Hinggil sa KaMAO: Mga Salin ng mga Tula ni Mao Zedong
Mykel Andrada Noong ika-119 kaarawan ni Mao Zedong noong Disyembre 26, 2012, lumabas sa mundo ng internet ang libreng kopya ng KaMAO: Mga Salin ng mga Tula ni Mao Zedong. Nang sumunod na kaarawan ni Mao, inilabas naman ang updated online version nito. Tinipon mula sa higit 30 makatang Pinoy ang mga salin nila ng mga tula ni Mao. Pinamatnugutan ito ng kolumnista ng Pinoy Weekly at makatang si Mark Angeles. Noong panahon ng Batas Militar, ang mga miyembro ng PAKSA (Panitikan para sa Kaunlaran ng Sambayanan) ay nagsalin rin ng mga tula ni Mao bilang kultural na instrumento sa paglaban sa diktadurya. Kasalukuyan namang nasa proseso ang paglalathala ng printed book version nito. Bakit mahalaga ang mga antolohiya ng tulang tulad nito? 1. Itinuturo ng mga tula ni Mao na ang paglikha ng tula ay nakabatay sa reyalidad ng lipunan. Na hindi ito produkto ng imahinasyon. Na hindi ito simpleng pagsasama-sama ng mga salita. Ang mga tula ay buhay na mga salita na mula sa tunay na karanasan at nangyayari sa kapaligiran. Sa katunayan, makikita sa mga tula ni Mao ang buhay ng mga magsasaka at madalas pang gumamit si Mao ng mga imahe at karanasan, ng mga folk song at kuwentong bayan ng mga masang Tsino. Puwedeng-puwede at talagang ginagawa rin ito ng mga makatang Pinoy! 2. Pinapatunayan nito ang kapangyarihan ng pagsasalin. Na kahit na likha ng isang Tsino ang mga tula, maiuugnay ang mensaheng panlipunan ng mga tula sa bayan ng Pilipinas. Galing sa uring magsasaka si Mao, at tulad sa Pilipinas na pinakamalaki ang populasyon ng mga magsasaka, makahahalaw tayo ng aral mula sa pagsisikap ng mga progresibo at rebolusyonaryong Tsino. 3. Oo, sinasakop ng kasalukuyang gobyerno ng Tsina ang West Philippine Sea, tulad ng sakop pa rin tayo hanggang ngayon ng Estados Unidos. Ang mga tula ni Mao ay nagsisilbi ring patunay na hindi lahat ng Tsino ay pabor sa ginagawang pananakop ng Tsina. Kung buhay lang si Mao, tiyak na uusigin niya ang gobyerno ng Tsina at Estados Unidos! At sa totoo lang, kahit higit isang daang taon na ang mga tulang ito ni Mao, nakataas-kamao at handa pa rin nitong "sapakin" ang mga maling sistema tulad ng pananakop ng Tsina. 4. Kaya natin ngayong humalaw sa paraan ng pagtula ni Mao. Sinasabi ng mga tula ni Mao na walang kinikilalang lahi, lenggwahe at kasarian ang pakikisangkot. Na ang mga problema ng Pilipinas ay kapwa bunga ng mga maling sistema at ng paghahari ng iilan (panloob) at pinalalala ng mga dayuhang patakaran (panlabas)
tulad ng ginagawa ng mga gobyerno ng Tsina at ng imperyalistang
Estados Unidos. 5. Sa Pilipinas, madalas na inaakala na ang pagsusulat ng tula ay gawain lamang ng mga manunulat. Na yung puwede lang makapagsulat ng tula ay yung mga nagpapaka-writer. Pero buhay na patotoo ang progresibong lider na Tsinong si Mao, na mula sa hanay ng mga magsasaka, na ang pagbabago ng lipunan ay talagang magmumula sa pagsasanib-puwersa ng mga inaapi laban sa mga panloob at panlabas na nag-aapi. Sa gitna ngayon ng perya ng Pambansang Halalan, at sa gitna ng walang-patumanggang pandarahas sa mga Lumad at sa mamamayang Pilipino, may akmang mensahe mula sa tulang "Ikalawang Tugon Kay Kasamang Kuo Mo-Jo" ni Mao Zedong, salin ni Faye Gomez: "Sadyang mahaba ang sampung libong taon, sinupin ang takbo ng bawat araw o oras man. Darating ang panahon, ulap at karagata'y mapupuno ng galit, Limang kontinente'y mayayanig, hangin at kulog ay magngangangalit. Ang ating hukbo'y di padadaig, di pahuhuli! Mga salot ay sama-sama nating iwawaksi!" Kaya tara na! Magsulat at magsalin tayo ng mga tulang magpapalaya ng sambayanan at mundo!