Kawastuhan NG Biswal Na Representasyon Sa Katipunan at Sa Supremo

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 10

Kawastuhan ng

Biswal na
Representasyon sa
Katipunan at sa
Supremo"
Estudillo, Carol Justine R.
(I-1/ BFE)
Ika-07 ng Abril, 2015
Bb. Sarah Mediatrix Toraldo
Propesor

Introduksyon
Ang ART o Sining ay karaniwan nang binibigyang pakahulugan ng madla na bilang isang
paraan ng pagpapahayag ng kanyang saloobin, ideya, o di kayay emosyon, sa pamamagitan na
paggamit ng biswal o mga lilok na mga imahe na tinatawag namang ARTWORK o likhangsining.
Ayon nga kay Bob Brendell,
Sculpture is a three-dimensional object with a message... Painting is an object with a threedimensional message.
Ang mga likhang-sining na ito ay may kalakip na mensahe mula sa may-likha nito. Kaya
ang mga likhang-sining ay binibigyan ng pagpapahalaga dahil sa kaparaanan ng kanilang
paagbibigay mensahe at ang mismong mensahe.
Samaktwid, ang mga likhang-sining ay isang biswal na produkto ng sariling kaisipan at
katauhan ng isang manlilikha na naglalayong magpaabot ng mensahe.
Samantala ang Kasaysayan naman ay ayon kay Reyes, W. ay,
isang may saysay na salaysay ng mga mananalaysay para sa mga pinagsalaysayan.
Ang kasaysayan ang nagsisilbi nating bintana sa nakaraan. Ito rin ang nagbibigay ng
identidad sa ating mga Pilipino ngayong panahon ng modernismo. Binibigyang pagpapahalaga sa
larangan na ito ang pagiging wasto ng mga datos. Ang mga historyador ay nagsasagawa ng
walang katapusang pagsasaliksik upang magbigay ng kongkreto at may-pinagbasehang datos sa
kung ano nga ba ang mga kaganapan noong mga naunang kabanata ng ating bayan. Ang
kasaysayan ay isang salayasay na may saysay dahil sa kalakip nitong papel sa pagbuo ng
bayan natin at ito rin ay may saysay dahil sa ginugol na pagsasaliksik upang mabuo ito.

PAGE 1

Paano natin iuugnay ang sining sa kasaysayan? Di makakaila ang dami ng mga likhangsining sa ating bansa na bumatay sa mayayamang kasaysayan ng ating bayan. Gawa na ang
unang pagpapakahulugan ng sining ay isang produkto ng kanyang saloobin at ang kasaysayan
naman ay isang pinagugolang saliksik ng ating pinagmulan, masasabi ba na may kawastuhan
ang mga lumalabas na biswal na datos sa mga masining na mga larawang ito? Sa bawat indayog
ba ng kanilang brush o di kayay paete ay kinukonsidera nila ang pagsangguni sa mga librong
pangkasaysayan? Ang mga likhang-sining na nagtatampok ng kasaysayan ay may
pinagbasehan, wasto at paktwal?

