Alalang-alala ko pa, ang araw-araw naming pagsasama, ang paglalaro ng manika,
ang pagbubulong ng sikreto sa isa’t isa. Nami-miss ko na ang kaibigan kong si Stephanie. Tatlong taong gulang palang kami, ay kami na ang palaging magkasama. Ang mga nanay kasi namin ay matalik ding magkaibigan. Halos magkapatid na ang turingan naming dalawa kaya naman laking lungkot ko nung ako ay balitaan niya na siya ay mangingibang bansa kasama ang kanyang pamilya. Bilang alaala, binigay sa akin ni Steph ang paborito niyang kwintas. Kulay ginto ito na may pendant na hugis puso. Hanggang ngayon ay iniingatan ko ang kwintas na iyon. Palagi ko itong suot. Kumbaga, kapag hindi ko suot ang kwintas ni Steph, hindi ako kumpleto. Itinatago ko rin ang mga sulat at litrato na ipinadala niya, ngunit ang kwintas na iyon ang pinakamahalaga. Noong isang buwan lamang, lumipat na rin kami ng tirahan sa Maynila dahil tumaas ang posisyon ng aking ama sa kanyang trabaho. Nakatira kami ngayon sa isang mataas na condominium. Meron itong malawak na palaruan, swimming pool, basketball at volleyball court, at kung ano ano pa. Kahit lumipat na kami ng bahay, patuloy parin ang komunikasyon namin ni Steph. Mababait ang mga kapitbahay namin sa bago naming tirahan, nagkaroon din ako ng maraming kaibigan ngunit hindi parin mapapalitan si Stephanie bilang aking pinakamatalik na kaibigan. Isa sa naging malapit kong kaibigan ay si Francine. Magkasing edad kami kaya naman parehas kami ng mga gusto at hilig. Siya ay matangkad, maganda at matalino. Kulay kayumanggi ang kanyang mata at buhok na bagay na bagay sa kanyang kulay gatas na kutis. Araw araw na rin kaming nagsasama, palagi ko siyang kausap, at palaging nagbubulungan ng sikreto. Napakaimportante sa akin ni Francine. Isang gabi, kami ay naglalakad sa may tabi ng swimming pool. Nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Tapos sabi niya sa akin, masaya daw siya dahil nakilala niya ako, sana daw hindi na kami magkalayo kasi parang kapatid na ang turing niya sa akin. Sa saglit na iyon ay naalala ko si Steph. Ngumiti nalang ako kay Francine at yinakap ng matagal. Itinuloy namin ang aming kuwentuhan at nung ilang oras din ang lumipas ay kailangan na naming umuwi. Nagpaalam na kami sa isa’t isa at dumiretso na kami sa aming bahay. Pagkadating ko sa bahay kumain na ako ng hapunan na itinira sa akin ni ina. Pagkatapos ay hinugasan ko na ang aking pinggan at pumunta na sa aking kuwarto. Naligo ako, nagbihis ng pangtulog at nagsipilyo. Tinanggal ko ang kwintas ni Steph sa aking leeg at ilinagay sa isang maliit na kahon, kulay pula at hugis puso . Humiga na ako sa aking kama at nakinig ng musika. Hindi ko namalayan na pagkalipas ng ilang minuto ay nakatulog narin ako. Sa aking pagtulog, napanaginipan ko si Steph at Francine. Nasa airport kami ni Francine, hinihintay si Steph galing California. Nung siya ay aming nakitang nakatalikod, tinawag namin siya, “STEPH! STEPH!” pero bago siya humarap sa amin, nagising ako sa aking panaginip. Maraming sigawan at malalakas na tunog, si ina ay umiiyak at sumisigaw, ginigising niya ako. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya. Naramdaman ko nalang na dumuduyan ang aking paligid. Nakita ko ang isang bahagi ng aking kuwarto na gumuguho. Doon ko palang naintindihan na mayroong lindol na nagaganap. Hinila ako ni ina pababa. Dahil mataas ang aming tinitirahan, delikado pang manatili sa aming condo. Pababa na kami ng hagdan nung bigla kong naalala ung kwintas ni Steph. Nandoon sa maliit na kahon na kulay pula at hugis puso. Tumakbo ako pabalik sa aming kuwarto, pinipigilan ako ni ina na bumalik, pero kailangan kong makuha iyon. Patulo na ang aking luha dahil iyon ang pinakaimportanteng bagay para sa akin. Nahirapan akong makabalik dahil maraming tao na sumasalubong, lahat sila ay nagtatakbuhan at nagiiyakan. Ilang hakbang na lamang at ako ay makakarating na sa aming bahay. Kahit na takot na takot ako pinilit ko paring makuha ang kwintas sa aking tulugan. Nang mapadaan ako sa bahay nila Francine, ako ay nagulat dahil nakita ko si Francine. Saka ko lang naalala na hindi uuwi ang kanyang mga magulang dahil sa kanilang trabaho. Nakaupo si Francine sa may sulok, umiiyak, takot na takot. Ang kanyang buhok ay gulo gulo at ang kanyang damit ay madumi. Hindi ko maintindihan kung ano ang gagawin ko. Ilang hakbang nalang ay makukuha na ang kwintas ni Stpeh, pero may isang tao na importante sa akin na takot na takot kailangan ng tulong. Kapag kinuha ko ang kwintas, baka hindi ko na mailigtas si Francine, pero kapag linigtas ko naman si Francine, hindi ko na makukuha ang kwintas ng Steph. Nararamdaman ko ang sahig, para bang bibigay na. Doon ko naalala ang sinabi sa akin ni Francine. Masaya daw siya at nakilala niya ako, sana daw hindi na kami magkalayo. Naalala ko si Steph, at ung panahon na sinabi niya sa akin na mangingibang bayan sila, at kung gano kasakit ang aking naramdaman noon. Inisip ko na hindi ko makakaya mawala ang isa pang tao na mahalaga sa akin. Hindi na ko nagdalawang isip na si Francine ang aking liligtasin, kahit masakit sa akin na ang munting alala na ibinigay sa akin ni Steph ay hindi ko nakuha. Pumasok ako sa gumuguho nilang bahay. Yinakap ako ni Francine at naramdaman ko ang nginig ng kanyang katawan. Tinulungan ko siyang tumayo at tumakbo kami palabas. Wala na yung mga taong nagtatakbuhan. Ang nakakakilabot lang na tunog ng lindol ang aking narinig. Sumulyap ako sa likod kung saan nakapwesto ang aming bahay. Hinarangan na ng mga bato na cemento kaya hindi ko na talaga makukuha ang kwintas ni Steph. Tumakbo kami ni Francine pababa. Nakita ko ang aking ina, umiikak, yinakap ko siya at humingi ako ng tawad dahil hindi ko siya sinunod at pinagalala ko siya. Yinakap ko si Francine, at nagpasalamat siya sa akin. Sa sandaling iyon, aking na-realize na hindi ko naman kailangan ang munting kwintas ni Steph. Dahil may kwintas man ako o wala, si Steph ay mananatili parin sa aking puso.