Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

ALAMAT NG ANAY

Si Ranay ay isang matakaw na batang nakatira sa mahirap na bayan ng Sto. Cristo sa may
norte. Bagamat naghihirap ay alaga siya ng ama't ina sa masasarap na pagkain. Nag-iisa kasing
anak si Ranay. Inakala nga noon ng mga magulang na hindi na magkakaanak dahil matanda na
ang kanyang ina pero isinilang parin siya.
Mahal na mahal ng ama't ina si Ranay. Halos gawin na siyang prinsesa ng mga ito. Ayaw
siyang pagawain sa bahay at sustentado siyang mabuti sa pagkain. Nakasanayan ni Ranay ang
umasa dahil sa pagpalayaw na tinatanggap.
Lumaki si Ranay na ang trabaho ay kumain at ang libangan ay kumain parin. Payat na
payat na ang ama't ina niya para matustusan ang kanyang pangangailangan. Si Ranay naman ay
lalong nagkakagana sa pagkain. Kahit ano ay masarap sa panlasa niya.
Kanin, tinapay, ulam, prutas, karne, minatamis at kung anu-ano pa. Minsan, maging ang
kakainin na lang ng mga magulang ay si Ranay pa ang kakain.
Dumating ang hindi inaasahan ni Ranay. Magkasabay na namatay sa isang aksidente ang
ama at ina.
Dahil ang alam lang ay kumain, hindi alam ni Ranay kung paano ma-buhay na siya ang
kikilos at magta-trabaho. Hindi nagtagal ay namayat siya at namatay.
Matagal ng patay si Ranay nang isang araw ay mapansin ng dating kapitbahay na
pabagsak ang kanilang bahay. Nang suriin nila ito ay nakita ang isang insektong kumakain ng
kahoy.
Naalala nila si Ranay. Marahil anila ay ito si Ranay. Tinawag nilang ranay ang insekto na
katagalan ay naging anay.
ALAMAT NG BALANG
Ang malawak na palayan sa dakong hilagang-kanluran ay pag aari ng mag-asawang ubod
ng sungit at mapang-api. Sila ay sina Don Badong at Dona Lilang. Palibhasa'y mangmang ang
mga magsasakang gumagawa sa kanilang bukirin kaya nadadaya at nalalamangan sila ng mag-
asawang mapag-imbot sa paghahati ng mga inaning palay. Sanhi nito, talagang kakapusin ang
mga dukhang kasama at mapipilitan tuloy na mangutang sa suwitik na mag-asawa. Sa laki ng
tubong kinukuha ni Don Badong ay lalong nababaon sila sa kahirapan. Ito ang dahilan upang
lalong maging kahabag-habag ang kalagayan ng mga magbubukid.
Pagkatapos ng maraming araw na gawain at pagtatanim sa bukid ay nakapagpahinga na
rin ang mga magsasaka. Datapuwa't habang tumataas ang mga palay at habang pinagmamasdan
ang luntiang bukid ay nakadarama lamang sila ng panlulumo. Hindi magawa ng mga
magbubukid ang magalak sa halip ay kalungkutan ang namamayani sa kanilang mga puso't
kalooban. Paano nga ba sila makapagsasaya kung ang makakaparte nila sa aanihing palay ay
sapat lamang na pambayad kina Dong Badong at Dona Lilang?
Isang araw, may matandang pulubing nangahas pumasok sa bakuran ng malaking bahay
at humingi ng limos sa mag-asawa. Gula-gulanit ang suot nitong damit.
Bakas sa mukha ng matanda ang matinding pagod at gutom. Sa halip na kaawaan ay
