Premyo Rizal

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 24

Kung Bakit Kabastusan Ang Naiisip Ko Tuwing Naririnig Ko Ang Pangalang Jose Rizal

Nagpapaikut-ikot sa paligid ng lampara ang batang gamu-gamong sabik sa liwanag. Hindi alintana ang panganib na nakaabang bunga ng kanyang kapusukan. Maya-maya pay nadarang sa apoy ang manipis na pakpak. Naupos ang buhay kapalit ng ilaw na hinahangad. Nakamasid ang batang si Pepe sa trahedyang naganap: siya, na sa murang edad ay marami ring pangarap. Isang kabataang mapusok at nangahas hanapin ang liwanag. Siya na sa murang edad ay binalian ng pakpak at sa himno ng mga putok ng baril, sa lupay bumagsak

"Mapaglilingkuran lamang natin ang ating bayan sa pamamagitan ng pagsasabi ng katotohanan gaano mang kasakit ito. Jose Rizal

May dalawa akong kaibigan na nagtuturo ng Noli Me Tangere at El FIlibusterismo na 'sinipa ng isang kilalang paaralan sa simpleng kadahilanang tinatalakay nila sa mapanuring paraan ang nilalaman ng mga nasabing libro. Hindi raw kasi fit sa high school students ang paraan nila ng pagtuturo. Tinawag silang mga radikal at pinarusahan na parang mga kriminal.

Isa itong nakalulungkot na reyalidad sa bansa: ang mga nagtuturo ng katotohanan at makabuluhang aral hinggil sa mga katha ni Dr. Jose Rizal ay itinuturing na mga subersibo at ginigipit sa halip na pinararangalan.

Ipinagdiriwang sa taong ito ang ika-150 kaarawan ni Dr. Jose Rizal. Kaliwat kanang programa ang isinasagawa na nilalahukan ng libu-libong mamamayan at ginagastusan ng milyun-milyong piso, na ang iba ay galing pa mismo sa buwis ng taumbayan. Halos masuya ako sa mga poster, tarpaulin, stickers, at patalastas na nagpapahayag ng paggunita sa kanya. Naglabasan din ang mga t-shirt, mug, bag, baller ID at iba pang produktong tinatakan ng mukha ng ating pambansang bayani. Nakalulungkot mang isipin, ang mga naganap na pagdiriwang sa kalakhan ay hindi nakasentro sa mga naging ambag ni Rizal sa paglaya ng ating bansa. Ni hindi nga matatawag na pag-alala sa kanya, dahil ang bagay na inaalala ay yun lamang mga bagay na nakalilimutan. Paano natin makalilimutan ang isang taong simulat sapul ay hindi naman talaga natin nakilala o ipinakilala sa atin? Nabansagang Haligi ng Bayan si Rizal, subalit unti-unti namang winawasak ang pundasyon ng kaniyang kabuluhan.

Sabi nga, may kakayahan ang konsumeristang lipunan na agawan ng tunay na kabuluhan ang isang simbolo. Popularity breeds contempt ika nga. Sa sobrang dalas nating makita ang mukha ni Rizal, mula sa piso hanggang sa kung anu-anong produkto, at mabasa ang kaniyang pangalan, mula sa pangalan ng kalye hanggang sa pangalan ng bangko, hindi na halos alam ng bagong henerasyon ang tunay na kabuluhan ng buhay at kamatayan niya. Nananatiling kilala natin ang pangalan at mukha ng ating mga bayani, subalit hindi ang kanilang pagkatao at ang mga aral na kanilang iniwan sa mundo.

Walang saysay ang magagarbong pagdiriwang kung hindi naman natin isasabuhay ang mga aral na iniwan ni Rizal. Isang malaking kabastusan na habang nagpapanggap tayo na kinikilala natin ang mga ambag niya sa kalayaang tinatamasa natin sa kasalukuyan, wala naman tayong ginagawa para gamutin ang noon pay sinasabi niyang mga kanser ng lipunan.

Ayon nga kay Renato Constantino, isang kilalang makabayang istoryador, There is no question that Rizal had the qualities of greatness. History cannot deny his patriotism. He was a martyr to oppression, obscurantism and bigotry. His dramatic death captures the imagination of our people A true appreciation of Rizal would require that we study these social criticisms and take steps to eradicate the evils he decried.

Magkakaroon lamang ng saysay ang pagdiriwang natin ng ika-150 taong kaarawan ng ating pambansang bayani sa pamamagitan ng pagbabalik-aral sa mga katotohanang isiniwalat niya sa kaniyang mga katha, pagsusuri sa kaniyang buhay at kamatayan at pagbabalik-tanaw sa mga krisis ng kaniyang panahon at paglalapat nito sa kasalukuyang kalagayan. Tanging sa paraan lamang na ito magkakaroon tayo ng tunay na pagpapahalaga sa ating pambansang bayani.

Balik-Tanaw: Si Rizal at Ang Kanyang Panahon

Upang malaman ang hinaharap ng isang bansa, kinakailangang buksan ang aklat na magsisiwalat ng kanyang lumipas. Jose Rizal

Sa panahon ni Rizal, laganap ang pagsasamantala ng mga dayuhan at maging ng mga lokal na kasabwat nito sa mga Pilipino. Pinauso ang titulo, kinamkam ang lupa, pinaupahan ito sa ating mga ninuno, pinagbayad ng tributo, itinuring na mga alipin at sapilitang pinagtrabaho ng walang anumang sahod o benepisyo.

