Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 3

1

Pangungulisap
Ni Marc Oliver DG. Pasco

Sinubukan mo na bang manghuli ng kulisap? Kung hindi pa, tuturuan kita. Ganito lamang iyon.
Bago ang lahat, huwag mong hayaang mahuli ng kanyang nakalalasing na liwanag ang iyong diwa. Kapag
hinayaan mo itong mangyari, mawawala ka sa iyong sarili at hahatakin ng kulisap ang iyong mga paa sa kung
saan niya nais hanggang sa maligaw ka na sa kagubatan. Tandaan mo: ikaw ang nanghuhuli. Ikalawa, maging
matipid ngunit masinop sa bawat galaw. Bagayan mo ang sayaw ng kulisap. Magpaka-kulisap ka. Ikatlo,
maging pasensyoso kung mailap ang gustong hulihin. Huwag na huwag mong dadaanin sa bruskong istilo.
Kapag ikinompas mo nang pawalde-walde ang iyong mga bisig sa kanila, siguradong papatayin nila ang
kanilang mga munting bombilya at hahalo na sila sa dilim. At huli sa lahat, huwag mong naising mahuli ang
buong pangkat. Magtiyaga ka lamang sa isa. Mas malaki ang tyansa mo kung gugugulin mo ang atensiyon mo
sa isang kulisap dahil mas mapag-aaralan mo ang mga galaw nito at mas madali mo itong mahuhuli. Kung
nais mong mag-uwi nang mas marami, ulitin lamang ang proseso hanggang makahuli ka ng sapat sa ibig mo.
Kung tutuusin, simpleng-simple ang manghuli ng kulisap kung babasahin mo lamang ang isinulat ko.
Ngunit sinasabi ko sa iyo, iba kapag aktuwal ka nang sumuong sa dilim at ibiging kulungin sa botelya ang mga
mumunting lamparang ito. Gayundin naman, kung makahuli ka ng kahit isa, talaga namang sulit ang bawat
butil ng pawis na nanulay sa noo mo. Doon mo matatanto ang nakabibighaning kagandahan ng mga kulisap.
At doon mo rin mas nanaising bumalik sa kagubatan upang manghuli pa nang mas marami.
Parang ganoon rin ang mamilosopiya. Pagkakaroon ng marubdob na pagnanasa para mahuli at
maikahon ang mga hiwaga ng buhay ang mamilosopiya. Isang uri ng pagnanasa na hindi madaling tugunan.
Isang uri ng pagnanasa na laging salat. Bilang mga tao, likas sa atin ang maging bukas sa paanyaya ng mga
misteryo ng mundo at kalawakan. Nangyayari ito sapagkat sabik na mapunan ang kasalatang namumuo sa
kalagitnaan ng ating diwa, kahit paunti-unti man lamang. Ang kasalatang iyon ang nagtutulak sa ating
makibagay sa kumpas ng mga hiwaga ng ating buhay. Subalit hindi isang pasibong pagpaparaya ang
pakikibagay na iyon, kung hindi isang sistematiko, rasyonal, at kritikal na pagpapakumbaba sa harap ng mga
misteryo ng pag-iral. Parang pagtawid sa ilog upang makarating sa kabilang pampang ang mamilosopiya.
Subalit, kaakibat ng pagkasabik na makatawid ang pag-iingat na hindi malamon ng agos at tuluyang malunod.
Mahalaga ang papel ng mga alituntunin upang hindi mauwi sa wala ang pagnanais na lumawig ang abot-tanaw.
Hindi sapat ang pagnanasa. Mahalagang lakipan ito ng sistema.
