BALAGTASAN

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 9

BALAGTASAN

Pat V. Villafuerte
Puno, Kagawaran ng Filipino
Pamantasang Normal ng Pilipinas
Maynila

Ang Kahulugan ng Balagtasan


Itinuturing na sining ang balagtasan dahil hindi lamang sining ng pagbigkas ang
nabibigyang-pansin ng mga manonood sa mga nagtatalo kundi maging ang kanilang
masining na kumpas ng mga kamay at ekspresyon ng mukha. Maging ang paraang
kanilang ginagawa habang nagpapalitan ng matuwid ay kakikitaan ng sining.
Isang pagtatalo na ginagamitan ng pamamaraang patula. Ito ang maikling
pagpapakahulugan sa balagtasan. Dahil pagtatalo, ang balagtasan ay nangangailangan
ng paksang pagtatalunan.

Ang Pinagmulan ng Salitang Balagtasan


Nagsimula ang salitang balagtasan sa orihinal na apelyido ni Francisco Baltazar,
ang Balagtas dahil nabuo ito sa panahong ipagdiriwang ang anibersaryo ng kanyang
kapanganakan. Kung may Bukanegan ang mga Ilocano na hango sa apelyido ni Pedro
Bukaneg, ang kilalang makata ng Iloko/Ilocano; at may Crissotan, ang mga
Capampangan na hango sa apelyido ni Juan Crisostomo Soto, ang makata ng
Capampangan, higit na nauna ang salitang Balagtasan sa dalawang salitang nabanggit.

Ang Maikling Kasaysayan ng Balagtasan


Isang maikli ngunit makabuluhan at makasaysayan ang pinagmulan ng
balagtasan.
Nabuo ang balagtasan dahil sa isang pagpupulong ng ilang piling manunulat
noong Marso 28, 1924 sa tanggapan ni Rosa Sevilla sa Instituto de Mujeres. Pinag-
uusapan nila noon ang gagawin nilang programa bilang pagpupugay sa anibersaryo ng
kaarawan ni Balagtas sa Abril 2.
Noong Abril 6, 1924 apat na araw pagkatapos ipagdiwang ang Araw ni Balagtas ay
ginanap ang kauna-unahang balagtasan. Isang pagtatalong may iskrip na inihanda ang
bawat sasabihin ng tagapamagitan at ng dalawang magtatalo. Ito ay nasa paraang patula.
Pagkatapos mabuo ng iskrip ay ipinabigkas ito sa ilang piling mambibigkas ng tula.
Lubusang hinangaan ng mga tagapakinig sina Jose Corazon de Jesus na lalong kilala sa
tawag na Huseng Batute at Florentino Collantes na mas kilala sa bansag na Kuntil-Butil.

1
Dahil isa lamang sa kanila ang dapat hiranging ”Hari ng Balagtasan,” napagpasyahan ng
komite na nagtatag ng balagtasan na magdaos ng isa pang pagtatalong patula nang
walang iskrip. Ginanap ito noong Oktubre 18, 1925 sa Maynila. Dahil sa kahusayang
humabi ng mga salita, bumigkas nang may hagod at aliw-iw, at pagpili ng mga salitang
may sukat at tugma ay napagpasyahang si Jose Corazon de Jesus ang itinanghal na
kauna-unahang ”Hari ng Balagtasan.”

Ang Layunin ng Balagtasan


Ang pangunahing layunin ng balagtasan ay makapagbahagi ng kaisipan at
makapagbigay-aliw sa mga tagapakinig / manonood.
Malimit na gumagamit ng ilang katawa-tawang salita o pahayag ang mga
mambibigkas ng balagtasan. Magkagayunman ay hindi nawawala ang kasiningan at
kahusayan nila sa pagbigkas kasabay ng talas ng kanilang diwa at maagap na pagtugon
sa paraang patula.

