Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Sir, Bakit Filipino?

(Isang Medyo Seryosong Sagot)


Konteksto:

Kahapon, may nabasa akong note dito sa Facebook na ipinaskil ng aking estudyante.
Nagkomento sa kanyang paskil ang isang kaibigang nasa kolehiyo pa ngayon. Sabi ng kaibigan
kong ito, magbigay daw ng mga kongkretong kaso ng pakikialam o panghihimasok ng US sa
atin. Mangyari pa, sinabi niya ito sa wikang ingles. Pinagbigyan ko siya.

Gayumpaman, nabasa ko ang palitan nila ng isa kong estudyante sa Kursong Rizal. Napunta ang
usapan nila sa wika. Hindi ko maipaliwanag ang lugod ko nang mabasa kong nauunawaan ng
estudyante kong iyon ang kahalagahan at lohika ng pagtuturo ng Kasaysayan sa Filipino.
Nagkomento ako uli at tuluyan nang napunta ang pagsusulat ko sa pagpapaliwanag kung bakit
naniniwala ako na ang kasaysayan ay itinuturo (at isinusulat dapat) sa Filipino.

Sabi ng aking estudyante, gawin na raw hiwalay na tala (note) at i-tag ang mga kontak para
maraming makabasa. Narito po ang sagot ko sa ibaba. Tinanggal ko na yung tugon ko tungkol sa
panghihimasok ng US.

Mainam na rin sigurong isulat ito. Noong nakaraang buwan, sinabihan ako ng isang kapwa guro
na hindi raw ako patas sa paghuhulog sa grado ng isang banyagang estudyante sa midterm dahil
Filipino ang midyum ko. Sabi niya, “eh kasi, sa Filipino mo itinuturo, eh alam mong may foreign
student ka sa klase!” Ingles ang mga handout na ibinibigay ko sa kanya. Tinuturuan ko siya sa
ingles pagkatapos ng klase. Abala yun para sakin pero ayos lang dahil hindi ko maaring
ikompromiso ang 39 na estudyanteng Pilipino. Hindi ako mag-iingles para lamang sa isang tao.
Lalo na kung kahit naman inglesin ko, di niya pa rin gets.

Tumatak sa akin ang karanasang iyon. Sa Pilipinas, ang mga eskwelahan ang nababali para
sumunod sa mga banyagang estudyante. Kahit klase sa Kasaysayan ay iinglesin para sa kanila.
Wala na nga sigurong mas gigiliw pang tumanggap ng bisita sa Pinoy. Nang magsimula ang
klase ko nitong semestreng ito, napuno ang silid ng mga takang-takang bulalas na, “Ha? Filipino
ang Phil Hist natin? Di ako marunong mag-Filipino! Bakit Filipino, sir?” Agad kong
ipinagtanggol ang tindig ko sa usapin ng wika.

Alam kong ngayon pa lamang nila unti-unting nauunawaan kung bakit iginigiit kong sa Filipino
ituro ang Kasaysayan. Lihim akong nagtatawa kapag may mga babasahin sa ingles na hindi nila
maintindihan dahil akademiko. Sa loob-loob ko, “akala ko ba magaling kayong mag-ingles?”
Alam kong isang araw, magiging isyu sa akin ang di ko mabitawang prinsipyo ng pagtuturo ng
Kasaysayan sa Filipino. Kung dumating man ang araw na iyon, susubukan kong ipagtanggol ang
aking paninindigan sa abot ng aking makakaya. Sa ngayon, ito na muna ang basahin ninyo.

Sayang at hindi yata nagagagap (o natatanggap) ng marami sa atin ang kahalagahan (at lohika)
ng pagkakaroon ng SARILING AKADEMIKONG TRADISYON SA SARILING WIKA.

