Pilosopong Tanong

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Pilosopong Tanong: Sino Ako?

Ang tanong na pinakamahirap palang sagutin ay hindi mga tanong o problemang pangmatematika, kundi
ang pilosopikal na tanong kung sino ka bang talaga. Tiyak kong matatagalan ka sa pag-isip ng tumpak na
sagot sa tanong na iyan. Madalas nga mababaw na mga bagay lang ang tugon natin sa tanong na ito:
Ako yung nanalo ng ganito, Ako yung nakita sa tv noong, Ako yung nag-balediktoryan sa, at
samut sari pa. Kung hindi mga kuwento ng tagumpay o mga katuparan natin sa buhay, ari-arian naman
natin ang ating madalas na ibinibida. Nakakatawa ngang isipin na may iilan, na kahit na malinaw na
nauukol ang tanong na Sino ka ba? o Sino Ako? sa mismong taong pinagtatanungan, ay ganito pa rin
ang pagpapakilala sa sarili: Ay, kamag-anak ako ni, Kadikit ako ni, o kaya namay Ay, kaibigan ako
ni. Halos laging paimbabaw ang mga kasagutan, halos laging hindi tumpak sa sarili ang kasagutan.

Sa katunayan nga, hindi ito ang tipo ng tanong na madalas usisain at hingan ng sagot; hindi ito ang tipo
ng tanong na madalas mabigyang pansin ng sinuman; at hindi rin ito ang tanong na kagyat mong
makikita ang tampok na kahalagahan. Bakit nga ba? Para saan pa? Sa buhay natin ngayon, masyado na
tayong ligalig at abalang-abala sa kani-kaniya nating mga buhaykaliwat kanan ba naman kasi ang
ating katungkulan bilang anak, bilang kapatid, bilang estudyante, o kayay bilang kaibigan. Tila ba
kaposna kapos na ang ating oras para ilaan pa sa ganitong mga bagay. Isa pa, maaaring dahil na rin ito
sa katotohanang tila awtomatiko at halos wala nang malay ang ating pagkilos sa panahon at kalawakan.
Hindi na natin iniintindi pang masyado ang mga bagay-bagay dahil parang nakatakda na ang
kahulugan ng mga ito sa atin. Madalas nga, tanggap na lang tayo ng tanggap; wala na nga doon yung
pagpupunyaging maunawaan pa ang ating bawat mga hakbang. Tayo ay waring mga awtomaton na
walang humpay sa pagkilos tungo sa isang hangaring tila nakaprograma na sa atin. Baka nga nabulag na
tayo sa mga ganitong gawi; kaya naman naging kumportable na tayo sa mga nakatakdang elemento na
tila ba nagbibigay kahulugan sa ating buhay at sa ating mga sarili.

Kaya ano na ang kadalasang nangyayari? Gulantangin lang tayo ng krisis, yanigin lang tayo ng kagipitan,
makakalimutan na natin ang mga tiyak na batayang ito at kalimitay nakaliligtaan na rin natin ang
katiyakan ng sandigan ng buhay, ng ipinagpapalagay nating mismong sarili. Bunga nito, hindi na natin
matalunton ang daan pabalik sa dating tayo. Kung minsan pay hindi natin matukoy kung papaano at
kung saan nga ba talaga tayo babalik, kung saan nga ba talaga tayo nagmula.

Dahil nga ang karamihan sa atiy sanay na sa magandang buhay na kung saan ang halos lahat ay nasa
dulo na ng ating mga daliri, sa buhay na kung saan lagi tayong nakauungos sa mga suliranin, at sa buhay
na kung saan ang halos lahat ay nasa maayos na kalagayan, labis tayong nabibigla kapag naka-
engkwentro na tayo ng bagay na hindi naman natin inaasahan. Nababagabag tayo ng mga isyung ito na
minsay umaabot pa nga sa puntong hindi na natin mapagtahi-tahi pang muli ang ating mga sarili. Alam
ko naman na lahat tayo ay nagsusumikap na maging maganda ang buhay, lahat tayo nagsusumikap
makaranas ng buhay na walang alanganin at walang iniintinding krisis o problema. Ngunit lingid sa ating
kaalaman na ang kalagayan ng pagka-alanganing ito ay kailangan rin natin bilang mga ako, bilang mga
tao. Marahil sasabihin niyo Sus, madaling sabihin, mahirap gawin. Oo, marahil madali nga sabihing
importante rin ang pagdanas ng mga krisis. At, oo, alam ko rin na mahirap itong maisapuso, mahirap
itong matanggap nang buong-buo, at lalong higit na mahirap itong maunawaan nang lubusan. Sinong
tanga naman kasi ang lantarang magnanais ng mga krisis na ito, hindi ba? Subalit kung ating iisipin,
tunay na may kabuluhan ang mga ito sa pagpapatatag, pagpapatibay at pagpapayabong ng ating mga
sarili. Marahil nga hindi sila kanais-nais, ngunit sa tulong ng mga krisis na ito, matutunghayan natin ang
mas malawak na oportunidad na makilala pa ang sarili. Ngunit, paano? Walang iba kundi sa
pamamagitan ng pagbubulaybulay, ng pagmumunimuni.