Ang Paksa ng Balagtasan


Ang mga paksang nauukol sa buhay gaya ng pamilya, pag-ibig, lipunan at politika
ang madalas maging paksa ng balagtasan.
Ang dalawang bagay na malimit na pagtalunan sa balagtasan ay ang (1) tahanan o
paaralan, (2) ina o ama, (3) dunong o yaman, (4) pangaral o parusa, (5) bitay o
habambuhay na pagkabilanggo, (6) guro o sundalo, atb.

Ang Bumubuo ng Balagtasan


Ang balagtasan ay binubuo ng isang Lakandiwa at dalawang mambibigkas na
pagtatalunan ang isang paksa.

Ang Pamamaraan ng Pagtatanghal ng Balagtasan


Bukod sa Lakandiwa at dalawang mambibigkas ang paksang pagtatalunan ay
napakahalaga sa pagtatanghal ng balagtasan. Dahil dito, napapanahon at mahalagang
paksa lamang ang dapat taglayin ng balagtasan.

Ang Lakandiwa ang nagsisilbing tagapamagitan sa dalawang magtatalo. Siya rin


(1) ang unang magasasalita at babati sa mga tagapakinig at tagapanood, (2) ang pormal
na magbubukas ng balagtasan, (3) ang magpapakilala sa dalawang magtatalo, (4) ang
magbibigay ng desisyon kung sino sa dalawang nagtatalo ang nagwagi, at (5) ang
magpipinid ng balagtasan.

2
Samantalang ang dalawang nagtatalo ay kailangang magharap ng mga ebidensya
at magpaliwanag nang buong husay upang makumbinsi nila ang Lakandiwa na sa kanila
pumanig.

Halimbawa ng Balagtasan

Paksa: Patuloy bang Lumalala ang Sitwasyong Pangkapayapaan


sa Bansa?
ni Pat V. Villafuerte

LAKANDIWA:

Mapayapang umaga po, nasa harap, nasa sulok,


Mga guro, estudyante, kaibigang manonood;
Kayo’y aking tinatanggap sa bulwaga’y makisangkot
Pagkat itong balagtasan ang sa inyo’y ihahandog.

Tawag sa ’ki’y Lakandiwa, puno nitong balagtasan,


Tagahawan ng balakid pag may tensyong nabubuhay;
Sa palitan ng matuwid ako’y handang umagapay,
Tagapuntos sa magaling, tagahayag ng tagumpay.

Balagtasan ay tagisan ng matuwid sa pagtula,


Pagtatalo’t paglalahad sa napiling isang paksa;
May dalawang mambibigkas ihahandog sa ‘ti’y tuwa,
Pagtatanggol itong panig na mayaman sa salita.

Ang napiling paksa ngayo’y dinaraing ng lipunan,


Sinisisi sa gobyerno batik sa ‘ting mamamayan;
Patuloy ba’ng lumalala isyung pangkapayapaan,
Maiuugnay sa sitwasyong nagaganap sa Mindanao.

Kaya’t ngayon ‘wag magtaka kung mayroong nagpumilit


Na lumahok sa tagisan ng talino at matuwid;
Mambibigkas ng Cavite ngayon sa ‘ti’y lumalapit,
Ang dalawa’y salubungin, palakpak na gumuguhit.

Bilang bagong mambibigkas kayo muna’y pakilala


Upang lalong mapalapit damdamin ng isa’t isa;
At anuman ang napiling panig ninyong ibabadya,
Nilalaman at pagbigkas siyang gabay sa pagmarka.

MAMBIBIGKAS 1:

Sa inyo po, Lakandiwa, estudyante’t mga guro,


Tanggapin po ang pagbati, mapayapang umaga po;
Ako po’y si ___(Pangalan ng lalaki)___ sa pagtula’y narahuyo
Kaya’t itong aking panig nagmula sa aking puso.

3
Ako’y isang mambibigkas, Cavite ang pinagmulan
Sakop itong lalawigan ng Timog Katagalugan;
Ito’y bayan ng magiting, ng dakila at matapang,
Kasaysayan ang nagsabing lugar ito ng digmaan.

Kaya naman lingkod ninyo matapang ding tulad nila


Kaya ako’y naririto sa harap nyo’y bumandera;
Ibang laban lamang ito hindi ito gulo’t gyera
Kundi laban ng katwiran, balagtasan ang pithaya.

