matuto kang umiyak. Mapait langgasin ng luha ang gunita o ang bagong sugat ng huling pagkadapa subalit malinis at subok ang bisa ng luha sa pagtanggal ng mga mikrobyo sa isip, puso at buong pagkatao.
Pagkat ikaw ay lalaki,
matuto kang magsisi. Dagok sa dangal ang pag-amin sa kasalanan ngunit sadyang walang may monopolyo ng katwiran, hayaan mong ikaw ay usigin, husgahan, sa ganyan mo mahahanap ang angkop na sangkap upang ang iyong pagkatao’y maganap.
II.
Minana mo, Anak,
ang laksang pribilehiyo na pinagpasasaan ng mga nagtindig ng Tore ng Babel, Piramide, Koliseo, Ziggurat, Templo at mga imperyo.
Iyo rin ang luwalhating
tinatamasa nila sa mga maskuladong pahina ng historya.
Ngunit, Anak, dumadaloy rin
sa iyong katauhan ang mapagmalupit nilang lohika’t pangalan na nandarahas, gumagahis, nagpipiit sa iyong ina’t sa lahat ng ina’t babae sa daigdig.