Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

Makiisa sa Laban ng mga Pambansang Minorya para sa Sariling Pagpapasya

at Makatarungang Kapayapaan!

Kasabay ng paggunita ng buwan ng mga Pambansang Minorya ngayong Oktubre, nagaganap ang
makasaysayang Lakbayan ng mga Pambansang Minorya para sa Sariling Pagpapasya at Makatarungang
Kapayapaan kung saan naglalakbay ang libu-libong pambansang minorya patungong kamaynilaan mula sa
Mindanao, Panay, Timog Katagalugan, Gitnang Luzon at Cordillera. Mula sa rehiyon ng Timog Katagalugan,
nakikiisa sa lakbayan ang daan-daang katutubong Mangyan mula sa isla ng Mindoro, Pala-wan mula sa isla ng
Palawan at Dumagat mula sa Sierra Madre, Hilagang Quezon at Rizal.

Pagsusulong ng Karapatan sa Sariling Pagpapasya

Nasa lupang ninuno ang buhay ng mga Pambansang Minorya. Nagmumula sa lupang ninuno ang kanilang
kabuhayan, identidad at kultura ngunit hanggang sa kasalukuyan, nararanasan ng mga katutubo ang
pangangamkam at pagpapalayas sa kanilang lupang ninuno, banta ng mapangwasak na malalaking pagmimina
at iba pang proyekto, militarisasyon kasabay ng kawalan ng batayang serbisyo mula sa gobyerno.

Nalulugmok sa sagad-sagarang kahirapan ang mga katutubo ng TImog Katagalugan na sumasalamin sa mga
ipinasang polisiya at pinaigting na pagpapatupad ng mga batas nang mga nakaraang administrasyon tulad ng
Indigenous Peoples Rights Act (IPRA), Certificate of Ancestral Domain Claim (CADC), Certificate of Ancestral
Land Title (CADT). Mariin ang pagtutol dito ng mga katutubo sapagkat hindi nito kinikilala at iginagalang ang
kanilang kultura at kanilang sistema ng pamumuhay. Bukod dito, sistematiko nitong tinatanggal ang kanilang
kalayaan sa sariling pagpapasya at isinasalegal nito ang pangangamkam ng mga lokal at dayuhang malalaking
korporasyon sa kanilang lupang ninuno.

Kaalinsabay nito, pinapaigting din ng mga patakaran at programang tulad ng Mining Act of 1995 ang
malawakang pagmimina sa Timog Katagalugan na nakasisira sa lupaing agrikultural, likas-yaman at kabuhayan
ng mga katutubo. Pinahihintulutan din nito ang panghihimasok ng malalaking konsesyonaryo sa pangunguna ng
mga pribadong kumpanyang pagmamay-ari ng malalaking burgersya kumprador at burukrata na
nagpapalaganap ng pangangamkam ng lupa, illegal na pagtotroso at pagpapatayo ng mapaninsalang dam at iba
pang proyektong pang-imprastraktura.

Dagdag pasanin din ang Executive Order 26 National Greening Program na naipasa nong 2011 sa ilalim ng
Public-Private Partnership ng nakaraang administrasyong Aquino na hanggang kasalukuyan ay ipinapatupad.
Ang maanomalyang 7 bilyong pisong programa ay sinasaklaw ang 22,332 ektarya sa CALABARZON at 15, 894
ektarya sa MIMAROPA na kalakhan ay mga lupang ninuno. Ang epekto nito ay malawakang pagpapalayas sa
mga katutubo at pagkasira ng kalikasan dahil sa pagtatayo ng artipisyal na kagubatan sa pamamagitan ng
pagtatanim ng mga punong dayuhan sa kalupaan ng bansa.

Dagdag pa sa kasalanan ng gobyerno ang pagpapabaya sa pambansang minorya at patuloy na hindi


pagbibigay sa mga ito ng batayang serbisyong panlipunan at kawalan ng suporta mula sa gobyerno. Hanggang
sa ngayon, marami pa ding mga komunidad ang may malaking kakulangan sa maayos na serbisyong
pangkalusugan, kawalan ng pormal na paaralan.

