Ang Sining NG Sabayang Pagbigkas

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

ANG SINING NG SABAYANG PAGBIGKAS

Ang Sabayang Pagbigkas ay isang masining na pagpapakahulugan o interpretasyon


sa anumang anyo ng panitikan sa pamamagitan ng sabayang pagbabasa nang
malakas ng isang koro o pangkat.

Itoy nangangahulugang hindi sapat na mabigkas lamang ang piyesa nang sabay-sabay.
Mas higit ang pangangailangang mabigyan ng interpretasyon at pakahulugan ang piyesa sa
pamamagitan ng isang masining at malikhaing pamamaraan na maaaring maglarawan at
maglahad sa kung anumang interpretasyon o pakahulugan ang nais ikapit sa piyesa.
Nabanggit din ang pariralang sa anumang anyo ng panitikan; Itoy lantarang
nagpapahiwatig na hindi lamang tula ang maaaring gamiting pyesa gaya ng nakasanayan na ng
ibang mga guro, Sa pagbibigay-interpretasyon ng isang pyesang pang-sabayang bigkas ay
maaaring gumamit ng iba pang anyo ng panitikan tulad ng sanaysay, bahagi ng isang
kwento,dula o nobela. Naging palasak ang paggamit ng TULA bilang piyesa ng Sabayang
Pagbigkas dahil itoy kawili-wiling gamitin sapagkat itoy magaan at madulas bigkasin dahil
nagtataglay ito ng naiibang indayog at ritmo na nagmula sa sukat at tugmaan nito.
Isang koro o pangkat ang bumibigkas nang malakas. Samakatuwid, hindi maaaring isa,
dalawa o tatlong tao lamang ang bibigkas ng pyesang pansabayang pagbigkas KUNDI ISANG
KORO O PANGKAT na binubuo ng maraming tao. Maituturing na ideyal na bilang ang dalawamput
limang (25) mambibigkas para sa pagtatanghal ng isang SABAYANG PAGBIGKAS.
Nagtataglay ito ng kaisahan at kagandahang halos katulad ng kahulugang pangkoro sa
musika, isang pamamaraan ng masining na pagbigkas sa pamamagitan ng sama-sama,
magkakatugma, magkakabagay at magkatugong-tinig, isang tuluy-tuloy na aliw-iw ng mga
salita.
Ang koro ay nagtataglay ng ibat-ibang uri ng tinig. Pinagsasanib-sanib ang mga ito nang
ayon sa wasto nilang tunog, himig, puwersa at lakas na siyang nagbibigay ng kariktan.
Sinasabing ang higit na pinakamabisang pamukaw/panghikayat ng damdamin ng tao ay yaong
nakatitigatig ng lahat ng pandama nakikita, naririnig at nadarama. Taglay ng Sabayang
Pagbigkas ang lahat ng sangkap na ito kung kaya mabisa at mabunga ang nagiging epekto nito
sa mga manonood/tagapakinig, gayon din naman sa mga bumubigkas/koro. (Andrade, 1993)
Ayon naman kay Abad (1996), ang Sabayang Pagbigkas ay isang kawili-wiling pamaraan
ng pagpapahalaga sa panitikan sa pamamagitan ng pagsanib-sanib ng mga tinig ng koro ayon sa
wasto nilang tunog, puwersa at lakas. Taglay nito ang mabisang panghikayat o pamukaw sa
damdamin dahil sa natitigatig nito ang pandinig, paningin at pandama ng tao.
Ang pakikilahok sa sabayang pagbigkas ayon kay Andrade (1993) ay nagdudulot sa mga
mag-aaral ng mga sumusunod :
Una, ito ay mabisang pamaraan ng pagkatuto ng wika.
Ikalawa, mabisa itong pamaraan sa paglinang at isang panghikayat sa pagkakaroon ng
kabatiran at lugod sa pagpapaunlad ng panitikan.
Ikatlo, itoy isang pangunahing pagsanay sa pagtatalumpati, pagbigkas nang isahan,
pagpapakahulugan at pag-arte sa tanghalan.
Ikaapat, naglalaan ito ng malawak na kakayahan sa pagkalugod sa sining.
Ikalima, nakatutulong ito sa ikapagtatamo ng pang-unawa sa lipunan bunga ng isang gawaing
pangkatan, pakikiisa at pakikibagay.
Ikaanim, isa itong panimulang kasanayan sa mahusay at mabisang paraan ng
pakikipagtalastasan.