Ginamit ng mga Kastila ang krus at espada at taktikang manghati at maghari. Kaliwat kanan ang paglabag sa karapatang pantao, binubugbog at pinapatay ng mga gwardya sibil ang mga napagkakamalang laban sa gobyerno o sinumang

napagdidiskitahan nila. Ipinatapon sa ibang bansa ang mga subersibo at manunulat na nagsisiwalat ng kalupitan ng Espanya. Tinakot ang mga mamamayan sa pamamagitan ng sanlibot isang kwento ng dagat-dagatang apoy na diumanoy patutunguhan ng mga sumusuway sa mga dayuhang tagapagligtas at pilit pinahupa ang galit ng mamamayan sa pamamagitan ng pangakong mapalad kayong mahihirap dahil sa inyo ang kaharian sa langit. Pinanatiling mangmang ang mamamayan sa pamamagitan ng pagkakait sa kanila ng edukasyon upang maniwala sa mga kababalaghang itinuro ng mga dayuhan.

Ginamit ni Rizal ang kaniyang panulat upang isiwalat ang mga kanser ng lipunan na unti-unting pumapatay sa kamalayan ng lipunang Pilipino. Sa layuning ilatag ang kabuluhan ni Rizal sa kasalukuyang panahon, makabuluhang balikan natin ang ilang mga tagpo sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo at ihambing ito sa mga nagaganap sa bansa sa ngayon, upang makapulot ng mga ginintuang aral na magagamit natin bilang ilaw at gabay sa ating paglalakbay patungo sa inaasam-asam na tuwid na daan.

Patuloy na Paglalayag ng Bapor Tabo

Ang iniisip lang ng mayayaman ay ang lalo pang yumaman, silay binulag na ng kayabangan at luho; at dahil silay namumuhay nang masagana, lalo na kapag silay may makapangyarihang kaibigan, wala na silang pakialam sa mga dukha... Tandang Pablo sa Kabanata 45 ng El Filibusterismo

Malinaw na naisalarawan ni Rizal ang kalagayan ng lipunang Pilipino sa panahon ng pananakop ng Kastila gamit ang kanyang mga nobela. Sa unang dalawang kabanata pa lamang ng nobelang El Filbusterismo na may mga pamagat na Sa Kubyerta at Sa Ibaba ng Kubyerta, ipinakita na ni Rizal ang mapanlinlang na itsura ng Bapor Tabo, kung saan maputi at malinis ang labas, subalit kinakalawang at nabubulok naman ang loob gaya ng lipunan nating nagpapanggap na maunlad at marangya, bukod pa sa umiiral na tunggalian sa pagitan ng ibat ibang uri, kung saan nangingibabaw ang iilang makapangyarihan sa maraming naghihirap. Habang nagkakasayahan ang mga tulad ni Donya Victorina, Padre Camorra, Don Custodio at

Ben Zayb sa kubyerta, tumatagaktak ang pawis ng mas nakakaraming taong nasa ilalim nito.

Sa kasalukuyan, nananatiling tila isang Bapor Tabo ang ating bansa. Pilit pinipinturahan ng puti upang mapagtakpan ang nabubulok nang sistema. Nananatili ang tunggalian ng uri. Patuloy na nangingibabaw at nagsasamantala ang mga mayayaman at makapangyarihan habang naghihirap at pinagsasamantalahan naman ang mahihirap at mahihina.

Si Kabesang Tales at Ang Hacienda Luisita

Sa ikaapat na kabanata naman ng El Filibusterismo ay ipinakilala sa atin si Kabesang Tales, isang magsasakang dating namasukan bilang kasama sa isang kapitalistang may malawak na lupang sinasaka, subalit dahil sa napansin niyang hindi makatarungan ang kaniyang pinaglilingkuran, nagpasya siyang umalis. Sa tulong ng kaniyang ama, asawa at tatlong anak, hinawan nila ang madawag na kagubatan upang may lupang mabungkal. Sa sobrang kapaguran at kawalan ng sapat na pagkain, nagkasakit ang kaniyang asawa at sumakabilang-buhay at hindi nagtagal ay nilagnat naman at sumunod sa hukay ang kaniyang panganay na anak na si Lucia. Sa kabila ng mga mapapait na karanasang ito, sinikap ni Kabesang Tales na mabuhay alang-alang sa dalawa pa niyang anak at pinagyaman nito ang lupang pinagbuwisan ng buhay ng dalawang pinakamamahal niya. Naging mabunga naman ang pagpapagal ni Tales at nagkulay-ginto ang kanilang bukirin, subalit nang aanihin na nila ang kanilang

pinagpaguran ay dumating naman ang korporasyon ng mga kura at inangkin ang kanilang lupang sakahan. Napilitan si Tales na magbayad na lamang ng tatlumpung piso bilang renta upang makaiwas sa kaguluhan.

