Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Alamat Ng Gagamba

Noong unang panahon, may isang mag-asawa na biniyayaan ng isang magandang anak na
babae. Ang kanilang anak ay tinawag nilang Amba.

Ang mag-asawa ay may hanapbuhay na paghahabi ng mga tela. Parehas na galing sa angkan ng
mga mahuhusay humabi ang mag-asawa. Kayat tama lamang na ito rin ay kanyang ipapamana
sa nag-iisang anak.

Habang maliit pa ang bata ay itinuro na ng mag-asawa kung paano ang humabi. At habang
lumalaki na nga ang bata ay unti-unti itong naging bihasa sa paghahabi ng mga tela. Maging
ang mga mahihirap na disenyo ay kaya ng gawin ng bata sa murang edad. Nahigitan na nito
ang kakayanan ng kanyang ama at ina.

Dahil sa kanyang natatanging kakayanan, naging tanyag ang bata sa ibat ibang lupalop. Marami
ang dumarayo hindi lamang para bumili ng mga disenyo kundi upang makita rin ang paggawa
ng bata. Naging mayaman din ang mag-anak dahil sa mga bentang tela na ginagawa ng bata.

Ngunit ang bata ay naging mayabang. Dahil sa alam nito na magaling siya sa kanyang
kakayanang paghahabi hinamon nito ang sino man na magkipagtagisan sa kanya. Maraming
mga mahuhusay na maghahabi ang tumaggap sa hamon ng batang si Amba. Gusto rin nilang
patunayan kung siya nga ay magaling tulad ng napabalita.

Nagtagisan ng galing ang mga maghahabi. Napakahusay nga ang bata. Lahat ng magagaling na
maghahabi ay napakahanga sa kakayanan ni Amba. Nilaos sila ng bata at dahil dito, mas lalong
yumabang ang bata.

Ani niya, wala nang makakatalo sa kanyang kakayanan. Maging ang mga diyosa ay kanyang
hinamak na wala na ngang makahihigit pa sa galing niya. Narinig ng mga diyosa ang
kayabangan ng bata. Hindi na sila nasisiyahan sa nagiging asal ng bata.

Isang araw, isang matanda ang nagpunta sa bahay ng bata at hinamon niya ito. Natawa ang
bata ngunit pumayag din ito. Mukha namang pangkaraniwan lang ang matanda at baka nga
hindi pa nito alam kung paano humabi. Sigurado na siyang walang panalo sa kanya ang
matanda.

Nag-umpisa ang paligsahan. Maraming tao ang dumalo upang manood kung mananalo ang
matanda sa batang si Amba. Naging napakaganda ng telang hinabi ng matanda. Maging si
Amba ay natulala sa mahirap na disenyong nagawa ng matanda. Ang pasya nang pagkapanalo
ay sa tela ng matanda.

Nagngingit-ngit ang bata. Paano daw siya natalo ng isang matanda na mahina na ang mata at
uugod-ugod pa. Pinagalitan niya ang matanda at tinulak-tulak ito. Igigiit nito na ang matanda ay
nandaya at baka ipinalit lamang ang isang nagawa nang tela sa ginagawa nito. Baka nga si
Amba pa gumawa ng tela aniya.
Tangka na niyang pagbubuhatan ng kamay ang matanda nang biglang lumiwag ang damit ng
matanda at nagbago ang kanyang anyo. Iyon pala ay isang diyosa na nagpapanggap lamang.

Hindi na maganda ang asal ng bata ayon sa diyosa. Naging masyadong mayabang ang bata at
nararapat daw itong parusahan. Nagbago ang anyo ng bata. Lumiit ito at nagkaroon ng mga
mahahabang paa. Umiiyak ang kanyang mga magulang ngunit alam nilang wala na silang
magawa para sa bata.

Simula noon ang batang si Amba ay naging unang gagamba. Sa ngayon, makikita pa rin ang
kahusayan ng mga gagamba sa paghahabi ng kanilang mga bahay.

You might also like