LAKANDIWA:

Itong unang mambibigkas matapos magpakilala


Nakita kong sinulyapan ang humahamon sa kanya;
Kung siya man ay matapang ano’ng masasabi pala
Nitong kanyang katunggali, pumarine’t magpugay ka.

Kaya’t bilang Lakandiwa, akin nang tinatawagan,


Katunggali ng binata na kanina ay nagpugay;
Anong iyong masasabi sa binigkas na katwiran,
Siya’y ating salubungin matunog na palakpakan.

MAMBIBIGKAS 2:

Maginoong Lakandiwa akong ito’y bumabati


Mapayapang umaga po, sa puso ko ay nagbinhi;
Sa lahat ng naririto, ang umaga ay itangi
Pagkat sikat ng umaga ay may himig ng kudyapi.

Ngalan ko po’y ___(Pangalan ng Babae)___, Cavite ang lalawigan,


Angkan nami’y magigiting na bayani ng digmaan;
Ngalan nila’y nakaukit sa pambansang kasaysayan,
Sila’y naging bahagi rin noong nagdaang digmaan.

Kaya ako naparito at sa inyo’y humaharap,


Ang nais ko’y mapakinggan itong ibig isiwalat;
Itong panig na napili’y waring ‘sang pagsisiwalat
Ng tunay na kalagayan nitong bayang Pilipinas.

LAKANDIWA:

Ang dalawang mambibigkas matapos na mapakinggan


Pagpapakilala nila’y waring nais nang husgahan;
Angkan nila ay bayaning magigiting, matatapang,
Sila kaya’y tumapang din sa oras ng balagtasan?
Kaya’t itong balagtasan ay binubuksan na,
Unang tindig ay bibigyan ng nalaking importansya;
Inyong panig ay sikaping makapuntos sa tuwina,
Nilalaman at pagbigkas mabibigyan ng pag-asa.

4
(Unang Tindig)

MAMBIBIGKAS 1:

Ako’y mula sa pamilyang di-mahirap, di-mayaman,


Kumakain ng almusal, tanghalian at hapunan;
Magsasaka ang ama ko’t ang ina ko’y maggugulay.
At ang lahat ng kapatid sa dagat ang hanap-buhay.

Sa publikong paaralan doon ako nakatapos,


Doon ko rin natutuhan ang magmahal, lubus-lubos;
Ang payapang pamumuhay itinurong walang talos,
Ang magmahal sa’king kapwa utos ng tao at ng Diyos.

Kaya’t ako’y nalulungkot, patuloy na naninimdim


Dahil nga sa karahasang nababalot na ng dilim;
Gulo rito, gulo roon, gulong nakaririmarim,
Ito na ba yaong yamang maipamamana sa ‘min?

Kaya itong mungkahi ko, karahasan ay itigil,


Kaguluha’y ikondena’t masasama ay lipulin;
Death penalty ay ibalik kamataya’y ‘wag pigilin
Batas ng Diyos at ng tao marapat lang pagsanibin.

LAKANDIWA:

Panig nitong maginoong mambibigkas ay kaiba,


Damang-dama itong galit at poot na nagbabadya;
Lipulin daw ang masama’t death penalty’y ibalik pa,
Mambibigkas kaya natin ay isa ring nabiktima?

Panig nitong katunggali ano naman ang gagawin?


Sang-ayon ba sa sinabi ng binatang talusaling?
Kaya ngayon binibini ang panig mo’y hinihiling
Mapakinggan naming lahat nang masuring buong giting.

MAMBIBIGKAS 2:

Ako’y laki sa pamilyang mapayapang nabubuhay


Kapiling ng kapatid ko’t mababait na magulang;
Kaya na ba’t sa ‘ming bayan kami’y lagi sa usapan
Ang pamilyang matahimik kung kami nga ay turingan.
Pagka’t kami’y natatakot masabihang nanggugulo
Hindi kami ang pamilyang patung-patong ang asunto;
Sama-sama, tulung-tulong bawat isa’y naging myembro
Kaya buong taga-Pilar kami yaong inidolo.