Mga Uri ng Sabayang Pagbigkas:

PAYAK. Itoy isang payak o simpleng pagtatanghal ng Sabayang Pagbigkas na maaaring


binabasa lamang ang pyesa. Limitado lamang ang mga kilos o galaw ngunit maaaring gumamit
ng tape, tunog o musika. Higit na binibigyang-pansin o diin ay ang tinig ng mga mambibigkas na
may tuon sa lakas, linaw at indayog ng pagbigkas.
WALANG KILOS. Sa uring ito, kailangang saulado ng mga mambibigkas ang pyesa. Walang
anumang kilos o galaw mula sa mga mambibigkas ngunit itoy higit na nagbibigay-diin, tuon at
pahalaga sa paggamit ng wastong tinig at ekspresyon ng mukha.

MADULA. Itoy isang Pan-Teatrong Pagtatanghal. May mga Korong bumibigkas nang sabay
sabay at sila rin ang mga tauhang gumaganap sa pagtatanghal. May mga soloist na bumibigkas.
Maaaring maglagay ng mga diyalogo at koryograpi. May angkop na kasuotan, tunog, musika,
awit, sayaw,pag-iilaw, props, atbp.

Mga Anyo ng Sabayang Pagbigkas:


SYNCHRONIZED (sabayang tinig)
CHOREOGRAPHED (sabayang kumpas, kilos, galaw at sayaw)
STRUCTURED (binalangkas na sagutang pagbigkas)
THEATRICAL (pandulaang pagtatanghal ng piyesa)

Mga Hakbang sa Pagtuturo ng Sabayang Pagbigkas:

Pamimili ng Piyesa

Ang piyesang pipiliin ay nararapat lamang na maging angkop sa okasyon o pagdiriwang.


Kailangan ding maisaalang-alang ang uri ng manonood sa pagpili ng piyesa. Ang pipiliing piyesa
ay dapat na maging angkop sa edad, interes at karanasan ng mga manonood. Piliin din ang
piyesa na may uring pagkamaitatanghal madula, mapagpakahulugan, mapaghamon,
madamdamin at maaksyon.

Ayon naman kay Buys (1989), sa pagpili ng piyesa para sa Sabayang Pagbigkas, nararapat na
ang napiling piyesa ay makapagpapakilos ng imahinasyon ng manonood o tagapakinig at
kinakailangang nagtataglay ng mga katangiang gaya ng mga sumusunod:

Naaantig nito ang emosyon ng mga manonood


Nagtataglay ng katangian ng isang mahusay na akdang pampanitikan
May mga makatawag-pansing mga karakter o tauhang may kani-kaniyang kakaiba, natatangi at
kakatwang karakterisasyon
Mayaman sa talinghaga,imahen, aliterasyon, tayutay at simbolismo
Nagtatampok ng Tunggalian at naghahain ng makahulugang mga kilos at galaw

Pagbuo ng Iskrip

Ang iskrip na gagamitin ay nahahati sa dalawang uri:

1. Tradisyonal o De-kahon Ito ang uri ng Iskrip sa Sabayang Pagbigkas na inihahanay at


hinahati sa apat na kolum ang mga sumusunod: Pangkat /Tinig; Linya/Taludtod/Diyalogo;
Interpretasyon/Kilos/Koreograpi/Blocking; at ang Props/Costume/Pag-iilaw/Musika.
De-kahon sapagkat ang iskrip ay ginagamitan ng mga Pananda, Sagisag,Bantas, Simbolo,
Guhit at Ilustrasyon
gaya ng mga sumusunod:
Pangkat
I. Unang Pangkat na maaaring nagtataglay ng mga mambibigkas na may tinig na uring
mataas o
matinis
II. Ikalawang Pangkat na maaaring nagtataglay ng karaniwang tinig
III. Ikatlong Pangkat na nagtataglay ng mga tinig na malalagong
L Lahatang tinig/Sabay-sabay o Lagumang Bigkas
Solo Isahang Pagbigkas/Soloista
Bilis
Mbgl (mabagal)
N (normal)
Mbls (mabilis)
Lakas