pinagalitan pa ni Dona Lilang ang pulubing lalaki.
"Aba! Sino kang pulubi na basta na lang pumasok dito at magpapalimos? Sulong,
lumayas ka sa aking bakuran! Patay-gutom!"
"Parang awa napo ninyo. Kahit isang dakot na bigas...ako sanay ay inyong limusan..."
Hindi naantig ang bakal na damdamin ng mag-asawa. Pinagtabuyan lamang nila ang
matanda hanggang makalabas ng tarangkahan. Napamulagat ang mga ito nang biglang naging
mabalasik ang tinig ng lalaking pulubi.
"Tunay na wala kayong kasing sama kaya nararapat na kayo ay parusahan! Hindi kayo
marunong maawa! Hindi ninyo nadarama ang paghihirap ng inyong kapwa dahil kayo ay
parehong walang puso at damdamin! Alalahanin ninyo na sa bawat kasamaan ng tao, ang Diyos
ay may nakalaang parusa. Ito ngaon ay inyo nang tatanggapin!"
Pagkawika ng matanda ay nakaulinig sila ng kakaibang huni ng mga kulisap. Napalingon
saglit ang dalawa. Nang muling humarap sina Don Badong at Dona Lilang ay wala na roon ang
matanda, na labis nilang ipinagtaka. Kapwa kinakabahang hinanap ang hindi mawaring
mumunting ingay na kanilang naririnig hanggang mapalapit sila sa dakong imbakan ng palay.
"TILA NASA LOOB NG BANGAN?" sambit ni Don Badong at dali-daling tinawag ang mga
katulong upang pabuksan ang naka kandadong pintuan. Lahat sila ay nasindak nang maglabasan
ang libu-libong kulisap! NASAAN ANG MGA PALAY! PAANO ITONG NAWALA?
Nagtigilan si Don Badong sa nakapangingilabot na kaparusahan na sa kanila ay iginawad.
Nawalan ng malay-tao si Dona Lilang dahil sa pagkabigla.
Naligalig ang buong nayon nang lumusob sa bukid ang inaakala nilang tipaklong. Agad
naman nilang napagtanto na hindi pala ito mga tipaklong kundi mga mapaminsalang kulisap.
Palibhasa'y sa bangan nina Don Badong at Dona Lilang nanggaling ang mga mapanirang insekto
kung kaya pinangalanan nila itong "BALANG". Hindi ikinabahala ng mga magsasaka ang
pangyayaring iyon dahil wala naman silang makukuhang kaparte pagdating ng anihan. Ikinatuwa
pa nila nang matuklasan masarap palang kainin ang "balang".
Nakapagtatakang isipin, matapos masaid ang lahat ng pananim sa bukiring pag-aari nina
Don Badong at Dona Lilang ay naglaho na lamang ang mga balang.
Sa takot na muli itong lumitaw, ang mag-asawang salbahe ay tuluyan nang nagbago.
Pinagsisihan nila ang lahat ng kamalian at kalupitang kanilang nagawa sa kapwa, lalung-lalo na
sa mga dukha at mangmang. Bilang pagbabayadpuri sa kanilang mga kasalanan ay nagpatayo
sina Don Badong at Dona Lilang ng munting paaralan para matuto ang lahat nilang kasamahan
na hindi marunong bumasa't sumulat.
Bagama't may panahon pa ring sumasalakay an mga balang sa iba't ibang dako, ito ay
nagpapaalala lamang sa tao na dapat bigyan ng halaga at pasalamatan ang lahat ng kabutihan at
biyayang ipinagkaloob ng Panginoong Diyos. Huwag sanang kalilimutan ninuman na ang tao'y
hindi dapat maging makamkam at makasarili.
ALAMAT NG DALAGANG BUKID

