Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 11

Hamon at Estratehiya sa Pagtuturo ng/sa Wikang Filipino Sa Open and Distance Learning (ODL): Kaso ng UP Open University Petras,

Jayson D. Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas Katuwang na Propesor Unibersidad ng Pilipinas Diliman Faculty of Education Affiliate Faculty University of the Philippines-Open University 3rd International Conference on Filipino as a Global Language CSB International Conference Center De La Salle College of Saint Benilde 3 August 2012 Nahaharap tayo sa mabilis na pagbabago ng mundo. Dulot ng napakatuling takbo ng panahon ng Information at Communication Technologies (ICT), kakabit nito ang tila pagbomba sa ating kamalayan at lipunan ng mga terminong gaya ng e-Learning, e-Commerce, e-Government, knowledge-based society, knowledge-based economy, information society, paperless society, information economy, attention economy at iba pang techno-terms (Librero, 2008). Ang nasabing panahon ng ICT ay nagresulta ng pagbabago maging sa sistema ng pagtuturo at pagkatuto ng/sa wikang Filipino. Nakita ang gamit ng Internet bilang midyum sa pagdidisenyo ng at pagtatalakay sa klase. Isa sa mga kongkretong patunay nito ay ang pagkakaroon ng asignatura sa wika at kasanayan sa komunikasyon sa wikang Filipino bilang bahagi ng mga kursong Associate in Arts, Bachelor of Arts in Multimedia Studies at Bachelor of Education Studies sa University of the Philippines-Open University (UPOU). Mula sa personal na danas ng pagtuturo ng Komunikasyon 1 (Kasanayan sa Komunikasyon 1) at Komunikasyon 2 (Kasanayan sa Komunikasyon 2) sa UPOU sa loob ng apat na taon, nais kong pagtuunan ng pansin sa papel na ito ang sumusunod: 1. Ano ang kalikasan ng UPOU at ng sistema ng pagtuturo sa nasabing unibersidad? 2. Sino-sino ang mga mag-aaral sa UPOU at ano-ano ang mga isyung pangwika na kanilang kinahaharap? 3. Ano-ano ang mga katangiang nararapat taglayin ng isang guro sa wika sa Open and Distance Learning? 4. Paano naipadadaloy ang pagtuturo at pagkatuto ng/sa wikang Filipino sa Open and Distance Learning?