Nilalaman
Ang Pagkilala sa Katipunan gamit ang Sining
Ang mga pinagtagni-tagning mga kaganapan sa nakaraan ay kasaysayan. Ang kasaysayan
na ito ang nagsisilbing identidad natin at kalakasan natin sa hinaharap. Isa na nga sa
pinakamalaking kabanata nito ay ang panahon ng Himagsikan laban sa mga Kastila.Ang
Kagalanggalang Kataastaasan, Kagalanggalang na Katipunan nang manga Anak nang Bayan o
KKK, ang ilan sa pinagaalayan ng mga manlilikha ng kanilang mga likhang-sining. Hindi
makakaila ang laki ng ambag ng Katipunan sa kasarinlan na ating tinatamasa ngayon. At mula
noong elementarya ay tinututro na sa atin na sila ang ating mga bayani, at ang pinakakilala sa
lupong ito ay wala nang iba kundi ang pinuno na si Gat Andres Bonifacio.
Nang si Dr. Jose Rizal ay dinakip ng mga Kastila at pinatapon sa Dapitan noong
1892, ito ay naging ebidensya ng pagbagsak ng kilusang reporma ng mga Ilustrado.
Ang balita ng pagpapatapon kay Rizal ang gumulat sa madlang Pilipino, sapagkat si
Rizal ang simbolo ng kanilang kalayaan. Kaya naman noong gabi ng ika-7 ng
Hunyo, 1892, sa isang bahay sa Azcarraga (Recto Ave.), sina Andres Bonifacio,
Valentin Diaz, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Deodato Arellano at iba pa ay
nagtipon-tipon ng palihim upang simulan ang Kagalanggalang Kataastaasan,
Kagalanggalang na Katipunan nang manga Anak nang Bayan o KKK. Nagtipon
sila at sinagawa ang pagsasanduguan o pagsulat ng kanilang mga pangalan sa
isang pirasong papel gamit ang kanilang dugo. Isang samahan ang kanilang binuo
na naglalayon ng tuluyang paghiwalay ng Pilipinas sa Espanya. AT hindi tulad ng
reporma ng mga Ilustrado na hindi binagyang pagpapahalaga ng mga dayuhan,
malaking gulo sa sistemang Kastila ang ginawa ng mga Katipunero, isang dahilan
upang ang mga Kastila ay magkagulo at lumaban. (History of the Filipino People)
Hindi na luma ang pagbibigay ng pagkilala sa mga bayani gamit ang mga likhang-sining
tulad ng mga monumento o di kayay mga pintang larawan (Homage Art). Ang pagbibigay ng
mga monumento o likhang-sining na kawangis ng bayani ay nasisilbing pagkilala at ito rin ay
paraan ng pagsasa-immortal ng kanilang naging ambag sa lipunan. Kaya naman, marami na ang
nagawang likhang-sining na kinakikitaan ng elemento ng mga Katipunero o di kaya naman ni

PAGE 2

Bonifacio. Ang mga likhang-sining na alay sa mga nasabing bayani ay isa na ring pag-aalay para
sa bayan. Ilan sa mga kilalang likhang-sining na alay sa mga bayani ng Rebolusyon ay ang likha
ni Gullermo Tolentino, ang Monumento, at isang bahagi naman ng mural ni Carlos Botong
Francisco na Filipino Struggle through History ang kinatatampukan ng mga rebolusyonaryo.

Ang Monumento ni Guillermo Tolentino


Si Guillermo Tolentino ay isang graduate ng School of Fine arts ng Unibersidad ng
Pilipinas. Ilan sa kanyang likha ay ang Galleria de Filipinos Ilustres
Taong 1930, sumali sa isang patimpalak ng paggawa ng monumento para kay Andres
Bonifacio si Guillermo Tolentino. Sinsabing masusing pagsasaliksik ang kanyang ginawa. Hindi
sya nakuntento sa mga impormasyong karaniwang nakikita sa mga libro, kaya naman maraming
paraan ang kanyang ginawa upang may pagbasehan ng gagawing likha.
Sya ay nagpanayam ng ilang mga kasapi ng Rebolusyon, pinagbatayan ang mukha ng
nabubuhay pa noong kapatid ni Andres na si Espiridiona. Ito ang kanyang naging paunang
saliksik sa kung ano nga ba ang itsura ng mukha ng Supremong si Bonifacio. Ang mga hindi nya
nasaliksik na impormasyon sa mga panayam at mga aklat ay kanyang natamo sa pamamagitan ng
mga kaluluwa at espiritista, isa sya ang naging tagapagtatag ng Union Esperitista Cristiana de
Filipinas Inc. Opisyal na natapos nya ang kanyang gawa noong taong 1933. Ang kanyang
pagsasaliksik at obra maestro ang naging susi upang manalo sya sa nasabing patimpalak at
magwagi ng 3,000.
Noong ika-30 ng Nobyembre ng parehong taon ay pinasinayaan ang pagbubukas sa
publiko ng monument na inilagak sa Grace Park. At kasalukuyan, ang Monumento ni
Tolentino ay nakatayo pa rin, at ang mga pampublikong transportasyon ay tinatawag ang lugar sa
pangalan ng likhang-sining.
Analisis ng Monumento
Ang kabuuan ng Monumento ay nakasampa sa isang tatlong bahaging platform, na ayon
kay Tolentino ay sumisimbolo sa bawat siglo na tayo ay nasa ilalim ng mga Kastila. At ang base
naman ay may walong sulok, bawat sulok ay sumusimbolo na walong bayan na nagsimula ng
paghihimagsik sa mga dayuhan.
Ang apat na sulok ng Monumento ay nagpapakita ng ibat-ibang mga eksena
noong panahon ng rebolusyon.

