Professional Documents
Culture Documents
00 Agua de Mayo
00 Agua de Mayo
00 Agua de Mayo
Pagkapasok ay dali-dali akong humalumbaba sa bintana, ang paborito kong lugar dito sa
kubo nina Inang. Nakakatuwang pagmasdan ang pagyuko ng mga dahon ng gabi sa patak
ng ulan at ang pagkaripas ng mga tutubing-karayom na kangina’y nakadapo sa mga kogon.
Mabango rin sa pang-amoy ang singaw ng pilapil na kangina lamang ay biyak-biyak.
Maya-maya pa’y nakarinig ako ng mga halakhakan. Dumungaw ako sa may labasan, at
nakita kong nagtakbuhan ang mga batang naka-panty papunta sa alulod na may
pinakamalakas na buhos ng tubig. Isinahod nila ang mga ulo na akala mo’y nagsshower.
Nakasilip pala sa likuran ko ang pamangkin kong perstaymer dito sa probinsya. Bahagya
siyang napapangiti habang pinapanood maligo ang mga bata sa labas.
“Gusto mo?”, sabay nguso ko sa mga nagsisipaligo. Matipid na pagtango lang ang isinagot
nya sa akin. “Payagan mo na, unang ulan naman ng Mayo,” sabi naman ni Inang.
“Mabilis lang ha. Baka magkasakit ka. ‘Wag ka na lang sasahod dun, may wiwi yun ng
daga,” bilin ko sa kanya habang tinatanggalan ko siya ng damit. Pinahiran ko rin ng kaunting
langis sa dibdib at likod para hindi malamigan. Pakandi-kandirit siyang tumakbo palabas ng
kubo.
“Ang laki na ni Nene, ano?” Tumango lang ako nang marahan. “Hindi pa rin nagsasalita,
dalawang buwan na a?”, usisa ni Inang. Umiling ako nang mabilis. Mula ho nang mawala
ang ate, hindi pa ho. Baka mas makakabuti kung dito siya sa inyo.”
“Alam nyo naman hong ayaw ni Dino ng bata.” Sapat na ‘yun para malaman nya ang
desisyon ko.
Pumihit ako ng tingin mula kay Inang papunta sa labas. Hayun si Nene, nakakapit-kamay sa
mga batang nagkapit-kapit at bumuo pa ng bilog habang paikut-ikot na tumatalon at
nagtatampisaw. Tinanaw nya ako mula sa bintana, sabay kumaway sa akin. Ngumiti ako sa
kanya.
Nabawi agad ito nang akma siyang niyaya ng mga kalaro papunta doon sa alulod na may
pinakamalakas na buhos. Tumingin ulit siya sa akin.