Sa pagsagot ng mga nasabing katanungan, mahalagang gabay ang ugnayang akademiko sa distance education na tinalakay ni Moore (1989). Gayundin, makatutulong ang mga pananaliksik sa lokal na konteksto sa mga pananaliksik nina Librero at Arinto. Mabisa rin ang sarbey sa mga mag-aaral ng programang Associate in Arts ng UPOU na isinagawa ni Villanueva upang maging kongkreto ang mga paliwanag sa loob ng pananaliksik na ito. Ang Simulain ng UPOU Itinakda ng resolusyon ng Lupon ng mga Rehente ang pagtatatag UP Open University, bilang ikalimang nagsasariling yunit sa ilalim ng Sistemang Unibersidad ng Pilipinas, noong ika23 ng Pebrero 1995. Ayon sa nasabing resolusyon: Sa patuloy na hamon ng pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa lumalaking populasyon sa mahigit na 7,000 pulo, ang UP, sa pamamagitan ng UPOU open at distance learning, ay magbibigaydaan sa malawakang akses sa mataas na uri ng tersiyaryong edukasyon. Bilang institusyong may pinakamalaking bilang ng kaguruan, na may pinakamatataas na bilang ng mga natamong digri at may pinakamalalawak na larang ng pag-aaral sa mga institusyon ng mataas na edukasyon sa bansa, nasa pinakamahusay na posisyon ang UP sa pagbibigay ng dekalidad na programang distance education. (akin ang salin) Mula sa nabanggit, pumupundasyon ang UPOU sa diwa ng demokratisasyon ng edukasyon at modernisasyon sa sistemang pagtuturo dulot ng mabilis na pag-unlad ng ICT. May bisyon itong maging tagapangunang institusyong Open and Distance Learning (ODL). Nangangahulugan ito, bilang open learning, ng pagiging bukas sa pagtanggap ng mga mag-aaral anuman ang kanilang edad, estado ng pamumuhay, saanman sila naroroon at iba pang aspektong nakaaapekto sa pagpapatuloy sa pag-aaral. Tumatahak din ang sistemang open learning sa pag-aaral na nakasentro sa mag-aaral (learner-centered) at nagbibigay ng oportunidad sa mga ito na matuto sa anumang oras at lugar, sa kaniyang sariling kaparaanan. Umuugnay naman ang nabanggit sa ideya ng distance learning kung saan may pagkilala sa pagkakahiwalay ng mag-aaral at guro sa espasyo at panahon at ang pagtuturo at pagkatuto ay naisasagawa sa pamamagitan ng paggamit ng teknikal na midya. Mahalaga sa puntong ito na linawin na ang dalawang konseptong ito ay magkahiwalay at magkaiba. Ang open learning ay isang pilosopiya kaugnay ng akses sa pagkakatuto samantalang ang distance education ay isang paraan ng pagbibigay ng serbisyong edukasyonal. Gayunman, kapwa pinaninindigan ng UPOU ang diwa ng dalawang nabanggit na konsepto (Librero, 2008). Sa kasalukuyan, mayroong tatlong tuon-sa-disiplinang fakultdad ang UPOU Faculty of Education (FEd), Faculty of Information and Communication Studies (FICS), at Faculty of Management and Development Studies (FMDS) - na nagkakaloob ng 29 na programang akademiko: tatlong di-gradwadong programa, isang post-baccalaureate Graduate certificate, sampung post-baccalaureate Diploma program, labintatlong programang Masteral, at dalawang programang Doktorado. Gayundin, nagbubukas ang UPOU ng mga di-pormal na kurso at programa para sa mga partikular na pangangailangan. Ang mga ito ay ang sumusunod:

Faculty of Education Di-Gradwado: Associate in Arts Bachelor of Education Studies (sisimulan sa AT 2012-2013)

Gradwado: Graduate Certificate in Distance Education Diploma in Science Teaching Diploma in Mathematics Teaching Diploma in Language and Literacy Education Diploma in Social Studies Education Master of Distance Education Master of Arts in Education (Language and Literacy Education) Master of Arts in Education (Social Studies) Doctor of Philosophy in Education (Biology Education, Chemistry Education, Physics Education, Mathematics Education) Faculty of Information and Communication Studies Di-Gradwado: Bachelor of Arts in Multimedia Studies Gradwado: Diploma in Computer Science Master of Development Communication Master of Information Systems Doctor of Communication Faculty of Management and Development Studies Gradwado: Diploma in International Health (sisimulan sa AT 2012-2013) Diploma in Land Valuation and Management (sisimulan sa ikalawang semestre, AT 2011-2012) Diploma in Social Work Diploma in Research and Development Management Diploma in Environment and Natural Resources Management Master of International Health (sisimulan sa AT 2012-2013) Master of Land Valuation and Management (sisimulan sa ikalawang semestre, AT 2011-2012)

Master of Social Work Master of Public Health Master of Hospital Administration Master of Arts in Nursing Master of Public Management Master of Environment and Natural Resources Management Non-Formal Courses and Certificate Programs

Management

Continuing Professional Education Program on Land Valuation and Community Mental Health Online Teaching and Learning Caring for Children with Special Needs Caring for the Older Person New Enterprise Planning Personal Entrepreneurial Development Professional Teaching Certification Program