Sa dahilang ito masasabing hiwaga at pagkamangha ang simula ng lahat. Kaalinsabay ng hiwagang
bumabalot sa lahat ng bagay ang ating kakayahang mamangha at magtanong. Ang mamangha ang pagbibigayhalaga sa kagandahang bumabalot sa hiwaga ng bawat bagay na nag-uudyok sa diwang magtanong. Sa
pilosopikong diwa, hindi pagkahulog-baba at pagkawala sa sarili ang mamangha. Bagkus, pagkamangha ito na
nagtutulak sa atin upang magtanong at masabik na umalam. Sinasabing ang ating kakayahang magtanong ang
mismong esensya ng ating pag-iralwe exist questioningly. Kapag nagtatanong tayo, ipinakikita natin na hindi
nagsisimula sa wala ang pamimilosopiya. Ipinakikita ng pagtatanong na may alam tayo, subalit kasama nito
ang pag-amin na kulang pa ang ating nalalaman. Sumasalamin ang pag-amin sa ating kakulangan sa dalisay na
diwa ng Pilosopiya. Kaya nga sabi ni Gabriel Marcel sa kanyang Mystery of Being, laging nananatiling salat ang
pilosopikong paghahanap, ngunit hindi naman nangangahulugan na absurdo ito at walang kinahihinatnan.
Hindi lamang bunga ng limitadong kakayahan ng ating isip na rumerespeto sa katalaghan ng katotohanan ang
kakulangan ng ating pag-unawa; bunga rin ito ng sadyang nakahihigit at di-maikahong realidad ng
katotohanan.
May kaakibat na pagpapakumbaba ang pagmamahal sa karunungan. Sa pamamagitan nito, mas
tumatalas ang ating isip at diwa sa mga pagpaparamdam at pagpapakita sa hiwaga ng Meron. Gaya ni Sokrates
na nagtaglay ng pinakamahalagang karunungan, na wala siyang alam ngunit handang umalam, tinatawag din
tayo ng Pilosopiya na maging mapagkumbaba. Kailangang marunong tayong sumabay sa ritmo ng Meron.
Kapag nagmayabang tayo sa harap nito at hindi iginalang ang sarili nitong paggalaw, malamang na pawang
opinyon natin ang ating mapipitas. Iba ang kinakailangang desposisyon kung talagang nais nating makaulinig
man lamang nang pasaring ng karunungan.
Hindi madali ang mamilosopiya. Madalas na aabutin ka ng antok sa pag-aakalang mas maraming
tanong kaysa sagot. At bahagi ito ng metikulosong prosesong kaakibat ng matayog na hangarin ng Pilosopiya.
Ang magtanong ukol, halimbawa, sa kahulugan ng buhay ay hindi masasagot sa isang upuan. Madalas na
sinasagot ang ganitong mga tanong sa mismong paraan ng iyong pamumuhay at mas maliliit na bagay na
iyong pinahahalagahan. Kaya hindi tulad ng aritmetik, walang tiyak na kasagutan sa Pilosopiya. Maaaring
makapulot ito ng pinakarasyonal na paliwanag sa ngayon, ngunit bukas pa rin ito sa muling pagbukadkad ng
isang panibagong mukha ng Meron...at sa muling...hanggang tayoy mga tao.
Sa ating pagnanasang maipaliwanag ang hiwaga ng ating buhay, kasama na rito ang presuposisyon ng
ating mga konteksto at hangarin, inaanyayahan tayo ng ating diwang magbalik-tiklop. Isang mabisa at
mahalagang instrumento ng pilosopikong paghahanap ang magbalik-tiklop o pagmumuni-muni. Sa gitna ng
mga umiikot at lumulutang na ideolohiya, opinyon at mga pangyayari sa ating mga karanasan, hangarin natin

2
na mabigyan ito ng kahulugan. Hindi natin mararanasan ang lahat ng bagay sa mundo. Iyon lamang na
dumaan sa ating mga pandama ang maaari nating dulutan ng kahulugan.
Kahulugan. Kung susuriin natin ang salitang ito, mula ito sa salitang-ugat na hulog, ipinahihiwatig na
nagmumula ang isang bagay sa kung saan at na may kinahuhulugan ito. Sa interes mg ating eksposisyon,
maaari nating sabihin na isang gawain ang pagmumuni na nagnanais maipakita sa sarili ang wastong
pagkakalagyan ng bawat elemento ng karanasan upang maisaayos ito sa konteksto ng isang kabuuan. Kaya
madalas na nasa balangkas ng isang kuwento ang pagmumuni. Sapagkat sa isang kuwento, malinaw na
pinagtagni-tagni ang bawat tagpo at indibidwal na pangyayari upang makabuo ng isang makahulugang kuwento.