Sa unang bahagi ng nobela ay pinilit pa ni Kabesang Tales na makapagbayad, subalit kalaunan ay hindi na niya nakayanan pang bayaran ang patuloy na tumataas na renta. Nagsampa ng kaso si Tales para kwestyunin ang hindi makatarungang paniningil ng mga prayle, subalit dahil sa kawalan ng hustisya ay napalayas siya sa kanyang sakahan. Ang kanyang anak na si Tano ay napilitang maging gwardya sibil, habang ang anak niyang si Juli ay namasukan bilang katulong sa nagbabanal-banalang si Hermana Penchang, at nang dukutin ang kanyang ama ay napilitan humingi ng tulong ang dalaga kay Padre Camorra na may lihim na pagnanasa sa kanya.

Ipinakikita sa buhay ni Tales ang kalagayan ng magsasaka sa panahon ni Rizal, kung saan ang mga nagbubungkal ang siyang walang lupang matatawag na kanila, at ang mga lumilikha ng pagkain ay halos walang makain. Nakalulungkot mang isipin, ganito pa rin ang kalagayan ng mga walang pangalang bayaning lumilikha ng ating pagkain.

Si Rizal man ay nagbungkal din ng lupa. Winika niya sa kanyang liham sa kanyang kapatid na si Lucia na may petsang Pebrero 12, 1896 na ...hindi lahat tayo ay maaaring maging doktor; kinakailangang mayroong ilan na magbungkal ng lupa. Nakabili siya ng may 70 ektaryang lupain sa Talisay, Dapitan na tinamnan niya ng

6,000 abaka, 1,000 niyog, kape, kakaw at ibat ibang bungang-kahoy. Gamit ang kanyang kaalaman sa modernong pagsasaka na natutuhan niya sa kanyang biyahe sa Europa at Estados Unidos, tinuruan niya ang kaniyang mga kapitbahay ng paggamit ng pataba, pagsasalit-salit ng mga pananim upang mapanatili ang taba ng lupa at iba pang makabagong pamamaraan sa pagpapaunlad ng agrikultura. Nakapag-angkat din siya ng makinaryang pansaka mula sa Estados Unidos.

Dahil sa pagkilala ni Rizal sa kahalagahan ng sektor ng agrikultura, isang malaking kabastusan sa alaala ng ating pambansang bayani ang busabos na kalagayan ng mga magsasaka rito sa ating bansa.

Sa tala ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), mayorya ng mga magsasaka ang kulang o walang sariling lupang sinasaka. Hanggang sa kasalukuyan, pagmamay-ari pa rin ng iilang angkan ang malalawak na lupain sa bansa at walang tunay na repormang agraryo ang naipatupad. Bukod dito, karaniwang biktima rin ng usura ang mga magsasaka, kung saan nagbabayad sila ng napakalaking interes sa kanilang hinihiram na pera na pambili ng mga kinakailangan sa bukid at ng pagkain sa araw-araw. Hindi rin pantay ang hatian sa ani sa pagitan ng mga kasama at may-ari ng lupa, kung saan mas maliit pa ang bahagi ng mga magsasakang nagbungkal at nagtanim kumpara sa panginoong maylupa na hindi naman lumahok sa produksyon. Sa ilang lugar, nagsisilbing animoy mga alipin ang pamilya ng magsasaka na ginagawang kasambahay ng may-ari ng lupa nang walang anumang halagang kapalit.

Tampok na halimbawa ng kalagayan ng mga magsasaka sa bansa ang kasaysayan ng Hacienda Luisita na kontrolado ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Ang Hacienda Luisita ay may lawak na 6,453 ektarya na sumasakop sa 10 barangay na nasa mga bayan ng La Paz at Concepcion at Lungsod ng Tarlac. Mahalagang banggitin na ang asyendang ito ay lupang kinamkam ng mga Kastila, at katunayan ay sa Kastilang kumpanyang TABACALERA ito nabili ni Jose Cojuangco, Sr. Ang salaping ginamit niya sa pagbili ng asyenda ay mula sa perang inutang sa Governmnent Service Insurance System (GSIS) at Manufacturers Trust sa New York sa pamamagitan ng pagbibigay ng garantiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Kapwa bahagi ng kasunduan ni Cojuangco at ng GSIS at BSP na dapat ay ipamahagi ng pamilya Cojuangco ang lupa sa maliliit na magsasaka 10 taon pagkatapos mabili ang asyenda, alinsunod na rin sa programa ng nooy administrasyong Garcia hinggil sa panlipunang katarungan. Sa panahong dumating ang itinakdang oras na kailangan nang ipamahagi ang asyenda, hindi tinupad ng pamilya Cojuangco ang kasunduan. Hanggang sa kasalukuyan ay mailap pa rin ang katarungan sa mga magsasaka at nasa Korte Suprema pa rin ang usapin hinggil sa pamamahagi ng lupa ng Hacienda Luisita.

Wala pa ring katarungang nakakamit ang mga nagbuwis ng buhay sa pakikipaglaban para sa kanilang karapatang ariin ang lupang binubungkal.Sa halip na lupa, bala ang isinukli sa paghihirap ng mga magsasaka at manggagawang-bukid noong ika-16 ng Nobyembre, 2004 na ikinasawi ng 14 na magsasaka at naging dahilan ng pagkasugat ng mahigit 200 iba pa.

Sa buong kapuluan, laganap pa rin ang pagpaslang sa mga lider-magsasaka at maging sa mga magsasakang kasapi ng mga progresibong organisasyon. Kaliwat kanan ang paglabag sa karapatang pantao, hindi lamang sa hanay ng mga magsasaka kundi sa iba pang sektor ng lipunan.