Mula rito, gaya ng nabanggit ng mananaliksik sa simula at batay na rin sa kahingian ng kumperensiya, bibigyang-tuon sa talakay ang mga kurso sa wika at komunikasyon Komunikasyon 1 at 2. Ang mga ito ay pumapaloob sa programang di-gradwado ng UPOU Associate in Arts, at Bachelor of Education Studies ng Faculty of Education at Bachelor of Arts in Multimedia Studies ng Faculty of Information and Communication Studies - bilang katugunan sa pangangailangan sa kursong General Education (GE). Gayunman, dulot ng ipinatutupad na Revitalized General Education Program ng Sistemang UP, kung saan malayang nakapamimili ang mga mag-aaral ng 45 yunit ng kursong GE 15 yunit sa Arts and Humanities domain, 15 yunit sa Social Sciences and Philosophy Domain, at 15 yunit sa Mathematics, Science and Technology domain naipapaloob lamang ang mga kursong KOM 1 at KOM 2 sa mga pagpipiliang asignatura sa ilalim ng Arts and Humanities Domain. Sadyang mangangailangan ng ibang talakayan kaugnay ng isyung ito. Para sa kumperensiyang ito, sapat nang maipabatid ang kaligirang administratibo sa pagbubukas ng mga kurso sa komunikasyon sa wikang Filipino. Sa kabila ng ganitong sistema, hindi lamang ng UPOU kundi ng buong sistemang UP, marami pa rin ang kumukuha ng mga asignatura sa wikang Filipino. Gayunman, kaiba sa ibang yunit na dumadaloy sa kumbensiyonal na pamamaraan sa edukasyon, hamon sa UPOU ang pagtuturo at pagkatuto sa pamamaraang online bilang kabahagi ng diwa ng open at distance learning.

Ang Ugnayang Akademiko sa Distance Education

Bago ganap na pumalaot sa diskusyon hinggil sa pagtuturo ng KOM 1 at KOM 2 sa UPOU, nararapat na mailatag ang dalumat ng pagtalakay upang mabigyang-linaw ang aspektong nakaaapekto sa mahusay na pagpapadaloy ng kurso sa ODL. Kaugnay nito, binigyang-pansin ni Moore (1989) ang tatlong uri ng ugnayang nagaganap sa distance education: (1) ugnayang magaaral-nilalaman; (2) ugnayang mag-aaral-guro; at, (3) ugnayang mag-aaral-mag-aaral. Ang ugnayang mag-aaral-nilalaman ang pangunahing diwa ng edukasyon. Sa pamamagitan nito, napalalawak ng mag-aaral ang kaniyang pag-unawa at pananaw sa paksang tinatalakay ng nilalalaman. Sa sistemang ODL, malinaw na ang malaking bulto ng pagkatuto ay nakasalalay sa mismong mag-aaral at sa kaniyang motibasyon at sigasig na matuto. Sa ganito, kinakailangan ng matinding disiplina sa sarili tungo sa pagkatuto ng nilalaman ng kurso. Higit na mapalalawak ang pagkatuto ng mag-aaral sa nilalaman ng kurso sa pamamagitan ng ugnayang mag-aaral-guro. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng guro sa aplikasyon ng bagong mga natututuhang aralin. Ayon kay Moore (1989), bagamat may kusang pagbatid ang mga mga-aaral sa distance ducation, may kakulangan pa rin sa kung paanong ang kanilang nalalaman ay nagagamit nang wasto, nakokontrol kung kinakailangan, at napalalawak pa ang aplikasyon sa ibat ibang posibleng larangan. Gayundin, dahil esensiyal ang sariling motibasyon at disiplina sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa distance education, malaki ang papel na ginagampanan ng guro upang mapanatili ang interes ng mga ito. Kung gayon, kinakailangan ang malinaw na pagpaplano ng kurso na gagawin ng guro. Ang sama-samang pagkatuto ay isang mahalagang dimensiyon sa distance education kaya naman, mahalagang aspekto nito ang ugnayang mag-aaral-mag-aaral. Higit na napatitingkad ang motibasyon ng bawat isa kung nakikita ng mag-aaral ang kaniyang kaugnayan sa iba pa. Gayundin, napalalawak ang mga talakayan dulot na ibat ibang perspektibang pinagmumulan ng mga mag-aaral dahil sa impluwensiya ng panahon, lugar, edad, kasarian, estado sa buhay at iba pa na pawang lantad na katangian ng mga kliyente ng distance education. Sa tatlong uri ng akademikong ugnayang nabanggit, lumilitaw ang napakahalagang katangiang taglay ng distance education ang kamalayan na ang bawat isang sangkot ay may mahalagang gampanin sa edukasyon. Dahil sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya, lalo pang nagiging mabilis ang komunikasyon at dumadami ang ibat ibang kaparaanang pang-edukasyon na naipagkakaloob ng Internet. Gayunman, bilang hamon, mahalaga ang papel ng mga guro hindi bilang bukal ng impormasyon kundi bilang tagaplano/tagadisenyo ng kurso at tagapagpadaloy ng mga ugnayang ito. Ang mga Mag-aaral sa Wikang Filipino sa UPOU Bilang pangunahing sangkot sa pag-aaral, nararapat na kilalanin kung sino-sino ang mga mag-aaral sa UPOU. Mula sa pangangalap ng mga datos sa mga naunang litearatura at sa mismong pagsiyasat sa mga mag-aaral ng UPOU batay sa sarbey na isinagawa sa programang Associate in Arts, mabibigyang-linaw ang pangkabuuang katangian ng mga ito na magagamit naman sa pagpaplano ng kurso.

