Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 3

KOM1 THW 1-2:30 20 Hulyo

2010
Gizella Marie E. Almeda
Sulatin I. Mabisang Komunikasyon

Ang Tao sa Likod ng Malinis na Pisara

Naranasan mo na bang magbura ng blackboard buong maghapon? Iyan ang hamon ni


Gilbert Cuta, na isang di hamak na tagabura ng blackboard sa math building un Unibersidad ng
Pilipinas. Bagamat tila kakaiba ang kanyang trabaho, hindi raw ito madali, lalo na’t halos walang
tigil siya sa paglanghap ng alikabok mula sa chalk.
Taga Southern Leyte si Gilbert o mas kilala sa tawag na Bert, may edad na 47 taong
gulang, panglima sa sampung magkakapatid, may asawa at may iisang anak na siya niyang
pinag-aaral. Kung titignan, simple lamang siya, walang alahas o kahit na anong burloloy na suot.
Palangiti siya at marahan rin siyang magsalita, na mayroong puntong Bisaya at animo’y
napakabait ng kanyang tono.
Bunsod ng kahirapan ang pagpapasya niyang lumuwas ng Maynila, ito ay upang
makahanap ng trabaho. Aniya, nasa lungsod daw ang mas maraming oportunidad kumpara sa
probinsya. Hindi raw sapat ang kakaunting kita mula sa pagtatanim ng palay at gulay, na siya
niyang hanapbuhay noon. Bagamat may kahirapan sa paghahanap ng trabaho, maswerte na raw
siya at mayroon siyang maayos na trabaho at ito nga ang pagiging tagalinis niya ng blackboard
sa Math Building ng UP.
Bago ko pa man siya nakapanayam, ilang beses niya akong tinanggihang kausapin, ayaw
daw niyang magpa-interview. Dahil raw ito sa kanyang takot na mawalan ng trabaho. Mahigpit
daw na ipinagbabawal ng UP na mailathala ang kahit na anong pahayag mula sa kanila.
Mangyari raw ay muntik na siyang mawalan ng trabaho noon nang dahil nga sa isang interview
na nailathala sa Collegian, na siya mismong pahayagan sa naturang unibersidad. Tumanggi rin
siyang magpakuha ng litrato, nagsimula raw kasi ang pangyayaring iyon sa simpleng pagkuha ng
litrato nilang mga tagalinis sa naturang gusali, nagulat na lamang siya noon ng makita niya ang
kanilang mukha sa mismong pahayagan. Puro kasamaan at reklamo nila sa trabaho ang
nilalaman ng pahayag patungkol sa kanila sa dyaryo, bagay na ikinagagalit ng UP sa kanila
noon. Natatakot siyang maulit muli iyon, mahirap na nga naman mawalan ng trabaho lalo na sa
panahon ngayon. Maging ang iba niyang kasama, ganoon din ang pahayag. Kaya naman
maswerte na raw ako’t napahintulutan niya akong makapanayam siya.
Bata pa lamang si Bert, tumambad na agad sa kaniyang buhay ang sari-saring suliranin na
bunga ng kahirapan, gaya ng kawalan ng sapat na pagkain sa hapagkainan at maging pagkamatay
ng dalawa niyang kapatid. Isang di hamak na magsasaka lamang ang kanyang ama at ina.
Sadyang mahirap daw talaga ang buhay sa probinsya, lalo na sa kondisyon nila na kung saan,
sampu silang magkakapatid.
Sa nagyon, hindi raw siya gaano masaya sa kanyang trabaho, nagtitiis lamang siya upang
may maipadalang pera sa kanyang pamilya. Bukod sa isang anak na pinag-aaral ay
sinusustentuhan rin niya ang ilang pamangkin at kamag-anak sa probinsya, kaya naman hindi
sapat ang kanyang buwanang sweldo para sa kanilang lahat. Tinangka kong tanungin siya kung