Samakatuwid, maituturing na pagbabalik-loob ang pagbabalik-tiklop, umaasa tayong makahugot ng kahulugan
mula sa ating karanasan. Bakas dito ang pagnanasang magkamit ng tunay na karunungan sa gitna ng waring
magulong disenyo ng ating pag-iral.
Subalit hindi nagwawakas ang Pilosopiya sa pagmumuni-muni. Handang dumaan sa maselang
proseso ang pagtitiyak ang tunay na umiibig sa karunungan. Hindi sapat na makuntento sa mga pala-palagay.
Mahalagang dumaan sa sistematiko at kritikal na proseso ng pagtitiyak upang unti-unting malinis ang mga
panligaw na bahid ng maling palagay sa nais alamin. Hindi makakamit ang karunungan sa pabara-barang
paraan. Kailangang maging masidhi ang ating pagnanasang humalukay ng lahat ng posibleng ebidensya bago
tayo humusga. Sa paraang ito, mas lilinaw sa atin ang pagpapakita ng Meron dahil tuklap na ang mga langib
ng dating mga sugat nito mula sa ating maling pala-palagay. Nagiging mabunga ang proseso sa paraang laging
may panibagong aspekto ng Meron na naaaninagan, buhat sa mga dati na nating natuklasan, bagaman hindi pa
rin buung-buo.
Tulad sa paghuli ng kulisap, mahalagang maging sistematiko sa pagsasagawa ng hangarin, nang sa
gayon, magbunga ito sa huli. Mas malamang na wala kang mahuhuli kapag basta-basta mo na lamang
ikukumpas ang iyong palad sa gitna ng pangkat. Ituon ang isip sa isa, at matiyagang hintayin ang kusa nitong
paglutang, saka hulihin. Sabwatan ng tamang panahon at ng tamang diskarte ang karunungan. Hindi ito
dinudukoy sa lalamunan ng Meron. Matiyaga itong inaantabayanan at saka lamang hinuhusgahan. Mas
mabuti itong idaan sa tamang pakahulugan. Hindi naman tayo kinakailangang magpakatuod sa pag-antabay.
Isang mulat at aktibong paghihintay na laging handang lumusong sa karagatan ng Meron ang salitang antabay.
Sabi nga, walang nagpapakita, kung wala namang tumitingin. Mahalaga ang pananatiling handa sa bawat
galaw ng Meron. Kailangang maganap ang lahat sa tamang timpla ng sabwatan ng obheto at subheto. Ang
pamimilosopiya, gaano man katayog ang hangarin at lalim ng sisid, may mga tuntunin pa ring dapat pairalin.
Tandaan ang mahalagang papel ng kababang-loob at alertong pag-aantabay sa pangyayari ng katotohanan.
Hindi bumubukadkad nang isang buo ang katotohanang habol ng pagkasabik na matuto. Paunti-unti
ang paglalahad nito ng kanyang sarili, gayundin naman, paunti-unti rin at di-komprehensibo ang ating
kaalaman. Sa simpleng karanasan sa pagtingin sa anumang bagay, di-maiiwasan na makulong sa ating sariling
perspektibo. Hindi kailanman buo ang ating kaalaman. Sabi nga ng pilosopong si Martin Heidegger, laging
nasa-konteksto ang ating kaalaman. Dito pa lamang sa katagang ito, bakas na ang likas na kakulangan ng ating
kaalaman. Ngayon sa ating mga pagdanas ng mga bagong karanasan, dito lumalawak ang ating mundo. Sa
bawat pagpapasulyap ng Meron, mayroon tayong napupulot na bagong kaalaman, bagaman kulang pa rin.
Ang manatiling bukas at panatilihin ang masidhing pagnanasang umalam ang mahalaga. Tumutukoy ang
salitang Griyegong aleitheia sa sabwatan ng subhetong bukas ang isip, at obhetong mayaman sa sarili nitong
pag-iral. Dito nagpapasilip ang Meron sa atin. Pag-asa naman ang siyang sulong nagsisilbing liwanag sa bawat
pangyayari ng sabwatang ito sa Sankameronan.