Akala kasi ng maraming Pinoy na iskolar, kapag nakakapag-ingles sila at nakakapagsayt ng mga
iskolar na nagsusulat sa ingles, ok na yun, kaalaman na yun.
Tanong:

Ang mga banyaga bang kategorisasyon, konseptwalisasyon (pagdadalumat), at teoretisasyon ay


palaging akma sa kontekstong Pilipino? HINDI. May reserbasyon ako sa totoo lang sa mga
akdang Amerikano na bunga lang ng ilang buwan ng fieldwork sa Pilipinas. Gaano kalalim ang
alam nila tungkol sa atin para magsulat ng mga libro at sabihing “ito ang mga Pilipino, ganito
SILA.” Nauunawaan ba nila nang ganun kalalim ang wika-at-kalinangan (kultura) natin para
gumawa ng mga kongklusyon?

Masipag silang magsulat pero ang mga sinusulat nila, tandaan, ay PARA SA KANILA (at ayon
sa pananaw at mga bias nila) — hindi para sa atin. Palagi nating sinasabi na knowledge is power,
ngayon marahil naiisip na ninyo kung bakit malakas na bansa ang US. hehe

Kaya nga magsulat TAYO PARA SA ATIN GAMIT ANG WIKA NATIN!

Ang nakakalungkot, mayroon pa ring mga Pilipinong pinipiling sa ingles isulat ang kanilang mga
akdang akademiko. SINO ANG MAKAKUNAWA NITO? PARA KANINO BA TALAGA
ANG MGA AKDANG ITO? SINO ANG MAKIKINABANG RITO? ANG MGA
KARANIWANG PILIPINO BA NA HINDI MARUNONG MAG-INGLES?

TANDAAN na ang WIKA AY HINDI lamang KASANGKAPAN SA KOMUNIKASYON


kundi REPOSITORYO rin ng KULTURA.

Hanggang kailan natin ilalagay sa banyagang teoretisasyon-kategosisasy

on ang karanasang Pilipino? Kailan tayo magkakaroon ng kalayaan kahit sa antas lamang ng
pag-iisip?

Kung sa antas pa lamang ng tunggalian ng mga ideya ay dehado na tayo, madaling lalong
maramdaman ang hegemonya ng ibang bansa sa ekonomiya, pulitika, at kultura. Habang tinatayp
ko ito, panay ang labas ng pulang linya sa ilalim, bakit? Dahil ang wika ng internet ay ingles, at
sa pamantayang ito, mali ang tinatayp ko, hehe.

KUNG ANG KASAYSAYAN AY PARA SA BAYAN, ISALAYSAY NATIN ITO SA


WIKANG NAIINTINDIHAN NG BAYAN.

Ingles ba yun? HINDI.

Ser, “extreme naman ata yan. Huwag mag-ingles? Come on, globalization raw ngayon!” Usapin
ito ng sino ba ang kinakausap. Kung banyaga, inglesin mo, baby! Kung Pinoy, kausapin sa
wikang atin.

Ang wika ay kapangyarihan. Sa kasalukuyan ang wika ng kapangyarihan (at negosyo) ay ingles.
Nasa atin na kung paano bibigyang-kapangyarihan ang wika natin.
Ingles ang wika ng estado. Kaya malayo ang loob ng mahihirap, ng mga naisagilid
(marginalized) na sektor, ng “pobres y ignorantes” na hindi marunong mag-ingles.
Pinamamahalaan sila ng mga pulitikong nag-iingles, na hindi nila naiintindihan. Kapag
nabigyang-tinig na ang Bayan, saka lamang siguro magkakaroon ng totoong dayalogo para
maisama sila sa pambansang agenda.

Malayang makipagkwentuhan sa akin ang mga gustong makipagpalitan ng kuru-kuro.

Alvin “Ser Camps” Campomanes


Miyerkules, 3 Marso 2010
http://kawika2010.wordpress.com/mga-sanaysay/sir-bakit-filipino-isang-medyo-seryosong-sagot/

You might also like