano ang particular. Hindi bat kahit alam na ng mga sikolohistang
pangklinika ang mga pangkalahatang batas ng pagkilos ay hindi pa rin nila ito magamit sapagkat
ang kaharap nila ay isang tiyak at buhay na tao na may particular na problema? Ginagamit nila
ang mga sistemang lumilitaw na mabuti para sa kanilang pasyente batay sa particular na
reaksyon ng pasyente at ang mga sistemang ito ay pabagu-bago depende sa hinihingi ng
konkretong pagkakataon.
Ang Third Cinema Bilang Pagpapakita ng Tunay na Danas
The intellectual must find through his action the field in which he can rationally perform
the most efficient work. Once the front has been determined, his next task is to find out within
that front exactly what the enemys stronghold is and where and how he must deploy his forces.
It is in this harsh and dramatic daily search that a culture of the revolution will be able to emerge,
the basis which will nurture, beginning right now, the new man exemplified by Che - not man in
the abstract, not the 'liberation of man', but another man, capable of arising from the ashes of the
old, alienated man that we are and which the new man will destroy by starting to stoke the fire
today. (Solanas at Getino)
Mula sa mabubuong konklusyon sa pag-aaral na ito ay bubuo ako ng isang maikling
pelikula upang tayahin ang mga datos na aking nakalap. Dito na papasok ang mga teoryang
aking napag-aralan mula sa isa ko pang major na Film. Sa aking maikling pelikula, gagamitin ko
ang ideya ng third cinema na sinimulan nina Fernando Solanas at Octavio Getino (1969) na
15 | B e r n a l

naglalayong ipakita ang kwento ng mga normal na tao sa lenteng nais iwaksi ang pamana ng
Hollywood at kultural na imperyalismo. Sa pamamagitan ng ganitong lente ay mas maipapakita
ko ang kwento ng mga bata at mas makakahamig ng suporta para sa kanila.
Ito ang magiging hamon sa pagtatapos ng pag-aaral na ito: ang bumuo ng isang script at
pelikula mula sa mga datos na makukuha mula sa pag-aaral na ito. Ang kakaiba sa paggamit ng
ideya ng third cinema sa pelikulang bubuuin ay dahil ang third cinema ay nakaugat sa mismong
danas ng mga bata at hindi dadaan sa mapanuri at kritikal na mata ng bumubuo ng pelikula. Ang
ideya ng third cinema ay ang pagpapakilala sa pelikula bilang tunay na representasyon ng mga
tao mula sa mga tinatawag na Third World. Gaya ng nasabi sa sipi sa itaas, ang nais ng third
cinema ay ang magkaroon na kultural na rebolusyon sa bawat kultura upang magkaroon ng
paglago sa isang kultura. At ang rebolusyong tinutukoy ay mapapalabas lamang kung
maihahapag ang mga tunay na nangyayari sa mga tao sa isang lipunan at kung maaantig ang
damdamin ng mga tao upang gumawa ng aksyon tungkol dito. Samakatuwid, tunay na malaki
ang pinagkaiba ng third cinema sa mga palabas na patuloy na ipinapalaganap ng main stream
media na nagpapanggap na tunay na nirerepresenta ang danas ng mga mahihirap at api ngunit sa
katanuyan ay nagsisilbi lamang sa interes ng mga kapitalistang korporasyon at nagpapanatili sa
naghaharing uri.
Muli, ang pelikulang bubuuin mula sa pag-aaral na ito ay nakaangkla sa ideya na dapat
ipakita ang paraan ng paglalaro ng mga batang mangangalakal at ang kanilang mga danas mula
sa kanilang sariling perspektiba mismo. Ayon nga mismo kina Solanas at Getino:
The anti-imperialist struggle of the peoples of the Third World and of their equivalents
inside the imperialist countries constitutes today the axis of the world revolution. Third cinema
is, in our opinion, the cinema that recognises in that struggle the most gigantic cultural,
scientific, and artistic manifestation of our time, the great possibility of constructing a liberated
personality with each people as the starting point - in a word, the decolonisation of culture.
16 | B e r n a l

KABANATA 3
ANG TUNAY NA KWENTO
Tatayo ang pag-aaral kong ito sa pamamagitan ng pag-iipon ng mga kwento ng mga
batang nangangalakal sa loob ng campus. Noong una ay inakala kong magiging madali ang
paghahanap ng mga batang kakapanayamin at magiging mabilis lamang ang usapan ngunit nang
tumagal ay naisip kong hindi pala talaga ganoon kadali maghanap ng bata.
Ang unang pagsubok ay ang oras ng kanilang pagtambay sa UP. Hindi buong araw nasa
UP ang mga bata at lalong hindi lahat ng mga makakasalubong mo ay kaagad maaaring tanungin
at kausapin. Ilang araw ang dapat ilaan sa pag-iikot sa campus upang matyempuhan ang
pagtambay ng mga bata. May mga ilang pagkakataon ding nakakita ako ng mga batang
nangangalakal sa paligid ngunit hindi ko sila natanong dahil hindi nila sineseryoso ang mga
tanong ko. Noong mga pagkakataong ito ko naisip na kailangan nga ng matinding pakikiramdam
muna bago tuluyang makalapit sa mga bata.
Unang Pagtatagpo: Balara Boys
Nagmamadali na ako noon papunta sa aking klase nang makita ko ang grupo ng apat na
bata sa tapat ng Main Library. Pinagmasdan ko kung paano gumagala ang mga mata nila sa mga
sanga ng puno ng kawayan. Naglalakad sila patungo sa kabilang bahagi ng oval malapit sa
Engineering. Sinipat muli nila ang puno ng kawayan na nasa mismong tapat ng bukana ng Main
Library. Maya-maya pa ay hinawakan ng dalawang mas malaking batang lalake ang sanga at
akmang babaklasin ito. Lumapit ako upang sila ay kilalanin.

