Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Ang Talangkang Nakaharap Lumakad

ni Jayson Alvar Cruz


Usap-usapan sa baryo Talangkukay ang kakaibang pag-iisip at ikinikilos ni Mokong
Talangka. Hindi siya palakibo at madalas na hindi nakikihalubilo sa iba pang talangka sa
kanilang baryo. Madalas lamang siyang natatanawan sa kaniyang bintana na nagbabasa,
umiinom ng kape at nagsusulat. Minsan, isang batang talangka ang nagkainteres na
usyosohin kung ano ang ginagawa ni Mokong Talangka. Mula sa maliit na butas sa
dingding ng bahay ni Mokong Talangka ay sumilip ang batang talangka. Laking pagtataka
ng batang talangka nang marinig niyang tila may kausap si Mokong Talangka.
Batid ng lahat sa baryong iyon na mag-isa na lamang sa buhay si Mokong Talangka.
Ang pagtatakang ito ng batang talangka ay napalitan ng pagkatulala at pagkagulat
sapagkat ang kausap ni Mokong ay ang mismo nitong sarili habang nakaharap sa salamin.
At ang lalong ikinagimbal ng batang talangka ay nang makita nito ang kakaibang paglakad
ni Mokong Talangka, paharap na katulad ng ibang hayop at hindi patagilid kagaya ng ibang
talangka sa kanilang baryo.
Umugong ang bulung-bulungan sa baryo Talangkukay matapos na ipagkalat ito ng
batang talangka. Nagtaasan ang kilay ng mga purok lider na talangka sa baryo.
Nagtawanan naman ang mga istambay na talangka sa kakaibang paraan ng paglakad ni
Mokong Talangka.
Nababaliw na siguro si Mokong, palibhasay hindi sumasali sa mga usap-usapan
dito sa ating baryo. Parati lamang kaharap ang kaniyang mga aklat, wika ng isa sa mga
purok lider na nasa umpukan.
Kaawa-awang nilalang, maagang pinanawan ng bait, pambubuska ng isa pang talangka.
Laking gulat ng mga talangka sa umpukan nang makitang nagbukas ng pinto si
Mokong Talangka. Tila patungo ito sa kanilang kinaroroonan. Nagulat ang karamihan nang
makitang paharap nga na maglakad si Mokong at hindi patagilid.
Ako ba ang pinag-uusapan ninyo? Tanong ni Mokong sa mga naroong lider
talangka sa kanilang baryo. Oo! Eh ano naman sa iyo ngayon kung ikaw ang pinaguusapan namin? Pagtataray ng isang babaeng talangka.
Nais kong linawin ang kumakalat na masamang mga balita laban sa akin. Akoy
walang ginawang masama laban sa inyo. Tahimik lamang ako at ninanais na makapag-isa.
Tama kayo. Napapansin ninyo akong nagsasalitang mag-isa sa aking bahay, ito ay dahil sa
nais kong buhayin ang mga letra sa aking mga naisusulat. Naniniwala ako na walang
saysay ang isang panulat kung hindi ito maririnig at maiparirinig. Natuwa naman ako dahil
may isa sa inyo dito ang nagkaroon ng interes sa aking mga ginagawa. Marahil siya ang
nagbalita sa inyo nito. Tungkol naman sa aking kakaibang paraan ng paglalakad na taliwas
sa inyong nakaugaliang paglakad, ipagpaumanhin ninyo, hindi sa nais kong maging
kakatwa sa karamihan. Hindi ko lamang ibig na umayon sa lakad na patagilid. Batid ko na
mauunawaan nyo rin ako balang-araw, sa tamang panahon at pagkakataon. Mahinahong
paglilinaw ni Mokong Talangka.