Kwentong Kutsero, Mga Pilato at Patuloy na Paglabag sa Mga Karapatang Pantao

Inilarawan ni Rizal sa ikalimang kabanata ng El Filibusterismo ang mga matitinding paglabag sa karapatang pantao na ipinapataw ng mga gwardya sibil ng pamahalaang kolonyal. Ang kutserong si Sinong ang biktima sa nasabing kabanata. Nakalimutan niya ang kanyang sedula at nakalimutan din niyang sindihan kaagad ang gasera ng kanyang kalesa kaya naman kahit na Noche Buena noon, siyay kinalaboso ng mga gwardya sibil.

Walang ipinag-iba ang sitwasyon ng kutsero sa sitwasyon ng mga Pilipino sa kasalukuyan. Karaniwang biktima pa rin ng kalupitan at karahasan ng mga abusadong militar sa kanayunan ang mga simpleng mamamayan. Halimbawa, noong panahon ni Heneral Jovito Palparan sa Gitnang Luzon, libu-libong mamamayan ang pumila para bumili ng sedula dahil kumalat ang balitang ituturing na kasapi ng New Peoples Army (NPA) ang sinumang mamamayang hindi makapagpakita ng sedula. Sa isang maliit na baryo sa Paombong, Bulacan, isang mangingisdang ginabi sa laot ang hinarang ng mga militar sa isang tsekpoynt at hiningan ng sedula. Diumano, dahil lumang sedula ang kanyang dala-dala, ipinakain sa kanya ito ng mga sundalo at pinaglakad siya pauwi

10

nang hubot hubad. Suwerte pa nga siguro ang mangingisdang iyon, dahil higit na marami ang dinukot at/o pinatay ng mga pinaghihinalaang militar o mga grupong paramilitar na pinopondohan ng gobyerno, dahil sa bintang na silay mga rebeldeng komunista.

Oktubre 2011, Buwan ng Mga Katutubong Mamamayan (Indigenous Peoples Month), labindalawang bala ang pumatay kay Padre Fausto Pops Tentorio, isang misyonerong Italyano na sa mga nakalipas na dekada ay naging aktibong tagapagtaguyod ng karapatan sa lupang ninuno ng mga lumad. Tinutulan ni Padre Pops ang militarisasyon ng mga komunidad sa Mindanao. Bunsod nito, pinagbintangan siya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na simpatisador ng NPA. Nakalulungkot na sa panahon ng administrasyong Aquino na nangakong dadalhin ang bayan sa tuwid na landas ng pagbabago, mahigit 50 aktibista na ang nabiktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Tila hindi pa rin nagbabago ang mga bagay-bagay. Ang bangungot na nangyari kina Jonas Burgos, Karen Empeo, Sherlyn Cadapan, Manuel Merino, Federico de Leon, Crisanto Teodoro, sa Manalo brothers at sa libu-libo pang biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao ay tila nangyayari pa rin sa kasalukuyan.

Nananatili ang kultura ng kawalang-katarungan sa bansa, dahil na rin sa pagsasawalang-kibo at hindi pagpapahayag ng pagtutol at paglaban sa mga kamaliang nagaganap sa ating paligid. Samantala, hindi rin kumikilos ang mga nasa kapangyarihan para mawakasan ang mga karumal-dumal na paglabag sa karapatang pantao sa ating bansa. Maikukumpara sila sa mga Pilato sa ikasiyam ng kabanata ng El

11

Filibusterismo, kung saan matapos na kumalat ang balitang dinukot si Kabesang Tales, nagpaalila si Juli at napipi si Tandang Celo ay kanya-kanya ng paghuhugas-kamay ang ilang taong simbahan at mga opisyal ng gobyernong dapat sanay nangunguna sa pagkilos para matulungan ang mga naghihikahos na pamilya gaya ng pamilya ni Tales.

Bagamat nangako ang rehimeng Aquino na haharapin ang isyu ng pampulitikang pamamaslang at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao, kahit isa ay wala pa ring nahahatulan at naparurusahan sa ilalim ng kanyang administrasyon. Kung tutuusin, kayang gamitin ng estado ang kapangyarihan nito upang mangalap ng sapat na ebidensya para idiin ang mga nasasangkot sa mga karumal-dumal na krimeng ito.

Nakalulungkot ding isipin na mas malakas pa ang tinig ng Simbahang Katoliko hinggil sa paninindigan nito sa isyu ng Reproductive Health Bill (RH Bill) at sa diumanoy bastos na eksibit ni Mideo Cruz, kumpara sa mga nagaganap na kagimbalgimbal na paglabag sa karapatang pantao. Kung tutuusin, hindi hamak na mas malaking kabastusan ang ginagawang pagyurak sa likas na dangal natin bilang tao kung ikukumpara sa titing nakadikit sa larawan ni Kristo.

Nanatiling usap-usapan ang suson-susong problema ng pamilya dahil ayaw makisangkot ng mga mamamayan sapagkat ayon sa kanila, ang problema ni Tales ay problema ni Juli at ang problema ni Juli ay problema ni Tandang Celo at ang mga problema ng pamilyang ito ay hindi dapat problemahin ng mga taong nakapaligid dito. Ang ganitong kaisipan ng mamamayan ang nagpapanatili sa kultura ng kawalang-

12

katarungan sa bansa, ang kawalang-kibo ng mga mamamayan sa mga masasamang nangyayari sa kanilang lipunan. Lagit lagi, mas matinding kasalanan ang hindi paggawa ng mabuti kumpara sa paggawa ng masama. Sabi nga ng isang manunulat, nagtatagumpay lamang ang kasamaan kapag ang mga mabubuting tao ay walang ginagawa.