17 | B e r n a l

"Anong hinahanap niyo," tanong ko. Naninipat lang daw sila ng sanga. Tinanong ko kung para
saan at ang sinagot nila ay para sa bubong.
"Malapit lang ba ang bahay niyo dito," muling tanong ko. Taga-Balara raw sila, ang barangay
malapit sa MWSS.
Tinanong ko sila kung maaari ba akong makipagkwentuhan sa kanila ngunit ngumisi
lamang ang mga bata. Pakiramdam siguro nila nahihibang lang ako. Sinabi kong kailangan ko
lang ng mga sasagot sa aking tanong para sa isang subject at natawa sila dahil mas marami pa
raw akong alam sa kanila kaya baka raw di nila masagot ang mga tanong ko. Pumayag din
naman sila sa huli ngunit naging mahirap ang panayam dahil naglalakad kami upang manipat ng
mga kahoy habang nagkukwentuhan.
Si Russel
Apat ang myembro ng grupo na nakasalamuha ko. Una na dyan si Russel, 13 yrs. old na
at 1st year high school na raw siya ngunit hindi mo mababakas ito dahil sa patpatin niyang
pangangatawan at laki. Siya ang panganay sa tatlong magkakapatid ngunit mapapansin mong
may pagkapilyo si Russel. Laging may halong biro ang mga sagot niya at nahirapan akong
tanungin siya dahil maraming pasikot-sikot ang mga sagot niya. Nang maglaon naman ay naging
palagay din ang kanyang loob sa akin.

May karinderya sa may Balara ang nanay ni Russel at ito ang sanhi kung bakit sila
naninipat ng kahoy sa may Main Lib. Inutusan daw sya ng nanay niya na manguha ng sanga para
hindi na lumundo ang bubong ng karinderya nila. Mabait ang nanay ni Russel at hindi naman
daw siya nito pinagtatrabaho pero siya lamang ang mapilit na tumulong sa nanay niya para hindi
na raw siya pagalitan nito. Lagi raw kasi siyang pinagsasabihan nito na bantayan na lamang ang
mga kapatid niya at wag na lumabas ng bahay. Wala na siyang ama at hindi niya alam kung saan
nagpunta ito. Ang nanay na lang niya ang nagtatrabaho para sa kanila.
18 | B e r n a l

"Mabait ka palang kapatid at anak," biro ko sa kanya.


Tumugon siya ng, "Baka. Baka hindi rin."

Tumawa ang mga bata sa sinabi ni Russel. Nakitawa na rin ako. Aminado si Russel na
mahilig siyang maglaro. Ayaw niyang tumitigil sa bahay. Basta kung may oras daw siya ay
tumatakas siya at hahanapin ang mga kalaro.

"Anong nilalaro niyo, DOTA ba," muling biro ko.

Hindi raw. Magastos daw mag-DOTA. Wala silang pera at wala rin silang kompyuter. May
kaaway daw sila sa may computer shop sa Krus na Ligas kaya hindi na sila napapadpad doon.
Madalas daw ay tumatambay lang sila ng mga kaibigan niya. Basta magkakasama sila ayos na
raw iyon. Basta ayaw niya sa bahay kasi uutusan lang siya ng nanay niya. Mas okay na raw sa
labas.
Nag-aaral si Russel, gaya ng kanyang mga kasama. First year na siya ngunit tamad
pumasok. Dahil malapit lamang ang eskwelahan niya sa bahay, lagi raw siyang late o hindi kaya
naman ay liliban na lang siya sa klase. Hindi ikinakatuwa ng nanay niya ito.

"Nag-aaral naman ako, ate. Pero tamad nga lang," sabi niya.

Tumawa muli ang mga kasama niyang bata. Tinanong ko siya kung anong ginagawa niya
pag hindi siya pumapasok sa eskwela at sabi niya ay kasama niya raw ang mga kaibigan na
tumatawid sa Katipunan. Sinabi niya rin noong una na hindi naman talaga siya nangangalakal o
nagbebenta ng kung ano ngunit nang maglaon ay nabanggit niya rin na sumasama siyang
19 | B e r n a l

magbote sa mga kaibigan niya dahil minsan ay wala na siyang makalaro. Paikot-ikot lamang daw
sila sa UP na namumulot ng mga bote o hindi kaya'y magtatakbuhan lamang sila kung wala nang
magawa. Wala siyang pakialam kung may bote silang makikita sa daan, ang mahalaga lang daw
ay nakatakbo siya kasama ang mga kaibigan. Hindi tinuturing ni Russel na trabaho ang ginagawa
niya dahil ayon sa kanya, hindi naman siya napapagod sa ginagawa. Sabi nga niya pagkatapos ng
isang hapon na pamumulot ng mga bote at minsanang pamamalimos, ipanlilibre lang niya ng
softdrinks sa mga kaibigan ang napaghatian nilang kita. Wala rin.

Pag-uwi niya ng bahay papagalitan siya ng nanay niya na ang dungis niya ngunit ganoon
daw lagi ang nanay niya. Lagi siyang sinasabihan nito na wag na sumama sa pagbobote dahil
nagiging madungis lang daw siya.

"Pero ate, masaya kasi dito sa UP... ang laking playground," sambit niya.

Si Nono
Si Nono ang tinuturing na bunso ng grupo; bunso hindi dahil siya ang pinakabata kung
hindi dahil siya ang pinakamaliit sa kanila. Grade 4 na raw siya ngunit maihahalintulad mo sa
kindergarten ang laki ni Nono. Tampulan siya ng tukso ng kanilang grupo ngunit hindi siya
napipikon. Sa halip ay makikitawa lamang siya sa mga kaibigan o hindi kaya ay gaganti siya ng
pang-asar. Madaldal si Nono kaya hindi mahirap na mapasagot siya sa mga katanungan ko. Siya
rin ang pinakabibo sa magkakaibigan. Sabi nila, matalino raw si Nono at matataas ang grado
niya sa eskwela. Ngunit biro lamang pala ito at kabaligtaran ng totoo. Sampung taong gulang na
si Nono at wala siyang kinagisnan na mga kapatid. Nakatira siya sa tiyahin at tiyuhin niya sa
may Balara kasama ang mga pinsan niya. Matatanda na ang mga pinsan niya kaya maging sa
20 | B e r n a l

