Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Pauline I.

Delgado

10:30-11:30 AM

Ph 103- Y

CTC- 204

Unang Papel: Paglalakbay sa EDSA (EDSA Shrine at People Power Monument)


Kalayaan at Kapangyarihan sa Kasaysayan at Simbahan
Mahalagang bahagi ng kasaysayan ng makabagong lipunang Pilipino ang mapayapang rebolusyong
nagbuklod sa bayan noong 1986. Sa pagnanais ng mga mamamayan na wakasan ang diktatura at malawakang
kawalang-katarungang nagaganap sa Pilipinas habang nasa ilalim ito ng Martial Law, nagsama-sama ang mga
indibiduwal mula sa ibat ibang larangan at pinanggalingan upang iparating ang kanilang pagnanais na muling
makamit ang demokrasya. Ang makasaysayang People Power Revolution o EDSA Revolution noong 1986 ay
itinuturing pa ring isa sa pinakamatingkad na halimbawa sa ating kasaysayan kung paanong kayang magkaisa
ng ibat ibang uri ng tao upang baguhin ang mga mapang-aping sistema at pamamalakad sa lipunan.
Labis na karangalan ang ibinigay sa ating lahi ng People Power Revolution at patuloy pa ring
pinangangalagaan ng bayan ang mga ugaling nagtulak sa tagumpay ng makabagong rebolusyon, kaya naman
mahalagang manatiling sariwa sa alaala ng bawat isang Pilipino ang diwa ng pangyayaring ito. Ilang lugar at
espasyo na rin ang itinayo sa mismong pook kung saan nangyari ang mapayapang rebolusyon upang patuloy na
alalahanin ang bahaging ito ng ating kasaysayan. Dalawa sa pinakatanyag na espasyo ay ang EDSA Shrine at
People Power Monument, ang dalawang lugar na bibisitahin sa paglalakbay na ito.
Ang EDSA Shrine ay isa sa mga pinakakapansin-pansing istraktura sa kahabaan ng pangunahing
kalsada sa Metro Manila dahil sa nakalululang laki ng imahen ng Our Lady of Peace, gawa ni Virginia TyNavarro. Ang pagpapatayo ng lugar na ito ay ideya ni Jaime Cardinal Sin, ang Arsobispo ng Maynila noong
panahong iyon at pangunahing nanawagan sa mga Pilipino na makisangkot sa nagaganap na pagbabago sa
lipunan. Matapos ang tagumpay ng People Power na mapatalsik sa pwesto si Marcos, nakita niyang nararapat
magbigay-pasasalamat ang bayan sa pangangalagang binigay ng Mahal na Birhen habang nagaganap ang
mayapang rebolusyon. Ang mismong Shrine ay binubuo ng simbahan sa ibaba at plaza sa itaas, mga
imprastrakturang dinisenyo nina Architect Francisco Maosa, Leandro Locsin, at Architect William Cosculluela
(The Local Government of Quezon City, 2013).
Maaaring simulan ang paglalakbay sa mismong sasakyan papuntang EDSA Shrine. Sa aking karanasan,
sumakay ako ng MRT mula sa North Avenue at bumaba sa Ortigas station. Kung magmumula sa bandang norte,
maaari ring sumakay ng bus na biyaheng Alabang. Dahil araw ng Linggo nang aking gawin ang paglalakbay,
maraming tao ang nagsisimba sa Mary, Queen of Peace Quasi-Parish ng Shrine. Kakaiba ang loob ng simbahang
ito kumpara sa pangkaraniwang Katolikong simbahan dahil bukod sa altar at mga banal na gamit sa loob ng
lugar-panambahan, ang loob ng parokya ay pinalalamutian din ng ibat ibang imaheng nagpapaalala ng EDSA
Revolution. Nakapinta sa dingding katabi ng altar ang larawan ng bayan, binubuo ng mga militar, mga madre, at
mga ordinaryong Pilipino na may kani-kaniyang ginagawa upang makatulong sa rebolusyon. Sa palibot din at sa
mga pasukan ng simbahan ay nakapaskil din ang mga sipi ng matatalinhagang pahayag tungkol sa halaga ng
pagkakaisa at demokrasya.
Sa itaas ng simbahan ay ang plaza kung saan matatagpuan ang malaking imahen ng Our Lady of Peace,
Stations of the Cross o Via Crusis, at ilan pang mga pahayag na nagpapaalala ng tagumpay ng mga Pilipino
noong EDSA revolution. Sa ilalim ng imahen ng Mahal na Birhen ay may tatlong katagang nakasulat sa
malalaking titik. Una, ang tanyag na pahayag ni Ninoy Aquino na The Filipino is worth dying for. Ikalawa,