PAGE 3

Sa likod ng monumento ay ang ginaroteng imahen ng tatlong padreng martir, pagpapakita


na ang trahedya na sinapit ng tatlong pari ang naging tulak ng pusong naghihimagsik ng mga
Pilipino.
Sa kanan at kaliwang bahagi naman ay ang mga Pilipinong biktima ng Kastilang pangaalipusta, makikita rin na sa magkabila sa mga biktima ay ang mga estatwa ng mga taong
nakatayo at pormang maghihimagsik, nangangahulugan na ang mga taong biktima ng pang-aapi
ay sya ring lumalaban para sa masa at para sa bayan.
At sa harap, ay ang imahen ng kapita-pitagang Supremo, hawak ang kanyang bolo at
rebolber. Naka-Barong Tagalog at nasa likod ang imahen ni Emilio Jacinto na sya namang utak
ng Katipunan.

Ang Filipino Struggles through History ni Carlos Botong Francisco


Ang Filipino Struggles through History ay isang Mural na matatagpuan sa Bulwagang
Katipunan ng Munisipyo ng Lungsod Maynila. Ito ay pinapinta ng dating Alkalde ng Maynila na
si Antonio Villegas kay Carlos Botong Francisco. Isa itong panorama tungkol sa kasaysayan
ng Maynila at ng Pilipinas. Tinatampok nito ng ilang kilalang Rajah ng Maynila, ilang
kaganapan noong Panahon ng mga Kastila, ng mga Amerikano at maging ilang mga kilalang
personalidad tulad ni Limahong, Balagtas, si Dr. Jose Rizal at ni Gat Andres Bonifacio.
Analisis ng Filipino Struggles through History
Pinakita sa Mural na ito ni Francisco ang proseso ng pagsali sa Katipunan, ang tanyag na
Pakikipagsandugo. Ang pinaka-highlight ay ang imahen ni Bonifacio kasama ang mga
Katipunero na may hawak na bolo at pinatulis na kawayan, hawak ni Boniifacio ang rebolber at
bolo, galit, sumisigaw at anyong lulusob.

Si Andres Bonifacio
Mas maalisa natin kung ano nga ba ang dapat o wasto na pagkaka-representa kay
Bonifacio at sa Katipunan sa pamamagitan ng mas malalim na pagkilala sa Supremo.
Pinanganak noong ika-30 ng Nobyembre, 1863 sa mag-asawang Santiago Bonifacio at
Catalina de Castro. Sya ang panganay sa sa anim na magkakapatid, mayroon syang tatlong
kapatid na lalaki at dalawang babaeng kapatid: sina Ciriaco, Procopio, Espiridiona, Troadio, at
Maxima. Mahirap lamang ang kanilang pamilya. Nag-aral si Andres sa isang paaralan na
pinamumunuan ng isang Guillermo Osmea. Nang mamatay ang kanyang mga magulang noong
sya ay labing-apat na taong gulang pa lamang, ay huminto sya sa pag-aaral upang alagaan ang
kanyang mga kapatid. Magkagayon pa man ay may magandang sulat-kamay si Andres at

