Professional Documents
Culture Documents
Liham Pastoral Tungkol Sa Pagboto Sa Halalan
Liham Pastoral Tungkol Sa Pagboto Sa Halalan
Kung anong uri ang botante ganun din ang uri ng maihahalal sa pwesto ng pamahalaan. Kung
ang botante ay nag-iisip ng kanyang pansariling pakinabang lamang, tulad ng pagtitinda ng boto,
ang maihahalal ay ang bumibili naman ng kanyang boto na ang hangarin din ay ang pansariling
pakinabang. Gamitan lang!
Kung paanong dapat suriin natin ang pagkatao at kakayahan ng mga kandidato dapat din nating
suriin ang ating sarili sapagkat tayo ang magluluklok sa kanila sa pwesto. Anong uri ng botante
ako? Ako ba ay isang botanteng:
1. Marangal, sumusuri at tumitimbang kung ano ang tama at mali, naninindigan na gawin
ang tama at iwasan ang mali at hindi nagpapadala sa sabi-sabi ng iba?
2. Nagsusuri sa pagkatao ng mga kandidato, kinikilatis kung sila ay naglingkod o nang-
abuso, inaalam ang kanilang plataporma?
3. Nagpapahalaga at nag-iingat sa aking kaisa-isang boto at nagbibigay nito sa kandidatong
mangangalaga sa kagalingan ng aking mga anak at ng buong bansa?
4. Nagdadasal at humihingi ng gabay sa Poong Maykapal kung sino ang aking iboboto?
5. Naghahanap sa kandidato ng mga sumusunod na katangian:
o kumikilala at sumusunod sa utos ng Diyos at ng pamahalaan; gumagalang at
sumusunod sa mga ito at hindi inilalagay sa sariling kamay ang batas o itinuturing ang sarili na
mas mataas kaysa batas.
o nagpapahalaga sa buhay at dangal ng kapwa tao, kahit ito ay nasa sinapupunan pa;
nagpapahalaga at nangangalaga sa kalikasan.
o itinataguyod ang kapakanan ng mga dukha, inaapi, napagbintangan, kababaihan at
kabataan;
o Tapat sa paggugol ng kaban ng bayan at hindi nangungurakot
o may programa para sa pag-unlad ng bansa na dito ay isinasama ang mga
mahihirap, kapayapaan ng bayan at katatagan ng pamilya.
Ihalal natin sa pwesto ang mga totoong maglilingkod para sa kapakanan ng lahat at hindi para sa
pansariling pakinabang o mabawi ang puhunan sa halalan o mapanatili ang pamilysa sa
gobyerno.
Ipanalangin din natin na naway maging matiwasay at ligtas sa anumang karahasan at takot ang
halalan. Higit sa lahat, ipagdasal natin ang isat isa. Ito ang araw na mapapatunayan kung gaano
natin kamahal ang ating bansa. Ituring natin ang ating kaisa-isang boto na larawan ng ating
pagkatao at pakikiisa sa mapanligtas na pagmamahal ng Diyos. Ang tapat na pagboto ay
pakikiisa sa Diyos sa kanyang pagpapaunlad ng ating bayan at bansa. Ito ay daan upang
mangyari ang panalangin nating lahat bilang mga anak ng Diyos: Mapasa-amin ang kaharian
mo!
+Buenaventura M. Famadico
Lingkod-Obispo ng San Pablo