Pagkakamit ng Makatarungang Kapayapaan

Sa kabila ng pagdausdos ng kanilang kalagayan, pinapalala pa ito ng ibayong karahasan dahil sa militarisasyon
sa kanayunan na ang karamihang biktima ay ang mga katutubo. Hindi pa rin nabibigyan ng karampatang
hustisya ang mga biktima ng pagpatay at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao na resulta ng
pasistang kontra-insurhensiyang programa ng nagdaang administrasyon. Sa Timog Katagalugan, kasalukuyang
nanalasa ang 29 batalyon ng AFP, PNP at mga grupong para-militar sa ilalim ng Oplan Bayanihan.

Kaugnay nito, Naitala ang mga kaso ng pagkakampo ng mga sundalo sa mga eskwelahan, barangay hall at mga
bahay ng sibilyan tulad ng nararanasan ng mga katutubong Mangyan sa Bongabong at Mansalay, Oriental
Mindoro at sa ibang bahagi pa ng Occidental Mindoro. Nakakaranas din ng pananakot ang mga katutubong
Dumagat sa Brgy. Calawis sa Antipolo, Rizal at iba pang bahagi ng hilagang Quezon at Sierra Madre kasabay
ng pag-agaw sa kanilang lupang ninuno at banta ng pagwawasak sa kabundukan dahil sa proyektong dam.
Nakararanas din ng pananakot at panunupil ang mga tribu ng Palawan habang may banta ng pagpapalayas sa
kanila dahil sa pagtatayo ng Palm Oil plantations at malalaking minahan. Laganap rin sa rehiyon ang
pangangamkam ng mga lupang agrikultural upang gawing negosyo at gamitin sa eko-turismo.

Katatagan ng Pakikibaka ng Pambansang Minorya

Sa lahat ng ito, patuloy ang pakikibaka ng pambansang minorya sa Timog Katagalugan. Ubos lakas na
ipinapanawagan ng ating mga katutubo ang pagkilala, paggalang at pagtaguyod sa kanilang karapatan sa
lupang ninuno at sariling pagpapasya. Iginigiit din ang pagpapatupad sa mga panlipunang programa at serbisyo
na tunay na nagsisilbi sa interes ng ating mga katutubo, at pagpapanukala ng mga maka-katutubo at
makamamamayang batas.

Sa pagharap ng bayan sa panibagong yugto ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Duterte at


ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), tatalakayin ang mga mahahalagang usapin katulad ng
pagdepensa sa lupang ninuno at pakikipagkaisa sa mga pambansang minorya, pagpapatupad sa tunay na
reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon na magbibigay solusyon sa kahirapan ng bayan at matagal
ng pag-iral ng armadong tunggalian.

Kasabay ng pagsuporta sa nagaganap na usapang pangkapayapaan ay ang panawagan din na palayain ang
lahat ng bilanggong pulitikal na ikinulong dahil lamang sa kanilang pampulitikang paninindigan at pagtatanggol
sa mga demokratikong karapatan ng batayang masa kabilang ang mga katutubo.

Ang pagtatanggol ng mga pambansang minorya sa kanilang lupang ninuno ay pakikibaka rin para sa
pambansang soberanya. Biktima ang sambayanang Pilipino sa patuloy na pagkayupapa ng ating bansa sa
Estados Unidos. Pinapanatili ng sabwatan ng mga dayuhan at lokal na monopolyo kapitalista, burgesya
komprador at mga panginoong maylupa ang isang kaayusang panlipunan kung saan lumalala ang
pandarambong sa ating likas na yaman, pagyurak sa karapatang pantao at pangsasamantala sa mga
mamamayan. Ang pakikibaka ng mga Pambansang Minorya para sa sariling pagpapasya at makatarungang
kapayapaan ay para rin sa ganap na panlipunang pagbabago at pagpapalaya sa bayan mula sa
pangsasamantala ng dayuhan at naghaharing uri.

Igalang ang Karapatan ng mga Pambansang Minorya!


Itigil ang Pandarambong sa Kalikasan!
Itigil ang Militarisasyon sa Kanayunan!
Palayasin ang Estados Unidos sa ating Teritoryo!

~ BALATIK (Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan) ~

You might also like