PAGE 4

kagalingan sa mga gawaing-kamay. Gumawa sya ng mga baston at pamaypay kasama ang
kanyang mga kapatid at kanya itong ibinebenta, kung minsan ay gumagawa din ng mga paskin
(poster) para sa mga kumpanya. Ang naging hilig nya na lamang ay ang mag-aral at magbasa.
Nang sya ay magbinata ay naging mensahero sya ng kumpanyang Fleming and Company,
at dahil sa pagiging tapat, seryoso sa trabaho at masipag ay ginawa syang ahente ng kumpanya.
Nagtinda din sya ng rattan at iba pang produkto, ngunit dahil sa hindi sapat ang kanyang kinikita
ay lumipat sya sa at naging bodegero ng Fressel and Company.
Ang kanyang pagtatatrabaho ay hindi naging balakid upang mag-aral at mag-basa si
Andres. Binasa nya ang dalawang nobela ni Rizal, ang (Noli Me Tangere at El Filibusterismo),
The Ruins of Palmyra, ang Les Miserables ni Hugo, ang The Wandering Jew ni Eugene Sue, The
Lives of the Presidents of the United States, International Law, ang Penal at Civil Code, ilang
nobela at isang libro tungkol sa French Revolution.
Una nyang naging asawa ang isang babaeng may pangalang Monica, sandali lamang ang
kanilang pag-sasama nang mamatay sa sakit na ketong ang babae. Noong 1892 naman ay
nakilala ni Andres si Gregoria de Jesus sa Kalookan, at matapos ang ilang buwang panliligaw ay
kinasal sila. Matapos ang kanilang kasal sa simbahan ay kinasal silang muli ayon sa seremonya
ng Katipunan, Binigay kay Gregoria ang titulong Lakangbini (Muse) at ang naging opisyal na
tagapangalaga ng mga papeles, armas, tatak at iba pang kagamitan ng samahan.
Nang sya ay nakapagsulat na ng magiging Konstitusyon ng Katipunan, nalaman nyang
mas magaling ang nagawang Konstitusyon ni Emilio Jacinto. At dahil sya ay mapagkumbaba,
hindi sya nag-alinlangan na isantabi ang kanyang gawa at ipatupad ang ginawa ni Jacinto bilang
opisyal na turo ng Katipunan. Hindi rin nya ipinagpipilitan ang sarili naa maging pinuno ng
samahan kahit na sya ang nagpasimula nito at nagsagawa pa ng botohan. Ngunit nang malamang
hindi ganap na responsable ang dalawang naunang pangulo, ay nagdesisyon na syang kunin ang
posisyon. Dahil naniniwala sya na ang tagumpay ng samahan ay nakasalalay sa pagtutulungan ng
pangulo, ng mga opsiyales at ng mga kasapi nito.
Minsan nang kumalat ang tungkol sa Katipunan, agad naman itong pinasiyasat ni Andres
at pinatalsik ang mga pangalan na sangkot sa Samahan, walang kumwestyon sa ginawang ito ni
Andres, ngunit hindi nangangahulugan ito na isa syang diktador. Matiisin si Andres, ngunit kung
nakasaalang-alang na ang seguridad ng organisasyon ay handa syang gumawa ng aksyon.
Dumami ang mga kasapi ng samahan, at nag-hinala na ang mga Kastila, hanggang noog
Agosto, 1896 ay natuklasan na ang Katipunan. Kaya noong ika-24 ng Agosto, sa parehong taon,
armado ng ilang rebolber,bolo at pinatalas na kawayan ay sinimulan ang pinakaunang
himagsikan para sa pambansang kalayaan sa Asya ng Katipunan.
Habang nagaganap ang pag-aaklas, nagkaroon ng pagpupulong ang mga opsiyal ng KKK
upang ayusin ang kanilang mga suliraning panloob. Nagkaroon ng halalan at tinawag itong