Sa pagtalakay ni Arinto (2010), lumalabas ang mga sumusunod na katangian ng mga magaaral sa distance education: 1. 2. 3. 4.
5.

6. 7. 8. 9.

magkakahiwalay ng lugar at maaari, ng panahon part-time na mag-aaral karamihan ay may edad na kadalasang may trabaho at ang ilan ay may mataas na posisyon o kilala na sa kanilang larangan mayroong praktikal na kaalaman may responsibilidad sa pamilya marami ay nagbabalik mula sa matagal na pagkakatigil sa pag-aaral hindi lahat ay may akses sa teknolohiya hindi lahat ay may kaalaman sa teknolohiya

Umuugnay ang nabanggit sa sarbey na naisagawa para sa mga mag-aaral ng Associate in Arts (AA). Kaugnay ng edad, para sa mga mag-aaral sa mga taong 2007-2009, lumalabas na 20 mula sa 48 tumugon ay nabibilang sa edad na 21-25 taon na susundan naman ng 26-35 taong gulang, na may 12 mula sa 48 na tumugon. Lumalabas din, para naman sa mga mag-aaral sa mga taong 2003-2006, na karamihan sa trabahong kinapapalooban ng mga nasa programang AA ay online tutors/teachers, call center agents, free lance writers, IT coordinators/consultants, make up artist, corporates sales agent at HRD/admin work. Sa personal na karanasan, ilan pa sa mga mag-aaral ay nagtatrabaho o naninirahan sa ibang bansa. Kung gayon, ano ang implikasyon nito sa pagtuturo ng komunikasyon sa wikang Filipino? Narito ang ilan sa mga hamong kinahaharap ng gurong gaya ko: 1. Dulot ng hanapbuhay, kadalasang ang pagsasanay sa wika ay nagaganap sa wikang Ingles. Bagamat Pilipino ang karamihan sa mga mag-aaral, lumalabas pa rin sa mga talakayan sa online forum na nahihirapan sila sa pagsusulat at pagsasalita sa wikang Filipino. Gayundin, hindi gaanong matingkad sa kanila ang instrumental/fungksiyonal na gamit nito. 2. Dulot ng matagal na pagkakatigil sa pag-aaral, nakalimutan na ng ilang mag-aaral ang mga batayang kaalaman sa wika at hindi na rin gaanong mataas ang kasanayan sa pagsusulat (nahahaluan ng text spelling) at pagsasalita (o kung minsan ay ayaw magpahayag o magtanong). 3. Dulot ng paninirahan sa ibang bansa, nagiging suliranin ang akses sa mga librong nasusulat sa wikang Filipino. Ang ilan naman sa mga makukuha sa Internet ay galing sa kadudadudang sanggunian. Gayunman, para sa mga mag-aaral na ito,matingkad ang pagnanais na mag-aral ng wikang Filipino upang mapanghawakan ang sariling identidad sa kabila ng pagkakawalay sa Pilipinas. 4. Dulot ng praktikal na kaalaman na nakukuha sa Internet at midya, hindi maiiwasan ang mga maling pananaw sa wikang Filipino. Partikular sa mga ito ang pagtingin na ang Filipino ay katumbas lamang ng Tagalog at ang komunikasyon ay nararapat na isagawa sa malalalim na salita.