Ang ama ko ay militar na madalas madistino


Sa Visayas at Mindanao laging doon ang trabaho;
Mula noon hanggang ngayon lagi niyang kinukwento,
Ang Mindanao ay tahimik, walang away, walang gulo.

Di ako naniniwalang patuloy na lumalala


Kaguluhan sa Mindanao yao’y isang haka-haka;

5
Kapag itong aking ama’y umuuwing biglang-bigla,
Walang sugat at masaya, patunay na walang digma.

LAKANDIWA:

Ang dalagang panauhin iba pala yaong panig,


Ang sitwasyon sa Mindanao hindi pala maligalig;
Kaya ngayon ay pakinggan itong ikalawang tindig,
Pagtimbangin at pumili ng sa inyo’y wastong panig.

Kaya muling tinatawag ang ginoong mambibigkas


At simulan ang pagbuo ng harayang pangungusap;
Patunayan ang sinabing ang sitwasyong namamalas,
Lumalala, tulad ngayon at susunod pang mga bukas.

(Ikalawang Tindig)

MAMBIBIGKAS 1:

Araw-araw, mababasa sa lahat ng pahayagan,


Kaguluhang nagaganap sa ilang bayan sa Mindanao;
Mga bata at matanda’y pawang nahihintakutan,
Sinusunog mga bahay, gusali at paaralan.

Walang tigil sa labanan terorista at militar,


Gayong mayro’ng kasunduan ang pagtigil na putukan;
Bawat araw mapanganib, bawat oras kamatayan,
Iyan na ba ang sabi mong tahimik na sa Mindanao?

Huling araw ng Ramadan sumugod din ang militar,


Ang tradisyon nitong Muslim hindi man lang iginalang;
Ilang buhay ang nakitil kabilang na ang sibilyan,
Di ba’t itong ating baya’y wala nang katahimikan?

Kaya bakit sasabihing payapa na sa Mindanao


Gayong mga tagarito’y iniiwan ang tahanan?
Lumilikas dahil takot na makitil yaring buhay,
Ganyan ba ang tahimik sa bayan mong minamahal?

Kung mahusay kang katalo, sagutin mo’ng mga tanong


Para naman malinawan nakikinig sa ‘tin ngayon;
Panindigan ang sinabi ako’y handa ring tumugon,
Basta’t patas ang labanan, basta’t walang urung-sulong.

MAMBIBIGKAS 2:

Alam mo ba katalo ko hindi lahat ng balita


Ay dapat paniwalaan pagka’t ila’y haka-haka;
Ginagawang sensesyonal di kapani-paniwala
Kaya nga sa peryodista’y mawawala ang tiwala.

Nangamatay sa enkwentro ibang dyaryo’y ibang bilang,


Lagi na lang sinasabing natatalo ay militar;

6
Bakit itong aking ama umuuwi’y di sugatan
At siya pa’ng nagsasabing walang gulo sa Mindanao.

Hinding-hindi lumalala ang sitwasyong kapayapaan,


Pagkat gulo sa Mindanao ay talagang wala naman;
Kaya ikaw katalo ko’y walang dapat katakutan,
Ang matapang na lalaki’y di natatakot kaninuman.

Ang ama ko ay militar itanim mo sa ‘yong isip?


Pangamba mo’t alinlangan walang puwang sa ‘yong dibdib;
Kung magulo sa Mindanao bakit doon nagbabalik
Bakit hindi sa malayong lugar na di maligalig?

Itong mga tinuran ko iyan baga’y di pa sapat>


Sinungaling ba ang mukhang ngayon sa ‘yo’y nakaharap?
Anang isang kasabihang sa akin ay nagpamulat,
Ang pagsasama nang tapat ay pagsasamang maluwat.

LAKANDIWA:

Papainit, papainit pagtatalo ng dalawa


Hanggang saan magwawakas ang diwa ng pagsasama?
Huling tindig ay pakinggan at pagtuunan ng sigla,
Dapat maging mapanuri habang sila’y nagbabadya.

