Download as rtf, pdf, or txt
Download as rtf, pdf, or txt
You are on page 1of 11

Unti-unti nang nagiging kulay abo ang paligid.

Hindi magkamayaw sa pagpuwesto sa puno ng Sampalok ang mga manok ni Impong Adang. Tumilaok nang tatlong beses ang isang tandang, lumipad at dumapo sa bakod, muling tumilaok at agad ding bumalik sa sanga. Wala namang patid sa pagputak ang naglilimlim na inahin at siyap nang siyap ang mga inakay sa katabi nitong pugad sa silong ng kubo. Ano bang nangyayari sa inyo? Pinakain na kayot lahatlahat, sigaw ni Impong Adang. Nasa balkon ang matanda, nakatitig sa bagong buwan na parang sinusungkit ng dulong sanga ng Sampalok. Mistulang kalansay ang puno, halos wala nang sariwang dahon. Minsan lamang umulan ng taong iyon, at Abril na naman. Kalahati na ang nakalitaw sa guho ng dating simbahan na nasa gitna ng dam, tanaw na rin ang ilang matataas na bahagi ng pinalubog na dating bayan ng Pantabangan. Kinalong ni Impong Adang ang isang malapad na bato. Matapos itong pagpagin at hipan, ipinatong niya ang ngangang nakabalot sa dahon ng ikmo at dahan-dahang pinukpok. Nang madurog ang nganga, inipon niya ito at isinubo. Pagkaraan ng ilang nguya, kumurot siya ng apog at ibinudbod sa dila. Tinitigan niya ulit ang buwan, may kung anong inaaninag. Bumulong siya at umiling. Magtatagal pa ang tagtuyot. Ito na ang pinakamahabang tag-araw na kanyang naranasan. Mas mahaba kaysa noong huling tagtuyot, labing-tatlong taon na ang nakararaan. Kung saan-saang kaingin at gubat sila humagilap ng sibol na masasalukan ng tubig noon. Isang hapon, dumating ang kanyang asawa mula sa pag-iigib. Hindi nito nagawang ipanik ang bitbit na dalawang balde ng tubig. Bigla na lamang itong napaupo at nangaligkig. Nagpaanak si Impong Adang noon, takipsilim na nang dumating siya. Paghakbang niya sa kanilang tarangkahan, natanaw niya ang asawa na parang hipong nakabaluktot sa puno ng hagdan. Bat andyan ka? Nasobrahan na naman siguro ang tungga mo no? Yan na nga ang lagi kong sinasabi, huwag iinom nang di kaya, santisima. Nilapitan niya ang asawa. Tinamaan ka ng lintik at umihi ka pa sa pantalon. Umungol si Ingkong Tasyo, mahaba at malalim, nanginginig. Nangangatog ang buo niyang katawan. Saka pa lamang napansin ni Impong Adang ang dalawang baldeng nakabuwal sa tabi ng asawa. Suskong maawain, Anastacio anong nangyari sa iyo? Hatinggabi na nang tumigil ang pangangaligkig ni Ingkong Tasyo. Kinabukasan, tirik na tirik ang araw at halos magliyab ang kanilang kubo dahil sa init pero nangatog uli ang matanda.

