Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Mahal ko ang wikang Filipino kaya ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay wala sa aking plano.

Malaking palaisipan kung bakit patuloy na ipinagdiriwang ng gobyerno ang wikang Filipino samantalang hindi naman prayoridad ang
pagpapaunlad nito. Sa halip ngang gamitin ito bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan, mas pinagtutuunan ng pansin ang pagpapayaman sa
wikang Ingles. Para sa mga opisina ng pamahalaan, mas ginagamit ang wikang Ingles sa opisyal na komunikasyon.
Ano ang silbi ng isang buwang pag-alala sa ating wika kung hindi naman natin ginagamit ito sa ating pag-aaral at pagtatrabaho?
Makakapagpamulat ba sa mga tao, lalo na sa mga estudyante, ang sitwasyong ginagamit lang ang wikang Filipino dahil Agosto ang nakatakdang
buwan para dito?
Totoo namang ginagamit pa rin natin ang wikang Filipino sa araw-araw na pakikipag-usap sa mga kamag-anak, kaibigan at iba pang kakilala. Sa
ating pakikinig sa mga paboritong lokal na programa sa radyot telebisyon, pangunahing wika pa rin ang Filipino, at ang ilang istasyong FM sa
radyo ay gumagamit na rin ng sariling wika. Kahit na karamihan sa mga istasyong FM ay may mga disc jockey (DJ) na mapagkakamalang
Amerikano dahil sa paraan ng kanilang pananalita, kapansin-pansin ang pagsusugal ng ilang istasyon para gamitin ang sariling wika.
Ang tanong sa puntong ito: Napapayaman kaya ng mga organisasyong pang-midya ang wikang Filipino sa kanilang paggamit nito? Sa kaso ng
ilang istasyong FM, ang kanilang paggamit ng wikang Filipino ay sa konteksto ng pagkuha ng kiliti ng nakararaming masa. At para magkaroon
ng maraming tagapakinig, ang mga tinaguriang baduy o jologs na musika ay hinahaluan ng mga komentaryong madalas na may halong
kabastusan.
Kung bastos ang dating ng ilang istasyong FM na gumagamit ng wikang Filipino, ano naman ang angkop na termino para sa mga tabloid na
ibinebenta sa mga kalye? Bukod sa kalaswaan, kapansin-pansin ang sensasyonalismong hatid ng pagbibigay-diin sa mga krimen. Mas malaking
iskandalo, mas mabenta para sa mga publikasyong ito. Hindi tuloy masisisi ang maraming tao kung ang tingin nila sa peryodismo sa Filipino ay
pang-tabloid lang.
Ang mga istasyon sa telebisyong gumagamit ng wikang Filipino ay may ilang kahinaan din sa pagpapayaman ng wika. Unang-una, hinahalo ng
mga balita sa telebisyon ang mga seryosong usapin sa mga iskandalot tsismis at madalas na mas nabibigyang-pansin pa ang huling dalawa. Sa
larangan naman ng pagbibigay-aliw (entertainment), ang wikang Filipino ay ginagamit para sa mga palabas na gasgas ang mga istoryat
kakikitaan ng mga pamilyar na eksena ng sigawan, iyakan at sampalan, na kung saan ang komedya naman ay kadalasang slapstick ang katangian.
Pinapanood ang mga ito hindi dahil sa istorya kundi dahil sa mga artista. Kung gagamitin ang wikang Filipino sa ganitong klase ng mga
programa, iisipin talaga ng mga ordinaryong mamamayan na hanggang doon lang ang potensiyal ng sariling wika.
Pero kapuri-puri ang hakbang ng ilang programa sa telebisyong magtalakay ng mahahalagang isyung gamit ang sariling wika. Sa pamamagitan
ng mga ito, nakikita ang potensiyal ng wikang Filipino sa seryosong diskurso. Nakalulungkot lang na ang mga programang ito ay pinapalabas sa
panahong ang karamihan sa mga tao, lalo na ang mga estudyanteng may pasok kinabukasan, ay tulog na.
Paano mapapaunlad ang wikang Filipino sa sitwasyong pinagpipilitan ng pamahalaang gamitin ang wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa
paaralan, at pangunahing ginagamit ng midya ang wikang Filipino para sa iskandalo, tsismis at iba pang kababawan (pati na kalaswaan)?
Kahit na wala akong intensiyong makiisa sa pagdiriwang ng pamahalaan sa Buwan ng Wika, mainam pa ring gamitin ang pagkakataong ito para
ipaalala sa lahat na ang pagpapaunlad ng sariling wika ay bahagi ng malawakang pakikibaka para sa makabuluhang pagbabago. Kung hindi
maunlad ang sariling wika, imposible ang mahigpit na pagkakaisa ng nakararaming mamamayan.
Ang pagpapaunlad ng wikang Filipino ay hindi lang simpleng pag-alam sa balarilat ortorgrapiya, kundi paggamit nito sa seryosong diskurso.
Kailangang mawala ang maling pananaw na ang intelihenteng talakayan ay mangyayari lang kung gagamit ng wikang Ingles. Ano ba ang
pinagkaiba nito sa wikang Filipino? Kahit na sabihing ang wikang Ingles ay kasalukuyang wika ng globalisasyon, hindi naman
nangangahulugang ito ang magiging daan para magkaintindihan ang mga mamamayan.
Ang isang lingua franca ay kinakailangang nagbibigay ng kaukulang identidad sa mga mamamayang gumagamit nito. At malinaw na ang
pambansang identidad ay mas nakikita sa wikang Filipino kaysa wikang Ingles.
Oo, Agosto na naman. Para sa mga paaralan, ito ang pagkakataon para ilabas muli ang inaalikabok nang streamer na malamang na nakalagay ang
panawagang Paunlarin ang Wikang Filipino. Tulad ng agiw at iba pang duming dapat tanggalin, kailangan nating linawin ang mga hindi
angkop na paggamit ng wikang Filipino na siyang nagdudulot ng maling pagtinging ito ay para lang sa kababawan (at sadlak sa kabaduyan).
Oo, Agosto na naman. Panahon na para sa diumanong selebrasyon ng Buwan ng Wika. Mayroon ba talagang dapat ipagdiwang? Kung hindi tayo
kikilos, sa tingin koy may dapat na tayong paglamayan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

You might also like