Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Wala Na Akong Ibang Alam Na Tula Kundi Ikaw

Ethel A. Arizala

Pamagat pa lang ang haba na, 'di ba?-Singhaba ng pasensya ko sa paghihintay sa araw na sawa

na'ko sa'yo. Hindi ko nga alam kung ba't ako nagtiya-tiyaga sa'yo kahit alam kong ikaw 'yung tula na

sa akin ay kailanma'y hindi tutugma.

Ikaw 'yung tulang paulit-ulit kong binibigkas kaya naman paulit-ulit akong nasasaktan lalo na sa tuwing

malapit na'ko sa wakas. Pero bakit kahit paulit-ulit kitang basahin ay hindi ako nagsasawa? Pasensya, wala

akong ibang alam na tula kundi ikaw.

Kailan nga ba 'ko magsasawang basahin ka? Siguro kapag natutunan ko nang huminto sa mga bahagi mong

may kuwit, tutuldok, tandang padamdam, tandang pananong, at higit sa lahat, tuldok. Nahihirapan na nga ako

sa mga bahagi mong may espasyo kasi baka ako'y biglang huminto kahit hindi pa dapat o baka dumiretso lang

ako kahit hindi na dapat. Pasensya na, wala na akong ibang alam na tula kundi ikaw.

Kailan nga ba ako titigil sa pagkabighani sa mga salita mo? Putik, ang sarap magmura. Ang sarap dungisan ng

dulo ng mga saknong mo. Gusto na talaga kitang ibasura. Pero hindi ko alam kung anong hiwagang meron sa

mga pantig mo, kahit isa lang 'yan o dalawa, hinihila ako pabalik sa'yo kaya pinupulot uli kita. Pasensya na,

wala na talaga akong ibang alam na tula kundi ikaw.

Kailan nga ba ako mapapagod na intindihin ka? Siguro kapag natanggap na ng utak ko na kahit kailan hindi

nito maaarok ang lalim mo. Na lahat ng talinghaga mo, mananatiling nakakubli at ikaw lang ang kukusang

magpapalaya sa kanila kapag natagpuan mo na ang sayo'y gusto mong bumasa. Pasensya na. Sa ngayon, wala

na talaga akong ibang alam na tula kundi ikaw.

Hindi naman ako nagsisisi na tinangka kong bigkasin ang mga linya mo. Siguro'y nandiri ka sa hindi tamang

pagtaas-baba ng boses ko o sa mapaklang timpla ng mga emosyon ko o pati sa maling kumpas ng aking mga

kamay habang binibigkas kita. Pero binibigkas lang kita sa paraang alam ko. Pasensya na, kung hanggang

ngayon, wala na talaga akong ibang alam na tula kundi ikaw.


Huwag kang mag-alala. Kapag dumating na ang araw na sawa na 'ko sa'yo, baka ni pamagat mo'y di ko na

makabisa. At kapag nangyari 'yon, kasabay siguro ng kapanatagan mo'y kaginhawaan ko rin 'pagkat hindi ko

na kailangang paulit-ulit na masaktan lalo na sa tuwing malapit na 'ko sa bahaging pangwakas.

Tama, baka bukas, meron na 'kong ibang alam na tula. Tula na sa akin ay tutugma. Ipanalangin mo na bukas,

sana bukas, wala na akong ibang na alam na tula kundi siya.

You might also like