Mh (mahina)
K (katamtaman)
Mlks (malakas)
Mlkss (malakas na malakas)
Plks (palakas)
Phna (pahina)
Pbl (pabulong)
E (pa-echo/pa-alingawngaw)

Halimbawang mga sagisag:


/ Hindi gaanong mabagal na paghinto
// Matagal nang kaunti ang paghinto
/// Matagal na paghinto
Kn Kanan
Kl Kaliwa
Lkd Likod
Atbp

2. Makabago/Malaya(Freehand) Ito ang uri ng iskrip na mismong ang piyesa na ang


ginagamit na iskrip at hindi na kailangan pang bumuo ng isang bago o bukod na iskrip. Ang
paglalagay ng mga pananda, simbolo at mga sagisag ay mismong sa mga salita o taludtod ng
tula o mismong sa sipi ng piyesa na inilalagay. Ang paglalagay ng bilog o pagbibilog sa mga
salita ay maaaring ipakahulugan na bibigkasin ang mga ito nang malakas; ang pakurbang guhit
sa ilalim ng salita ay maaaring ipakahulugang bibigkasin ito nang mabagal o mahina atbp.
Ang talaan ng mga props, pag-iilaw, at pagkakasunud-sunod ng mga
eksena/aksyon/interpretasyon ay isinusulat sa isang malaking papel tulad ng manila paper na
nagtataglay ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari mula sa pagpasok ng mga
mambibigkas hanggang sa kanilang paglabas ng entablado na may karampatang mga pananda
o cue para sa musika, tunog at pag-iilaw. Ang mga props at kagamitan ay nakasulat din sa gilid
ng bawat yugto o tagpo.

Pagpili ng mga Kalahok

Makakatulong nang malaki ang pagtatakda ng isang Awdisyon para sa mga mambibigkas.
Bawat isang mag-aawdisyon ay kinakailangang saulado na ang piyesa at napag-aralan na dapat
nila ang wastong bigkas at damdaming angkop para sa pagbigkas nito bago pa sumapit ang
itinakdang araw ng awdisyon. Kinakailangang piliin lamang ang mga mambibigkas na may buo
at malakas na tinig, may malinaw na paraan ng pagbigkas sa bawat salita, may magandang
tikas at tindig at mahusay maglapat ng angkop na damdamin sa tinig at ekspresyon ng mukha.
Huwag nating kalilimutang nakasalalay sa malakas na tinig at malinaw na bigkas ng mga
salita ng koro/mambibigkas ang isang mahusay na Sabayang Pagbigkas

Oryentasyong Pangnilalaman ng Piyesa


Matapos mapili ang mga mambibigkas, kinakailangang magkaroon ng pangkalahatang
oryentasyong pangnilalaman tungkol sa piyesang bibigkasin. Kinakailangang ipaunawa sa mga
mambibigkas ang nilalaman ng piyesa at mga elementong pampanitikan nito: persona ng tula,
kahulugan ng mga malalalim na salita, implikasyon ng pamagat ng piyesa, intensyon o layunin
ng may-akda, simbolismo,pahiwatig,talinghaga at mga tayutay na napapaloob sa piyesa,
kaisipan at mensaheng napapaloob sa bawat taludturan/saknungan o talata at kabuuan ng
piyesa.

Mapanuring Pagbigkas sa bawat Salita


Kinakailangang ituro ang wastong bigkas sa bawat salita. Mahalagang maisaalang-alang
ang wastong bigkas sa pagtuturo ng Sabayang Pagbigkas. Mahalagang matutuhan ng mga
mambibigkas kung bakit may mga salitang dapat bigkasin nang mahina, mabilis, mabagal,
malakas at maragsa o maimpit. Ang malinaw at matatas na pagbibitiw ng liha o pantig ng bawat
salita at pagbigkas nang may wastong diin, tono, haba at antala ay nasasakop ng mga tuntunin
sa wastong pagbigkas
Pagsasagawa ng Pagsasanay o Palihan sa Pag-arte o Pagganap

