Wika

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Wika Ano nga ba ang wika?

Ayon kay Webster (1974), ang wika ay isang sistema ng komunikasyon sa pagitan ng mga tao sa pamamagitan ng mga pasulat o pasalitang simbulo. Ayon kay Archibald A. Hill sa kanyang papel na What is Language? ang wika ang pangunahin at pinakaelaboreyt na anyo ng simbolikong gawaing pantao.Ang mga simbolong ito ay binubuo ng mga tunog na nalilikha ng aparato sa pagsasalita at isinasaayos sa mga klase at patern na lumilikha sa isang komplikado at simetrikal na istraktura. Ang mga simbolong ito ay mayroon ding kahulugang arbitraryo at kontrolado ng lipunan. Halos gayon din ang kahulugang ibinigay ni Henry Gleason sa wika. Ayon sa kanya, ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura. Kahalagahan ng Wika Kung wala ang wika, mawawalan ng saysay ang halos lahat ng gawain ng sangkatauhan, sapagkat nagagamit ito sa pakikipag-ugnayan katulad ng sa pakikipagkalakalan, sa diplomatikong pamamaraan ng bawat pamahalaan, at pakikipagpalitan ng mga kaalaman sa agham, teknolohiya at industriya. Mahalaga ang wika sa pakikipagtalasan maging sa pagtungo, paghahanapbuhay, at paninirahan sa ibang bansa. Katangian ng Wika a. Ang wika ay masistemang balangkas. Lahat ng wika sa daigdig ay sistematikong nakasaayos sa isang tiyak na balangkas. Walang wika ang hindi nakaayon sa balangkas na ito. Lahat ng wika ay nakabatay sa tono. Ponema ang tawag sa makahulugang tunog ng isang wika samantalang Ponolohiya naman ang tawag sa makaagham na pagaaral ng mga ito. Kapag ang mga ponemang ito ay pinagsama, maaaring makabuo ng maliit na yunit ng salita na tinatawag na morpema. Ang morpemang mabubuo ay maaaring isang salitang-ugat, panlapi o morpemang ponema katulad ng ponemang /a/ na sa wika natin ay maaaring magpahiwatig ng kasariang pambabae. Morpolohiya naman ang tawag sa makaagham na pagaaral ng mga morpema.SamantaIa kapag ang mga salita ay ating pinag-ugnay, maaari naman tayong makabuo ng mga pangungusap. Sintaksis naman ang tawag sa makaagham na pag-aaral ng mga pangungusap. Kapag nagkaroon na ng makahulugang palitan ng mga pangungusap ang dalawa o higit pang tao ay nagkakaroon na ng tinatawag na diskurso. Aling wika ang hindi sumusunod sa balangkas na ito? Mayroon bang nalilikhang mga salita nang walang tunog? Maaari bang magkaroon ng diskurso nang walang pangungusap? b. Ang wika ay sinasalitang tunog. Hindi lahat ng tunog ay wika sapagkat hindi lahat ng tunog ay may kahulugan. Sa tao, ang pinakamakahulugang tunog na nililikha natin at kung gayoy kasangkapan ng komunikasyon sa halos lahat kung hindi man lahat ng pagkakataon ay ang tunog na sinasalita. Samakatwid, ito ang mga tunog na nalilikha ng ating aparato sa pagsasalita na nagmumula sa hanging nanggagaling sa baga o ang pinanggagalingang lakas o enerhiya, nagdaraan sa pumapalag na bagay na lumilikha ng tunog o artikulador at mino-modify ng resonador. c. Ang wika ay pinipili at isinasaayos. Sa lahat ng pagkakataon pinipili natin ang wikang ating gagamitin. Madalas, ang pagpili ay nagaganap sa ating subconscious at magkaminsan ay sa ating conscious na pag-iisip. Bakit lagi nating pinipili ang wikang ating gagamitin? Ang sagot: Upang tayoy maunawaan ng ating kausap. Hindi maaaring ipagpilitan nating gamitin ang isang wikang hindi nauunawaan ng ating kausap. Gayundin ang ating kausap, hindi niya maaaring ipagpilitan ang wikang hindi natin batid. Tayo, ang ating kausap o ang pareho ay kailangang pumili ng komong wika kung saan tayo magkakaunawaan. Samantala, upang maging epektib naman ang komunikasyon, kailangang isaayos natin ang paggamit ng wika. Sa paggamit nito, kailangang isaalang-alang natin ang konsiderasyon.