pamilya ay siya na rin ang tinuturing na bunso. Pinaalagaan siya ng kanyang mga magulang sa
tiyo at tiya niya dahil sakitin daw siya noong bata. Nang tanungin ko kung nasaan na ang mga
magulang niya o kung may mga kapatid ba siya, sinabi lamang na niya na hindi niya raw alam.
Hindi na bumisita muli ang kanyang mga magulang. Nagbiro tuloy ang mga kaibigan ni Nono na
putok sa bungo lamang siya at sabay nagtawanan ang mga ito. Ngumisi lamang si Nono at hindi
na nagsalita. Tinanong ko muli siya kung anong trabaho ng kanyang mga tiyo at tiya at sinabi
niyang nagbobote ang tiyo niya at mga pinsan. Ang tiya naman niya ay labandera. Ang mga ito
raw ang nagturo sa kanya na dapat kumita agad ng pera. Minsan daw ay sumasama siya sa
pangangalakal ng mga ito pero kapag may pasok ay naiiwan na lang siya sa bahay.
"Pero ang saya pala ng ganon... Mamumulot ka lang tapos may pera ka na," sabi niya sa akin.
Kaya naman pagkatapos ng oras ng klase, diretso siya agad sa pangangalakal.
Nanghihingi siya sa mga estudyante ng mga bote na ubos na ang laman o hindi kaya kahit may
laman pa raw ay hinihingi na niya ang mga ito. Sa Sunken Garden sila madalas tumambay dahil
maraming tao rito pag hapon na. Mas maraming tao, mas maraming basura. Minsan nga raw
namamalimos na rin siya dahil may nakita siyang mga batang namamalimos din, ginaya lamang
niya ang mga ito. Tinigil lamang niya ang pamamalimos dahil sinabihan siya ng tiyahin niya na
masama daw ito. Nagtawanan ang grupo at may isang nagsabing, "E pulubi ka pala e."
Kinutusan niya ang nagsabi.
Dahil na rin marahil sa musmos na edad kaya mahilig maglaro si Nono. Mahilig siyang
tumakbo at manaya ng mga kaibigan. Siya iyong bata na huhubarin pa ang tsinelas makatakbo
lamang ng mabilis. Hindi siya lagi inaabutan ng mga kaibigan.
Sabi niya, "Madaya sila ate. Pag malayo na ako di na nila ako hinahabol."

21 | B e r n a l

Ganon kabilis tumakbo si Nono, may sa snatcher daw. Tawanan sila. Hindi pa raw nila
nasubukan magnakaw. Mahilig sa kotse si Nono. Laruan na kotse rin ang hilig niya. Wala siyang
laruang race car kaya gumagawa na lang siya ng sarili. Gawa sa mga boteng plastik at tansan ang
mga kotse niya. Iyong mga boteng plastik na hindi tinatanggap ng junkshop ang ginagawa
niyang katawan ng kotse-kotsehan at tansan naman ang gulong. Walang tumagal na kotsekotsehan si Nono. Pagkalipas ng isang araw ay sira na agad ang mga ito o hindi kaya'y
pinagsawaan na niya.
"Siguro kung totoo lang lahat ng kotse ko, baka napuno na nun 'yang lote na 'yan," sabat niya
sabay turo sa AS Parking Lot.
Sa paglalakad namin sa campus, lagi siyang napapatigil sa pagsagot kapag may
dumadaang magarang kotse. May kung anong kislap sa mga mata niya at nakabuka ang bibig
niya sa pagkamangha sa mga kotse. Napansin ko ito kaya tinanong ko siya kung anong kotse ang
pangarap niyang magkaroon kapag malaki na siya.
Nag-isip siya sabay sabing, "E mahal yun ate. Wala naman akong pera." Bandang huli
sumagot din siya na gusto niya ng malaking kotse. Kulay pula. Basta malaki, iyong kotse na
kasya ang tiyo, tiya at mga pinsan niya.
Tinanong ko kung saan sila pupunta at sinabi niyang sa malayo na may dagat. At kung
may pinag-iipunan man siya mula sa kita sa pagbobote, ipambibili niya ito ng kotse sa hinaharap.
"Mga thousands na araw pa, ate, makakaipon din ako. Iaangkas pa kita..."
Si Ijah, ang Rapper ng Barkada
Patpatin, may kulay ang buhok at maitim: halos magkakapareho ng itsura ang barkadahan
ng mga batang ito. Hindi makukuha ni Ijah ang atensyon ko kung hindi dahil sa kakayahan
niyang kumanta at magrap.
22 | B e r n a l

Pwede bang magrequest ng kanta, tanong ko sa kanya.


Bawal po. Mahal talent fee ko, ang mabilis niyang sagot.
Kinantiyawan siya ng mga bata na makapal daw ang mukha. Sa totoo lang, magaling kumanta si
Ijah. Kabisado niya rin ang lyrics ng mga kinakanta niya. Ang sabi nina Nono, pinapansali raw
ng nila si Ijah sa paligsahan sa eskwela. Kinantiyawan muli ng mga bata si Ijah.
May tatlong kapatid si Ijah: isang kuya at dalawang mas nakababatang kapatid na babae.
Drayber ng padyak ang tatay niya at simpleng may-bahay ang nanay niya. Grade 4 na rin si Ijah
sa Balara Elementary School at magkaklase sila ni Nono. Naglolokohan silang mas matalino raw
si Ijah kaysa kay Nono ngunit umamin din sila sa huli na pareho silang laging lumiliban sa klase.
Pang-umaga raw kasi sila at minsan ay nakaklimutan nilang gumising ng maga para pumasok.
Nang tinanong ko kung ano sinasabi ng mga magulang niya sa kanya kapag hindi siya
pumapasok, sinasabi lamang daw ng mga ito na dapat pumasok na siya bukas. Pero ayos lang
daw talaga sa mga magulang niya dahil nakakatipid daw ang mga ito sa baon niya. Ang
pinakagusto ni Ijah sa pagpasok ay ang pagtatakbuhan nila pagkatapos ng klase at hindi ang pagaaral mismo. At syempre, paborito niya rin na may baon siya. Ngunit ito rin ang nagtulak sa
kanya na mawalan ng gana pumasok. Gaya nga nang nasabi na kanina, drayber ng padyak ang
tatay niya at hindi naman kalakihan ang kinikita nito. Kaya nakita niyang pagkakakitaan ang
pangangalakal ng mga bote para may pera siya lagi.
Sa edad na anim siya natutong mamasyal sa UP at nang naglaon ay natuto na ring
mangalakal dito. Dahil sa lapit ng bahay nila sa UP kaya ito na ang nagsilbing playground niya.
Minsan, kasama niya ang kuya niya. Pero madalas ay mga kaibigan ang kasama niya. Hindi
naman niya sinadyang mangalakal dito. Lugar lang daw nila ito para maglibang ng malayo sa
bahay nila dahil kapag nakita siya ng nanay niya ay uutusan lamang siya nito. Malaki raw kasi
ang UP para mahanap siya ng nanay niya. Noong una ay si Nono lang ang kasama niya
23 | B e r n a l

