Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Echanes, Princess N.

Marso 26, 2010

Fil 50 TTh 10-11:30

ISANG PAGSUSURI SA ARRIVEDERCI NI FANNY A. GARCIA

Isinasasalaysay sa maikling kwentong Arrivederci ang buhay ng mga Overseas Filipino

Workers (OFW), partikular na ng mga Domestic Helper (DH), sa Italya. Makatotohanan ang

pagsasalaysay ng mga pangyayari na wari bang isang tunay na namamasukan sa ibang bansa ang

sumulat nito.

Nagsimula ang kwento sa outing ng isang grupo ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa

Italya. Sa bus na kanilang sinasakyan ay mayroong kantahan, palaro, at kung anu-ano pang

paligsahan. Dito na rin binanggit at inilarawan ang iba’t ibang tauhan.

“…ang “mag-asawang” Berna at Didith, ang “pensiyonadong” si Jimmy… Kasama ni

Jimmy ang kanyang nobya numero uno, si Loida.”

Bukod sa mga ito ay ipinakilala rin sina Linda, Ester, Ben, Elmer, Vicky at Nelly.

Masyadong maraming pangalan ang binanggit sa unang parte ng kwento, na sa kalaunan naman

pala ay hindi importante sa magiging takbo ng istorya. Bagama’t maaaring makalito, maaaring

marapat nga lang na banggitin ang mga ito upang mas maging “personal” ang pagbasa ng

kwento, na wari bang kilala rin talaga natin sila.

Sa paglalakbay pa lamang ay maraming kaugaliang Pilipino na ang ipinakita ng

manunulat.

“Hindi nasunod ang takdang oras ng pag-alis sa lugar-antayan…”


Isang napakalaking problema ng mga Pinoy ang Filipino time. Sa anumang lakad o

pagtitipong mayroong nakatakdang oras, asahan mong oras ang bibilangin bago makumpleto ang

mga Pilipino.

Kilala rin tayo sa ating pagiging madasalin at tapat sa mga gawaing Katoliko.

“Inilabas ni Linda ang kanyang rosaryo at hawak pa rin ang mikropono, sinabi niya,

“Now we pray the rosary for our safe journey.” Naglabas ng rosaryo ang iba. Nagsasagutan

ang dasal habang papalabas ng Roma.”

Ang ating kahumalingan sa pagkanta at likas na pagiging masayahin ay talaga namang

hindi mawawala.

“Idinaos ang inihandang programa. Inuna ang paligsahan sa awit. Palakpakan.

Isinunod ang paligsahan sa pagkukuwento ng katatawanan. Hagalpakan.”

Mayroon ding mga naghuhulaan sa palad, at mga nagsusugal. Pagdating sa mala-katedral

na kuwebang kanilang destinasyon ay kumain muna sila. At siyempre pa, ang mga tatak-Pinoy

na pagkain ang dala nila: kanin, adobo, litsong kawali, pansit, kare-kare, inihaw na isda, pusit, at

manggang hilaw.

Nakatutuwa ang ginawa ni Fanny na pagsasa-Pilipinas ng kwento. Bagama’t alam nating

nasa Europe sila, makikita mong Pilipinong Pilipino pa din ang kwento. Ito ay pagpapahiwatig

lamang na ang Pilipino ay Pilipino pa rin kahit saan mo dalhin.

Gayunpaman, hindi maiiwasang paghambingin ang buhay ng mga Pilipino sa Pilipinas at

sa ibang bansa. Dito nga ay makikita ang kaibahan ng mga titulo nila. Sa Pilipinas, si Jimmy ay

dating inhinyero. Si Loida ay nagtapos ng Sikolohiya. Si Ben ay tapos ng Fine Arts. Si Elmer ay
dating seaman. Si Nelly ay researcher, at si Vicky naman ay dating guro. Kung tutuusin,

magaganda ang dala nilang pangalan, ngunit pagdating sa Italya ay katulong ang bagsak nila.

Nakalulungkot mang isipin, ito ay isang katotohanang hindi natin maiiwasan. Nakapanliliit man

ang gawain, kailangan mo na lamang isipin na walang wala naman ang sweldo mo sa Pilipinas

kahit na may maganda kang titulo doon.

Sa pagkukwentuhan nga nila Vicky at Nelly ay nabanggit ni Vicky na labinlimang taon

ang dahilan kung kaya’t nagpasya siyang umalis ng bansa.

“Pinarangalan ako dahil sa labinlimang taong pagtuturo. Nagdaos ng programa sa

paaralan. Binigyan ako ng sertipiko. May mga talumpati, tula, sayaw, bulaklak, handa. Naluha

ako sa galak. Pero sa bahay, hatinggabi na’y hindi ako makatulog, hawak-hawak ang sertipiko.

Isang kapirasong papel lang pala ang pagtuturong inalayan ko ng puso’t utak. Hindi nagbago

ang maliit kong suweldo.”

Naging malapit na magkaibigan sina Vicky at Nelly. Nagpalitan sila ng mga naging

karanasan sa mga unang taon sa Italya. Naibahagi din ni Vicky kung gaano kabilib sa kanya ang

kaniyang mga kababayan sa San Isidro. Paano, siya ang unang nakapangibang bansa sakanila at

ang alam nila ay isa pa rin siyang guro doon sa Italya. Marami pang mga pagsisinungaling na

nagawa si Vicky tulad na lang ng pagkakaroon ng fiancée na Italyano. Ang lahat ng mga

paghihirap niya bilang katulong ay hindi niya kailanman sinabi sa San Isidro. Panay mabubuti at

magaganda lamang ang kaniyang sinasabi sa kaniyang mga sulat sa kanila.