Walang nagawa ang tatlong makakapal na kumot na itinalukbong sa kanya ni Impong Adang, pati na ang mga pausok nito mula sa kung anu-anong dahon ng halaman at balat ng hayup. Ang ipinagtataka ng hilot, nangangatog sa ginaw ang asawa gayong naliligo naman ito sa pawis. Pagkaraan ng tatlong araw, pagkaraan ng tatlong gabi nang walang patid na pag-alulong ng kanilang aso, nagisnan na lamang ni Impong Adang na iniwan na siya ng kabiyak. Patay na si Ingkong Tasyo. Idinura ni Impong Adang ang nganga. Sa kanyang pagdukwang, napansin niya ang liwanag ng flaslayt na naglagos sa kanilang tarangkahan. Ibinaba niya ang bato at kinapa ang posporo sa gilid ng haligi, pagkatapos ay nagkiskis at sinindihan ang kingki. Impo, ngayon na po ata. Buhol-buhol ang hingal ng bagong dating. Inaninag ni Impong Adang ang nagsalita. Pinapanik ito at pagkatapos ay tinanglawan ang kalendaryong nakasabit sa dingding. Teka muna, anong petsa na ngayon? Hindi pa nakakasagot ang tinanong, pumasok na si Impong Adang para ihanda ang mga kagamitan sa pagpapaanak. Ambilis talaga ng panahon, kailan laang tayo nagkita a. A siete na po ngayon Impo. Ibinaba nito sa gilid ng haligi ang isang plastik na galon. Nagdala po ako ng tubig, puwede po itong inumin, galing sa balon. Pakitabi mo na laang muna diyan, tamang-tama, ubos na yung hiningi ko kay konsehal kahapon. Yung mga sinabi ko naihanda mo na? Yung pakpak ng bulik na manok? Opo Impo, andun na rin yung tawas at dahon ng kaliptos. Basta pagdating natin, magpakulo ka agad ng tubig at tandaan mo, huwag kang papasok hanggang di kita tinatawag. Tayka muna, kunin mo pala yung dalawang manok sa silong, yung nakataklob ng tiklis. Ingatan mot baka makawala. Bat po Impo? Anong bakit? Kailangan ni Milagros ng mainit na sabaw pagkapanganak niya. Pakialis mo yang tukod ng bintana. Binatak ni Impong Adang ang pinto. Pagbaba ng hagdan, tiningala ulit ng matanda ang buwan, tila-tubig na umagos ang sanga. Kinuskos niya ang kanyang mata, lumikaw ang sanga, parang kinakawit ng buwan. Nagkrus siya at umusal ng dasal. Huwag naman sana, bulong niya sa sarili. Uy Pelimon, huwag kang kumaripas, alalayan mo akot nagmamatang-manok ako, sigaw ni Impong Adang habang sumusunod kay Imon na halos lumipad sa paglalakad. Pagdating

nila sa silong ng kawayan, inayos ni Imon ang mga sako sa kareta na uupuan ng matanda, itinali sa gilid ang bitbit na mga manok. Nang makasakay ang matanda, sumampa si Imon sa kalabaw at pinitik ito. Binagtas nila ang baku-bakong daan papunta sa Sitio Maligaya. Nagliparan ang mga kalapnit na nabulabog sa kanilang pagdaan. Nasa kadulu-duluhan ang kubo nina Imon, ilang dipa bago mag-kamposanto. Pagdating, kaagad nagparingas ng kalan si Imon at tulad ng bilin ni Impong Adang, hindi siya pumasok sa kubo. Matapos isalang ang tubig, umupo siya sa nakataob na bangka, nagsindi ng sigarilyo at tinanaw ang dam. Hindi niya ito maaninag dahil sa dilim. Pero alam niyang napakalayo ng tubig ngayon. Dati, ilang hakbang lamang at nakakasalok na siya ng tubig. Sa kabilang dulo ng dam, sa kabila ng spillway, makislap ang mga ilaw. Doon nakatira ang mga engineer namamahala sa dam. Buti pa sila, buntong-hininga ni Imon. Tatlong beses na rin siyang nakapunta sa lugar na iyon, tatlong katapusan ng buwan. Doon niya kinukuha ang kanyang suweldo noong nagtrabaho siya sa plantasyon. Aspaltado ang kalsada roon