sipi ng Chronicles 7:4 mula sa bibliya. Ikatlo, ang bahaging ito ng awiting Handog ng Pilipino sa Mundo, ang
kantang nilikha para sa pag-alala ng rebolusyon:
Masdan ang nagaganap sa aming bayan.
Nagkasama ng mahirap at mayaman.
Kapit-bisig madre, pari, at sundalo.
Naging Langit itong bahagi ng mundo.
Huwag muling payagang umiral ang dilim.
Tinig ng bawat tao'y bigyan ng pansin.
Magkakapatid lahat sa Panginoon.
Ito'y lagi nating tatandaan.
Ilang kilometro mula sa EDSA Shrine ay ang People Power Monument. Ito ang sunod kong sa
pamamagitan ng pagsakay sa bus na biyaheng Cubao. Bukod sa rebulto ni Benigno Aquino Jr., matatagpuan sa
lugar ang monumentong binubuo ng ibat ibang tao, simbolo ng libu-libong Pilipinong nagtipon sa harap ng
Kampo Crame at Aguinaldo, muli bilang pagtugon sa panawagan ni Jaime Cardinal Sin na bigyang proteksyon
sina Juan Ponce Enrile, Ministro ng Tanggulang Pambansa; Fidel V. Ramos, pangalawang pinuno ng hukbong
sandatahan ng Pilipinas, at ang mga rebeldeng sundalong kabilang sa Reform the Armed Forces Movement na
tumiwalag sa administrasyong Marcos (The Local Government of Quezon City, 2013). Taun-taon, bahagi ang
People Power Monument sa pagdiriwang at paggunita ng EDSA Revolution, at kadalasang dito unang
pumupunta ang Pangulo upang magbigay ng talumpati tungkol sa halaga ng mga damdamin at ugaling nanaig sa
bahaging iyon ng ating kasaysayan.
Sa pagbisita sa dalawang lugar na nagpapaalala sa bayan ng maksaysayang rebolusyong naganap halos
tatlong dekada na ang nakakaraan, mapapatanong ang manlalakbay kung makabuluhan pa ba ang mga pook na
ito ngayong wala nang kinakalabang diktatura ang bayan. Maitatanong din kung nagagawa pa rin bang iparating
ng mga tanyag na lugar na ito ang mga pagpapahalaga at diwang itinaguyod noong People Power Revolution.
Anong mga paniniwala at pagpapahalaga ang nililikha at pinapanatili ng mga espasyong ito?
Ang relihiyosong na espasyong tulad ng EDSA Shrine at parish ay puno ng mga simbolong
nagpapatatag at nagpapanatili ng pananampalataya ng isang partikular na relihiyon. Ngunit bukod sa mga
relihiyosong mensahe buhat sa Simbahang Katoliko, naiiba ang EDSA Shrine dahil pinapakita nito ang matalik
na ugnayan ng pananampatalaya at pang-araw-araw na pumumuhay at suliranin ng mga mamamayan. Hindi nito
nililinlang ang mga tao sa loob nito sa pamamagitan ng pagpapalimot sa kanila sa mga bagay na hinaharap nila
sa labas ng simbahan. Bagkus, ipinararating nito ang mensahe ng kapahingahan at pag-asa sa pamamamagitan
ng pagpapaalalang kasama pa rin nila ang Panginoon sa loob at labas ng simbahan, lalo na sa mga panahon ng
labis na pagsubok gaya ng panahon ng Martial Law.
Higit na accessible o madaling puntahan naman ang pampublikong espasyong gaya ng People Power
Monument dahil literal na walang mga pader na maglilimita sa kung sino ang maaaring pumunta dito. Hindi ito
eksklusibo sa mga miyembro ng iisang relihiyon lamang, at kahit sino, kahit ang mga hindi nakakaintindi at
nakakaalam kung ano ang halaga ng lugar, ay maaaring pumunta doon. Sa pamamagitan ng pagtingin sa
bantayog, mapapaalala sa mamamayan ang kaniyang tungkulin na makisangkot sa pangangalaga at pagtatanggol
ng bayan.