5. Dulot ng paninirahan sa ibat ibang lugar, hindi lahat ay nakadadalo sa mga harapang pagkikita na isinasagawa minsan sa isang buwan. 6. Dulot ng kakulangan sa kasanayan sa teknolohiya, ang ilan ay hindi makatugon sa mga kahingian (hal. hindi makalahok sa chat session dahil hindi batid ang paggamit sa Yahoo! Chat o Skype). 7. Dulot ng ibat ibang responsibilidad at suliranin, humigit-kumulang kalahati sa populasyon ng mga mag-aaral ay hindi nakatutugon sa mga kahingian sa kurso na nagdudulot ng kanilang pagkaantala o hindi pagtatapos sa kanilang programa. Bagamat ang ilan sa mga nabanggit ay partikular na sakop ng kurso sa komunikasyon, isang malaking hamon pa rin ang nakaatang sa balikat ng mga guro upang masigurong lahat ng paraan ay naisasagawa para sa ibat ibang sitwasyon ng mga mag-aaral. Ang Katungkulan ng mga Guro sa Wikang Filipino sa UPOU Dahil sa naiibang sistema ng pag-aaral sa distance education kumpara sa kumbensiyonal na kalakaran sa mga paaraan, ang isang guro sa wikang Filipino, bilang sangkot sa pagtuturo at pagkatuto, ay nararapat maging handa sa mga sumusunod na gampanin: 1. Tagadisenyo/Tagaplano ng Kurso Isa sa pinakamatingkad na papel ng guro sa sistemang distance education sa UPOU ang maging tagadisenyo o tagaplano ng kurso. Kaiba sa kumbensiyonal na pagtuturo, inihahanda na ng guro ang lahat ng mga materyales na gagamitin sa klase bago magsimula ang semestre. Ito ang tinatawag na course package na ipinadadala ng UPOU sa bawat isang mag-aaral ng kurso, saanman ito naroon. Kinapapalooban ito ng: Gabay sa Kurso/Course Guide Naglalaman ito ng pagbati at pagpapakilala ng guro, at ang kabuuang balangkas at kahingian ng kurso. Mapapansin na gumagamit ang guro ng kumbersasyonal na wikang Filipino sa kaniyang pagbati at pagpapakilala. Dagdag pa rito, tila nakikipag-usap din ito nang personal na estudyante dahil sa mga pantukoy na isahan gaya ng ikaw, iyo, o ka gaya ng sa simula na Isang mainit na pagbati sa iyo! Ngayon ay kabilang ka na sa klase ng Komunikasyon I, ang iyong unang kurso sa Filipino ngayong kolehiyo. Sa pamamagitan nito, naiiwasan sa simula pa lamang ang agam-agam ng mga mag-aaral na magiging mahirap o kabagot-bagot ang kurso. Gayundin, dahil sa tila personal na pakikipag-usap, naitutulay nang paunti-unti sa kaisipan ng bawat mag-aaral na mahalaga siya sa kurso at may gampanin sa klaseng kaniyang kinukuha. Sa bahagi naman ng kahingian at balangkas ng kurso, kaagad na nililinaw ang daloy ng klase at ang iskedyul ng lahat ng gawain sa buong semestre. Ginagawa ito upang mamonitor nang mabuti ng guro ang kaniyang mga mag-aaral habang nagagabayan naman ng mag-aaral ang sarili kaugnay ng mga gawain ng kurso. b. Modyul ng Kurso/Course Module Ito ay naglalaman ng lahat ng paksang tatalakayin sa klase sa buong semestre. Kadalasang nasa anyo itong libro at dinisenyo para sa mga mag-aaral sa distance education. Ang pagdidisenyo ng modyul ay hindi trabaho ng iisang tao o manunulat lamang kundi ng grupo ng mga ekspertong tinatawag na quality circle. Binubuo ito ng: (1) manunulat na siyang nagsusulat ng modyul; (2) tagabasa na
a.