hanggang sa naging apat na sila sa grupo. Noong una rin ay hanggang laro lang siya dito
hanggang sa makakita siya ng mga plastik na bote na nakakalat sa may basurahan sa may
Sunken.
E sayang naman, ate. Pwede 'yon ibenta sa junkshop. Saka sabi ng nanay ko magpulot na lang
daw ako ng bote para may silbi naman etong paggagala ko. O diba? Masunurin ako, sabi niya.
Tumawa ang mga bata dahil sa huling pangungusap niya.
Saan mo naman ginagastos iyong pera mo? Binibigyan mo ba nanay mo, tanong ko muli.
Minsan, madalas hindi, maikling sagot niya.
Hindi alam ng mga magulang ni Ijah na namamalimos din siya sa UP. Ang alam lang nila,
namumulot siya ng bote sa basurahan para ibenta sa junkshop. Hindi rin nila alam na madalas na
nangangalakal si Ijah dahil ang tingin ng mga magulang niya ay naglalaro lang talaga siya.
Paano ba kayo maglaro, tanong ko sa kanya.
Nagpaparamihan kami ng mahihinging bote tapos ang may pinakakaunting dala ang
magbubuhat ng lahat ng dala namin, wika ni Ijah.
Madalas daw na si Russel ang may pinakakaunting bote dahil mahiyain daw ito kaya
hindi nanghihingi masyado. Bukod dito, madalas lang daw silang nag-aasaran at nagtatabukhan.
Saan ka naman natutong kumanta, tanong ko ulit.
Dahil padyak drayber nga ang tatay niya, madalas din siyang tambay noon sa paradahan
ng mga pedicab sa may Balara at uso pa noon ang fliptop at rap kaya ito ang kinalakihan niyang
tunog. Maging ang kuya niya ay nahilig sa mga rap battle kaya mas lalong umigting ang
impluwensya sa kanya ng rap songs. Kapag nasa eskwela raw siya ay ang lyrics ng mga rap ang
sinusulat niya sa kwaderno at hindi mga lesson nila. At kapag nanghihingi siya ng mga bote o
24 | B e r n a l

barya, kinakantahan niya rin ang mga hinihingian niya para mas matuwa sa kanya. May mga ilan
na nagrerequest pa ng kanta pero may mga ilan din na hindi siya pinapansin. Ang mahalaga lang
naman kay Ijah ay makapag-rap siya dahil ito ang gusto niyang gawin.
Ano bang pangarap mo paglaki mo, huling tanong ko.
Maging rapper. Astig 'yon diba, mabilis niyang tugon.
Wrapper? Pambalot 'yon diba, pang-aasar ni Nono kay Ijah.
Nagtawanan ang mga bata. Gusto maging rapper ni Ijah dahil hindi na raw kailangang
makatapos ng pag-aaral para maging rapper at magiging sikat pa siya at maraming pera gaya
nina Loonie at Abra.
Si Pisot
Habang sina Nono, Russel at Ijah ay bibong nasasagot ang mga tanong ko, ang
pinakahuling miyembro ng grupo nila ay nahuhuli sa lakaran. Siya si Pisot, ang pinakatahimik sa
grupo. Dahil dito, nahirapan akong kausapin siya. Hindi madaling makuha ang loob ng bata at
tipid na Oo. at Hindi. lamang ang sinasagot niya noong una. Ngunit nang maglaon ay
nakikitawa na rin siya sa mga biro ng ibang kaibigan.
Paano mo nakilala sina Nono, tanong ko sa kanya.
Kimi ang mga sagot ni Pisot, maikli at matipid. Nagkakilala raw sila dahil magkakalapit
ang mga bahay nila sa may Balara. Pagkatapos ay magkakaeskwela rin sila. Naging magkaklase
noong elementarya si Russel at Pisot ngunit hindi na raw ngayon. Nang tanungin ko siya kung
bakit, sinabi niyang tumigil daw kasi siya sa pag-aaral.
"Bakit ka tumigil?"
"Wala ng pera," ang matipid niyang sagot sabay tingin sa malayo.
25 | B e r n a l

Hindi ko alam kung anong tumatakbo noon sa isip ni Pisot. Nauna siya sa paglalakad
habang nakikipagbiruan ako sa iba niyang kaibigan. Tinanong ko sila Russel kung ganoon ba
talaga si Pisot, kung tahimik talaga siya at hindi mahilig makipagbiruan. Sinabi naman nilang
ganoon lang daw talaga si Pisot dahil kailangan niyang maka-quota sa kita. Tinanong ko kung
anong ibig nilang sabihin at sinabi nilang si Pisot na lang daw kasi ang nagtatrabaho para sa
kanila ng nanay niya. Construction worker ang tatay niya pero hindi na ito madalas umuuwi sa
bahay nila.
"E paano niyo naman nalaman na hindi na umuuwi sa bahay nila ang tatay ni Pisot?"
"Kasi 'pag umuuwi yon ng bahay nila, lagi siyang may bagong laruan. Ngayon wala na," sabat ni
Nono.
Naabot na namin ang Area 2 at napagpasiyahan ng mga bata na umupo malapit sa may
Track Oval. Init na init na ako noon kaya nagdesisyon akong bumili ng softdrinks sa tindahan.
Hindi ko naiwasang ilibre na rin ang mga bata dahil ayaw ko namang nakatunganga lang sila sa
akin habang umiinom ako. Kinuha ko na rin ang pagkakataong iyon upang kausapin si Pisot.
Tinanong ko kung gusto niya rin ng softdrink at tumango siya at ngumiti. Pagkatapos bumili ay
tinabihan ko siya sa pagkakaupo habang ang mga kaibigan naman niya ay nagkakantahan
malapit sa amin.
"Bakit Pisot ang pangalan mo?"
Ngumisi siya sabay sabing,
"Hindi pa po kasi ako tuli... At mas mabaho po ang totoo kong pangalan."
Dominador ang totoong pangalan ni Pisot pero nasanay na ang mga tao sa lugar nila na
Pisot ang tawag sa kanya. Nanay niya ang unang nagbansag sa kanya ng pangalang ito noong
mas maliit pa raw siya. Pero sa eskwelahan ay Dominador daw ang tawag sa kanya ng guro niya;
26 | B e r n a l