Sa dalawang lugar na aking binisita, nakita kong mas tinatangkilik ng mga tao ang banal at
relihiyosong espasyo ng EDSA Shrine kaysa sa pampublikong espasyo ng People Power Monument. Maaaring
sabihing Linggo naman at may misa kaya maraming tao sa parokya, ngunit maging ang plaza sa itaas ng
simbahan ay dinarayo ng mga tao upang magpakuha ng litrato at pagmasdan ang mga sining doon. Samantala,
tanging tatlong magkakaibigang ginagamit ang lugar upang pag-ensayuhan ng kanilang skateboarding ang
kasabay ko sa pagpunta sa People Power Monument. Walang dudang nagpunta lamang sila doon para sa lawak
ng literal na espasyo ng lugar at hindi para alalalahanin o dagdagan ang kanilang kaalaman tungkol sa
sinisimbolo ng bantayog.
Sa pagbisita sa dalawang lugar na dapat magpanumbalik ng mga damdaming umiiral noong panahon
EDSA Revolution, makikitang may ibang pakay na ang mga tao sa pagpunta doon sa hindi katulad, ngunit hindi
rin naman kasalungat, ng damdaming nais iparating ng lugar nang una itong itayo. Hindi na pagpapanumbalik
ng kalayaan ang nakikita ng mga tao sa People Power Monument. Bagkus, mahalaga pa rin itong paalala ng
civic virtues ng pagmamahal sa bayan at katatagan ng loob na kaya ng lipunang Pilipinong magkaisa upang
mapagtagumpayan ang mga bagong hamong hinaharap natin sa modernong panahon. Mahalaga kung gayon na
mapanatili ang espasyong ito imbis na basta na lang sabihin sa tao na dapat magtaglay siya ng samut saring
pagpapahalaga dahil ayon kay Nussbaum, higit na mahihikayat ang mga taong magmahal at hanapin ang
katarungan kung ipapaalala at ipapakita sa kanila ang mga partikular at konkretong bahagi ng kasaysayang dapat
pahalagahan (2013).
Kinakailangan ang mga espasyo sa liberal, malaya, at modernong lipunan dahil dito binubuo ang mga
pagpapahalaga at damdamin ng mga mamamayan. Binibigyan nito ang mga indibiduwal ng lugar at panahon ng
pagmumuni upang paghandaan ang hinaharap at harapin ang kasalukuyan. Para sa lipunang Pilipino kung saan
napakarami ng bilang ng mismong relihiyosong espasyo at maging ng mga tumatangkilik dito, dapat kunin ang
pagkakataong ito upang pagsamahin ang relihiyon at makabayang damdamin. Natututunan sa relihiyosong
espasyo na limitado ang kayang gawin ng tao at ng lipunan. Hindi mawawala ang mga banal na espasyo sa
anumang yugto ng kasaysayan, lalo na sa bansang napakalakas ng impluwesiya ng Simbahang Katoliko gaya ng
Pilipinas, dahil pinaghuhugutan ito ng lakas at inspirasyon ng mga tao. Sa pagpunta sa mga banal na espasyo,
maging sa pagkakataon man ng malawakang pagbabagong panlipunan o maging sa nakasanayang pagsimba
tuwing linggo, humihingi ang tao sa Diyos ng katatagan na pagtagumpayan ang mga suliraning hinaharap niya.
Pagpunta sa banal na espasyo ay maaari ring tignan bilang pagpapaubaya o submission sa kapangyarihan ng
Diyos, na susubukang lumaban at magpakatatag ng tao ngunit inaasahan niyang Diyos ang magbibigay sa kanya
ng tagumpay sa huli. Kung madadala ang ganitong pananalig sa pagtalakay ng mga isyung panlipunan, higit na
makikisangkot ang mga tao imbis na mawalan ng pakialam dahil mananalig silang kakayanin nilang
mapagtagumpayan ang mga suliranin ng kawalang-katarungan.
Mga Sanggunian
The Local Government of Quezon City. Shrines and Monuments. The Local Government of Quezon City.
Last modified November 2013. Accessed January 19, 2014. http://www.quezoncity.gov.ph/index.php?
option=com_content&id=320&Itemid=278
Nussbaum, Martha Craven. A Problem in the History of Liberalism. In Political Emotions: Why Love Matters
for Justice, 1-24. MA: Harvard University Press, 2013.

You might also like