Ang mentalidad na ito ay bunga ng ginawang paghubog sa atin ng lipunan, kung saan pinalaki tayong mga pasibo, walang-kibo at sunud-sunuran. Isa ang edukasyon sa bansa sa pinaka-epektibong nagamit ng mga dayuhan para panatilihing duwag ang mga Pilipino.

Si Padre Millon at ang Larawan ng Misedukasyon

Ang tipikal na silid-aralan sa Pilipinas ay kahalintulad pa rin ng kabagut-bagot at maladiktadurang klase sa pisika ni Padre Millon na matutunghayan sa Kabanata 13 ng El Filibusterismo. Sa bahaging ito ng nobela, ininsulto ni Padre Millon ang dignidad at pagka-Pilipino ng matalinong estudyante na si Placido Penitente dahil sa pagtutol ni Placido na maging lorong tagaulit lamang ng kaalamang ipinapakain sa kanila ng prayleng nagpapanggap na edukador. Hanggang ngayon, itinuturing pa rin nating bastos, imoral at di karapat-dapat ang mga estudyanteng may mapanuring pag-iisip gaya ni Placido. Hindi kataka-takang tinatamad mag-aral ang maraming kabataan. Ano nga ba naman ang mapapala sa de-kahong estilo at nilalaman na napaglipasan na ng mabilis na takbo ng panahon?

13

Bukod sa pagkakaroon ng edukasyong hindi lumilinang sa mapanuring pag-iisip, nananatiling elitista pa rin ang sistemang pang-edukasyon ng bansa. Nananatiling nakasara ang mga dambuhalang pintuan ng mga paaralan at unibersidad sa mga mamamayang anak-dalita na gaya ni Placido. Matatandaan na sa El Filibusterismo, iginagapang lamang din ng kanyang inang si Kabesang Andang ang kanyang pagaaral. Di kataka-takang maluha-luha si Kabesang Andang nang ibalita sa kanya ni Placido na ayaw na niyang mag-aral.

Hanggang sa ating panahon, ang edukasyon ay isa pa ring pribilehiyo na para lamang sa mga may salaping pampaaral. Wala pa ring sapat na badyet ang pamahalaan para sa edukasyon, sa kabila ng probisyon sa Artikulo XIV ng Konstitusyon na nagsasaad na ang edukasyon ang siyang dapat bigyang-prayoridad sa pambansang badyet. Sa mga nakaraang dekada, lagit laging pagbabayad ng utang sa halip na edukasyon ang binibigyan ng mas mataas na alokasyon. Nito lamang nakaraang taon, kinaltasan ng milyun-milyong piso ang kulang na nga na badyet sa edukasyon. Dahil dito, karaniwang kulang sa mga pasilidad ang mga paaralan. Sa kasalukuyan, tinatayang kulang ng 103,599 guro, 152,569 silid-aralan, 13,225,527 upuan, at 95,557,957 teksbuk ang mga pampublikong paaralang elementarya at sekundarya sa bansa. Komersyalisado ang edukasyon sa bansa, kung saan ang edukasyon ay pribilehiyo lamang ng may kakayanang magbayad para rito sa halip na karapatan ng lahat ng mamamayan. Naging isang napakalaking negosyo ng edukasyon sa bansa kaya naman ang mga pribadong paaralan ay karaniwang nasa top 1,000 corporations sa Pilipinas.

14

Batay sa kalalabas lamang na 2010 Annual Poverty Indicators Survey (APIS) ng National Statistics Office (NSO), 1 sa bawat 8 Pilipino na nasa edad 6 hanggang 24 ang kabilang sa out-of-school-youth. Kabilang sa dahilan na ibinigay ng mga respondent ang mataas na halaga ng edukasyon at paghahanap ng trabaho.

Sa pag-aaral na isinagawa ng National Union of Students in the Philippines (NUSP), tinatayang nasa P501.22 (bansa) at P980.54 (Metro Manila) ang karaniwang matrikula kada yunit sa mga pamantasan sa Pilipinas. Sa kabilang banda, 80% ng Pilipino ang nabubuhay sa halagang P104 kada araw, batay sa datos na inilabas ng Ibon Foundation sa taong ito. Kung ang bawat mag-aaral ay kumukuha ng 24 na yunit kada semestre, at may 2 semestre kada taon, aabot sa mahigit P24 libong piso ang kanilang babayaran sa matrikula, at kung hahatiin natin ang nasabing halaga sa P104, nangangahulugang 231 araw na hindi kakain ang isang pamilya para lamang mapakapag-enroll ang kanilang anak.

