Professional Documents
Culture Documents
Kapawa On Mining2
Kapawa On Mining2
Kapawa On Mining2
MARAMING ARAL ANG maaari nating makuha sa pagsubaybay sa di matinag, animo’y walang-
pakialam na paggugumiit ng malalaking dayuhang kumpanya na hukayin ang buong isla para sa mina;
sa kabila ng umiiral na mga batas, ordinansa, at alituntunin na naglilimita o kundi ma’y nagbabawal
dito, at sa harap ng malawak at sustenidong pagtuligsa ng iba’t ibang sektor.
Agad-agad, napabubulaanan ang isang malaganap na opinyon na kung tututuusin, di umano, ang
lahat (o ang sinasabing “karaniwang tao” ayon pa sa isang kanta) ay may pananagutan sa
pagkakabulabog sa balanse ng kalikasan. Hindi nga ba’t, kaugnay nito, hindi lang iilan ang
nagpapakalat na ang prinsipal daw na dapat sisihin ay ang iba’t iba di umanong mangmang na
kaparaanan ng mga magsasaka gaya ng pagkakaingin, o ang mga maralitang lungsod dahil daw sa
salaula nilang pagtatapon ng basura?
Ang dayuhang kapital ay lagi nang sinasabing susi daw sa paglikha ng trabaho at pagpapasigla sa
komersyo na inaasahan namang makapagbibigay-daan para sa pagtatayo at pagpapalakas ng sariling
mga industriya. Samantala, ang pagtuon sa eksport ng hilaw na materyales mula sa produksyong
agrikultural at pagmimina ay itinuturing na siyang pangunahing mapagkukunan ng pambansang kita
para sa pag-aangkat ng mga produktong pangkonsumo at input sa agrikultura, manupaktura at
industriya.
Subalit walang ibang ipinamamalas ang mahabang rekord ng pagpapatupad sa mga patakarang ito
kundi ang nagsasalimbayang mga padron ng nagpapatuloy na pagka-atrasado ng ekonomya at
kawalan ng kaunlaran. Ang dayuhang pagsasamantala sa murang lakas paggawa at serbisyo ng
manggagawang Pilipino, sa gitna ng papalalang tantos ng disempleyo. Ang pagkalugi ng lokal na
1
produksyon sa manupaktura at agrikultura. Ang pagkabalaho ng pagtatayo ng makabuluhang
pambansang mga industriya, kundi man ang paglamon sa mga ito ng dayuhang mga korporasyon. At,
syempre pa, ang pagkasaid at pagkakait sa mamamayan ng likas na yaman ng bansa, katambal ng
pamiminsala sa kalikasan.
Ang Philippine Mining Act of 1995 at ang iba pang kalakip at kaugnay na mga batas, ay ipinasa at
ipinatutupad ng gubyerno sa tuwirang dikta ng US kaugnay ng liberalisasyon at deregulasyon sa
kalakalan, kung saan halos eksklusibong inirereserba ang kabuuan ng yamang pwedeng minahin at
ang kalupaang kinalalagyan ng mga ito para sa mga dayuhang mamumuhunan. Nariyan ang iba’t-
ibang pakete ng mga insentibo gaya ng pagbibigay ng tinatawag na tax holiday o ang pagpapataw
lamang ng pinaka-minimal na buwis para sa mga kumpanya sa pagmimina sa loob ng hanggang 10
taon. Nariyan din ang walang-kondisyong pagkilala sa karapatan ng mga dayuhang kumpanya na
buung-buong i-remit o hugutin palabas ng bansa ang 100% ng kanilang tubo at kapital kung kailan man
nila naisin. Gayundin ang pagkilala sa karapatan nilang angkinin ang anumang tubig o trosong nasa
loob ng konsesyon, at itaboy ang sinumang nakatira sa saklaw ng kanilang perimetro.