PAGE 5

Kumbensyon sa Tejeros. Napagkasunduan ng lahat bago simulan ang halalan na kung sino
man ang nahalal ay gagalangin ito ng lahat. Nang matapos na ang proseso ng pagboto ay
pinaalala ni Andres ang kanilang napagkasunduan. Ang nahalal na bagong pangulo ay si Emilio
Aguinaldo, samantala ay nahalal naman na kalihim na panloob si Andres. Nang itanghal na kay
Andres ang posisyon ay tumayo si Daniel Tirona (isang Magdalo) at sinabing isang mataas na
posisyon ang pagiging isang kalihim na panloob at ang isang taong hindi nakatanggap ng
diploma ay hindi karapat-dapat sa nasabing posisyon. Si Andres, nainsulto, ay hiningi ang
paumanhin ni Tirona, na sya ay di sumunod sa napagkasunduan. Ngunit imbis na humingi ng
tawad kay Andres ay umalis sa pulong si Tirona. Nagalit si Andres at kamuntikan ng barilin si
Tirona kung hindi lang napigilan ni Artemio Ricarte. At dahil sa mga pangyayari ay pinawalang
bisa ni Bonifacio ang asembleya maging ang bagong pamahalaan, at saka umalis.
Kalaunan ay pinadakip ng pamahalaan ni Aguinaldo si Andres, kasama ang kapatid nya
na si Procopio ay kinulong sila at nilitis at binigyan ng sintensyang kamatayan. Makalipas ang
ilang araw ng paglilitis, kinasuhan ang magkapatid ng pagtataksil laban sa samahan kahit na
kulang ang kanilang ebidensya. Agad na binaba ang bagong kaautusan ni Aguinaldo na sila ay
ipapatapon na lamang. Ngunit umapela ang mga heneral, kaya binago ang kautusan at ang
sinistensyahan sila pareho ng kamatayan.
Umaga ng ika-10 ng Mayo, 1897. Si Major Lazaro Makapagal kasama ang apat na
sundalo, ay ang naatasang ilabas ang magkapatid na Bonifacio sa kulungan. Nang makarating sa
Bundok Tala, binasa ni Makapagal ang dalang sulat na naglalaman ng utos na patayin ang si
Andres Bonifacio at Procopio Bonifacio, na agad-agad naming sinunod ng mga sundalo.
Ang naging libingan ni Andres at ng kanyang kapatid ay isang mababaw na hukay na at
may ilang dahon na ipinatong sa itaas.

Muling Analisis at Paghahalintulad ng mga likha ni Tolentino at ni Francisco


Malaki ang pinagkaiba ng pagkakarepresenta kay Bonifacio ng mga gawa ni Tolentino at
ni Francisco.
Analisis #1: Ang Bolo o Rebolber?
Makikita na ang parehong likhang-sining ay naagpapakita ng Bonifacio na may hawak na
Rebolber at Bolo. Ang Bolo ang naging karaniwang simbolo ng Katipunan, ngunit sinsabi sa
ilang kasulatan na nasa National Historical Commision (NHC) na mas pabor ang mga
Katipunero sa paggamit ng Rebolber dahil mas madali itong itago kaysa sa mga bolo. Naging
karaniwang gamit nila ang bolo dahil sa kakulangan ng pondo.Sinasabi din ng ilang Historian na
mas hilig gamitin ni Bonifacio ang rebolber.
Analisis #2: Ang naka Camesa de Chinong Bonifacio

PAGE 6

Hindi lamang sa likha ni Francisco makikita ang representasyon ni Bonifacio na para


bang galit, nakabukas na camesa de chino, at pulang pantalon, makikita rin ito sa Grito de
Balintawak ni Ramon Martinez, KKK Shrine sa Maynila at iba pa. Ayon sa kasaysayan,
mayroong isang larawan si Bonifacio na naging basehan ng mga dyaryong inilimbag sa Espanya
noon, isang larawan na nagpapakita ng isang Bonifacio na nakasuot ng Amerikana. Habang si
Tolentino ay iniba ang tipikal na imahe ng Supremo, hindi sumusigaw, hindi nakaturo ang kahit
anong armas sa ibang direksyon, nakatayo lamang at matatag. Pero bakit naka-Camesa de Chino
si Bonifacio? Katulad nang nakasulat sa kanyang talambuhay, sya ang nagsimula ng Kilusang
Bayan, sya ay bahagi ng masa, sya ang MASA. Ang masa noon ay laging nagtatarabaho sa
bukirin, o di kaya sa mga kumpanya at lansangan. Ang Camesa de Chino ang karaniwang suot ng
masa noon. At pinapalagay sa bawat likhang-sining ng may naka-Camesa de Chinong Bonifacio
na sya ay bahagi ng Masa. At kaya pula ang kanyang Camesa ay dahil sa sya ang pinuno ng
Rebolusyon, pula ang kulay ng mga nag-aalsa dahil pula din ang kulay ng galit at ng mga
namumuno.