at laging may kuryente. Di tulad sa kanila, maputik ang daan at de-gaas ang ilaw. Tuwang-tuwa siya nang matanggap sa trabaho. Tatlong buwang buntis noon sa kanilang panganay si Milagros. Naisip niya na kahit paano, makakapagtabi sila para sa panganganak ng asawa. Tuwing umaga mula Lunes hanggang Sabado, naglalakad siya papunta sa barangay hall para habulin o intayin ang dump truck na sinasakyan ng mga trabahador sa plantasyon. Sa loob pa lamang ng dump truck, halos masaid na ang katas ng kanyang inalmusal, na kadalasay nilagang kamoteng kahoy at kapeng bigas. Wala silang espasyo para pumihit man lamang. Sa bawat liko, sa bawat pag-ahon at paglusong, para silang dinadaganan ng troso sa bigat ng mga katawang umiipit sa isat isa. Pagdating sa imbakan ng mga punla, wala nang panahong magpahinga; matarik ang bundok na pagtataniman at kailangang makalimampung puno kada araw bawat isang trabahador. Sampung punla ang laman ng bawat tiklis, kaya limang beses kailangang magpapabalik-balik sa pagtatamnan at sa gilid ng pinakamalapit na kalsadang pagtatambakan ng mga punla. Matipuno si Imon at kaya niyang bumuhat ng dalawa hanggang tatlong tiklis pero hindi niya magawa dahil mababali ang mga punla kapag pinagpatong ang mga tiklis. Hindi naman niya puwedeng pasanin ang mga ito sa magkabilang balikat o kayay bitbitin sa magkabilang kamay dahil kailangang kumapit habang umaakyat sa bundok. Kaya wala siyang mapagpilian kundi magpabalik-balik. Minsan, sa kagustuhang makapagpahinga agad, sinubukan niyang magpasan ng dalawang tiklis, tig-isa bawat balikat. Mga limang dipa ang layo sa kanya ng kahuli-hulihang taong sinusundan niya. Habang umaakyat, hindi magkandatuto ang mga paa niya sa pag-iwas sa gumugulong na mga batong gasuntok. Mayamaya, nakarinig siya ng mabigat na kalabog, pagangat niya ng paningin, pasalubong sa kanya ang isang batong singlaki ng bunga ng niyog.

Hindi siya natumbok nito pero nahagip ang kanyang bukong-bukong. Halos kasabay niyang gumulong at bumalandra sa gilid ng kalsada ang pinasan niyang dalawang tiklis. Limang araw siyang iika-ika at hindi nakapasok. Para may makain, napilitan siyang itampa o ipagbili ang suweldo niya. A-beinte pa lamang noon at sampung araw pa bago sumuweldo. Halos katumbas lamang ng 15 araw ang pinagbilhan niya ng 20 araw niyang pagakyat at pagbaba sa bundok. Mas mainam na ito kaysa magutom, naisip niya. At saka mabuti na lamang at may mga katulad ni Mrs. Ventura na nakakapagpaluwal sa oras ng kagipitan. Isa pa, malaki ang utang na loob niya sa naturang asawa ng chief engineer na namamahala sa reforestation project sa Pantabangan. Si Mrs. Ventura ang nagrekomenda sa kanya sa trabaho. Pagkatapos ng tatlong buwan, tapos na rin ang kanyang kontrata. Noong araw ng huling suweldo, hinintay niyang tawagin hanggang sa kahuli-hulihang pangalan sa listahan ng mga pipirma ulit sa susunod na tatlong buwang kontrata sa plantasyon. Hindi niya narinig ang kanyang pangalan. Sinundan niya ang assistant ni Engineer Ventura para tiyakin kung wala nga siya sa listahan o baka naman nalampasan lamang ang kanyang pangalan. Pelimon Uraga po, habol niya. Tumigil ang assistant, hinugot ang isang folder sa bag. Uraga ba, ika mo brad? Tumango si Imon, umaliwalas ang mukha. Opo, opo, Pelimon Uraga nga po. Matapos itaas-ibaba ang kanyang antipara, iginuhit ng assistant sa listahan ang kanyang