Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Si Lazaro at ang Mayaman Kakatapos lang magbigay ng Panginoong HESUS ng talinhaga tungkol sa pagtatapat sa tungkuling ibinigay sa atin dito

sa lupa. Ito man ay espirituwal o materyal, marapat lamang na makita tayo sa pagtatapat may nakakakita man o wala. Dapat din nating paglaanan ang mga priyoridad natin bilang mga Kristiyano sa harap ng DIOS. Marami kasi ang nagsasabing sila ay Kristiyano pero hindi "practicing Christians." Ang mga tunay na naglilingkod sa DIOS ay pangunahin sa kanila ang mga bagay na ukol sa DIOS, paglilingkod, pagpupuri at pagpapasalamat. Ang mga Pariseo sa panahon ni HESUS ay mahilig sa mga bagay ng buhay na ito, partikular sa kanilang mga kayamanan kaya naman sa huling talinhaga ay sinikap ni HESUS na ituwid sila at bigyan ng aral. (Luk 16:14 At ang mga Fariseo, na pawang maibigin sa salapi, ay nangakikinig ng lahat ng mga bagay na ito; at siya'y tinutuya nila.) Datapuwat nalalaman ng DIOS ang nilalaman ng kanilang mga puso kung kaya't ang sumunod na talinhaga ay patungkol pa din sa pag-ibig sa salapi at kayamanan na siyang dinadakila at pinapahalagahan ng mga Pariseo sa panahon na yaon at maging sa panahon nating ito. (Luk 16:15 At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagaaring-ganap sa inyong sarili sa paningin ng mga tao; datapuwa't nakikilala ng Dios ang inyong mga puso; sapagka't ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Dios.) Malimit nating sabihin na kapag si HESUS ay nagbibigay ng talinhaga, hindi lamang ipinakikilala Niya ang tungkol sa kaharian ng langit, kundi isa sa mga tinutuligsa Niya ay ang karakter o paguugali ng mga personahe sa Kaniyang kapanahunan na Kaniyang itinutuwid sapagkat hindi karapatdapat sa DIOS. Kagaya ng talinhagang ito na tumatalakay na naman sa pag-ibig sa salapi at kayamanan. Ano ang karaniwang tingin ng mga Pariseo sa kanilang mga taglay na kayamanan? Naniniwala ang mga Pariseo na ang mga kayamanan na kanilang taglay ay mga pagpapalang buhat sa DIOS at ang pagtataglay nito ay palatandaan ng pagiging espirituwal na ang DIOS ay nasa kanila at hindi sila nililimot. Iniisip din nila na ang pagiging mahirap o dukha ay isang sumpa at bunga ng pagkakasalang nagagawa ng tao sa harap ng DIOS. Nasisiguro nila na ang mga mahihirap ay hindi paroroon sa langit. Sa talinhagang ito, mayroong magkaibang karakter ang tinutukoy na kapuwa magkasalungat ang paraan ng kanilang ipinamuhay dito sa lupa. Luk 16:19 Mayroon ngang isang taong mayaman, at siya'y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain ng sagana: Luk 16:20 At isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, lipos ng mga sugat, ay inilalagay sa kaniyang pintuan, Luk 16:21 At naghahangad na mapakain ng mga mumo na nangahuhulog mula sa dulang ng mayaman; oo, at lumapit pati ang mga aso at hinihimuran ang kaniyang mga sugat. Pansinin natin na ayon sa talinhaga nang sila kapuwa sila namatay, ay nabaligtad ang kanilang mga kalagayan. Datapuwat sa kanilang kalagayang ito ay hindi na maaari pang baguhin pa. Wala