magkano ang kanyang sahod sa trabaho, ngunit tumanggi siyang sabihin kung magkano.
Masyado raw mababa kaya’t huwag ko na lang daw alamin. Dala ng kakulangan sa pera, sa mga
sanglaan at utangan, na kung tawagin ay five-six, na lamang siya kumukuha ng pansamantalang
salapi.
Bukod sa kakarampot na sahod, batid ni Bert na masama para sa kalusugan niya ang
chalkdust na halos oras-oras niyang nalalanghap. Kada tapos kasi ng mga klase sa bawat silid-
aralan ng math building ay agad na siyang napasok at magsisimula nang magbura ng sulat sa
bawat pisara. Hindi na daw mahalaga ang sarili niyang kalusugan basta’t makapagbigay lamang
ng sapat na pera para sa pamilya.
Isa sa mga pinagsisisihan niya sa kanyang buhay ay ang hindi niya pagtatapos ng pag-
aaral. Sa katunayan nakatungtong pa siya ng kolehiyo, sa kursong elektroniks, kaya nga lamang
ay hindi siya nakapagtapos nang dahil sa kawalan na ng perang pangtustos sa kanyang pag-aaral.
Hanggang ikalawang taon lamang ang kanyang natapos. Labis na panghihinayang ang kanyang
nararamdaman sapagkat dalawang taon na lamang sana ay ganap na siyang magtatapos ng pag-
aaral.
Hanggang ngayon ay pangarap pa rin niya makatapos ng pag-aaral, ngunit tila imposible
na. Pangarap din niya makapagtayo ng sariling negosyo, ngunit tila wala nang pag-asang
matupad iyon para sa kanya. Wika niya, “Sa panggastos nga lamang ng pamilya ko ay hindi ko
na mapagkasya ang pera, paano pa kaya sa negosyo at pag-aaral na pangarap ko...” Dagdag pa
niya, matutupad na lang raw iyon kung may taong tutulong sa kanya, ngunit mas imposible pa
daw yata iyon, bibihira lamang daw ang taong sadyang matulungin. Masyado na rin daw siyang
matanda para sa pangarap niyang pagtatapos ng pag-aaral, at masyado rin daw siyang mahirap
para sa pangarap na pagtatayo ng negosyo. Kitang-kita na tila hindi na umaasa si Bert na
maiaahon pa niya ang sarili mula sa kahirapan, tanging ang anak na lang daw niya ang pag-asa.
Sa loob ng siyam na taong pagtatrabaho niya sa UP, hindi siya naging kuntento sa
trabahong ito. Mahirap lamang daw talagang makahanap ng iba pang trabaho. Ngunit sa kabila
ng di pagiging kuntento, ay masaya naman daw siya habang nagtatrabaho. Ayon nga raw sa
kanyang mga kasamahan, tila hindi raw halatang may dinadala siyang suliranin o problema.
Palangiti daw kasi siya at tila mahilig magpatawa lalo na kapag kasama niya ang mga kaibigan
sa trabaho.
Sa tuwing nakakaramdam ng labis na kalungkutan at tila nahihirapan sa mga dinadalang
problema, sa kanyang pamilya siya humuhugot ng lakas at inspirasyon. Hindi raw siya susuko
hangga’t nariyan ang pamilyang umaasa sa kanya. Mahal na mahal niya ang kanyang pamilya
lalo na ang kaisa-isa niyang anak.
Sa bawat pagbubura ni Bert ng pisara, unti-unting nabubuo naman ang pangarap niya
para sa kanyang anak. Siya ay isa lamang sa libo-libong Pilipino na nagsusumikap upang
labanan ang kahirapang tinatamasa. Maituturing siyang isang mabuting ama na masipag na
nagtataguyod ng sariling pamilya. Sabi nga niya, “Ganito naman talaga tayong mga Pilipino,
matiisin at hindi agad sumusuko sa problema, lalo na kapag para sa pamilya.” Iyan si Bert.

You might also like