hintuturo. Felimon Uraga, kibot ng mga labi niya. Brad, andito ka nga, pero nasa hindi na iri-renew. Kasama ka kasi dito sa mga absenero. Eto o, limang araw kang di pumasok. Mahigpit kasi ang admin sa ganyan. Dapat pag binigyan ng trabaho, mahalin. Na napilay po kasi ako ser, paliwanag ni Imon. Ser . Lumagapak ang pinto ng opisina ng kausap at hindi na niya ito nakita, pero naulinigan pa ni Imon ang huli nitong sinabi: Talaga nga naman ang mga Ilongot. Halos pumutok ang kamao ni Imon sa pagkakakuyom. Bat ako? Anong masama sa pagiging Ilongot ko? himutok niya sa sarili. Sinipagan ko naman, isa-isa ko namang itinanim ang mga punla. Madalas niyang makita ang iba niyang mga kasamahan na humuhukay ng malaking butas at minsanang ibinabaon ang tiklis-tiklis na mga punla. Tapos magkukuwentuhan ang mga ito buong araw at pagdating ng alas- singko, kunwaring humihingal habang pumipirma sa payroll. Nagulantang si Imon nang marinig ang malakas na ungol ng asawa. Lumabas na po ba, Impo? Dali-dali siyang humangos papunta sa kubo. Hinarang siya ng matanda. Sinabi ko na sa iyo na huwag na huwag kang papasok. Nakikita mo na ngang hirap na hirap na kami rito. Bakas ang puyat at pagod sa mukha ni Impong Adang. Ngayon lamang niya naranasan ang ganito katagal na pagpapaanak.

Umingit ang magdadalawang taong gulang na panganay ni Imon. Umikot siya sa likod ng kubo. Iniangat ang bintana at tinapik-tapik ang bata na kaagad namang nahimbing ulit. Dinukwang niya ang radyo sa ibabaw ng baul sa ulunan ng anak. Bumalik siya sa dating kinauupuan. Inikot niya ang pihitan ng radyo, gumaralgal ito. Tinapik, garalgal pa rin. Binuksan niya ang likod at tinanggal ang baterya. Marahang pinag-umpog ang mga ito at ibinalik. Itinangay ng hangin ang boses ni Johnny Midnight. Madaling-araw na pala, bulong ni Imon. Tumayo siya at nag-inat, na sinundan ng mahabang hikab. Dinagdagan niya ang gatong sa kalan, halos kalahati na lamang ang ikatlong salin niya ng tubig sa kaserola, dinagdagan niya uli ang pinapakulong tubig. Bumalik siya sa upuan at itinutok sa tainga ang radyo. Naalala niyang makikipagtanim pa siya ng sibuyas, tiyak aantukin siya. Bahala na, nanakaw na lamang ako ng idlip mamaya Umuga-uga ang kanyang ulo, parang manok na tumutuka. Mayamaya, naramdaman niyang para siyang nakasakay sa bangka, hindi, sa buwan. Magbabalahibo pa pala siya ng manok pero gumagaod na siya sa dagat na langit, nagtatawanan ang mga bituin, sumuksok siya sa ulap, malakas ang alon, natutunaw ang buwan, nahuhulog siya Diyos na mahabagin! Muntik nang bumagsak ang dingding na sawaling sinandalan ni Impo Adang. Pelimon, ang anak mo! Pumailanlang ang isang matinis na uha. Naihagis ni Imon ang radyo. Akmang pupulutin niya ito pero dali-dali siyang pumunta sa kubo. Nakakadalawang hakbang pa lamang, naalala niya ang bilin ng matanda, bumalik siya para pulutin ang radyo. Tawak, tawak!. Kumaripas palabas si Impong Adang. Impo, bakit po? tanong ng naalimpungatang si Imon. Pero malayo na ang matanda. Umaalimbukay ang alikabok sa dinaanan nito. Kakamot-kamot ng ulong sumilip si Imon sa pinto, atubiling pumasok. Nasa pagitan ng mga hita ng asawa ang kakawag-kawag na sanggol. Nakapikit si Milagros. Nakatulog siguro dahil sa puyat at pagod, naisip ni Imon. Mayamaya, kumilos ang asawa at nag-angat ng ulo. Asan si bunso? paos ang kanyang boses. "Itabi mo siya sa akin.

