Ang mga Blaan ay isa sa labing walong di-Muslim na katutubong pangkat
na ngayoy nakatira sa pulo ng Mindanao. Ang mga Blaan ang naturingang pangatlo sa pinakamalaking pangkat, nangunguna ang mga Subanen sa Zamboanga at Misamis, pumapangalawa ang mga Aromanon Manobo. Ayon kay Fulong Bantilan Diantan ng Malapatan ang salitang Blaan ay nangangahulugang kapalit o katapat ng mga Tboli (Arcenas 1993). Ang Blaan ay hango sa salitang Blaan na BLA, ibig sabihin ay katapat o kapalit. Ang AN ay panlaping nagpapahayag ng pag-aari. Kaya ang Salitang BLAAN ay naangangahulugang katapat o kapalit ng isang bagay. Ayon sa kasaysayan ang mga Blaan at Tboli lamang ang mga naninirahan sa Sarangani. Ang mga Tboli daw ay pinangalanan ng mga Blaan na To Bali na nangangahulugang mga taong naninirahansa kabilang dako. Kaya ang mga Blaan at Tboli ay magkakatapat. Ang mga Blaan ay matatagpuan sa pagitan ng 124-126 longhitud sa Silangan at sa bandang 5-8 ng Hilaga. Sila ay nahahati sa tatlong pangkat ayon sa lugar na kanilang pinagmumulan. Una: Mga Blaan sa Davao, sila itong mga Blaan na makikita sa mga lungsod ng Davao tulad ng Sulop, Hagonoy, Malita, Malalag, Matanao, Magsaysay at sa mga lungsod ng Mlang, Kidapawan, Tulunan, sa Probinsya ng Cotabato. Pangalawa: Ang mga Blaan sa Koronadal ( Marbel) marami ang mga Blaan sa mga Barangay ng Assumption sa Bulol at sa mga kalapit lungsod ng Banga, Tupi, Surallah, Tboli, Tampakan, Polomolok, at Malungon sa Probinsya ng South Cotabato; Lutayan at Columbio sa Probinsya ng Sultan Kudarat at sa Datu Paglas sa Maguindanao. Pangatlo: Mga Blaan sa Sarangani na naninirahan sa Tabing dagat ng Sarangani, (Dating sakop ng South Cotabato) sa Malapatan, Maasim, Alabel, Glan at sa General Santos. May mga Blaan din sa lungsod ng Jose Abad Santos at sa mga pulo ng Sarangani, sa mga Probinsya ng Davao Del Sur. Ang mga Blaan sa ngayon ay umabot na ng mahigitkumulang sa 450,000 sa boung Mindanao. . Sa Tampakan, 15% ng mga tao doon ay mga Blaan na tinatayang may 3,800 ka tao. Marami sa kanila ay nakatira sa bundok hilagang bahagi ng silangan sa Tampakan.(Arcenas 1993) Ang mga Blaan ay nauuri sa dalawang pangkat; To Lagad o mga Blaang nakatira sa matatarik na bundok at To Baba, mga Blaang nakatira sa patag. May mga To Lagad sa Davao del Sur, South Cotabato at Sultan Kudarat. Samantalang ang mga To baba naman ay matatagpuan sa tabing dagat ng Sarangani at General Santos City, at sa ilang bahagi ng Davao Del Sur sa lungsod ng Jose Abad Santos, Balut at Sarangani Island.
Ang mga Blaan ay nakikipagtalastasan sa salitang Blaan na pareho sa
lahat ng To Lagad. Ang mga Blaan naman sa tabing dagat ay may kaunting pagkakaiba ng pananalita at pagbigkas. Ang salitang Blaan ay nahahati sa tatlong pangkat basi sa pook , kung saan ito ginagamit. Halimbawa: Ang salitang Ano ay git sa mga Blaan sa Davao, det naman sa mga Blaan sa Koronadal at tan sa mga Blaan sa Sarangani. Ngunit ang isang mas mainam na paraan ng pakikipagtalastasan ng mga Blaan ay ang nakasanayang paawit na pagsalita. Ang ganitong paraan ng pakikipagtalastasan ay likas sa mga Blaan. (Arcenas 1993) Tulad ng ibang pangkat etniko sa Pilipinas, ang mga Blaan ay may sariling kaugalian at kultura na naiiba. Ngunit dahil sa pananakop at pandarayuhan untiunti itong nawawala dahil na rin sa kanilang pakikisalamauha sa mga tinaguriang kristiyanos (ito ang tawag nila sa mga hindi katutubong Blaan). Nang ang mga dayuhan galling sa Luzon at Visayas ay naparito sa Mindanao at kumuha at nagsaka sa mga lupain ng mga Blaan, dala din nila ang bagong anyo ng pananamit, pamumuhay, pananalita, at kultura na naging malakas na impluwensys sa buhay ng mga katututbong Blaan. Gayun pa man, may natitira pa ring kulturang Blaan na patuloy nilang isinasabuhay. Nakatira