bastos daw kasi ang ibig sabihin ng Pisot sabi ng nanay niya sa kanya. Natawa na lang ako kahit
na wala akong ideya sa ibig sabihin ng palayaw niya.
"Anong grade mo na?"
"Nagstop po ako. Grade 5 na dapat," sagot niya.
"Anong nangyari?"
"Mahaba pong kwento e," sabi niya sabay tingin sa malayo.
"Anong trabaho ng mga magulang mo?"
"Si tatay po sa construction, si nanay po may sakit..."
Nalaman ko mula sa maiikling sagot ni Pisot na may tuberculosis pala ang nanay niya
kaya hindi na makapagtrabaho ito. Siya na lang ang nagtatrabaho para sa kanilang dawala. At
tama nga ang mga bata, hindi na madalas umuwi ang tatay ni Pisot sa kanilang tahanan. Kung
uuwi man ito, hindi na nag-iiwan ng pera. Kukuha lamang ng damit at saka aalis din agad.
Walang mga kapatid si Pisot pero may kapatid daw siya sa labas sabi ng nanay niya. Hindi ko na
tinanong kung ilan.
"Paano ka natutong mangalakal?"
May junkshop sa lugar nila at madali lang mangalakal ayon kay Pisot. Hindi kailangan ng
puhunan at kahit bata kaya itong gawin. Dati ay laro lang talaga ang gusto niyang gawin pero
pwede naman daw palang pagsabayin ang laro at pangangalakal. Minsan paramihan sila ng
mahihinging bote sa mga tao o hindi kaya ay paramihan ng malilimos na barya. Isa siya sa mga
laging nanalo dahil kailangan daw para sa pagkain nila ng nanay niya. Hindi gaya ng ibang bata
na may magulang na kahit papaano ay sumusustento sa kanila, iba ang kaso ni Pisot; siya ang

27 | B e r n a l

nagtatrabaho para makakain sila ng nanay niya. Ito rin ang dahilan kung nakit siya tumigil sa
pag-aaral.
"Ano ang pakiramdam mo kapag nakakakita ka ng batang nag-aaral at naglalaro?"
Nag-isip muna si Pisot tapos ay yumuko.
"Ayos lang. Swerte nila may magulang sila na pinapag-aral sila," sabi niya at pagkatapos ay
tumahimik ulit. Halatang nalungkot siya sa tanong ko kaya iniba ko ang usapan. Tinanong ko
siya kung anong pangarap niya sa buhay. Ngunit nabigla ako sa sinagot niya sa akin.
"Pangarap kong hindi na magbote at makakain ng ChickenJoy araw-araw," sabi niya.
Para sa isang bata, tila ninakawan na ng pangarap si Pisot.
Pangalawang Pakikitagpo sa mga Bida: Bote Boys sa Sunken
Sabado ng umaga, sinamahan ko ang mga kaibigan kong maglaro ng frisbee sa Sunken
Garden. Nasabi ko kasi ang paksa ng thesis ko at nabanggit nilang may mga bata raw sa Sunken
Garden tuwing umaga. Pumunta ako sa training nila ng araw na iyon upang magmasid.
Nagsimula ang kanilang training at ako naman ay naiwan sa Grand Stand upang manood. May
dumating na dalawang bata na may dalang sako na may kaunting laman na kalakal. Nilapitan
nila ako upang manghingi ng mga boteng walang laman.
Si Migs
Unang lumapit ang kasama niyang bata at sumunod naman si Migs. Nanghihingi ng bote
ang kasama niya at nang sabihin kong wala ay barya na lang daw ang ibigay ko. Sinabi kong
wala rin ngunit pinilit pa rin nila akong magbigay. Makulit at mapilit si Migs. Hindi ko alam
kung paano makakaiwas sa pagbibigay ng barya sa kanila. Mabuti na lamang at nagpahinga sa
paglalaro ang mga miyembro ng frisbee team kaya ang mga ito naman ang kinulit ng mga bata.
28 | B e r n a l

Pinagmasdan ko ang mga bata, partikular si Migs, habang nagpapalipat-lipat sila sa bawat
miyembro para hingiin ang bote na pinag-inuman nito o hindi kaya ay humingi ng barya sa mga
ito. Bumalik na ang mga kaibigan ko sa paglalaro ng frisbee habang sina Migs at ako naman ay
naiwan sa may Grand Stand. Ito na ang kinuha kong paraan para kausapin sila.
"Madalas ba kayo rito?"
Hindi nila ako pinansin noong una ngunit nang maglaon ay napansin din ni Migs na
nakatingin ako sa kanila. Nang lumingon siya sa akin ay tinanong ko ang ngalan niya.
"Migs po," maikling tugon ng bata.
"Pwede bang makipagkwentuhan sa inyo kahit sandali?"
Tinawanan lang nila ako at sinabing ano naman daw ang ikukwento nila sa akin. Sinabi
kong kailangan ko lang ng mga detalye para sa kwentong isusulat ko.
"Sige ate, basta pengeng barya pagtapos," ang sagot ni Migs sabay ngisi.
Pumayag na lamang ako sa sinabi niya, marahil kasabay na rin ng desperasyon na
matapos na ang tesis ko.
"Matagal ka na sa ganitong trabaho?"
"Opo," maikling sagot niya.
Nalaman kong grade 3 na si Migs sa eskwelahan sa Balara. Madalas siyang mangalakal
sa UP kapag walang klase o hindi kaya ay bakasyon na, gaya ng araw na ito.
"Nasaan ang mga magulang mo?"
"Wala na po," sagot niyang muli.
Nang tinanong ko kung nasaan ang mga ito, hindi niya raw alam. Basta wala na siyang
29 | B e r n a l

mga magulang. Inusisa ko pang maigi kung nasaan na ang mga magulang niya at sa bandang huli
ay nalaman kong niloloko niya lamang ako sa pagsasabing wala na siyang mga magulang.
Kasama niya pa ang mga ito at nakatira sa isang bubong malapit sa MWSS. Sinasabi lamang
niya na wala na ang mga ito upang mas maraming magbigay ng barya sa kanya. Masamang biro
ito kung tutuusin pero ayos lang daw sabi ni Migs basta raw may barya siyang makukuha.
"Matagal ka na bang tumatambay dito?"
"Opo, simula bata pa po ako," sabi niya.
Ang tatay ni Migs ang nagmulat sa kanyang mangalakal. Bata pa lamang siya ay
sinasama na siya nito upang mamulot o manghingi ng mga bote. Nang maglaon ay siya na
lamang ang natira rito sa UP dahil malapit lang naman ito sa kanilang tahanan. Ang tatay naman
niya ay dumadayo sa ibang lugar upang mangalakal.
"Nakakapaglaro ka pa ba ngayon?"
Nakakapaglaro pa naman daw siya. Tinanong ko kung anong depenisyon niya ng laro,
ngumisi lang si Migs. Hindi niya raw ako maintindihan kaya ang ginawa ko ay tinanong ko na
lamang siya kung anong mga laro ang ginagawa niya. Minsan daw naglalaro sila ng pogs (yung
mga korteng bilog na parang teks) at nagpupustahan. Minsan naman ay habulan sa campus,
paunahan makarating sa isang lugar nang tumatakbo. Minsan naman ay nagpaparamihan sila ng
mahihinging barya mula sa mga nagdaraan.
"Sinong mga kalaro mo at saan kayo madalas maglaro?"
"Ito po, si Caloy," sabi ni Migs, sabay akbay sa batang kasama niya.
Nakikita niya rin daw ang iba niyang kapitbahay kaya marami raw silang magkakasama
madalas. Hapon sila madalas tumambay kapag normal na araw dahil katatapos lang ng klase.
"Ang dami mo namang tanong, ate," tanong niya sa akin.
30 | B e r n a l