Sa bawat galaw ng Meron, tayo ang tumatayong mga saksi. Mahalagang pansinin na hindi lamang
nagtatanong ang pilosopiya tungkol sa mga ordinaryong kaganapan kundi pati, at lalung-lalo na, tungkol sa
misteryo ng ating buhay. Sa ating pagsusumikap na mabigyang kahulugan ang lahat, pag-asa lamang ang
masasabing tanglaw para sa ating kinabukasan. Sabi nga ni Marcel, kung may paskil ang hiwaga na
nagsasabing Bawal Pumasok, siguro maaari nating sabihing wala ngang kahulugan ang ating hangarin.
Kung sadyang natatapos sa hiwaga ang lahat, wala nga sigurong silbi ang Pilosopiya. Subalit hindi ito
ang kaso. Patuloy na nagtatanong ang Pilosopiya at naghahanap ng kahulugan. Bakit? Sapagkat binibigyan
tayo ng isang pusong nakatali sa pangako ng bukas. Na bukas, maraming maaaring mangyari. Na bukas,
Meron pa rin. Kaya lumalabas na ang pag-asa ang siyang sulong tangan natin sa bawat hakbang natin sa dilim
ng hiwaga ng Meron. Naririto ang elemento nang di-lubos na pagkaunawa. Ngunit, ganito man ang siste,
tanto ng isang tunay na pilosopo na sadyang umaapaw lamang talaga sa yaman ang Meron. Ang yamang ito
na waring pinagkait ng ngayon, inihahain naman ang pag-asa ng bukas. Bahagi ng buhay ng tao ang bukas.
Subalit dahil wala pa ito, wala pang mauunawaan. Ngunit dahil patuloy tayong sumasagwan sa ilog ng
panahon, magiging ngayon ang bukas at masisilayan ang ipinagkait ng kahapon.
Mahalagang banggitin na hindi nagaganap sa ating vacuum ang pamimilosopiya, kasama ng pag-asa.
Ginagawa ito sa daigdig kasama ang ibang tao. At dahil dito, mahalagang sikapin nating mahawa sa atin ang
ating mga kasama. Kung ating mapagsasanib ang mas maraming perspektibo ukol sa Sankameronan, marami
tayong makikitang bago. Magiging mas hitik sa bunga ang ating pagmumuni. Kung tama si Paul Ricoeur sa
pagsabing nakasalalay sa kapwa ang kaalaman tungkol sa sarili, masasabi nating napakahalaga ng papel na
ginagampanan ng pakikipag-kapwa sa pamimilosopiya. Ginigitla tayo ng Pilosopiya na paulit-ulit na tumingin
hanggang sa maging sigurado tayo sa ating nakikita. Sabi nga, ang muling pagtingin ang simula ng karunungan.

3
Puno ng pag-asa ang pamimilosopiya. Hindi lamang pun, kung hindi puno ring sapagkat lagi itong
nakaantabay sa pagsulpot ng unang bunga sa mga sanga ng Meron. Parang isang musmos ang pilosopo na
hindi nangangawit sa pagtingala habang hinihintay ang pagsulpot ng mga bungang nais niyang maiuwi at
maipatikim sa kanyang mga magulang, kapatid, at kaibigan. At sa kanilang pagsasalu-salo, nananamnam nila
ang tamis ng katas ng pagtitiyaga ni bunso. Kaya sa susunod, sama-sama na silang titingala at aantabay sa
muling pamumunga ng punong iyon. Ang Pilosopiya ay para pagsaluhan. Hindi karunungan ang karunungan
hanggang hindi ito ibinabahagi sa kapwa. Isang sandigan ng pamimilosopiya ang pakikipagkapwa-tao
sapagkat dito, sama-sama tayong umaasa. Mas malalalim ang pinaguugatan ng pag-asa sapagkat tanto natin
ang pagkakabuklod ng ating mga hangarin. Lahat ay nais umalam. Lahat, nais malaman ang kahulugan ng
buhayang kahulugan ng buhay na pinagsasaluhan nating lahat.