nang pagkakataon para mabago pa ang kanilang mga kalagayan, taliwas sa paniniwala ng iba tungkol sa PURGATORYO na kung saan ay may pagkakataon pang umakyat sa langit ang sinuman na makapagsisi diumano at maipagdasal. Luk 16:22 At nangyari, na namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham: at namatay naman ang mayaman, at inilibing. Luk 16:23 At sa Hades na nasa mga pagdurusa ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at natanaw sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang sinapupunan. Luk 16:24 At siya'y sumigaw at sinabi, Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kaniyang daliri, at palamigin ang aking dila; sapagka't naghihirap ako sa alab na ito. Luk 16:25 Datapuwa't sinabi ni Abraham, Anak, alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng iyong mabubuting bagay sa iyong pamumuhay, at si Lazaro sa gayon ding paraan ay masasamang bagay: datapuwa't ngayon, ay inaaliw siya rini, at ikaw ay nasa kahirapan. Luk 16:26 At bukod sa lahat ng ito, ay may isang malaking banging nakalagay sa pagitan namin at ninyo, upang ang mga magibig tumawid buhat dini hanggang sa inyo ay hindi maari, at gayon din walang makatawid mula diyan hanggang sa amin. Pansinin natin na ginamit sa talinhaga ang isang bangin bilang representasyon ng paghihiwalay ng langit at dako ng parusahan. Hindi ito literal na bangin kundi simbolo na ang magiging kalagayan pagdating ng araw ay hindi na mababago pa o "irreversible." Hindi makakatawid ang sinuman mula sa dako ng parusahan patungo sa langit. Luk 16:27 At sinabi niya, Ipinamamanhik ko nga sa iyo, ama, na suguin mo siya sa bahay ng aking ama; Luk 16:28 Sapagka't ako'y may limang kapatid na lalake; upang sa kanila'y patotohanan niya, baka pati sila'y mangaparito sa dakong ito ng pagdurusa. Luk 16:29 Datapuwa't sinabi ni Abraham, Nasa kanila si Moises at ang mga propeta; bayaang sila'y pakinggan nila. Luk 16:30 At sinabi niya, Hindi amang Abraham: datapuwa't kung ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila, sila'y mangagsisisi. Luk 16:31 At sinabi niya sa kaniya, Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay. Ipinakikita sa talinhagang ito ang kawalang pag-asa kapag napunta sa dako ng parusahan na sinasabi ng BIBLIA. Huwag sana tayong magkamali sa interpretasyon tungkol sa talinhagang ito. Ang karaniwang paniniwala kasi ng mga tao, lalo na ang mga nakagisnang paniniwala ay diretso agad sa langit kung mabuti o matuwid kapag namatay ang tao subalit diretso naman sa impiyerno o dakong parusahan kung siya ay naging masama dito sa lupa. Ang scenario na ipinakikita dito ay patalinhaga lamang at ang isang talinhaga ay hindi nangangahulugan na tunay na pangyayari. Karaniwan sa mga talinhaga ay gawa-gawa lamang na kuwento na hindi mahalaga kung ito ay totoo o hindi subalit ang pinakamahalaga sa mga ito ay ang ARAL, KARAKTER, UGALI at ang KALOOBAN ng DIOS na nais nitong ituro sa atin. Pansinin

natin na sa kaharian ng langit ay naroroon si Abraham at doon lumagi ang pulubing si Lazaro upang siya ay aliwin. Hindi po totoong pangyayari ito dahil maging ang amang si Abraham po ay nangangailangan din naman ng kaaliwan sa langit. Binanggit din si Moises dito, na malayong maging totoo sapagkat malaon nang patay si Moises nang ipahayag ang talinhagang ito. Hindi din po totoo na ang tinutukoy na Lazaro dito ay ang kaibigan ni HESUS na kaniyang binuhay. Ang ARAL sa talinhagang ito na ibig ng DIOS na ating matutunan ay simple lamang. Ibig Niyang turuan ang mga Pariseo na huwag magtiwala sa mga kayamanan dito sa lupa na hindi mananatili. Ang pag-ibig sa salapi at yaman sa buhay na ito ay hindi ticket papunta sa langit, manapa ay nagiging dahilan upang ang tao ay lumayo sa pagganap ng kalooban ng DIOS. Pariseo lamang ba ang ibig Niyang turuan dito? Sa panahon nating ito, angkop pa din na ating maunawaan na ang mga materyal na bagay ay mga bagay lamang na ipinagkatiwala sa atin. Kailangan natin ang mga ito upang tayo ay mabuhay nang may kapayapaan at kaayusan dito sa lupa at pansamantalang ipinagkatiwala ng DIOS ang lahat ng mga bagay na ito sa ating lahat. Subalit, huwag nating kalimutan na hindi dito sa lupa natatapos ang ating mga pamumuhay, meron pang kasunod na pamumuhay na dapat nating paghandaan. Isa pang itinuturo sa atin ng talinhagang ito ay ang pagkakataon na mayroon ang mayaman nang siya ay nabubuhay pa na makatulong sana at gumawa ng mabuti kay Lazaro subalit hindi niya ito ginawa. Habang nabubuhay ay mayroon tayong pagkakataon na gumawa ng matuwid sa ating mga sarili at sa ating mga kapuwa sa harapan ng ating DIOS. Paano ba natin ipinamuhay ang mga bagay na ibinibigay sa atin ng DIOS? Sukatan ba ang dami ng pera at yaman para maging karapatdapat sa DIOS? Hindi sumpa o parusa kung naghihirap. Depende sa naging pamumuhay natin dito sa lupa kung paano natin ginanap ang kalooban ng DIOS ang magiging kapalaran natin sa hinaharap. Hindi masamang yumaman, hindi masamang maghanap-buhay dito sa lupa... ang masama ay maging tamad sa pagsusumikap at mapabayaan ang mga pangunahing responsibilidad. Ang hamon ng talinhaga - mabuhay lamang ng nararapat sa harap ng DIOS upang pagdating ng araw ng kahatulan ay maging karapatdapat sa atin ang gantimpala ng DIOS. Ang tawag dito ay PANANAMPALATAYA, ito ang hahanapin sa atin ng DIOS pagdating ng araw.

You might also like