Binuhat ni Imon ang bata at itinabi kay Milagros. Umiyak ang sanggol. Dahan-dahang bumangon ang ina, kinalong ang anak at pinasuso. Mainit na ang tama ng liwanag sa kanyang dibdib mula sa mga butas ng dingding. Magsalin ka ng maligamgam na tubig sa planggana, hinaplos-haplos niya ang mukha at balikat ng anak. Asan pala si Impo? Hindi ko na siya namalayang umalis, nakatulog yata ako paglabas ng bata. Hindi ko nga maintindihan, kumaripas na laang bigla, sumisigaw ng tawak. Tawak? Inulit ni Imon sa isip ang salita. Tawak! napamulagat siya. Dali-dali niyang pinagbubuklat ang duguang kumot na nakabalot sa paa ni Milagros. Naroon ang pinutol na pusod. Iniangat niya ang banig. Sinilip ang mga singit at sulok ng dingding. Wala ka bang nakita Milag? tumingala ito, sinipat ang bubong. Binukalkal ang basket na nakasabit sa tapat ng kalan, sinilip ang silong ng papag. Wala ni bakas ng hinahanap. Patuloy sa pagsuso ang sanggol. Nakatulala naman si Milagros. TAWAAAK, TAWAAAAK. Kumakaripas pa rin si Impong Adang, paikot-ikot sa buong sitio. Nagdungawan ang mga tao. Tawak daw. Sinong tawak? Yung anak ni Imon na Ilongot? Impo, tumigil nga kayo, sigaw ni konsehal Ariston na may limang minuto nang humahabol kay Impong Adang. Napalupisak ang matanda, hingal-kabayo sa pagod. Sa pagitan ng hingal at pagsinga, ikinuwento niya ang tungkol sa pagpapaanak kay Milagros na asawa ni Imon. Nakakulumpon na sa kanya ang mga tao. Panginoon ko, sabay krus ng isang matandang babae. Salot yan konsehal,sigaw naman ng isa. Nakita mo ba yung ahas Impo? paniniyak ni konsehal Ariston. Dalawang mata ko. Hindi ako puwedeng magkamali, maglilimampung taon na kong nagpapaanak, umaalon pa rin ang balikat ng hilot. Kasimputi ng pusod ng bata, saka ko lamang napansin nung naputol ko na. Parang makapal masyado ang hinahawakan ko Walang tumitinag sa mga taong nakapaligid sa kanya. Nung tingnan ko, humingal si Impong Adang, ang pinagputulan ng pusod tinitigan ako nung ahas gulat na gulat ako hindi ko na alam nagtatakbo na ko. Putlangputla ang matanda, nakabakat sa mata ang puyat at sindak.