Sa kabilang banda, bagaman may ligal na mandato, walang aktwal na pampulitika o moral na ngipin
ang kinauukulang mga ahensya sa iba’t ibang antas gaya ng Department of Energy and Natural
Resources (DENR) at ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) at iba pa. Hindi kayang obligahin ng
mga ito ang mga kumpanya na tumalima sa mabuway na ngang mga balangkas ng alituntunin na
naglilimita sa mapang-abusong kaparaanan ng pagmimina. Sa kalakhan, ang tungkulin lamang naman
ng mga ahensyang ito ay isistematisa ang mga rekord ng mga aplikasyon ng mga kumpanya, ang
iskedyul o relyebuhan ng mga operasyon, at ang mapping ng mga konsesyon. Sa esensya,
instrumento lamang din ang mga ito para matiwasay na makapag-operasyon ang pinakamaraming
posibleng bilang ng dayuhang kumpanya sa pagmimina at mapasilita ang mahusay na sosyohan ng
mga ito sa pambansa at lokal na mga kasapakat.
Ang mga lokal na mga ordinansa na naglilimita o direktang nagbabawal sa malakihang dayuhang
pagmimina, gaya ng Ordinance 541 para sa 50-taong moratorium na magiting na ipinanawagan ng
mamamayan ng Western Samar at ipinasa ng sangguniang panlalawigan nito noong 2003, ay lagi’t lagi
nang target ng mga tusong ligalistang pambabaluktot at paghahanap-butas. Isa, halimbawa, sa unang
mga paratang ng mga abogado ng mga kumpanya sa Ordinance 541 ay ang pagiging unconstitutional
di umano nito. May mas agresibong mga paraan ding ginagamit gaya ng pagmomobilisa sa
kakuneksyong mga personahe na may impluwensya at kapangyarihan sa negosyo, sa pambansang
burukrasya, sa korte, at maging sa militar, para brasuhin o di kaya’y suhulan ang lokal na mga upisyal.
Ang laban, kung gayon, sa malakihang dayuhang pagmimina para sa preserbasyon ng kalikasan ay
nagiging mas kumprehensibo, matalas at makabuluhan kung epektibong mabibigyang-diin ang
prinsipal na pananagutan ng internasyunal na kapitalistang kompetisyon sa pagkasira ng kalikasan;
ang kaugnayan nito sa matagal nang umiiral na di pantay at mapagsamantalang relasyon ng bansa sa
dayuhang mga kapangyarihan; at ang iba’t ibang kaparaanan ng pambansa at lokal na mga pinuno,
malalaking negosyante at panginoong may-lupa, sa buu-buong pagsusubasta sa mga dayuhan ng
ating pambansang patrimonya. Ang pagtatanggol sa kalikasan, kung gayon, sa malao’t madali, ay
nangangailangan ng isang makabayang paninindigan.
ISA SA BINABANGGIT na layunin ng Ordinance 541 kung bakit kailangan ang 50 taong moratorium sa
malakihang pagmimina ay ang mapangalagaan at mabigyan ng santuaryo o ligtas na kalalagyan sa
2
kagubatan ang tinatawag na mga endagered specie ng Samar; mga nilalang na lubhang nanganganib
na mawala o malipol dahil sa degradasyon ng ekolohiya, gaya ng Philipppine Tarsier, Philippine Eagle
at Philippine Cockatoo. Makapagdadagdag marahil ang KAPAWA ng isa pa— ang Philippine Peasant.
Lagi’t laging kakambal ng dayuhang pagmimina ang kagyat at pangmatagalang mga banta sa lupa,
kabuhayan, pagkain at kalusugan ng mga komunidad sa kanayunan. Ang malakihang dayuhang
pagmimina ang siya na ngayong isa sa pinakamasaklaw, agresibo at sistematikong ligal na paraan ng
pangangamkam ng lupa ng magsasaka. Binabaog nito sa matagal na panahon ang mga lupang
sakahan. Nilalason ang patubig para sa mga taniman at ang pangisdaan. Pinahihina nito ang
resistensya ng mga hayop na katuwang ng magsasaka sa trabaho. Tinatanggalan nito ng batayan ang
iba pang pinagkukunan ng dagdag na kita at pagkain gaya ng pangangaso at pangangalap dahil sa
pambabakod sa mga kagubatan o sa tuwirang pagpatag sa mga ito. Nilalagay nito sa panganib ang
maliitang pamumuhunan sa hayupan dahil sa polusyon. Naghahatid ito ng iba’t ibang sakit at
pagkalason sa maralitang mga pamilya ng magsasaka. At sa panahong ang mga magsasaka ay
nagbubuklod at naninindigan upang ang mga bantang ito ay ilantad at labanan, sumasambulat naman
ang banta ng panunupil at pandarahas.
