Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 3

MENSAHE SA IKALAWANG PAMBANSANG KONGRESO NG

ANAKBAYAN

Ni Jose Maria Sison
Tagapagtatag na Pangulo, Partido Komunista ng Pilipinas
Punong Konsultant sa Pulitika ng Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas
Pangkalahatang Konsultant, International League of Peoples Struggle
Mayo 19, 2002

Ipinaaabot ko sa buong kasapian at pamunuan ng Anakbayan ang pinakamaalab at
pinakamilitanteng pagbati sa okasyon ng inyong Ikalawang Pambansang Kongreso!

Nakikiisa ako sa itinakda ninyong tema ng Kongreso: Magpugay sa tatlong taong karanasan at
tagumpay ng ANAKBAYAN! Lubusin ang pagiging ganap na komprehensibong organisasyong masa
ng kabataang Pilipino! Paigtingin ang pakikibaka laban sa imperyalismo at rehimeng US-Gloria
Macapagal-Arroyo! Iginuguhit nito ang angkop na direksyon at mga tungkulin ng Kongreso at ng
Anakbayan sa darating na mga taon.

Binabati ko kayo sa natamo ninyong mga tagumpay sa nakaraang tatlong taon tungo sa pagtatayo
ng Anakbayan bilang komprehensibong pambansa-demokratikong organisasyong ng kabataan.
Bilang tagapagtatag na tagapangulo ng Kabataang Makabayan, labis akong nasisiyahang makitang
bumukadkad ang Anakbayan bilang tagapagsulong at karapatdapat na tagapagmana ng
rebolusyonaryong tradisyon at mga adhikain ng Kabataang Makabayan.

Pinakamataas na pagpupugay ang aking ibinibigay sa mga aktibistat kadre ng Anakbayan na buong
giting na nag-alay ng kanilang buhay sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
Pinakamaningning silang halimbawa ng pagiging uliran sa rebolusyonaryong diwa ng walang-
pasubaling paglilingkod sa sambayanan.

Ipinapakita ng panimulang praktika ng Anakbayan na mahusay kayong nakahango ng mga aral at
inspirasyon sa karanasan ng Kabataang Makabayan bilang bahagi ng pagpapatuloy ng rebolusyong
1896, gayundin ng pagpapanibagong-lakas ng bagong demokratikong rebolusyon. Sa gayon
nailalagay ninyo ang Anakbayan at ang inyong mga tungkulin sa tamang istorikong konteksto.
Matagumpay ninyong napukaw at napakilos ang daan-daanlibong kabataan sa mga pakikibaka hindi
lamang para sa kanilang interes kundi para sa pambansa at demokratikong interes ng sambayanang
Pilipino. Maningning ang papel na ginampanan ng malawak na masang kabataan sa pagpapabagsak
sa bulok at kinamumuhiang rehimeng Estrada.

Makabuluhan din ang paglahok ng kabataan, sa pangunguna ng Anakbayan, sa mga aksyong
protesta laban sa pagtaas ng presyo ng langis, kuryente at iba pang bilihin; sa pagtindi ng
militarisasyon at pasismo ng estado lalo na sa kanayunan; sa pagpasok at panghihimasok-militar ng
US; at sa walang-habas na pagsasamantala ng dayuhang monopolyo-kapital sa sambayanan sa
pamamagitan ng pagpapatupad ng mga neo-liberal na patakaran ng globalisasyon. Sa lahat ng
isyung dinala o pinagtuunan ninyo ng pansin tulad ng kabuhayan, pagtaas ng matrikula, mga
demokratikong karapatan at serbisyo, mulat ninyong napatagos ang pangkalahatang linya ng
pambansa-demokratikong rebolusyon.

Mabilis kayong nakapagpalawak sa pambansang saklaw sa loob ng maiksing panahon. Sa kabilang
pagtingin, maliit pa ang kasalukuyan ninyong bilang na 40,000 kung ihahambing sa daan-daang
libong kabataan na naaabot ninyo at napapakilos sa mga pakikibaka ng kabataan at ng masang
sambayanan. Lalunang maliit ito kung ihahambing sa milyun-milyong kabataang naghihintay at
dapat pang maorganisat mapakilos para sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

Ipinapakita nito ang pangangailangang suriin pa at pahusayin ang mga pamamaraan ng pagpukaw,
pagpapakilos at pag-organisa para malubos ang pakinabang at maisalin sa organisadong lakas ang
bisa ng ating propagandat pagpapakilos. Kinakailangang higit pang bigyan ng atensyon ang mga
paraan ng pagtitipon at pagkokonsolida sa mga naaabot sa masasaklaw na pagkilos ng masang
kabataan sa ibat ibang larangan.

