Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Ang Pagbabago sa Pulitika ng Island City May pagbabagong nagaganap sa Singapore na napatunayan sa nakaraang halalan na ginanap noong May

7. Sa unang pagkakataon, nagkaisa ang dating mahina at watak-watak na oposisyon na labanan sa eleksyon ang People's Action Party, ang partidong namuno sa bansa simula ng lumaya ito. Para bang biglang natanggalan ng busal sa bibig ang mga Singaporeans; di na sila natatakot na magkumento at magreklamo laban sa pamahalaan. Biglang lumakas ang interes sa mga kandidato ng mga oposisyon; patunay ang mga pagtitipong umabot pa sa 50,000 ang dumalo. Sa araw ng halalan, lumagpak sa 60% ang porsyento ng boto para sa PAP at nakakuha ang oposisyon ng 6 sa 87 na pwesto sa parlyamento, 5 galing sa isang Group Representation Constituency (GRC)* na sinasabing imposible para sa oposisyon na makuha. Ang 6 na upuan para sa oposisyon ay parang kababawan para sa ibang mga demokratikong bansa upang ipagdiwang, ngunit para sa mga Singaporeans dahilan ito upang magdiwang. Simula noong lumaya ang Singapore, halos walang nakakagawang kalabanin ang PAP, ang partidong tinatag ni Lee Kwan Yew kaya madali para sa kanilang hawakan ang kapangyarihan. Noong 1981 lamang nagkaroon ng unang oposisyon sa parlyamento sa tauhan ni J.B. Jeretanyam, ang tinuturing na ama ng oposisyon ng Singapore. Mula noon paisa-isa, ang pinaka-mataas ay apat ang miyembro ng oposisyon sa parlyamento kaya malaya ang PAP na magpasa ng batas o pagbabago sa konstitusyon, mabuti man o masama para sa mga Singaporeans. Ngunit ngayong 2011, di maitatangging nabago na ang kapalaran at malakas na ang laban sa pamumuno ng PAP. Laganap ang pagrereklamo ng mga tao sa mataas na presyo ng bilihin, ang problema sa pabahay at transportasyon at ang patuloy na pagdami ng mga dayuhang naninirahang sa bansa. Ang huling dahilan ang pinaka-mainit na isyu sa halalan dahil pakiramdam ng mga Singaporeans ay inaagawan sila ng mga dayuhan ng oportunidad sa trabaho at pamumuhay. Dumagdag pang mga isyu ang mataas na sweldo ng mga miyembro ng parlyamento habang dumarami ang naghihirap at kahit ang arogansya ng mga bagong

kandidato ng PAP gaya ni Tin Pei Ling, isang 27 taong gulang na sinasabing di karapat-dapat sa parlyamento dahil sa mala-batang kilos nito. Matalino at madiskarte ang oposisyon upang harapin ang mga reklamo ng mamamayan. Dumami ang mga kandidato ng oposisyon na edukado at may impluwensya sa lipunan-mga abugado, guro,artista, doktor at kahit mga maybahay. Ang mga bagong mukha ng oposisyon tulad ni Low Thia Kiang, Chen Show Mao, Nicole Seah, Sylvia Lim at iba pa ang naging boses ng oposisyon upang iparating ang kanilang mensahe-na nakahanda silang ipagtanggol ang interes ng mga mamamayan sa parlyamento. Sa unang pagkakataon, masasabing nagkaroon ng laman ang kilusang oposisyon-isang grupong edukado at mulat sa mga problema ng bansa. Dahil kontrolado ng pamahalaan at ng PAP ang media sa Singapore, ginamit ng oposisyon ang internet upang iparating ang kanilang mga mensahe. Ang mga Facebook fan pages, websites at Twitter accounts ay naging daan upang ihayag ang aktibidad ng mga partido at ang kanilang mga plano para sa mga bansa. Dinagsa ang mga blogs ng mga kritiko na nagsilbing dibersyon sa kiling na pamamahayag ng media. Gaya sa ibang mga bansa, naging makapangyarihan ang internet na ilantad ang mga isyu, ipahayag ang mga kritisismo laban sa pamahalaan at pakilusin ang mga tao na kumilos at makialam sa mga problema ng bansa. Sa bandang huli, nakamit ng oposisyon ang pinakamaganda nitong resulta ng boto at nakakuha ng 6 na pwesto sa parlyamento. Napatunayan lamang ng halalan sa Singapore na kahit saang bansa, maunlad man o hindi ay di maiiwasan ang mga problemang pulitikal. Kung sa ibang bansa man gaya sa Middle East ay napili ng kanilang mga mamamayan na mag-aklas at gumamit ng armas, tinahak naman ng mga Singaporeans ang alternatibong daan gamit ang boto at mga Facebook accounts. Mukhang sa mga kaganapan ay natauhan ang PAP dahil sa napabalitang bumitiw sa gabinete si Lee Kwan Yew. Pagiisipan rin diumano ng pamahalaan kung paano masosolusyunan ang reklamo ng mga mamamayan.

Magagawa kaya ng oposisyon na agawin ang kapangyarihan mula sa PAP 4 o 5 taon pagkatapos ng halalan? Hindi natin masasabi. Ngunit kung sa bagay, kahit sinumang nakaupo sa gobyerno, basta matino ang pamumuno ay tuloy-tuloy pa rin ang buhay para sa mga Singaporeans. Ang sigurado lamang, nabigyan ng bagong boses ang mga tao na mas makialam sa mga isyung politikal ng kanilang bansa.

*Sa isang GRC, isang grupo ng kandidato mula sa isang partido (mula 4-6 na kandidato) ay tumatakbo sa isang malaking distrito. Sa halalan, kung sino ang manalong partido sa distrito ang siyang makakauha ng lahat ng pwesto para sa distrito.

Mga Sanggunian "BBC News - Singapore Opposition Make 'landmark' Election Gains." BBC - Homepage. 10 May 2011. Web. 15 May 2011. Kennedy, Alex. "Singapore Mulls Changes after Opposition Gains." SFGate. San Francisco Chronicle, 09 May 2011. Web. 15 May 2011. "Review & Outlook: Victory in Singapore - WSJ.com." Wsj.com. The Wall Street Journal, 10 May 2011. Web. 15 May 2011. "Singapore Election Watershed May Ease PAP's Political Hold." SFGate. San Francisco Chronicle, 08 May 2011. Web. 15 May 2011. "Singapore Elections Marked by Online Buzz of Discontent | World News | The Guardian." Latest News, Comment and Reviews from the Guardian | Guardian.co.uk. "Social Media Shake up Singapore Political Terrain - Interaksyon.com." Interaksyon.com. TV5, 11 May 2011. Web. 15 May 2011.

You might also like