Isang kabalintunaan na ang mga pangulong taun-taong nag-aalay ng bulaklak sa puntod ni Rizal sa Luneta ay nananatiling walang pagpapahalaga sa edukasyon, sa kabila ng di matatawarang pagpapahalaga rito ng pambansang bayani. Matatandaan na dahil sa kanyang labis na pagpapahalaga sa edukasyong pangmadla, nagtayo si Rizal ng paaralan sa Dapitan noong siyay ipatapon ng mga Kastila roon. Bago ito, nang itatag niya ang Liga Filipina, binigyang-diin niya sa Saligang Batas ng nasabing samahan ang kahalagahan ng edukasyon sa pagkakamit ng kaunlaran ng Pilipinas. Kung naririto lamang si Rizal, marahil ay makikimartsa siya sa libu-libong kabataang

15

mag-aaral na nagpoprotesta laban sa malaking kabastusan na pagkakaltas ng badyet sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan, at marahil dahil dito, sabi nga ng ibang Rizalista, malamang na barilin na naman siya ng pamahalaan kung nabubuhay siya sa ating panahon.

Kolonyal pa rin ang edukasyon sa bansa. Nagsisilbi ang ating pag-aaral upang panatilihin ang kolonyal na kaisipan at ihanda tayo sa paglilingkod sa mga dayuhang korporasyon pagkatapos ng ilang taong pagsusunog ng kilay sa mga pamantasan. Sa kasalukuyan ay mayroon tayong humigit-kumulang 8 milyong Overseas Filipino Workers (OFWs). Kada araw ay 2,000 hanggang 3,000 Pilipino ang nangingibangbayan. Sa bilang na ito, isang kagimbal-gimbal na reyalidad na 3 hanggang 4 sa kanila ang umuuwing malamig nang bangkay bawat araw. Maraming kwento ang nailathala na hinggil sa pakikipagsapalaran ni Rizal sa ibang bansa, subalit mas malagim ang mga kwento ng pakikipagsapalaran ng mga tinatawag nating mga bagong bayani, mga bayaning walang pangalan at kapag minalas ay umuuwing wala nang ulo sa kanilang lupang sinilangan.

Pinananatili ng paggamit ng wikang banyaga bilang pangunahing midyum ng pagtuturo ang kanluranin at kolonyal na kaisipan ng sambayanan. Tumatagos hanggang sa kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino ang ganitong neokolonyal na balangkas.

16

Ang Bayan ng Malalansang Isda

Nilimot ninyong lahat na habang pinapanatili at pinangangalagaan ng mga mamamayan ang kanilang wika, pinananatili at pinangangalagaan din nila ang tanda ng kanilang kalayaan, gaya rin ng pagpapanatili at pangangalaga ng tao sa kanyang kalayaan habang kanyang pinanghahawakan ang sarili niyang pag-iisip. Simoun sa Kabanata 7 ng El Filibusterismo

Ayon kay Rizal, ang hindi magmahal sa wika ay higit pa sa hayop at malansang isda. Isang malaking kabastusan sa kanyang alaala na ang Pilipinas ay marahil isa sa pinakamabahong lugar sa buong mundo dahil sa patuloy na pagbabalewala ng mga Pilipino sa kaniyang sariling wika.

Pinatunayan ng kasaysayan ng ating bansa na tama ang pagtingin ni Jose Rizal sa kahalagahan ng wika sa pagpapanatili ng kalayaan ng ating bansa. Sa pagharap ng ating mga ninuno sa mga mananakop na Kastila, naging napakalaking balakid sa pagkakaisa at pagkakabuklod ng mamamayan ang pagkakaiba ng mga wika sa bawat rehiyon. Kani-kaniya ang ginawang pagtatanggol ng ating mga ninuno sa mga teritoryong kanilang saklaw. Marahil, kung noon pa sanay mayroon nang iisang wikang ginagamit at nauunawaan ang nakakaraming Pilipino, malaki ang posibilidad na magkaisa ang ating mga ninuno at madali lamang tayong makababalikwas mula sa kuko ng Espanya.

17

Hindi ninais ng mga Kastila na ituro sa atin ang kanilang wika at bigyan tayo ng edukasyon sa takot na magamit natin ito upang kwestyunin at hamunin ang patuloy nilang paghahari sa ating bansa. Ipinakikita lamang nito na noon pa man, batid na ng mga mananakop ang likas na kapangyarihang taglay ng isang wika sa pagpapalaya ng kaisipan ng taumbayan.

Sa pagsisikap ng ating mga ninuno sa rebolusyong binigyang inspirasyon rin ng mga panulat ni Rizal, nagtagumpay tayo na gapiin ang mananakop na Kastila, subalit agad namang inagaw ng Amerika ang dapat sanay kalayaang bunga ng pag-aalay ng buhay ng ating mga bayani.

Sa halip na mananakop, itinanghal ng mga Amerikano ang kanilang mga sarili bilang ating mga tagapagligtas. Niyakap ng marami sa atin ang ibinigay na kalayaan ni Uncle Sam at kasabay nito ay kusang-loob nating inasimila ang kulturang kanluranin mula sa pananamit hanggang sa wikang kanilang ginagamit. Nagkaroon tayo ng mababang pagtingin sa ating mga sarili kung kaya naman bukas-palad nating tinanggap ang modang civilization hype ng Amerika na nagtuturo sa atin na ang pagiging sibilisado ay ang pagkopya sa imahe, kultura, wika, gawi at gayundin ang pagkonsumo ng mga produktong kanilang ginagamit.