Lumapit ang asawa ni kapitan Ariston, hinaplos-haplos siya sa likod. Tuluyan nang napahagulhol ang matanda. Konsehala hindi na nawawaan ang mga sinabi nito dahil sa walang patid na pagsigok at pagsinga. Pahinga muna kayo sa bahay Impo, inalalayan ni konsehala sa pagtayo ang matanda. Uwi na rin po muna tayo, babalitaan na laang kayo ni konsehal. Unti-unting nahawi ang kaninay animo bundok na kulumpon ng mga tao. May sumigaw na senigundahan ng marami: Huwag nating palampasin yan konsehal! Nanginginig pa rin si Impong Adang. Pagdating sa tapat ng bahay nina konsehal Ariston, halos kaladkarin niya ang mga paa papunta sa tarangkahan. Nang maihakbang ang isang paa, umupo muna siya at hiniling na magpahinga sandali. Tinabihan siya ni konsehala. Ariston, kumuha ka nga ng inumin sige Impo sandal muna kayo, ihinilig ni konsehala ang likod ng matanda sa poste ng tarangkahan, pinaypayan ng palad ang ulo nito. Mayamaya, halos bumaon sa poste ang mga daliri ni Impong Adang. Umalulong ang aso nina konsehala, isang mahabang taghoy. Umalingawngaw ito sa kapitbahay, sa kabilang kalye, sa kabila ng gulod nag-alulungan ang mga aso sa buong sitio Maligaya. Huling narinig ni Impong Adang ang ganoong alulong noong gabing naghihingalo ang kanyang asawa. Gumapang ang kilabot sa kanyang batok. Diyos ko, pumasok na tayo, nanginginig ang kanyang boses, kumakalog ang kanyang tuhod. Pagkapasok, dali-dali siyang nagsara ng mga bintana at pinto. Kahit anong bawal naman ni konsehal Ariston sa asong umaalulong, wala siyang nagawa. Hindi ito tuminag, nakaharap lamang sa kamposanto, nakatingala, walang patid ang pag-alulong. Walang patid ang pakikipagsagutan sa mga nagsasalimbayang taghoy ng mga kapuwa-aso. Di nagtagal, naglabasan ang ibat ibang hayup at kulisap. Nagputakan ang mga manok, umunga ang mga kalabaw at baka, humalinghing ang mga kabayo at kambing, umungik ang mga baboy. Hindi magkamayaw ang hunihan ng mga butiki, kuliglig, at iba pang kulisap. At ang palahaw ng mga bata. Mula sa likod-bahay, takot na takot na pumasok si konsehal. Lumilipad lumilipad, yung bayawak. Maghuhukom na yata Panginoon ko. Nangangatal ang kamay na ikinandado niya ang pinto. Sa kabilang bahay, nagsusunog ng palaspas si Aling Mitring, ang namumuno sa mga pabasa ng pasyon. Umusal ito ng dasal na hindi maintindihan. Umid naman na nakatitig ang kanyang asawa sa tila walang katapusang alon ng mga ahas papunta sa direksyon ng

kamposanto, papunta kina Imon. Iyon din ang sinisilip ni konsehal sa kanilang bintana habang kandabulol na sumasabay sa dasal ng asawa at ni Impong Adang. Sa tingin niya, umuusok ang katawan ng mga ahas sa tindi ng tirik na araw. Mayamaya, biglang umuga ang lupa. Agad niyakap ni konsehal ang kanilang aparador, inabangan ang susunod na pagyanig. Wala. Tumahimik ang paligid. Ilang sandaling nagsalimbayan ang pagtawag sa mga pangalan ng mga bata at myembro ng pamilya na wala sa kani-kanilang bahay. May mga nangahas na lumabas at iglap na umuwi. Ilang saglit lamang at gumuhit ang mahaba at matinis na ugong na sinundan ng dagundong at pagyanig ng lupa. Dali-daling dumapa sina Impong Adang. Kakaiba ang pagyanig na iyon, hindi paduyan kundi patahip. Hindi magkamayaw ang kalampagan ng mga bumabagsak at nababasag na mga kagamitan. Nakayakap si konsehal sa kanilang aparador, hinihintay na lamang na bumitak ang lupang kinatatayuan. Samantala, hawak ni Imon sa kaliwang kamay ang panganay habang yakap ng kanan ang asawa na kipkip naman