Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

Manuel Luis Quezon

Si Manuel Luis Quezon ay kilala bilang Ama ng Wikang Filipino. Tinagurian ding Ama ng Republika ng
Pilipinas, siya ang naging unang Pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas sa ilalim ng pamahalaang
Amerikano noong simula ng ika-20 siglo. Bagamat hindi kinilala ng ibang bansa ang naunang Republica
Filipina na siyang pamahalaang rebolusyunaryo ni Emilio Aguinaldo, si Quezon ay itinuturing ng mga
Filipino bilang ikalawang Pangulo lamang ng bansa, sumunod kay Aguinaldo. Si Quezon ay tinatawag ding
Ama ng Republika ng Pilipinas at Ama ng Kasarinlang Pilipino dahil sa kanyang mga ginawa upang
isulong ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa pamahalaang Amerikano.

Ang mestiso Espanyol na si Manuel Luis Quezon ay ipinanganak noong ika-19 ng Agosto, 1877 (bagamat
ang kanyang opisyal na kaarawan ay ang ika-19 ng Agosto, 1878) sa Baler, Tayabas (ngayon ay nasa
lalawigan na ng Aurora), kina Lucio Quezon, isang guro mula sa Paco, Manila, na isa ring retiradong
sarhento sa sandatahang kolonyal ng Espanya, at Maria Dolores Molina, isa ring guro sa kanilang bayan.

Tinuruan siya ng isang pribadong guro mula 1883 hanggang 1887; pagkatapos ay pumasok siya sa San
Juan de Letran kung saan siya nagtapos sa sekondarya noong 1889. Namatay ang kanyang ina sa sakit
na tuberkulosis noong 1893, bago siya nagtapos ng summa cum laude sa kursong Bachelor of Arts sa
Unibersidad ng Sto. Tomas (UST) noong 1894. Noong 1898, ang kanyang amang si Lucio at kapatid na si
Pedro ay tinambangan at pinatay ng mga armadong kalalakihan noong pauwi sila ng Baler galing ng Nueva
Ecija, dahil sa kanilang katapatan sa pamahalaang Espanyol.

Nag-aral si Quezon ng abogasya sa UST, ngunit pansamantalang natigil ito nang sumiklab ang Digmaang
Pilipino-Amerikano. Sumanib si Quezon sa kilusang rebolusyonaryo at nagsilbi bilang aide-de-camp ni
Emilio Aguinaldo mula 1899 hanggang sa nabihag si Aguinaldo ng mga Amerikano noong 1901.
Pagkatapos ng digmaan, tinapos niya ang kursong abogasya sa UST at nakakuha siya ng pang-apat na
puwesto sa Bar Exams noong 1903. Nagtrabaho muna siya bilang isang clerk at surveyor bago naglingkod
sa gobyerno bilang fiscal ng Mindoro noong ika-19 ng Setyembre, 1903, at di kalaunan ay naging fiscal
siya ng Tayabas noong Marso 1904. Sa maikling panahong fiscal siya ng Tayabas, naghain siya ng 25 na
kasong estafa laban kay Frank J. Berry, isang impluwensiyal na abogado at manlilimbag na Amerikano,
bago siya nagbitiw sa tungkulin noong Nobyembre 1904 at pumasok sa private practice mula 1904
hanggang 1906.

You might also like