Ngumiti lang ako. Tinanong ko kung ano ang mas gusto niyang gawin, maglaro o
mangalakal. Sinabi niya lamang sa akin na mas gusto niya raw talaga mangalakal kasi may pera
pero mas madali raw pag humihingi lang ng barya dahil pera na agad. Tumawa siya pagkatapos.
Natawa na rin ako. Pakiramdam ko malaki ang punto niya rito.
"Anong ginagawa mo sa perang nakuluha mo?"
"Pinambibili ng pagkain. Binibigay kay tatay," sabi niya.
Dalawa na lang daw sila ng tatay niya. Iyong nanay niya ay sumama sa kabit nito kasama
ang dalawa niyang kapatid. Tinanong ko kung anong pangarap niya sa buhay.
"Ewan ko po. Hindi naman po ako pumapasok lagi sa school kaya baka ganito na lang ako,"
tugon niya.
"Ate, iyong barya po nasaan na," kulit niya sa akin.
Si Caloy

Ang mga Maria sa Shopping Center


Naglalakad ako sa Shopping Center isang umaga para kumain sa may Rodics. Unang
bumungad sa akin ang mga batang nagbebenta ng ipit sa buhok. Dati ko pa sila nakikita sa CAL
o kaya habang naglalakad sa may Freshie Walk. Dito naman pala ang tambayan ng mga batang
31 | B e r n a l

ito. Naisip ko na ang swerte ko nga naman dahil ngayon ko pa sila nakita.
Tatlo silang batang babae na mag-uunahan makabenta ng panali ng buhok sa lahat ng
taong dadaan sa Shopping Center. Lalake man o babae, wala silang pakialam basta mabentahan
nila ang lahat ng pwedeng bentahan. Inobserbahan ko muna ang mga bata mula sa kinauupuan
ko hanggang sa dumalang na ang mga taong bebentahan ng mga bata. Nang lapitan ko sila ay
agad nilang inakalang interesado akong bumili ng ipit sa buhok. Nag-unahan pa sila sa pag-alok
sa akin. Sa bandang huli, sinabi ko na lamang na
Si Jhenhesah
"Anong pangalan mo?"
"Jenesa po... Ate, may "h" po ha," sabi niya.
"Saan ko 'yon ilalagay?"
"Bahala na po kayo. Basta may "h" po ang pangalan ko."
Ito ang espesipiko kong naaalala kapag nababanggit ang pangalan ni Jenesa. Hanggang
ngayon, hindi ko pa rin alam kung saang bahagi ng pangalan niya ko ilalagay ang "h" na special
request pa niya.
Limang taong gulang pa lamang si Jenesa. Maliit na bata na hanggang balikat ang medyo
may kulay na buhok. May bangs na parang kay Dora the Explorer. Kayumanggi at payat.
Madungis ang mukha at mapapansin mo agad siya sa may Shopping Center dahil nakatambay
lang siya sa maliit na lagusang iyon. Hindi siya mahiyain at kukulitin ka talaga niya hanggang sa
bumili ka na ng ipit sa buhok.
"Nasaan ang mga magulang mo? Alam ba nilang nagbebenta ka ng ipit dito?"
"Patay na po. Si ate ang kasama ko dito," sabi niya.
32 | B e r n a l

"Nasaan ang ate mo? Alam ba niyang nagbebenta ka dito?"


"Opo. Siya po bumibili ng paninda tapos ako ang naglalako," sagot niya.
Taga-Brgy. UP Campus si Jenesa. Sumasabit lang siya at iba pang bata sa Ikot na jeep
kapag pauwi na sa gabi. Pero pinapagalitan daw sila ng mga drayber kaya kadalasan ay
naglalakad na lang sila pauwi. Malapit lang naman ang daan at baka makabenta pa sila habang
pauwi.
Hindi rin alam ni Jenesa kung bakit panali sa buhok ang tinitinda niya basta ito raw ang
sinabi ng kanyang ate. Nakapagtinda rin daw siya ng sampagita noon sa may simabahan ng Holy
Sacrifice pero wala na atang supplier ang ate niya kaya ipit naman ang naisipang ibenta.
Sa halagang kinse pesos kada piraso, nakikipagkulitan si Jenesa sa bawat babaeng dadaan
sa makipot na lagusan na iyon sa Shopping Center. Mahaba o maikli man ang buhok nila ay
sinusubukan niyang bentahan ang mga ito ng panali sa buhok. Bata pa lamang siya (mas bata
kaysa ngayon) ay sinasama na siya ng ate niya sa pagbebenta nito. Wala kasing pag-iiwanan sa
kanya. Dalawa na lamang sa buhay si Jenesa at ate niya. Wala raw siyang kilalang kamag-anak
nila. Tagabantay daw sa tindahan ang ate ni Jenesa kaya hindi niya ito kasama sa pagtitinda ng
ipit.
Tulad ng tipikal na bata, matanong at madaldal si Jenesa. Nakikipagkulitan siya sa akin
habang nag-uusap kami. Tinanong ko siya kung nakakapaglaro pa ba siya gayong lagi na siyang
nagtitinda at sabi niya, hindi na raw siya naglalaro. Kung maglalaro siya ay magagalit lang ang
ate niya dahil dapat ay maubos ang tinda niya sa araw na iyon. Minsan napagalitan siya ng ate
niya dahil naaliw siya sa paglalaro ng Chinese garter at nalimot na magbenta. Hindi malupit ang
ate niya pero masungit lang daw ng kaunti. Ngumiti siya pagkatapos sabihin ito. Chinese garter
at ten-twenty ang mahilig laruin ni Jenesa. Halata naman ito dahil napakaraming goma ang
33 | B e r n a l