Ang isang Madulang Sabayang Pagbigkas ay nagtatanghal ng mga madudulang eksena at


nagtatampok ng mga tauhang may kani-kaniyang karakterisasyon na humihingi ng kasanayan sa
Sining ng Teatro o Pagganap sa entablado. Ang mga mambibigkas ay nararapat dumaan sa isang
masusing pagsasanay sa palihang Pang-teatro upang higit nilang matutuhan ang wastong
paggamit ng kanilang tinig at katawan para sa pagbibigay interpretasyon sa piyesa bilang mga
aktor.
Malilinang din sa Palihang Pang-Teatro ang pagkakaroon ng tiwala o kumpiyansa sa sarili ang
bawat isang mambibigkas

Panimulang Paglalapat ng Kumpas at Galaw

Lapatan ng wastong pagkumpas ang mga piling salita. Hindi lahat ng salita ay dapat
lapatan ng kumpas. Pili lamang ang mga salitang lalapatan ng kumpas. May kumpas na
ginagamitan ng isang kamay gaya ng pagbigkas sa salitang buhay, ikaw, siya, bayan, atbp. Ang
dalawang kamay ay nangangahulugan ng kasaklawan gaya ng salitang sansinukuban,
santinakpan, sangkapuluan, atbp.

Pagbubuo ng mga Blockings

Kasama ng mga kumpas at galaw upang makabuo ng isang malinaw na impresyon at


pakahulugan ay ang tinatawag na blockings. Ito ang pabagu-bago ng mga pormasyon at
posisyon ng mga mambibigkas. Ang PORMASYON ay kinapapalooban ng: tuwid na hanay, pahilis
na hanay, pormasyong V at pabaliktad na V,pabilog, tapatan, talikuran,atbp. Ang POSISYON
naman ay kinapapalooban ng mga sumusunod: nakatayo, nakaupo, nakaluhod, nakahiga,
nakadapa,atbp.

Paglalapat ng Koryograpi

Matapos malagyan ng mga angkop na blockings, kumpas at galaw ang piyesa,


kinakailangang maituro sa mga mambibigkas ang koryograpi na kinapaaplooban ng: Paglakad,
Pagtakbo, Paggapang, Paggulong, Pagbuhat, Pag-ikot, Pagtutulakan o Paghihilahan, o maaari din
namang Pagsasayaw.

Run Through/Raising up to Performance Level

Ito ang pagtatakda ng mga pagsasanay.Sa simula, maaaring hatiin muna ang pagsasanay
sa dalawang bahagi: Pagsasanay sa Pagbigkas nang may wastong damdamin; at Pagsasanay sa
mga Kilos, Galaw, Koryograpi at Blockings. Ang Pagsasanay na may pinaglangkap o pinagsamang
Pagbigkas at Koryograpi/Blockings ay maaari nang itakda kung may kahusayan na sa pagbigkas
at may pamilyaridad na sa kanilang mga kilos at pormasyon ang mga mambibigkas. Ang bawat
Pagsasanay ay kinakailangang kakikitaan ng papataas na antas ng kasanayan at kahusayan
tungo sa perpeksyon o pagkikinis (polishing).

Technical Dress Rehearsal

Matapos makitaan ng kasanayan at kahusayan ng mga mambibigkas, itatakda na ang


pagsasanay na may costumes, props, musika, tunog at pag-iilaw upang makita kung
akma/angkop at nakatutugon ang aspektong teknikal nang naaayon sa hinihingi ng piyesa.

Pagsasagawa ng Critic Presentation

Ito ang isang tanging araw ng pagsasanay na magtatanghal sa harap ng mga


inanyayahang piling mga kritiko na may malawak na karanasan at kaalaman sa Pagtatanghal ng
Sining ng Sabayang Pagbigkas. Malaki ang maitutulong ng mga puna at mungkahing maibibigay
ng mga kritiko para sa ikagaganda ng pagtatanghal. Kailangang maisulat o matandaan ang mga
nasabing puna at mungkahi upang mailangkap ito bilang mga pagbabago o revision sa mga
natitira pang takdang araw para sa pagsasanay.

Pinal na Pagsasanay (General Rehearsal)

Ito ang pinakahuli sa lahat ng mga itinakdang araw ng pagsasanay. Ang lahat ng mga
dapat baguhin o kinisin ay nailangkap na sa mga nakaraang pagsasanay at ang lahat ng mga
kilos, blockings at koryograpi ay pinal na at di na babaguhin dahil maaari pa itong maging sanhi
ng pagkalito ng mga mambibigkas. Kung ano ang antas o level na ipinakita ng mga mambibigkas
sa pinal na pagsasanay ay panukatan ng antas o level ng kanilang performance sa takdang araw
ng pagtatanghal.