Ayon sa The Miseducation of the Filipino ni Renato Constantino, The first and perhaps the master stroke in the plan to use education as an instrument of colonial policy was the decision to use English as the medium of instruction. English became the

18

wedge that separated the Filipinos from their past and later to separate educated Filipinos from the masses of their countrymen. English introduced the Filipinos to a strange, new world. With American textbooks, Filipinos started learning not only a new language but also a new way of life, alien to their traditions and yet a caricature of their model. This was the beginning of their education. At the same time, it was the beginning of their miseducation, for they learned no longer as Filipinos but as colonials.

Inilalahad sa pahayag na ito ni Constantino na batid ng mga Amerikano ang kapangyarihan ng wika at ginamit nila ito para ihiwalay ang mga edukadong Pilipino sa kalakhan ng sambayanan. Ginamit nila ang wika upang ipakilala sa atin ang mundo sa labas ng bansa isang animoy malaparaisong lugar na pinangarap ng karamihan sa atin na maabot. The American Dream, ang pantasyang makarating sa lupang balot ng kayamanan at habang niyayakap natin ang wika ng dayuhan at pinipilit maging little brown Americans, ikinakahiya na rin natin at pilit iniiwan ang mga sarili nating tradisyon. Isang lansakang misedukasyon ang naganap sa bansa na naghubog sa atin hindi bilang mga Pilipino, kundi mga alipin at dayuhan sa sarili nating bayan.

Sa kabila ng kapuri-puring pagkiling sa Filipino ni Pangulong Benigno Simeon Noynoy Aquino III na ipinakita niya sa pagpapahayag ng kanyang talumpating panginagurasyon at State of the Nation Address (SONA) sa wikang pambansa, nananatiling Ingles ang pangunahing wika sa Senado, sa Kongreso, sa mga korte at sa iba pang ahensya ng gobyerno. Mabibilang sa daliri ang mga panukalang-batas na nakasulat sa Filipino at halos wala pa nga yatang desisyon ang alinmang korte na orihinal na isinulat

19

sa Filipino. Hindi pa tumatalab sa pamahalaan at mga paaralan ang magandang panimulang pabor sa Filipinisasyon ng bagong pangulo.

Maraming mga unibersidad sa Pilipinas ang gumagamit pa rin ng Ingles sa pagtuturo ng mga asignaturang dapat ay itinuturo sa wikang pambansa alinsunod sa itinatakda ng batas. Kakatwang ang Kasaysayan ng Pilipinas, na inaasahang bubuhay sa diwa ng nasyonalismo, ay karaniwang itinuturo sa Ingles sa mga malalaking unibersidad. Nananatili ang nakababagabag na trahedya, aminin man o hindi ng mga akademista, na ang Ingles ay nananatiling nangingibabaw na wika sa akademya kaya hindi rin makalahok sa mga akademikong diskurso ang mga simpleng mamamayan. Walang nagaganap na paglaganap ng kaalaman dahil Ingles ang nangingibabaw na wika sa akademya. Dahil sa prestihiyo na kakabit ng wikang banyaga, nagiging sukatan na rin ng talino ang kakayahang makapagsalita sa wikang Ingles.

Ang Pilipinas Isat Kalahating Siglo Mula Ng Ipanganak Si Rizal

"Ayaw ba nila kayong ituring bilang mga mamamayang Espanyol? Mas mainam! Ihiwalay ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paglalantad ng inyong tunay na katauhan, subukin ninyong buuin ang pundasyon ng bansang Pilipinas! Pinagkakaitan ba nila kayo ng pag-asa? Mainam! Huwag kayong umasa sa kanila, umasa kayo sa inyong mga sarili at magtrabaho! Simoun, Kabanata 7 ng El Filibusterismo

20

Tumatagos hanggang sa patakarang ekonomiko ang kolonyal na kaisipang dala ng misedukasyon ng mga Pilipino. Sa ilalim ng Philippine Development Program (PDP) ni Pangulong Aquino, nakasentro ang tinatawag nilang kaunlaran at pagpapalago ng ekonomya sa lalong pagbubukas ng ating bansa sa mga dayuhang mamumuhunan. Magtatayo ng support structures katulad ng kalsada, linya ng tren, istrukturang pangkomunikasyon, paliparan, daungan at maging ang pagkukunan ng tubig at kuryente upang mapatakbo ang mga negosyong itatayo ng mga dayuhan. Maging ang sinasabing pagpapaunlad sa agrikultura ay nakabatay sa paglikha ng mga hilaw na materyales na kinakailangan ng ibang bansa. Pinalalala ng programang ito ang exportoriented, import-dependent na oryentasyon ng ating ekonomya, na siya mismong dahilan kung bakit hindi umuunlad ang ating bansa. Bunsod ng ganitong kalakaran, ang mga dayuhan ang nakikinabang sa ating mga likas na yaman sa halip na malinang natin ang mga ito para sa pangangailangan ng ating mga mamamayan. Sa kasamaangpalad, hinahangad pa ng ilang personaheng kaalyado ng administrasyong Aquino na ratsadahin ang rebisyon ng Konstitusyon upang alisin ang mga makabayang restriksyon sa labis-labis na pangingibabaw ng mga dayuhan sa ating ekonomya, gaya ng pagbabawal sa 100% pagmamay-ari ng mga dayuhan sa lupain at mga negosyo.