nakasuot sa kanyang kamay. Para sa kanya, laro na maituturing ang ginagawa niya kapag masaya
niya itong ginagawa ng hindi napapagod. Hindi raw siya mapapagod mag-Chinese garter dahil
masaya ito. Nang tanungin ko naman siya kung saan ko ilalagay ang "h" na sinasabi niya sa
pangalan niya, tatanungin niya raw ang ate niya. Ito kasi ang nagsabi ng spelling ng pangalan
niya.
"Anong pangarap mong maging paglaki mo?"
"Gusto ko pong maging titser para po magtuturo ako ng ibang batang hindi marunong magsulat
at magbasa," sabi niya.
"Kailan ka ba magsisimulang pumasok?"
Ngumiti lang siya at saka tumayo patungo sa isang babaeng kalalabas lang ng Alva. Nakabenta si
Jenesa.
Si Maan
"Ano ang laro para sa iyo?"
Biglang naglabas ng plastik si Maan. May laman itong mga papel na manika. Hinanay
niya ang mga papel na manika sa sahig at saka tumingin sa akin. Ito raw ang mga laruan niya.
Medyo lukot na ang mga laruang papel niya at halatang matagal na ito sa pangangalaga niya
ngunit tinutuloy pa rin niya ang paggamit sa mga ito. Tinanong ko kung may tunay bang manila
si Maan. Sabi niya ay wala raw dahil mahal ang mga ito. Hanggang manikang papel lang ang
kaya niyang bilhin.
"Paano ka nakakapaglaro habang nagbebenta?"
Hindi naman daw niya madalas ilabas ang mga papel na manika niya. Kapag maraming
tao ay hindi siya nakakapaglaro ng mga ito. Madalas ay nakikipagkwentuhan lamang siya sa mga
34 | B e r n a l

batang nanghihingi rin ng barya sa Shopping Center.


"Nag-aaral ka ba?" "Opo, grade 1 po," sagot niya.
Tinanong ko kung saan siya nag-aaral at nalaman kong sa Balara rin siya nag-aaral at
malapit doon ang kanilang tahanan. Tatlo silang magkakapatid at siya ang pangalawa. Ang ate
niya ay nangangalakal din at baby pa raw ang bunso nila. Alam ng mga magulang niyang
nagbebenta siyang ipit sa Shopping Center pero hinahayaan lamang siya ng mga ito dahil
pambaon niya rin daw. Sa bahay lang ang nanay niya at umeekstra sa Manila Water ang tatay
niya. Madalas, kanya-kanya silang bili ng pagkain kaya natuto na siyang magtrabaho para sa
sarili niya.
"Ano ang pakiramdam mo kapag nakakakita ka ng batang nag-aaral at naglalaro lang at hindi
kailangang magtrabaho?"
Ngumiti lang si Maan. Okay lang daw sa kanya kasi may pera naman siya lagi pag
nakakakbenta siya. Hindi naman daw mahirap ang magbenta ng ipit, minsan lang ay
nasusungitan siya ng mga tao. Basta ang mahalaga ay mapilit niya ang mga ito na bumili ng ipit
mula sa kanya para may pera siya.
"Paano mo natutunan ang ganitong gawain?"
Ang mga kapwa bata ni Maan ang nagturo sa kanya ng ganitong gawain. Dahil ang mga
ito ang mga ito ang nakakasalamuha niya lagi ay natutunan niya rin ang mga gawing ng mga ito.
Noong una ay sumasama lang siya ngunit nang maglaon ay sumali na rin siya sa kanila. Para sa
kanya, parang laro lamang ang paghingi ng barya sa mga dumaraan dahil sa bandang huli, may
magbibigay sa kanila at magiging masaya siya.
"Bakit hindi ka bumili ng bagong manikang papel?"

35 | B e r n a l

Ayaw niya na raw. Sayang sa pera. Natawa ako sa sinabi niya. Para sa isang musmos,
nakakatuwang alam na niya ang halaga ng bawat baryang binibigay sa kanya.
"Ayoko na po ng papel gusto ko po totoo na yung Barbie ko," sunod niyang tugon sa
akin.

KABANATA 3

ANALISIS AT SURI

Ang mga Batang Mangangalakal sa Kwento


Nang matapos ko kilalanin, makausap at maisulat ang mga kwento ng mga batang
mangangalakal na nakasalamuha ko sa paglalakad ko sa campus, natural lamang na magkaroon
ako ng mga pagninilay sa kanilang pagkatao. Hindi man ako nabigyan ng sapat na panahon
upang kilalanin sila ng malaliman, sapat na ang mga kwento at pananaw nila sa mga bagay na
aking tinanong upang masabi kong nakilala ko naman ang mga batang aking nakasalamuha.
Ang magandang itanong ay sa bandang huli, ano o sino nga ba ang mga batang
mangangalakal na nakilala ko sa aking pamamasyal sa unibersidad? Base sa mga kwentong
aking nakalap mula sa mga bata, marami sa kanila ay nasa edad 5 hanggang 10 taong gulang pa
lamang ay marunong nang mangalakal. Hindi nila ito sinadyang matutunan ngunit tila ba
natutunan lamang nila ito sa pamamagitan ng mga tao sa paligid nila gaya ng mga magulang,
kamag-anak at maging mga kalaro. Ang pagiging mangangalakal ng mga batang ito ay naipasa
sa kanila sa pamamagitan ng acquisition at sa ganitong paraan ay nakalakhan na nilang gawin
at kinasanayan na.
Madalas, naipasa sa kanila ang ganitong gawain dahil mismong mga magulang nila ay
nangangalakal din. Bilang mga bata na nakikita ang mga magulang sa ganitong hanapbuhay,
36 | B e r n a l