Saglit na natulala ang karamihan. Muling bumalik si Mokong Talangka sa kanyang


bahay. Nabuhayan na lamang ang mga talangka nang maipinid na ni Mokong ang pinto ng
bahay nito.
Huh, ang akala moy kung sinong marunong. Siya lang ang magaling. Siya lang ang
mahusay. Galit na winika ng isang purok lider na talangka.
At may sinasabi-sabi pang mabutit may nagkainteres sa kaniyang ginagawa.
Walang may interes sa kaniyang mga ginagawa kundi ang sarili niya lamang, inis na tinig
ng isa pang purok lider na talangka.
Lingid sa kaalaman ng lahat ng talangka ay narinig ni Mokong ang lahat ng masasakit na
salitang binitiwan ng mga kabaryo niyang talangka. Naisip bigla ni Mokong na paano
naging lider ang mga ito gayong walang kakayahang mag-isip para sa kanilang sarili,
paano pa kaya ang kanilang mga nasasakupan?
Isang araw, habang nagmamasid ang batang talangkang si Tikang sa butas ng
bahay ni Mokong, nagulat si Tikang dahil mula sa kanyang likuran ay may kung sino ang
kumalabit dito. Si Mokong Talangka. Nagimbal sa kahihiyan si Tikang Talangka. Pinahupa ni
Mokong ang kaba at kahihiyan ng batang talangka. Inalok niya itong pumasok sa kaniyang
bahay.
Namangha si Tikang talangka sa dami ng aklat na naipon ni Mokong talangka.
Maayos na nakasalansan ito sa bawat dingding ng bahay. Patong-patong sa maliit na mesa
ang mga magasin at pahayagan. Kapansin-pansin din ang nakasubong papel sa makinilya
ni Mokong talangka.
Maaari mong hawakan at basahin ang nakikita mong mga aklat. Ang maiibigan mo
ay maaari mo nang iuwi sa inyong tahanan. Marahang alok ni Mokong talangka.
Talaga po! Ang bait nyo pala. Akala ko po kasi ay salbahe kayo dahil wala kayong
kinakausap sa ating lugar. Sabi po kasi ng mga magulang ko, huwag daw po kaming lalapit
sa bahay ninyo dahil nababaliw na po raw kayo. Sunod-sunod na nawika ni Tikang.
Tikang, ang pakikipag-usap at pakikisalamuha sa ibang tao ay hindi masama
subalit paano ako makikitungo sa kanila kung ako naman ay hindi nila nauunawaan?
Sinubukan ko na dati na makipag-usap sa mga purok lider ng ating baryo. Nagbigay ako
ng mga mungkahi tungo sa pag-unlad ng buhay ng mga kababaryo natin. Ngunit, ano ang
naging reaksiyon nila sa nais kong mga pagbabago? Kabaliwan daw at nalalayo sa
katotohanan ang aking mga ipinagsasasabi. Magmula noon, hindi na ako lumahok sa
anumang pagtitipon at pulong na ipinatatawag sa baryo natin. Namuhay akong mag-isa
kapiling ang mga aklat at ang aking panulat. Dito sa loob ng bahay ko ibinuhos ang naiisip
kong magiging solusyon sa krisis at matagal na problema nating mga talangka sa baryo
Talangkukay, paliwanag ni Mokong talangka.
Isa na lamang po, bakit po paharap ang inyong paraan ng paglalakad? pag-uusisa
ni Tikang.
Dahil ayaw kong patangay na lamang sa agos, sa kulturang kinamumuhian ko sa
asal nating mga talangka. Dahil sa iisang paraan ng paglalakad natin, nagkakaroon ng
hilahan kapag may dumarating na panganib sa ating baryo. At kung may nauuna namang
mag-isip na isang talangka sa karaniwang talangka ay ganoon din ang ginagawa nila,

hinihila. Ayaw ko nang ganoong kultura. Kaya magmula noon ay pinag-aralan ko ang
lumakad nang paharap at hindi patagilid. Dugtong ni Mokong Talangka.
Gabi na nang makauwi si Tikang sa kanilang bahay. Agad siyang inusisa ng
kaniyang mga magulang. Nang malaman na nanggaling ito sa bahay ni Mokong talangka
ay pinagalitan ito. Ipinagtanggol naman ni Tikang si Mokong at sinabing mali ang mga
paratang nila, mabait at maginoo ang sinasabing nababaliw na si Mokong. Dahil sa sinabi
ni Tikang, nag-init ang ulo ng ama nito at agad na pinulong ang ibang kasamahang
talangka. Nilusob nila ang bahay ni Mokong.
Walang kahihiyan ang Mokong na iyan. Nilalason ang isip ng anak ko. Tinuturuang
magrebelde sa amin. Kailangang mawala sa landas natin ang talangkang iyan. Galit na
wika ng ama ni Tikang.
Lumabas ka Mokong! Harapin mo kami dito! Sigaw ng ina ni Tikang.
Nakaakma na ang lahat ng sandata ng mga talangkang nasa harap ng bahay ni
Mokong nang biglang yumanig ang lupang kanilang tinatapakan.
Mga kasama, nariyan na ang mga taong nananalakab. Takbo! Sigaw ng isang
purok lider.
Nagsipanakbuhan ang mga talangka. Nag-uunahan. Ang ibang maliliit na talangka ay
naiwan sapagkat hinihila ng ibang kasamahang talangka. Naipit naman ang iba. Laking
tuwa ng mga mananalakab sapagkat napakarami nilang nahuling talangka. Wala halos
natira sa lipi ng talangka sa baryo Talangkukay maliban kay Mokong Talangka na dahil sa
paharap ang nakaugaliang paglalakad ay naiba ng direksiyon mula sa nagtakbuhang
kababaryo. Ikinalungkot ni Mokong ang nangyari sa ibang kasama. Mula sa kalayuan ay
may narinig siyang pamilyar na tinig, isang kababaryo niyang talangka ang umiiyak. Si
Tikang. Agad niyang tinungo ang kinaroroonan ng humihikbi. Natuwa naman si Mokong
nang makita niya si Tikang gayundin naman ang batang talangka.
Ngayon po ay nauunawaan ko na kung bakit paharap ang paraan ng paglalakad
ninyo, nawika ni Tikang.
Salamat Tikang. Ngayon, bubuo tayo ng bagong henerasyon ng mga talangka sa
ating baryo. Isang henerasyon na may busilak na kalooban na walang halong inggit sa
kalooban. Marahang tugon ni Mokong Talangka.

You might also like