Ayon nga kay Marcel, hindi dapat tinatanong kung ano ang pagmumunimuni. Hindi naman kasi ito isang
bagay na natutunghayan lamang, kundi isang bagay na dinaranas, isang bagay na hindi naman
matututunan o lubos na mauunawaan kung hindi isasagawa. Dalawa ang nibel ng pagmumunimuni ayon
kay Marcel. Ang unang pagmumunimuni ay ang pagbuwag sa kabuuan ng karanasan, at pagtingin sa mga
detalyeng ito nang malapitan. Ang paksa ng unang pagmumunimuni ay mga obhetong detalye ng
karanasan, karaniwan mga problema. Sa ganitong paraan, nasa labas ang sarili kaya maaari pang
mahanapan ng konkretong sagot, konkretong solusyon at paliwanag ang bawat konkretong katanungang
bumagabag sa persona. Mula dito, maaaring maaninag ng sarili ang pinakamainam na hakbang kung
sakaling makatagpo man niyang muli ang parehong problema. Dahil na rin dito, nagkakaroon tayo ng
oportunidad makilala ang sarili, kung papaano nga ba ito tumutugon sa kaniyang substansya. Sa
parehong paraan, mapapatunayan rin natin na ang tanong na Sino ako ay isang tanong ng taong
kadalasay nakakaenkwentro ng problema, o kaya namay mga hadlang sa kaniyang pagsasakonkreto.
Ang unang pagmumunimuni ay nagbibigay samakatuwid ng tiyak na imahe ng ako, nagbibigay ng tiyak
na imahe ng sarili. Ngunit, tila hindi pa nito nahuhuli nang buong-buo ang pagka-akong meron ang
sarili. Kung gayon, kasabay rin ng tanong na ito ang pagmamalay na kailangang pagmunimunihan pang
muli ang sarili.

At dito naman maaaring pumasok ang pangalawang nibel ng pagmumunimuni. Ito ay nakatuon sa
pagdudugtong-dugtong muli ng karanasan matapos ang naisagawang dekonstruksyon sa unang nibel. Sa
pagbubuo muli ng karanasan ng sarili, para ka na ring pumaimbulog palabas para makitat masulyapan
ang kabuuan nito. Dito mo makikita ang sarili bilang kabahagi ng karanasan; dito mo matutunghayan
ang pakikisangkot ng sarili sa kabuuan ng karanasan. Kung sa unang nibel ay malinaw ang lahat mula sa
tanong na tinutugunan at maging ang mismong tugon dito, lumalabong bahagya naman ang mga bagay-
bagay sa ikalawang nibel ng pagmumuni. Ditoy nagiging misteryo ang problema dahil kinikilala mo ang
sariling pakikibahagi sa konteksto ng krisis na sinusubukan mong lutasin. Sabi nga nila, para masagot mo
ang misteryong ito, hindi mo talaga maiiwasang masangkot dito. At sa direktang pagkakasangkot mong
ito, napagtatanto mong ang sarili ay sabay malinaw, ngunit sabay ring hindi malinaw o malabo. Dahil na
rin dito, ikay pinipilit na lumabas at tingnan ang sarili bilang kabahagi ng kabuuan, bilang kabahagi ng
kapwa.

Sa ganitong paraan, makikilala natin na ang tanong na Sino Ako ay hindi na nananatiling isang tanong na
paloob, kundi isang pahayag na palabas. Paano mo malalamang ang sarili moy umiiral? Bulagang heto
ako! Kaya nga ang pag-iral ay EXist ehEX- bilang simbolo ng sarili bilang palabas na pagpreresensya.
Ang misteryo ng sarili na natunghayan sa pagmumunimuni ay unti-unti at dahan-dahang mabubunyag sa
mismong ako sa pamamagitan ng pakikisangkot rin sa iba, sa pamamagitan rin ng pagpapakilala sa iba.
Hindi mo makikilala ang sarili kung mananatili ka lamang sa iyong sarili. Kailangan mo ring lumabas
at magpaimbulog palabas (zoom out) para iyong ganap na makita. Makiugnay ka para malaman mo!
Magpakilala ka upang matukoy mo!

Nakita natin na sa tulong na rin ng pagmumuni-muni, nakikilala mo nang mas malaliman ang sarili:
napagtatanto mo ang mga kinikilala mo bilang mga bagay na makabuluhan, nasusuri mo kung papaano
ka namuhay bago dumating ang punto ng krisis, at hahayaan kang akayin ang sarili sa paghahanap ng
angkop na kalutasan sa suliranin nang sa gayoy makapagpasya ang ako ng mga pagbabago o
pagpapabuting nauukol sa obheto ng tanong na pinakamahirap palang sagutinang tanong ng sino ako.

-----------------------------------------------------------------

You might also like