Ang programang pang-ekonomyang ito ay pagpapatuloy lamang ng patakaran ng mga nakaraang administrasyon na napatunayan nang hindi tunay na nagdadala ng kaunlaran sa bansa. Sa halip na makamit ng mamamayan ang kaunlarang pinangako sa pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng Super Regions ng dating rehimeng Arroyo, tila hinambalos ng magkasamang lakas ng bagyong Ondoy at Pepeng ang mga

21

maliliit nating kababayan. Marami ang naging biktima ng demolisyon upang magbigaydaan sa mga proyektong pang-imprastraktura at dinala sa mga relokasyon kung saan walang hanapbuhay at kulang kundi man walang serbisyong panlipunan katulad ng paaralan at pagamutan. Marami ring nawalan ng hanapbuhay noong nagkaroon ng krisis pang-ekonomya ang Amerika at nagsara ang ibat ibang multinasyunal at transnasyunal na kumpanya. Ipinakikita lamang nito na hindi natin dapat iniaasa sa dayuhang pamumuhunan ang paglikha ng trabaho, dahil ginagawa lamang nitong bulnerable ang ating bansa sa anumang masamang epekto na maaaring idulot ng pagbagsak ng pandaigdigang pamilihan.

Malinaw sa kanyang isinulat na may pamagat na Ang Pilipinas Isang Siglo Mula Ngayon na hangad ni Rizal ang kaunlaran ng ating bansa sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon at pagpapalago ng agrikultura. Ayon kay Rizal, ang pagsandig sa sarili tungo sa kaunlaran sa pamamagitan ng mga industriyang gumagamit sa mga likas na yaman ng bansa ang makapag-aahon sa atin mula sa kahirapan. Isang malaking kabastusan sa alaala niya na sa halip na makamit natin ang isang nagsasariling bansa at iahon sa kahirapan ang ating mga kababayan ay patuloy na nakasandig ang ating ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan kung saan ang mga dayuhan lamang at mga lokal na kasosyo nila ang nakikinabang. Sa ganitong kalagayan ng bansa, may pag-asa pa ba ang Pilipinas na makaalpas sa kadiliman?

22

Pagpulot Sa Mga Piraso ng Nabuwag na Haligi ng Bayan: Aral Ni Rizal Bilang Sulong Tanglaw sa Matuwid na Landas

Mamamatay akong hindi nasisilayan ang bukang-liwayway sa aking bayan. Kayong mga makakikita niyon, batiin ninyo... huwag ninyong limutin ang mga nabuwal sa karimlan. Elias sa Kabanata 58 ng Noli Me Tangere

Nagpapaikut-ikot sa paligid ng lampara ang batang gamu-gamong sabik sa liwanag, hindi alintana ang panganib na nakaabang bunga ng kanyang kapusukan. Maya-maya pay nadarang sa apoy ang manipis na pakpak, naupos ang buhay kapalit ng ilaw na hinahangad.

Sa kabila nito, nakangiti ang batang gamu-gamo sa harap ng kamatayan. Alam niyang maaari pa siyang mabuhay nang mas matagal kung pinili na lamang niyang manatili sa kadiliman, ngunit nangahas pa rin siyang sagupain ito at maglakbay tungo sa kaliwanagan. Sapat na para sa kanya ang mamatay matapos makita ang liwanag. Kung tutuusin, mas mapalad pa ang batang gamu-gamo kung ikukumpara sa batang si Pepe.

Si Jose Rizal ay nabuwal nang hindi man lamang nasisilayan ang pagbubukangliwayway sa kalayaan ng kanyang bayan. Subalit anong tamis ng kanyang kamatayan, ng pagbubuwis ng buhay para sa bansa, isang kamatayang nagsilbing ningas upang

23

ang mga Pilipinoy lumaban at mangahas na habulin ang liwanag, kahit pa ang maging kapalit nitoy kanilang buhay. Huwag nating hayaang mauwi sa wala ang kanilang mga pagsasakripisyo, sundan natin ang kanilang mga yapak at isabuhay ang mga aral ng kanilang buhay at kamatayan. Tigilan na natin ang sanlaksang kabastusang ginagawa natin sa iniwang mga aral ng ating pambansang bayani.

Tayo ang liwanag, ang init, ang apoy na kakalat at hihipo sa puso ng bawat isa upang kumilos para sa pagbabago. Tayo ang init na nagmumula sa aspaltong magtutuwid sa baku-bakong daang nagsisilbing balakid sa ating mga nais maglakbay patungo sa kaunlaran. Huwag nating katakutan ang liwanag, tayong mga matagal ng nabubuhay sa kadiliman. Sama-sama nating pulutin ang piraso ng nabuwag na Haligi ng Bayan, gamitin ang wikang pambansa sa pagpapalaganap ng kanyang makabayang kaisipan, pagkunan natin ng lakas ang kanyang halimbawa upang ituwid ang bakubakong daan at magsilbing ilaw na gagabay sa atin patungo sa ninanais nating matuwid na landas.

Today, we need heroes who can help us solve our pressing problems. We cannot rely on Rizal alone. We must discard the belief that we are incapable of producing the heroes of our epoch, that heroes are exceptional beings, accidents of history who stand above the masses and apart from them. The true hero is one with the masses: he does not exist above them. In fact, a whole people can be heroes given the proper motivation and articulation of their dreams. Renato Constantino sa akdang Veneration Without Understanding

24

You might also like