Kaya’t bilang Lakandiwa’y aking tinatawagan na,


Ang dalawang mambibigkas na mahusay magdepensa;
Kung may bagong sasabihin dapat ngayo’y sabihin na
Huling tindig ay pakinggan, tayong lahat magpapasya.

(Huling Tindig)

MAMBIBIGKAS 1:

Lumalala ang sitwasyon ng kapayapaan natin,


Mas magulo kaysa rati, maligalig at madilim;
Kaya itong aking panig patuloy kong ididiin,
Itong mga terorista lusubin na’t ‘wag buhayin.

MAMBIBIGKAS 2:

Ang lupit mo naman! Wala kang puso!

MAMBIBIGKAS 1:

Di ko alam katalo ko kung ikaw ba ay kapanalig


Nitong mga teroristang magugulo’t malulupit;
Tila yata kumakampi sa kalahing mababangis
Baka ikaw ay magsisi pag ginawan ka ng lintik.

MAMBIBIGKAS 2:

At nanakot pa. Huwag mo akong pagbintangan!

7
MAMBIBIGKAS 1:

Hindi ako namimintang lalong hindi nananakot


Ngunit anong magagawa kung isip mo ay baluktot?
Isilat mo ang mata mo’t ang pandinig ay ilibot
At iyo ring masasabing sa bayan mo ay may gusot.

MAMBIBIGKAS 2:

Hindi mo ba nababatid kaguluhan ay wala na


Katunayan ang usapan ay paganda na nang paganda;
Kaunlarang pangkalakal, edukasyong bumandera,
Walang gulo, walang takot, walang lupit, walang gyera.

MAMBIBIGKAS 1:

Sigurado ka?

MAMBIBIGKAS 2:

Kung magulo sa ‘ting bansa, bakit sikat ang turismo?


Bakit maging ang imbestor namumuhunan pa rin dito?
Kaya’t isip ay baguhin sana’y magpakatotoo,
Ang payapang Pilipinas kitang-kita, walang talo.

MAMBIBIGKAS 1:

Nagbubulag-bulagan ka!

MAMBIBIGKAS 2:

Isang araw may balitang lumaganap sa ‘ting syudad,


Itong bayang Pilipinas patuloy na sa pag-unlad;
Kaya gulong sinasabi wala na ngang nagaganap,
Mangarap ka at magising iyan lamang ang marapat.

MAMBIBIGKAS 1:

Gising ako at hindi nangangarap!

MAMBIBIGKAS 2:

Kung talagang gising ka bakit di ka naniniwalang tahimik na sa Mindanao?

MAMBIBIGKAS 1:

Dahil walang katotohanan ‘yan! May digmaan sa Mindanao!

MAMBIBIGKAS 2:

Wala!

8
MAMBIBIGKAS 1:

Akala mo lang wala. Pero meron! Meron! Meron!

LAKANDIWA:

Magsitigil, huminahon at tapusin ang bangayan,


Nais kong gunitaing ito’y isang balagtasan;
Nilalan at pagbigkas siyang tanging pamantayan,
Hindi galit at pasaring kayo sana’y magbigayan.

Dahil akong Lakandiwa’y naririto’t gumagabay,


Ako sana ay pakinggan, ang hatol ko ay igalang;
Ang sitwasyong kapayapaan lumalala siyang tunay,
Katunayan, itong krimen lumolobong walang hunmpay.

Kaya ngayon, ang hatol ko ang nagwagi’y ang ginoo,


Pagkat lahat ng sinabi ay may puntos at totoo;
Araw-araw sa balita laging headline terorismo,
Kaya dapat maniwala sa panig na narinig n’yo.

Kaya naman palakpakan maginoong mambibigkas


Ang tagumpay ay sa kanya kaya’t kanya rin ang gawad;
Hiling ko lang sana ngayon papurihin s’ya nang ganap,
Lahat tayo sabay-sabay salubungin ng palakpak.

-END-

You might also like