ang mga Blaan sa bulubunduking nagmumula sa Davao del Sur hanggang Cotabato. Kaingero sila. Kapag nagkakasakit ang mga Blaan, kumukonsulta sila sa kanilang t fulung (marunong) o t admango, isang nakakatanda na may kapangyarihang nakaaalam kung ano o sino ang dahilan ng pagkakasakit. Nagsasalita o nagtatanong ang t admango kung sino o ano ang dahilan ng pagkakasakit sa pamamagitan ng pagsasabi ng isang partikular na espiritu, fun bulol espiritu ng burol; fun e-el espiritu ng tubig, atbp. Nakatira malapit sa mga Tboli ang ilang Blaan. Malamang na ito ang dahilan kung bakit may mga pagkakahawig ang kanilang mga wika. Paghambingin natin ang kanilang mga wika. Ang sumusunod ay halimbawa ng kanilang pagbati: Blaan Tboli Tagalog Feu Flafus (fyoo flafus) Heyu Hlafus (hyoo lafus) Magandang Umaga Feu Alturo Heyu Tungo Karaw Magandang Tanghali Feu Flavi Heyu Koluy Magandang Hapon Feu Kifu Heyu Kifu Magandang Gabi Sa ngayon, karamihan sa mga pangkat etniko ay nakaaangkop na sa makabagong pamumuhay. Gayunman, sinisikap ng nakatatandang miyembro ng kanilang mga tribo na maipasat maibahagi sa susunod na henerasyon ang kanilang mga gawing pangkultura. Gusto nilang tiyakin na hindi mawawala ang mga gawing pangkulturang ito. Gusto nilang manatiling bahagi ang mga ito ng kanilang kultura at pagkakakilanlan. Sa nakatagong kabundukan, sa mga masinsing puno at halaman, sa mga kanugnog na sityo at lunan doon nagkukubli at namumuhay ang mga Blaan. Kinukumutan ng gintong hamog na humahalik sa pisngi ng lupa ang kanilang pamayanan, animoy nasa paraisong nakatulakbong dahil nilalamigan sa bawat
banayad na dampi ng hangin. Sa pagputok ng araw sa silangan panibagong
hamon ang kanilang kahaharapin: pag-iigib ng tubig sa malayong lugar, pagsasaka sa bukid, pamumutol ng mga kahoy upang gawing uling at pamimitas ng mga bungang-kahoy sa kanilang mga bakuran. Ganito kapayak ang kanilang pamumuhay. Malaya silang nabubuhay kasama ang yaman ng paligid. Naririyan silang nangunguha lamang ng gulay, nag-aalaga ng kanilang patabaing-baboy at nag-aararo sa tumanang kanilang pinagkukunan ng salapi. Masayahin ang mga Blaan , mahilig silang kumanta at umawit ng mga katutubong awiting ipinamana sa kanila ng kanilang mga ninuno, mahusay silang magsalaysay ng mga nakakatawang pangyayari na sumasalamin sa kanilang magaang pamumuhay. Ang mga Blaan ay matulungin, sama-sama nilang pinauunlad ang kanilang nayon, sama-sama nilang binubuo ang kanilang mga pangarap sa mumunting ambag nila sa kanilang diwa ng pagkakaisa ay sumasabay sa ihip ng hangin. Ang pagngata ng nganga (betel nut) ay isa sa mga kapansing-pansing ginagawa ng mga Blaan, ang bawat pagnguya ng bunga ay pagpapakita ng kanilang makulay na tradisyong hinabi ng kanilang makasaysayang ngiti, kalawanging mga ngiping sumisimbolo ng malawak nilang karanasan. Mapagmahal sa tradisyon ang mga Blaan, sa liblib ng kabundukan kung saan pumapasok ang mga batang Blaang nagnanais matupad ang kanilang mga pangarap ay nababalutan ng putik ang bako-bakong kalsada, maaalikabok tuwing tag-araw at malalugaw naman pagdating ng tag-ulan ngunit hindi ito iniinda, mataas ang kanilang pangarap sa buhay, ang daigdig para sa kanila ay malaking paraiso na kailangang lakbayin sa tulong ng pag-aaral. Sa kanilang mga paang pinatibay ng panahon at nagkakalyong daliring hindi nakaranas ng tsinelas. Masasalamin ang paghihirap ng kanilang nararanasan, tumutulo ang kanilang mga sipon, ganggabutil ang kanilang mga pawis, nangingitim ang kanilang mga ilong dahil sa araw-araw na pamumugon o pangunguling bago pumasok o pagkatapos ng pag-aaral. Lubos nilang niyayakap ang edukasyon sapagkat naniniwala silang ito lamang ang magiging instrumento nila upang mawasak ang tanikalang nakapulupot sa kanila, ang kahirapan.