d. Ang wika ay arbitraryo. Kung ipinapalagay na ang wika ay arbitraryo, ano ang paliwanag sa pahayag na ito? Ayon kay Archibald A. Hill, just that the sounds of speech and their connection with entities of experience are passed on to all members of any community by older members of that community. Kung ang isang taong walang ugnayan sa isang komunidad ay hindi matutong magsalita kung paanong ang mga naninirahan sa komunidad na iyon ay nagsasalita sapagkat ang esensya ng wika ay panlipunan. Ngunit, samantalang ang bawat komunidad ay nakabubuo ng mga sariling pagkakakilanlan sa paggamit ng wika na ikinaiiba nila sa iba pang komunidad, bawat indibidwal ay nakadedebelop din ng sariling pagkakakilanlan sa pagsasalita na ikinaiiba niya sa iba pa, sapagka bawat indibidwal ay may sariling katangian, kakayahan at kaalamang hindi maaaring katulad ng sa iba. After all, no two individuals are exactly alike. e. Ang wika ay ginagamit. Ang wika ay kasangkapan sa komunikasyon at katulad ng iba pang kasangkapan, kailangang patuloy itong ginagamit. Ang isang kasangkapang hindi na ginagamit ay nawawalan na ng saysay hindi ba? Gayon din ang wika. Idagdag pa na kapag ang wika ay hindi na ginagamit unti-unting mawawala at tuluyang mamamatay. Ano ang saysay ng patay na wika? Wala. f. Ang wika ay nakabatay sa kultura. Paanong nagkaiba-iba ang mga wika sa daigdig? Ang sagot, dahil sa pagkakaiba-iba ng mga kultura ng mga bansa at mga pangkat. Ito ang paliwanag kung bakit may mga kaisipan sa isang wika ang walang katumbas sa ibang wika sapagkat wala sa kultura ng ibang wika ang kaisipang iyon ng isang wika. Pansinin natin ang pagkakajba ng Ingles at Filipino. Anu-ano ang ibat ibang anyo ng ice formations sa Ingles? Ano ang katumbas ng mga iyon sa Filipino? Maaaring yelo at nyebe lamang. Ngunit ano ang katumbas natin sa iba pa? Wala, sapagkat hindi naman bahagi ng ating kultura ang glacier, icebergs, frost, hailstorm at iba pa. Samantala, ano naman ang katumbas sa Ingles ng ating palay, bigas at kanin? Rice lamang, hindi ba? Bakit limitado ang bokabularyong Ingles sa pagtutumbas ng mga salitang kargado ng kulturang agrikultural? Ang sagot, hindi iyon bahagi ng kanilang kultura.

g. Ang wika ay nagbabago. Dinamiko ang wika. Hindi ito maaaring tumangging magbago. Ang isang wikang stagnant ay maaari ring mamatay tulad ng hindi paggamit niyon. Paano nagbabago ang wika? Ang isang wika ay maaaring nadaragdagan ng mga bagong bokabularyo. Bunga ng pagiging malikhain ng mga tao, maaaring sila ay nakalilikha ng mga bagong salita. Ang pinakamahusay na halimbawa nito ay ang mga salitang balbal at pangkabataan. Samantala kailangan ding lapatan ng mga katawagan ang mga produkto ng pag-unlad ng teknolohiya at syensya. Bunga nito, ang ating wika ay nadaragdagan ng mga bagong salita na hindi umiiral noon. May mga salita ring maaaring nawawala na sapagkat hindi na ginagamit. Samantala, may mga salita namang nagkakaroon ng bagong kahulugan. Halimbawa, ano ang mga orihinal na kahulugan ng salitang bata? Sa ngayon, anu-ano ang iba pa niyong bagong kahulugan? Ang mga iyan ay mga patunay na ang wika ay nagbabago. 1. Ang wika ay may masistemang balangkas 3 uri ng Morpema: a. Morpemang Panlapi b. Morpemang Salitang-Ugat c. Morpemang Ponema 2. Ang wika ay sinasalitang tunog 3. Ang wika ay pinipili & isinasaayos 4. Ang wika ay arbitraryo 5. Ang wika ay ginagamit 6. Ang wika ay nakabatay sa kultura 7. Ang wika ay nagbabago o dinamiko 8. May antas ang wika 9. Bawat wika ay natatangi 10. Ang wika ay komunikasyon 11. Makapangyarihan ang wika 12. Kagila-gilagas ang wika 13. May pulitika rin ang wika 14. Ang wika ay kasama sa pagsulong ng teknolohiya at komunikasyon KAHALAGAHAN NG WiKA 1. Instrumento ng Komunikasyon 2. Nag-iingat at Nagpapalaganap ng Kaalaman 3. Nagbubuklod ng bansa 4. Lumilinang ng Malikhaing Pag-iisip

By gyason 11/12/12

You might also like