Kung gayon, saan na tayo dinala ng ating eksposisyon? Mula sa karanasan ng panghuhuli ng kulisap,
nakita natin na hindi suntok sa buwan ang gustong marating ng pamimilosopiya. May gusto itong marating
bagaman hindi madali ang daang tatahakin. Ngunit dahil sa mga alituntuning nagsisilbing gabay sa daan,
palaging nahahanapan ng dahilan ang pagpupursigi. Higit pa rito, dahil sa pangako ng bukas at sa masiklab na
sulo ng pag-asang tangan natin habang kapit-kapwa nating tinatahak ang misteryo ng Sangkameronan, laging
may dahilan para mamilosopiya. Bagaman mahilig itong mangulit sa mga bagay na sadyang hindi madaling
arukin, isa itong pangungulit na may malalim at mahalagang dahilan.
Hindi madali ang manghuli ng kulisap. Hindi madali ang mamilosoiya. Subalit sapat na ang pangako
ng natatanging liyab na tangan ng kulisap upang patuloy na sumuong sa dilim ng kagubatan at maging
masigasig sa panghuhuli. Sapat na ang pangako ng panibagong mukha ng Meron na maaaring datnan
kinabukasan. Sa bawat butil ng pawis at pangangalay ng binti sa makatingbanig ng damo, may naghihintay na
pabuya sa pag-angkin sa ksilap ng kulisap. Sa bawat pagsusunog ng kilay at pag-aaral ng makakapal na libro sa
Pilosopiya, may naghihintay ding kayamanang mapagpamulat sa mga misteryo ng buhay na pawang natabunan
na ng mga akonomikong pagtanaw sa buhay. At sa buong tela ng pamimilosopiya, bakas ang mga himaymay
ng kababaang-loob at pag-asa. Subalit, walang silbi ang tela hanggang hindi ito tinatahi bilang isang bagay na
mapakikinabangan: Kailangan ng orthopraxis o tamang pag-aangkop at pagsasabuhay ng natutunan upang hindi
mawalan nang saysay ang diwa ng Pilosopiya.
Ang Pilosopiya ay ginagawa. Hindi ka makahuhuli ng kulisap sa iyong silid habang binabasa mo ang
sinulat ko. Kailangan mong ibaba ang iyong libro, sumama sa iyong mga kaibigan sa gubat, at makisalo sa
pagod at sayang hatid ng panghuhuli ng kulisap. Hindi mo malalaman ang kahulugan ng buhay sa pagbabasa
lamang ng mga isinulat nina Marcel o Heidegger o Sartre o Camus. Kailangan mong ilublob ang iyong sarili
sa karanasan, at danasin ang hinahanap mong kahulugan. Gaya ng binanggit ko kanina, hindi madali ang
mamilosopiya. Ayon sa kuwento ni Platon, matarik, nakapapagal at nakasusugat ang pag-ahon mula sa
kuweba ng mga anino patungo sa tunay na liwanag ng Meron. Subalit kailangang daanan ang lahat ng ito sa
ngalan ng pagmamahal sa katotohanan.
Isang gawaing puno ng pag-asa at pagpapakumbaba ang Pilosopiya. Kapag nasabi na ang dapat masabi,
ang pinakamahalaga ay hindi pa rin masasabi. Walang halaga ang dunong hanggang hindi naisasagawa sa tamang
paraan. Kayat ano ang panawagan sa atin ng Pilosopiya? Tinatawag niya tayong lahat na magpakatao.
Magpakatao sa paraang nalalampasan natin ang ating mga pang-araw-araw na gawain at humahakbang nang
isa palabas sa mundong ating ginagalawan. Sa paraang ito lamang natin magagawang magtanong ng
mahahalagang tanong tungkol sa ating buhay. Sa paraang ito lamang natin matutunghayan ang napakaliwanag
na sulo ng pag-asang nagbibigay liwanag sa buong Sangkameronan. At higit sa lahat, sa paraang ito lamang
natin mapagtatanto na may isang mabuting Sinuman na patuloy na tumatangkilik sa ating bawat galaw at
nagpapaigting ng ating pagnanasa.

You might also like