Matapos iyon ay nagkasama din sila sa ilang mga lingguhang pagtitipon ng mga

magkababayan. Nang lumaon ay nagsabi si Vicky na gusto na niyang mag-live out sa bahay ng

amo niya dahil pakiramdam niya ay minamanyak siya ng kanyang among lalaki. Bagama’t
gustong tumulong, ay wala namang magawa si Nelly dahil walang bakante sa apartment na

tinitirhan niya. Matagal na hindi masyadong nagkita o nag-usap ang dalawang magkaibigan.

Naging abala si Nelly sa pagpaplano, ng matagal na niyang pangarap, na lisanin ang Roma at

libutin ang buong Europa. Isang araw, habang siya ay kuntentong nakaupo sa kama, kumakain

ng prutas at nagtitingin ng mga mapa at travel brochures, isang balita ang kanyang natanggap.

Patay na daw si Vicky. Ito ay tumalon mula sa ikalimang palapag ng apartment ng amo niya.

Ang salaysay ng kaniyang among babae, naging malungkutin daw si Vicky at ang kwento

lamang naman daw sakaniya ay dahil ito sa nagpakasal sa iba ang kasintahan niya sa Pilipinas.

Alam ni Nelly na hindi iyon ang tunay na dahilan. Nagtapos ang kwento sa paghahanda ni Nelly

na sulatan ang mga tiga-San Isidro ukol sa pagkamatay ni Vicky.

Nanalo ng Pangalawang Gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature

noong 1982 ang maikling kwentong ito na isinulat ni Fanny Garcia. Talaga namang karapatdapat

ang parangal na ito dahil punung-puno ng buhay ang maestrong ito.

Sa umpisa pa lamang ay may makikita ng kahulugan sa mga salitang ginamit.

“Linggo. Dalawang bus ang inarkila para sa outing.”

Sa ating mga Pilipino ay katumbas ng Family Day ang Linggo. Sa araw na ito sabay-

sabay na nagsisimba ang pamilya pagkatapos ay kakain sa labas o kaya ay mamamasyal.

Binuksan din ang kwento sa isang paglalakbay, na kung ikakabit sa naunang salita, ay

pwedeng bigyang kahulugan na maglalakbay kahit saan mang dako ng mundo ang Pilipino para

sa ikabubuti ng kaniyang pamilya.


Makatotohanan ang bawat eksenang binitawan. Walang ginawang pagmamalabis upang

maging madrama ang kwento. Maging ang mga relasyong same sex at pagkakaraoon ng

maraming karelasyon, ay hindi rin itinago.

Sa pagbibigay ng ma-trahedyang pagtatapos ay hindi lumihis si Garcia sa pagiging

makatotohanan ng kwento. Mapapanood o maririnig natin sa balita na tunay ngang may mga

ganitong nangyayari. Nararapat lamang ang ganoong pagtatapos upang bigyang-diin ang

pakikipaglaro ng mga Pilipino sa kamatayan sa tuwing sila ay lalabas ng bansa upang

magpaalipin sa mga banyaga.

Taliwas sa karaniwang paniniwala ng mga Pilipino na masarap o maginhawa ang buhay

ng mga nakapangingibang-bansa, walang ganitong senaryong ipinakita si Garcia. Gayunpaman,

hindi sa martir o madramang paraan niya ito ipinakita. Gumamit siya ng “bigay-bawi” na paraan

ng pagpapakita nito. Binanggit na nagkakaroon ng mga pagtitipon ang mga Pilipino, panonood

ng sine, disco, piknik, at kung anu-ano pang libangan na matutukoy na kaginhawaan na para sa

maraming araw nilang pagtatrabaho, ngunit binawi naman ito ni Garcia sa pamamagitan ng

pagsasabing pare-pareho lamang ang ginagawa nila tuwing magkakasama. Ang kanilang

ginagawang paglilibang ay upang makaiwas lamang sa pag-iisip sa mga mahal sa buhay na

naiwan sa Pilipinas.

“Sayang daw at hindi siya makakasama sa saya’t gulo ng barkada, ng mga kababayan.

At lihim na natawa, muntik pang mapaismid si Nelly. Kahit nananaginip ay masusundan niya

kung ano ang ginagawa, kung nasaan bawat sandali ang nagliliwaliw na mga kababayan. Ang

buhay nila sa Italia ay isang relo—hindi nagbabago ng anyo, ng direksiyon, ng mga numero.”
Dahil sa matinding pagbagsak ng ating ekonomiya noong panahon ng Martial Law at

pagkatapos nito, nagkaroon ng diaspora ng mga Pilipino. Maraming mga Pilipino ang naniwala

na hindi maibibigay ng Pilipinas ang asensong hinahangad nila.

Maganda ang adhikain ng obrang ito na imulat ang mga tao at katukin ang gobyerno sa

realidad ng pamumuhay sa Perlas ng Silangan. Nakalulungkot isipin na pareho pa din ang

problema natin noon at ngayon. Ipinagpapalit ng magigiting nating OFW, hindi lang ang

kanilang buhay kundi pati na ang buong pagkatao nila para lamang mabuhay ang pamilya sa

Pilipinas. Bukod sa mga paghihirap at pagtitiis sa kanilang trabaho ay naroon pa ang mabigat na

tungkuling magkunwaring masaya kapag nakikipagkwentuhan sa kapamilya.

Kahanga-hanga ang likhang ito ni Fanny Garcia. Halos tatlong dekada na nang magwagi

ng Pangalawang Gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ang akdang ito

ngunit mayroong pagka-unibersal sa klase ng wikang ginamit, sa mga kwentong inilahad, sa

estilo ng panulat at sa paksang tinukoy kaya naman akmang-akma pa rin ito sa ating

kasalukuyang panahon.

You might also like