Kaugnay nito ang pagpapahusay sa pagpapakilos at pag-oorganisa sa ibat ibang sektor at uri tulad
ng manggagawa, magsasaka, kababaihan, katutubo, atbp. Maaaring pahusayin ang pagtutulungan sa
pang-organisasyong pagpapalawak at konsolidasyon lalo na kung mahusay ding nagagampanan ng
Anakbayan ang pagtataguyod sa ibang uri at sektor, lalo na ng manggagawa at magsasaka, ang
pagiging paaralan at balon sa pagsasanay ng mga kadre, at pagiging tagapaghasik ng linyang
pambansa-demokratiko sa pambansang saklaw.

Pero kailangang buuin ng Anakbayan ang sariling lakas sa pamamagitan ng umaasa-sa-sariling mga
programa sa edukasyon at pagrekluta at sa pamamagitan ng mga kampanyang masa na maramihang
makakapukaw at makakamobilisa ng kabataan. Kailangang laging isinasagawa ang solido at
hakbang-hakbang na pag-oorganisa ng masang kabataan, laluna ng kabataang manggagawa at
magsasaka, samantalang lumalahok sa masaklaw na pagpropaganda para abutin ang milyun-
milyong kabataan. Mahalagang mabigyan ng atensyon ang pagpapangibabaw ng kabataang
manggagawa at magsasaka sa kwerpo ng pamunuan ng Anakbayan

Kailangang palakasin pa ang Anakbayan bilang organisasyong masa na makakapagtipon ng
komitment, kakayahan at enerhiya ng kabataan bilang esensyal na saligang pwersa ng kilusang
pambansa-demokratiko. Mahalaga ang Anakbayan bilang komprehensibong pambansa-
demokratikong organisasyon ng kabataan para sa pagbibigay ng sigla sa rebolusyonaryong kilusan
at para magsilbing paaralan sa pagsasanay ng mga tagapagmana ng kilusang pambansa-
demokratiko.

Di hamak na higit na matindi at malalim ang krisis ng naghaharing sistema ngayon kung
ihahambing sa panahong binuo ang Kabataang Makabayan. Pinalalalim ng walang-habas na
pagpapatupad ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga neoliberal na patakaran ng globalisasyon ang
krisis sa ekonomya at pulitika. Naghihingalo ang ekonomya bunga ng pagkaipit ng mga eksport nito
sa global na krisis ng sobrang produksyon. Bumubulusok ang produksyon at ang kabuhayan ng
mamamayan.
Ang pandaigdigang sistemang kapitalista mismo ay nasa pinakamasahol na krisis mula noong
Malaking Depresyon. Maging ang ilang dating pinakamasusugid na tagapagtambol ng
globalisasyon ay umaaming hindi nito maiaahon mula sa krisis ang buong sistemang kapitalista,
huwag nang banggitin pa ang pag-ahon ng mga ekonomyang atrasado mula sa matagal nang
paghihikahos. Sa halip, pinalalaki lamang ng globalisasyon ang siwang sa pagitan ng mga
imperyalistang kapangyarihan at sa mga mahihinang ekonomya na patuloy na hinuhuthutan ng una
ng limpak-limpak na supertubo.

Namamayagpag ang imperyalistang US bilang nag-iisang superpower, at garapal nitong ginagamit
ang superyor na pwersang militar para igiit at patibayin ang hegemonya sa mundo. Nagkakasa ito at
naglulunsad ng mga panghihimasok-militar at gerang agresyon sa ibat ibang panig ng daigdig,
kabilang ang Pilipinas, sa ilalim ng balatkayo ng "gera laban sa terorismo".

Bunga ng walang-kapantay na krisis at bunga na rin ng sariling katangiang kontra-nasyunal at
kontramamayan, mabilis na nahuhubaran ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Sa halip na bigyang-
lunas ang kabulukan, pagkatuta at pagkabangkarote ng nakaraang rehimeng Estrada, walang
kahihiyang ipinamamalas ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang higit pang pagkabulok at garapal na
pagkatuta sa imperyalismong US at sa dayuhang monopolyo-kapital.

Dumaranas ang mamamayan at kabataan ng higit na sumasahol na kahirapan. Wala silang
mabalingan kundi paglaban sa tumitinding pang-aapi at pagsasamantala at para sa sariling
pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Kailangang patuloy na pukawin, organisahin at pakilusin ng Anakbayan ang kabataang Pilipino
ayon sa interes nila at laban sa imperyalismong US at lahat ng reaksyon.

Hangad ko ang pinakaganap na tagumpay ng Ikalawang Kongreso ng Anakbayan!

Palawakin at patatagin ang Anakbayan bilang komprehensibong organisasyong masa ng kabataan!

Isulong ang rebolusyonaryong kilusang kabataan!

Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!

###

You might also like