Ang Monumento at Ang Mural


Magkaiba di lamang sa istilo si Fracisco at si Tolentino. Naging magkaiba rin ang
katauhan ng Bonifacio ang kanilang naipakilala: isang Klasikal at Mitikal na Bonifacio.
Sa gawa ni Tolentino na Klasikal na Bonifacio, pinakita nya si Bonifacio bilang isang
kalkulado at tahimik na pinuno, para bang nag-iisip. Samantalang ang kay Fancisco ay isang
mapag-alsa, nagsusumigaw at mapag-aklas, isang itong Mitikal na Bonifacio.

PAGE 7

Kongklusyon
Mayroon tayo nang tinatawag na Historical Arts, isa itong uri ng likhang-sining na
nakapokus sa mga Makasaysayang Kaganapan at mga Tao. Layon nito na palakasin ang pusong
makabayan ng mga taong titingin nito.
Ang mga gawa ni Tolentino at Francisco ay maikokonsidera na Historical Art.
Masasabing magkaiba ang kanilang paraan ng pagpapakilala sa atin kay Bonifacio. Ang naging
resulta ng aking analisis ay nagsasabi na may makasaysayang batayan ang likhang-sining ni
Tolentino at Francisco.
May magsasabing mas pinaglaanan ng pananaliksik ang Monumento, ngunit
ang mga elemento ng gawa ni Francisco ay may mga pinagbatayan pa rin naman. Hindi rin
makakaila ang katotohanan na ang sining ay tungkol pa rin sa pagbabahagi ng sariling saloobin
ng isang artist sa kanayng gawa, kaya hindi masama ang pagglalarawan ni Francsico kay
Bonifacio na Mitikal dahil ito ang tumatak sa kanya na imahe ng Supremo. Ang Mitikal na
Bonifacio ang karaniwang imahe ni Bonifacio sa ating mga Pilipino. Dahil sino ba ang hindi
makakakilala sa Bonifacio na naging susi ng Sigaw sa Pugadlawin?
Ang Monumento naman ni Tolentino ay nagpapakita ng isang Bonifacio na
dapat mas kilalanin nating lahat, dahil hindi lang naman puro Lusob! ang ginawa ni Bonifacio.
Si Bonifacio ay intelektwal, pinuno di lamang sa lusuban kundi maging sa pagsasaayos ng
Katipunan. Ang Klasikal na Bonifacio ay ang Bonifacio na dapat ding pag-aralan at gawing
huwaran ng madla.
Alin ang mas mainam na likhang-sining? Wala namang tinatawag na Inferior Art
at High Art, kung mayroon man nakadepende na ito sa nagtitingin nito. Ang Klasikal na
Bonifacio at Mitikal na Bonifacio ay parehong si Bonifacio. Ang mga sining na ito ay naglalayon
na makabahagi ng mensahe, mensahe na gumawa at kumilos para sa bayan katulad ni Bonifacio.
Katulong ng sining ang kasaysayan upang maging wasto ang kanilang pagpapahayag at
pagbabahagi. Samantalang katulong naman ng kasaysayan ang sining upang mabigyan ng
malinaw na representasyon ang mga kaganapan, at kapag may malinaw na representasyon,
nagiging madali ang pagsasapuso ng pagiging makabayan. Kaya hindi magkatunggali ang
kasaysayan at ang sining, silay nagtutulungan.

PAGE 8

Mga Pinagkunan

Agoncillo, Teodoro A., History of the Filipino People, Malaya


Books, 1970. Print

Franisco, Mariel at Arriola, Fe Ma., The History of the Burgis, GCF


Books, 1987. Print

Villanueva, Rene O., Dalawang Bayani ng Bansa, Adarna House,


2007. Print

Ocampo, Ambeth. Bonifacio of History and Myth, Sunday


Inquirer Magazine. Philippine Daily Inquirer, 27 November 2010

Filipino Struggles through History, WikiPilipinas. n.p. 29 January


2008

Bonifacio Sequicentennial, Official Gazette.n.p. February 22,


2015

Reyes, Wensley, Personal Interview. 17 February 2015

PAGE 9

You might also like