Paghahanda para sa Pagtatanghal

Hindi lamang ang kahandaan ng isip at katawan ng mga mambibigkas ang mahalaga para
sa araw ng pagtatanghal. Kinakailangan din ang pagiging listo ng bawat isa. Hindi dapat
mawaglit ang mga costumes at props. Kinakailangang suot na ang costumes at may make-up na
dapat bago pa man ang oras ng pagtatanghal.
Ang buhok ay di dapat tumatakip sa mukha ng mambibigkas. Siguraduhing nakahanda na
o naka-cue na ang musika o tunog na gagamitin, at kung ito man ay naka-record sa isang CD,
kinakailangang may duplicate upang masira man ito ay may agad na makukuhang reserba.
Mahalaga ang Bokalisasyon ng mga mambibigkas bago ang pagtatanghal upang maging buo at
malakas ang kanilang tinig sa pagbigkas.

Paraan ng Pagtuturo ng Sabayang Pagbigkas:


Conventional. Ito ang tradisyonal na pamamaraan ng pagtuturo ng sabayang pagbigkas.
Simple o Payak lamang ang mga blockings, walang gaanong kilos at galaw ngunit kapansin-
pansin ang sabayang pagkumpas ng kamay, pagtango, pag-iling at may diin sa madamdaming
pagbigkas ng piyesa. Higit na binibigyang-pansin ang PAGBIGKAS sa piyesa kaysa sa mga kilos at
koryograpi.
Individualized. Ito ang isahan o indibidwal na pagsasanay, lalot higit sa bahaging nais
subukan kung memoryado na ang piyesa o hindi pa. Individualized coaching din para sa mga
soloista at sa mga may gagampanang karakterisasyon sa piyesa. Maaari din naming indibidwal
ang pagtuturo kung may ilang mambibigkas na dapat tutukan sa tamang bigkas at wastong
ekspresyon ng mukha. Itoy isang mabisang paraan kung mahaba ang nakalaang panahon ng
pagsasanay.
Stylized. Ito ang paggamit ng mga elemento ng Teatro para sa isang madulang pagbigkas. Higit
na binibigyang-pansin ang pagbibigay-interpretasyon sa pyesa sa pamamagitan ng pagtatanghal
ng mga eksenang may mga gumaganap na tauhan. Dito ay makikita din ang paggamit ng
musika,tunog at props.
Recorded (Audio-Visual). Ang bawat pagsasanay ay ini-rerecord at pagkatapos ay sama-
samang panonoorin ng mga mambibigkas. Madaling matutukoy ang mga pagkakamali kung
nakikita at napapanood ang ginagawang pagsasanay. Ang bawat isa ay may pagkakataong
mapanood ang sarili at matamang mapag-isipan kung anu-ano ang dapat niyang baguhin sa
kilos, bigkas at ekspresyon ng mukha. Ang pamamaraang ito ay may malaking maitutulong
upang mabilis na masaulo ng mga mambibigkas ang piyesa at ang kanilang mga blockings at
koryograpi. Sa paraang ito, higit na mapupukaw ang interes, kawilihan at imahinasyon ng mga
mambibigkas.

Grouped. Ang pagtuturo ay maaaring naaayon sa pinangkat na tinig at bahagi. Maaring may
itinakdang pagsasanay para sa mga mambibigkas na magkakapangkat at magkakasabay na
bibigkas ng mga piling bahagi lamang. Maari ding may bukod na pagsasanay para sa mga
soloista, sa mga karakter/tauhan ng mga eksenang itatanghal, sa mga mang-aawit, sa mga
mananayaw, atbp. Ang magkakaparehong tinig ay maaaring pagsama-samahin sa isang
pagsasanay. Ang pagpasok at paglabas (entrance and exit) ay maaaring sanayin nang bukod.
Ang mga koryograpi ay maaaring sanayin nang hiwalay sa itinakdang araw ng pagsasanay sa
pagbigkas lamang.

You might also like