ang kasisilang na sanggol. Nakasandal si Milagros sa haligi, halos nakadapa sa kanya sa pagkakaluhod si Imon, nakadikit ang mukha sa dingding. Sa butas ng sawali, pinapanood ni Imon ang halos walang katapusang alon ng mga katawan ng ibat ibang klaseng ahas. Libo-libong ahas Milag, libo-libo, papunta sa kamposanto, mga ahas Milag, walang patlang na bulong niya sa asawa. Halos mapunit ang likod ni Imon sa kapit ni Milagros. Nakasubsob ito sa balikat ng asawa. Walang tigil sa pagpalahaw ang panganay nilang anak, mula kaninang nag-alulungan ang mga aso hindi na ito tumahan, malat na malat na ang bata. Samantala, himbing na himbing ang bunso, panakanakang kumikibot ang mga labi para sumupsop ng gatas. Tawak ang anak natin Imon, tawak, impit ang iyak ni Milagros. Kawawa ang anak natin, tawak, tawak, tuluyan na siyang napahagulgol. Idinikit ni Imon ang mga labi sa ulo ng asawa. Umaagos din ang kanyang luha. Walang patunay Milag, wala silang patunay, madiin niyang bulong pero maging siya ay di kumbinsido sa kanyang sinabi. Nahihirapan siyang tanggapin na pagkakataon lamang ang mga nangyayari. Hindi siya magiging kawawa aalis tayo dito wala silang katibayan. Naramdaman ni Imon na parang hindi sa kanya nanggaling ang huli niyang sinabi. Walang katibayan. Narinig na niya itong minsan, narinig na niya. May nauna nang nagsabi nito

Naglalaro sila noon sa likod ng bahay ng kanyang matalik na kaibigan nang marinig nilang may nagtatalo sa loob. Wala kayong katibayan, malagong ang boses ni Mang Fermin. Ano pang katibayan ang gusto mo, tatlong taon nang namamatay sa tungro ang mga sibuyas, namatay sa di malamang dahilan ang asawa ni Adang, kitang-kita niya na dinuduro ng kausap si Mang Fermin. Bat anak ko ang pagbubuntunan nyo ng sisi? Nangyari lamang ito nang ipanganak ang anak mo, salot ang anak mo, alam mo yan! Nangilid ang luha ng kalaro. Nakatitig lamang sa kanya si Imon. Kinabukasan, hindi na niya dinatnan ang kaibigan. Tupok na ang bahay ng mga ito. Hindi na sila nagkita mula noon. Matagal din niyang iniyakan ang paghihiwalay nila ng kaibigang tawak. Hindi magiging kawawa ang anak natin Milag. Tanging kaskas ng kareta sa lupa ang maririnig sa paligid. Sandaling pinatigil ni Imon ang kalabaw sa ilalim ng puno ng Duhat na madalas niyang pagpahingahan. Bumaba siya at tiningnan ang pagkakatali ng baul at iba pang kagamitan sa kareta. Umingit ang panganay na anak na nasa kumot na nakasakbat sa kanyang likod. Nakasandal si Milagros sa baul, kalong ang sanggol, nakalingon sa kanilang kubo. Tumayo ka muna para di ka mangawit, malayo pa tayo. Inalalayan ni Imon sa pagtayo ang asawa. Nilingon niya ang tinatanaw nito. Bayaan mo na yon, makakapagtayo ulit tayo, gumaralgal ang kanyang lalamunan. Papaliit na ang apoy ng kanilang kubo. Wala kayong aabutan hindi magiging kawawa ang aming anak, bulong niya sa sarili. Tara na, para di tayo abutin ng pagsikat ng araw. Kinalabit niya ang tali ng baul, tiniyak na matibay ang pagkakabuhol nito. Inayos niya ang mga sakong upuan ng asawa at saka dahan-dahang sumampa sa kalabaw. Nakatingala si Milagros sa hugis-karit na buwan na tila sinusungkit ng pinakadulong sanga ng kalansay na Duhat. Mayamaya, gumalaw ang sanga, parang tubig na dumaloy, lumikaw pababa. Anak ko humigpit ang yakap ni Milagros sa sanggol. Pinitik ni Imon ang

kalabaw. Sumabay ang buwan sa kanilang pag-usad. Malalim pa ang madaling-araw, mahaba pa at palikaw-likaw ang kanilang lalakbayin.

You might also like