nagrerebyu ng nilalaman ng modyul; (3) instructional designer na namamahala sa presentasyon ng nilalaman upang maipadaloy ang epektibong pagkatuto; (4) patnugot sa wika na namamahala sa gamit ng wika upang matiyak na madaling mauunawaan ng magaaral ang nilalama ng modyul; at, (5) media specialist na siya naming tumitiyak sa midyum o kombinasyon ng midya na angkop na magagamit sa pag-unawa sa nilalaman. (Librero, 2008) Bukod sa course package, dinidisenyo rin ng guro ang myportal account site ng kaniyang kurso. Ang site na ito ay nagiging possible dulot ng Moodle, isang open-source software package na ginagamit sa buong mundo para sa kursong nakabase sa Internet. Gayundin, sa maraming pagkakataon, makatutulong din para sa paghahasa sa kasanayang pangkomunikasyo ng mga magaaral, lalo na ang mga nasa malalayong lugar sa loob at labas ng bansa na hindi nakadadalo sa mga harapang pagkikita, ang kaalaman ng guro sa Skype o Yahoo! Chat upang mapadaloy ang singkronikong komunikasyon sa pamamagitan ng chat at sa E-mail para naman sa asingkronikong pakikipagtalastasan. Sa ganang ito, kahingian ang kaalamang teknohikal sa mga guro upang ganap na mapakinabangan ang lahat ng kayang ibigay ng Internet tungo sa motibasyon at pagkatuto ng mga mag-aaral. 2. Tagapagpadaloy ng Pagkatuto Ayon kay Sharma (1989, sipi kay Librero, 2008), nagkakaroon ng kalayaan ang mag-aaral sa distance education dahil hinihikayat nito ang mga guro na ang higit na mahalaga sa edukasyon ay hindi ang dogmatiko/linyadong pagtuturo kundi ang pagpapadaloy ng pagkatuto. Sa katunayan, madaling sabihin ngunit mapanghamon ang ganitong papel lalo na sa pagtuturo sa wikang Filipino. Gaya ng nabanggit, kinakailangan ang masusi at kung minsan ay pauli-ulit na pagwawasto sa maling pananaw kaugnay ng Filipino, sa kamaliang gramatikal, sa pabayang pagbaybay dulot ng impluwensiya ng text at midya. Bilang tagapagpadaloy, nararapat na magabayan din ang mga mag-aaral sa ibat ibang paksang maaaring talakayin tungo sa paghahasa ng kasanayan sa komunikasyon gamit ang wikang Filipino. Nakatutulong sa ganitong tunguhin ang paglikha ng ibat ibang forum post tungkol sa kaugnayan ng wika sa lipunan gaya ng ugnayan ng wika at kalikasan, wika at kultura, wika at midya, wika at pamahalaan, at iba pa. 3. Eksperto sa Larangan Sa kabila ng tuon-sa-mag-aaral na kaparaaanan sa distance education, hindi pa rin dapat ipagwalang-abahala ang papel ng guro sa pagbabahagi ng kaalaman sa kaniyang mag-aaral. Samakatuwid, esensiyal na katangian ng guro sa wikang Filipino ang pagiging eksperto sa kaniyang larangan na kaniyang natatamo sa pamamagitan ng patuloy na edukasyon, pananaliksik, at kooperasyon sa ibat ibang gawaing pangwika. Sa pamamagitan din ng malawak ng kaalaman ng guro, maaari niyang gawing kasiya-siya ang pagtuturo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga trivia kaugnay ng wika. Ang Pagtuturo ng/sa Wikang Filipino sa Sistemang Online Distance Learning Mula sa pagkilala sa mga mag-aaral hanggang sa pagtalakay sa gampanin ng guro ng/sa wikang Filipino sa UPOU, aking pagtutunan ng pansin sa puntong ito ang karanasan ng pagtuturo ng/sa wikang Filipino sa online distance learning. Kaugnay nito, makabubuting balikan ang