Noong unang panahon ay may tatlong dalagang magkakapatid na pawang nag-


gagandahan. Ang kanilang mga kanayon ay lubhang nagtataka kung bakit mamula-mula ang
kutis nga magkakapatid at manilaw-nilaw naman ang mahahaba nilang buhok, gayong mula
pagkabata ay katulong na sila sa mga gawaing bukid ng kanilang ama na si Ramon.

Hindi iniinda ng magkakapatid na LALA, DADA at SASA ang nakapapasong init ng


araw sapagkat ito ay nagpapakinis pa nga ng kanilang kutis.

Namamangha at nananaghili sa ganda ng magkakapatid ang mga dalaga sa kanilang


nayon. Humahanga at lihim namang umiibig ang maraming kabinataan sa tatlong dalaga. Ang
kabaitan at kasipagan ng mga anak nina Tarcila at Ramon ay puring-puri ng mga kanayon, at
dahil sila'y anak ng magbubukid kaya binansagan nila ang magkakapatid ng "mga dalagang-
bukid".

Kung mababatid lang ng mga tagaroon ang katotohanan, marahil hindi na sila magtataka
kung bakit namumukod-tangi ang kagandahan nina Lala, Dada at Sasa. Lingid sa lahat, si Tarcila
ay isang diwata. Nang umibig siya sa taga-lupang si Ramon, ang kanyang pagka-diwata'y
tinalikdan niyang lubos upang mamuhay bilang ganap na tao. Bagama't nawalan ng
kapangyarihan ay naging maligaya naman ito sa piling ni Ramon at ng kanilang mga anak.

Subalit ang mapayapa at matiwasay na pamumuhay ng mga taga-nayon ay biglang


binulabog ng masasamang-loob. Nahintakutan ang lahat at hindi magawang lumaban sa
magbabagsik na tulisang-dagat. Nilimas ang kanilang kabuhayan at sapilitang dinala sa tabing
dagat ang kadalagahang napili. Kabilang na roon sina Lala, Dada at Sasa. Habang hinihintay ang
bangkang sasakyan ng mga bihag upang makarating sa sasakyang-dagat na nasa laot ay walang
tigil ang pag-iiyakan at pagmamakaawa ng mga ina.

Tanging si Tarcila lang ang walang imik ngunit malalim ang iniisip. Bagama't walang
kapangyarihan ay nagsikap pa rin itong makipag-ugnayan sa dati niyang daigdig... sukdulang
hininga niya ay mapatid, mailigtas lamang ang mga mahal na anak gayundin ang nayon na kanya
ngayong tahanan! Hindi naman nabigo ang dating diwata sapagkat ang nawalang kapangyarihan
ay muling ibinalik sa kanya.

Sa pamamagitan ng isip ay pinaglagablab ni Tarcila ang barko ng mga pirata. Sa bilis ng


pangyayari, ang mga tulisan naman ngayon ang nasindak at sa pagsabog ng mga bala na
nakasabit sa kanilang katawan, sila ay naubos nang wala namang kalaban. Ngunit isang sugatang
pirata ang nagkaroon pa ng pagkakataong mamaril bago ito binawian ng buhay. Sa kasawiang-
palad ay tinamaan ang magkakapatid at agaw-buhay na bumagsak sa tubig.

Napasigaw ang naghihnagpis na ina! Hindi nito maatim ang nakikitang paghihingalo ng
mga anak. Bilang diwata ay wala siyang kapangyarihang magdugtong ng buhay, datapuwa ang
magbigay ng panibagong buhay sa bagong anyo ay kanyang magagawa. Tumingin muna si
Tarcila sa asawa at...
"Ramon, nanaisin ko pa na sila'y magbagong-anyo kaysa tuluyang mawala na sa atin."

"Nasa iyo ang kapasyahan. Gawin mo ang nararapat."

Nabigkas ni Tarcila ang mahiwagang kataga bago nalagutan ng hininga sina Lala, Dada
at Sasa kaya sa isang kisapmata ang tatlong dalaga ay naging ISDA!

Matapos masaksihan ang kababalaghang iyon ay saka pa lang nalaman ng mga kanayon
ang pagiging "diwata" ni Tarcila. Lahat ay nagpasalamat sa nagawang tulong ni Tarcila at
nakiramay rin sila sa sinapit ng mga anak nito. Nagilalas ang lahat at napatingin sa mga isda, sa
kahanga-hanga nitong kulay na wari'y mamula-mula kaya sa halip na malungkot ay kagalakan
ang kanilang nadama.

Sa huling pagkakataon ang mga isda ay nagsalita.

"INA, AMA, HUWAG KAYONG MALULUNGKOT, NARIRITO LAMANG KAMI


SA DAGAT. AMING INA, IPINAGMAMALAKI KA NAMIN. IKAW PALA AY ISANG
DIWATA. MAHAL NAMIN KAYO NI AMA..."

"PAALAM NA SA INYONG LAHAT, MGA KANAYON," ang sabay na wika nina


Lala, Dada at Sasa - at marahan silang lumangoy patungong laot.

"PAALAM NARIN SA INYO MGA DALAGANG-BUKID...!" ang sagot ng kanilang


mga kanayon habang kumakaway.

Ito ang dahilan kung bakit nasa dagat ang mga "dalagang-bukid".

You might also like