Sa tuwing dumarating ang papadalas na ngang serye ng mga kalamidad na hatid ng climate change,
ang mga magsasaka ang sa kalakha’y siya ring pinaka-unang nahahagip at pinakamalalang
nasasalanta. Bagaman nitong huling mga taon ay namalas natin kung paano sinuong ng mga kapatid
nating manggagawa at maralita ang pambihirang distroso ng baha sa mga kalunsuran, sadyang di
matatawaran ang malaganap, malalim at iba’t ibang tipo ng mapangwasak na epekto ng malalakas na
bagyo sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka sa kanayunan.
Nariyan ang pagguho ng tipak-tipak na bahagi ng mga bundok at ng pagtabon ng makakapal na putik
at dambuhalang mga bato sa mga komunidad. Nariyan ang mabilis na paglaki’t pag-apaw ng
rumaragasang mga ilog na tumatangay sa mga bahay at naglulubog sa mga sakahan at palaisdaan.
Nariyan ang mga ipu-ipo na walang inililigtas na mga pananim. Nariyan ang higanteng mga alon na
bigla na lamang humahataw sa mga pamayanan ng mga mangingisda sa mga baybayin. At kapag
humalili na ang matinding tagtuyot, tulala ang magsasaka, tiwangwang ang lupa at halos tumigil ang
buhay sa mga barrio.
Ang mga ito at ang mga kagyat at pangmatagalang pasakit na idinudulot ng malakihang dayuhang
pagmimina ay lalu lamang nagpapabigat sa malaon nang nararanasang pagsasamantala at pang-aapi.
Matagal nang sadlak ang mga magsasaka sa kawalan ng sarili at sapat na lupang matatamnan at bigo
ang alinmang programang nagdaan na nangako ng reporma sa lupa. Tali pa rin sa kalakhan ang mga
magsasaka sa umiiral na sistema ng pagpapataw ng panginoong maylupa ng di makatwirag upa sa
lupa o hatian. Napakababa ng sahod ng mga manggagawang bukid. Napakataas ng interes sa mga
pautang ng mga komersyante-usurero. Napakataas ng presyo ng mga kagamitan at pangangailangan
sa produksyon. Napakababa ng presyo ng produkto ng magsasaka. Walang-kibo ang gubyerno sa mga
problemang ito. Todo-larga naman ang kanyang militar sa kanayunan. Hikahos, gutom at sinusupil—
anupa’t gaya ng Tarsier, ang magsasaka ay lubhang nanganganib na malipol.
Subalit hindi katulad ng Tarsier at iba pang endagered specie na nanganganib na mawala dahil sa
sadyang napakaliit nilang bilang, ang magsasaka ay napakarami. Mahalagang masapol ng iba’t ibang
sektor na tunay na nagmamalasakit sa kalikasan, na ang pinaka-tuwirang sumasalo ng pinakamasahol
na epekto ng malakihang dayuhang pagmimina ay ang pinakamarami sa ating mamamayan— ang
sektor o ang uring magsasaka. At kung mulat itong maisasa-konteksto sa mapang-api at
mapagsamantalang kalagayang kinaiiralan ng magsasaka, higit pang magkakaroon ng matining,
kongkreto at kagyat na panlipunang batayan ang paglaban sa malakihang dayuhang pagmimina at
dayuhang kontrol. Ang pagtatanggol sa kalikasan ay mas mariin pang mailalapat sa lupa at
makasusulong mula sa pagiging makitid na personal, sektoral o lantay na kontra-dayuhang krusada
lamang, kung magkakaroon ito ng isang paninindigang maka-mamamayan o demokratiko.
Umaasa ang KAPAWA na matamang pag-aaralan at tatanganan ng iba’t ibang sektor sa malapad na
hanay ng mga maka-kalikasan, ang makabayan at maka-mamamayang paninindigan sa paglaban sa
malakihang dayuhang pagmimina. Makaaasa naman ang hanay na ito na sa pagsusulong ng kilusang
magsasaka sa iba’t ibang makabayan at demokratikong pakikibaka, mabibigyan ng malakas na boses
ang pagtatanggol sa kalikasan.
(Ericson L. Acosta)