ugnayang akademiko sa distance education ni Moore (1989) ugnayang mag-aaral nilalaman, mag-aaral-guro at mag-aaral-mag-aaral sa paglilinya ng mga gawain sa pagkatuto. Ayon kay Beetham (2007), ang mga gawain sa pagkatuto ay tumutukoy sa interaksiyon ng mga mag-aaral sa loob ng kaligirang edukasyonal (kasangkapan at kaparaanan) tungo sa planadong kahihinatnan na sinusuportahan naman ng mga taong may ispesipikong papel gaya ng guro. Sa kaso ng pagtuturo ng/sa wikang Filipino, narito ang ibat ibang gawaing maaaring isagawa batay sa ugnayang akademiko (Arinto, 2010): Ugnayang Akademiko Mag-aaral-Nilalaman Mag-aaral-Mag-aaral Uri ng Gawain repleksiyon, online quiz, pagsasanay sa modyul, online choice talakayan, debate, Webinar, sama-samang pagsusulat/pananaliksik, pagbabagyong-isip, pag-aaral ng kaso Kasangkapan discussion forum, blog, online quiz tools

Mag-aaral-Guro

discussion forum, chat/ videoconference (hal. Skype, wizIQ), document sharing sites/ web-based file hosting service (hal. Google docs, Dropbox) eksamen, sanaysay (hal. Tutor online quiz tools, email, blog, Marked Assignment), portfolio social networking sites (hal. Facebook)

Malinaw na makikita mula rito ang bentahe ng teknolohiya sa pagpapasigla ng pagtuturo at pagkatuto sa wikang Filipino. Bagamat malakas na wika ang Ingles sa Internet, hindi pa rin ito hadlang upang magamit ang mga software o program sa talakayan sa ating wika. Gayundin, nararapat bigyang-diin na ang pagtuturo ng/sa wikang Filipino ay hindi lamang nakatuon sa antas disiplinal kundi lalot higit sa pagtatampok dito bilang isang paninindigan/adbokasiya. Ibig sabihin, ang tuon ng pagtalakay at pagpapadaloy ng mga aralin ay ganap na maipabatid ang sentimental at instrumental na halagahin ng wikang Filipino. Kahit kurso sa pakikipagtalastasan ang KOM 1 at KOM 2, hindi dapata malimitahan ang pagtalakay sa wikang Filipino bilang instrumento sa komunikasyon kundi umigpaw pa rito sa pamamagitan ng pagkilala sa ating wika bilang penomenong panlipunan at kung gayon ay mahalagang bahagi ng ibat ibang larangan ng pakikipag-ugnayang Pilipino. Epektibo itong maisasagawa sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga mag-aaral ng mga sitwasyon, makabuluhan tanong at karanasang panlipunan bilang tuntungan sa mga forum post o online discussion board. Konklusyon at Rekomendasyon Ayon kay Librero (2008), kakabit ng pag-unlad ng ICT ang mahahalagang isyu na nakaaapekto sa kung paanong nagtuturo ang guro, kung paanong natututo ang mag-aaral, kung paanong nakikipag-usap ang tao, at kung paanong ang kinakausap ay nagbibigay-pakahulugan at tumutugon sa mga mensahe. Samakatuwid, ang mga naibahagi sa papel na ito ay maaaring hindi lamang mga usapin sa online distance learning kundi nagsisimula na ring umiral maging sa

kumbensiyonal na sistema ng pag-aaral sa Pilipinas. At kaugnay nito, bilang panghuling bahagi ng talakay, aking susumahin ang mga isyung ito:
1. Bagong Paragdigma ng Pagtuturo/Pagkatuto Ayon kina Amy Garmer at Charles