hindi maiiwasang maimpluwensyahan din ang mga ito na gawin ang ganitong bagay. O kung
medyo burgis ang pamumuhay ng isang bata at may mga magulang siyang doktor o abogado,
hindi maiiwasang gustuhin niya ring maging doktor o abogado. Ito ang unang paraan upang
maipasa ang ganitong trabaho ngunit maari ring lumabas sa tahanan at makakilala ng mga taong
nangangalakal. Gaya na lamang ng kwento ng barkadahan nina Russel, Nono, Ijah at Pisot,
maaaring mga kaibigan ang mag-impluwensya sa isang bata upang gawin ang isang bagay. Sa
kaso ng mga batang ito, nakatagpo sila ng mga kaibigan na kinakailangang mangalakal upang
makatulong sa pamilya. At dahil sa kagustuhang makasama ang mga kaibigan, sumasama na rin
ang isa sa pangangalakal. Dito nagsimulang matutunan ng mga bata ang pagkolekta ng mga bote
at ilang laro na umiikot dito (gaya ng paramihan ng makokolektang mga bote). Syempre mas
angat pa rin na
Karamihan din sa mga batang aking nakasalamuha ko ay pumapasok sa eskwelahan.
Mayroon kasi akong nosyon bago simulan ang pag-aaral na ito na ang mga batang nagkalat sa
UP ay hindi na pumapasok sa eskwela. Mali ako dahil karamihan sa kanila ay nag-aaral sa
eskwelahan malapit sa UP gaya ng Balara Elementary School. Magkaganoon pa naman, normal
na sa mga batang ito na tamarin pumasok dahil na rin nahuhumaling sa paglalaro o kaya naman
ay kailangan na nilang mangalakal.
May mga ilan ding hindi pumapasok sa eskwelahan sa kasalukuyan dahil sa kakulangan
sa pera. Bakas sa mga batang ito ang kagustuhang mag-aaral ngunit hindi mapagbigyan dahil
ayon sa kanila, walang oras at walang pera. Ang ganitong problema ay hindi nila alam kung
paano sosolusyonan dahil primaryang pangangailangan muna ang dapat nilang tugunan.
Ang Pangangalakal Bilang Parte ng Pamumuhay ng mga Bata
Kabilang sa listahan ng aking mga tanong ang mga tanong na nakatuon sa pamilyang
pinagmulan ng bata at mula rito ay malalaman ko kung ano ang mga motibasyon at salik na
37 | B e r n a l

nagtutulak sa isang bata na mangalakal, mamalimos at magtrabaho sa murang edad. Aminado


naman ang mga batang nakapanayam ko na hindi kaya ng kani-kanilang mga pamilya na buhayin
sila kayat nakikita nila ang ginagawang pangangalakal bilang pagtulong sa pamilya. Maliban sa
ilang mga kwento gaya ng kay Russel, na hindi naman talaga pinipilit ng ina na magbigay sa
panggastos sa bahay, halos lahat ng mga nakausap kong bata ay alam na kulang ang kinikita ng
kanilang pamilya upang mabuhay sila. Makikita mo ito kay Pisot sa pagkaseryoso niya sa
kanilang laro na paramihan ng makokolektang basura at mababakas mo rin ito kay Jenesa na
sinasalubong halos lahat ng taong dadaan sa Shopping Center para lamang maubos agad ang
binebenta niyang ipit. Kung susumahin, ang pinakamalakas na motibasyon sa karamihan ng mga
batang nakapanayam ko upang mangalakal ay ang kahirapan ng pamilya nila. Ito ang madalas
nilang isagot, kahit hindi tahasan, sa mga tanong sa kung paano sila natutong mangalakal.

The families of child workers eked out a living from small-scale, home-based, labor intensive,
low wage, piece rate and low technological level modes of production that was seasonal and or
occasional. Because of this poverty, child labor was resorted to as one of several household
coping strategies by Filipino families who view children as potential income providers and as
part of the family support system. (Del Rosario at Bonga, 39)
Gaya ng nasabi ng pag-aaral na ito nina Melinda Bonga at Rosario Del Rosario,
kadalasan ng mga biktima ng child labor ay mga batang mula sa pamilyang mas malaki ang
bilang kaysa sa kaya nitong suportahan o hindi kaya ay malaki ang kakulangan sa kinikita nito
kaya kinakailangang tumulong ang lahat ng miyembro ng pamilya sa gastusin. Ibig sabihin
lamang nito, ang ekonomikong kakulangan ang nagluluwal sa mga batang mangangalakal na
lumabas mula sa kanilang mundo sa loob ng tahanan at ito rin ang nagtutulak sa kanila upang
magtrabaho at sa maagang edad ay kumita ng pera pangsuporta sa pamilya.
38 | B e r n a l

Ngunit bakit sa rami ng pwedeng gawin ay pangangalakal pa? Nasagot na ito ng isang
bata sa pagsasabing sa pangangalakal ay walang ibang puhunan kung hindi sipag at pagiging
makulit sa mga tao. Para sa isang pamilyang kulang ang kinikita, malamang ay wala rin silang
kakayahang mamuhunan kaya nga tanging sako lamang ang dala ng mga bata sa tuwing sila ay
magbobote. Nakaangkla na ngayon ang pamumuhay ng mga batang ito sa kanilang
pangangalakal. Nabanggit na nga kanina na karamihan sa mga batang nakapanayam ko ay nagaaral pa at apektado ng pangangalakal nila sa unibersidad ang kanilang pag-aaral. Marami sa
kanila ang tinatamad at hindi nakakapasok sa eskwela dahil mas sabik pa silang mangalakal
upang makasama ang mga kalaro. Dahil ditto, maaaring tignan ang pagiging mangangalakal sa
dalawang perspektiba: bilang salik o bilang bunga.
Nagiging opsyon ang pangangalakal para sa mga batang gaya nina Jenesa, Pisot at Migs
dahil ito lamang ang paraan nila upang kumita ng pera. Nagiging solusyon ang pangangalakal sa
problema nila. Maaaring sabihing naging positibo ang epekto ng pangangalakal sa mga batang
ito dahil naitatawid nila ang pang-araw-araw dahil sa gawaing ito. Pero hindi pa rin dapat nating
kalimutan na hindi naman ang mga bata ang dapat nagtatrabaho para sa pangangailangan ng
pamilya dahil responsibilidad pa rin ng mga magulang niya ito at responsibilidad ng estado na
magbigay ng magandang oportunidad sa bawat pamilya.
Nagiging bunga naman ang pangangalakal sa mga batang gaya ni Russel na wala namang
matinding pangangailangan na mangalakal dahil kaya naman ng kanyang ina na bigyan ang
pamilya ng sapat na pangangailangan. Nasabi kong resulta lamang ang pangangalakal para sa
kanya dahil ang pangunahing motibasyon ng bata ay makasama ang mga kaibigan niya sa
paglalaro. Nasama lamang siya sa ganitong gawain dahil ang mga kaibigan ay kinakailangang
gumawa upang kumita.

39 | B e r n a l

You might also like