Firestone ng Aspen Institute, dinadala ng ICT ang paraan ng pagtuturo at pagkatuto mula sa tradisyonal na paraan ng pagsasalin ng kaalaman ng guro sa mag-aaral tungo sa learnerbased paradigm. Ibig sabihin, nararapat na bigyang-pagkakataon ang mga mag-aaral na kontrolin ang kanilang pagkatuto at ang mga guro ay magsilbing tagapagpadaloy sa halip na awtoridad sa larangan. Bagamat nakakatakot, bilang mga guro, kailangang tumugon na tayo sa pagbabagong ito. Kaugnay ng paradigma, mabilis ang pagsakay ng mga kabataan sa makabagong teknolohiya ng kompiyuter. Mahalaga na mapakinabangan ng mga mag-aaral ang ganitong kasanayan sa kanilang pag-aaral sa tulong ng mga guro 2. Ang Pangangailangang Paunlarin ang Sarili Ang kahingian sa edukasyon ay nagbabago kasabay ng pagbabago ng lipunan. Sa panahong ito, kinakailangang maunawaan at matutuhan natin ang paggamit ng bagong teknolohiya upang ganap nating mapakinabangan ang inihahatid nito sa atin. 3. Interdisiplinaryo sa Paraang Multimidya Sa kasalukuyan, bentahe sa pagtuturo at pagkatuto ang pagkamulat sa ibat ibang disiplina. Hindi na lamang ang pinagkadalubhasaang propesyon ang nararapat pagtuunan ng pansin kundi maging ang paglilinang ng kaalaman sa iba pang kaugnay na pag-aaral. Ibig sabihin, ang nagtapos sa edukasyon ay maaaring paunlarin ang sarili sa larangan ng Information Technology, Development Studies at iba pa. Kakabit nito, malaki ang nagawa ng Internet sa pagsisimula ng mga disenyo at kaparaanan sa pagtuturong multimidya sa kasalukuyan. Di na mabilang ang mga kursong ipinagkakaloob sa paraang online at mga ito ay nakadisenyo sa isang paraang interaktibo. Panahon na upang subukan natin ito. 4. Ang Virtual na Reyalidad sa Pagtuturo Hindi na lamang harapang sesyon ng guro at magaaral ang maaaring magpadaloy ng pagtuturo/pagkatuto. Sa pamamagitan ng chat, naisasagawa ang singkronikong pakikipag-ugnayan. Gayundin, maging ang pakikipagusap sa mga eksperto sa ibat ibang disiplina ay maaaring maisagawa na sa pamamagitan ng e-mail, blog, at teleteaching/teleconferencing. Ang ilan pa nga sa mga mahahalagang pag-aaral ay makukuha ng libre sa pormang pdf o e-book. Hindi lamang Wikipedia ang sanggunian sa Internet. Napakarami pang mapakikinabangan dito nang hindi na kinakailangang umalis at gumastos nang malaki. Sa kabuuan, ang pagiging guro sa wikang Filipino ay hindi nangangahulugan ng pagiging huli sa larangan ng teknolohiya na sinasabing dinodomina ng wikang Ingles. Tayong mga guro at tagapagtaguyod ng wikang Filipino ay nararapat kumilos upang ganap na mapakinabangan ang teknolohiyang ito. Huwag tayong makulong lamang sa mga tradisyonal na kaparaanan. Sa halip na yeso at pisara, hawakan ang mouse at humarap sa monitor at patuloy pang palaganapin ang wikang Filipino labas sa apat na sulok ng silid-aralan. Sa ganitong paraan maibubunsod natin ang paggamit ng wikang Filipino sa mga diskusyong siyentipiko at teknolohikal.

10

SANGGUNIAN Arinto, P. (2010). Designing Effective Online Distance Learning. Paper presented at FEd Faculty Assembly. 3 May. Arinto, P. and Garcia, P. (2009). Online Teaching and Learning 2nd Edition. Quezon City: University of the Philippines Open University. Beetham, H. (2007). An Approach to Learning Activity Design. In Beetham, H. and Sharpe, R. (Eds.). Rethinking Pedagogy for a Digital Age. London and New York: Routledege. Librero, F. (2008). Distance Education in the Philippines: Issues and Concerns. Quezon City: Office of Academic Support and Instructional Services, UP Open University. Moore, M.G. (1989). Three Types of Interaction. The American Journal of Distance Education 3:2. Available at http://www.ajde.com/Contents/vol3_2.htm#editorial. Last accessed 14 August 2011. Univerity of the Philippines Open University. Available at http://www2.upou.edu.ph. Last accessed 14 August 2011. Villanueva, A. (2010). AA Matters: Sharing of AA Student Profile. Paper presented at AA Faculty Assembly. 12 April.

11

You might also like